KABANATA 6

2528 Words
***EYRNA*** “Emmil!” Humahangos si Eyrna na tinakbo at mahigpit na niyakap ang kapatid nang makita niya ito sa labas ng restaurant kung saan siya galing kanina. Tama ang ibinulong ng kanyang puso na sa lugar na iyon niya ito makikita. Walang kamuwang-muwang ang kanyang kapatid na nasa labas ng pangmayamang kainan. Kawawa ang hitsura nito sa hinihintay siya. “Ate…” Sinalubong siya ni Emmil. Niyakap naman niya ito. Sobrang naginhawaan siya. “Ano’ng ginagawa mo rito?” pero pagalit na tanong niya nang kumuwala siya ng yakap kasabay nang pagpalo niya rito sa balikat. “Ikaw ang nagpasundo sa akin para dalhin dito, eh,” maang na sagot ni Emmil. Nakusot tuloy ang noo nito. Humugot nang malalim na hininga si Eyrna. Napatingala siya sa second-floor ng restaurant. Naalala niya ang nakakasuklam na nangyari sa kanya roon kanikanina lang. “Teka, akala ko ba kumakain kayo nina Miss Erika sa loob. Bakit galing ka roon sa kalsada at hindi sa loob?” pansin ni Emmil nang ma-realize nito na may mali. “N-nakauwi na kasi ako. Bumalik lang ako nang nalaman ko sa kapitbahay na sinundo ka raw ng mga lalaki,” parang wala lang na kanyang palusot bagaman ang totoo ay kinakabahan na siya. Buong-buo ang kanyang pasya na hindi niya tatanggapin ang offer ni Miss Erika na maging ghost singer ni Lailey, pero ngayon ay may pagdadalawang-isip na siya. Gagawin niya ang lahat alang-alang sa kanyang kapatid. Kung pakakaisiping mabuti kasi ay nagawan na sana nila ng masama si Emmil kung ginusto sana nila dahil sa pagmamatapang niya kanina. Mabuti na lamang at buo pa ngayon ang kanyang kapatid. “Nagsasabi ka ba ng totoo, Ate?” Subalit ay hindi naniniwala si Emmil. Walang kakurap-kurap na tumango siya. “Oo naman. Ang tagal mo kasi kanina kaya naisip ko na baka hindi ka sasama sa lalaking inutusan ni Miss Erika. Kilala na kita na matigas ang ulo, eh.” At may sasabihin pa sana ang kapatid. Laking pasalamat niya dahil tumunog ang kanyang cellphone. Nagkaroon siya ng excuse. Pero nang makita niya kung sino ang tumatawag ay nanlamig ang kanyang mga palad at tila hinahalukay naman na kalamay ang kanyang sikmura. “Bakit hindi mo sinasagot, Ate?” Napalunok siya. Ang totoo ay gusto niyang sagutin at murahin ang baklang manager na tumatawag sa kanyang cellphone, hindi lang niya magawa. Kinalaban niya ang kumukulo niyang mga dugo at baka lalo lamang lumala ang sitwasyon. Hindi niya kakayanin kung idamay nga talaga ni Miss Erika ang kanyang kapatid. “Hello?” Ang hindi niya inasahan ay agawin sa kanya ni Emmil ang cellphone at ito ang sumagot. “Akin na ‘yan.” Binawi niya agad. Huminga nang malalim at napilitang kausapin si Miss Erika. “Ano po ‘yon?” “Sa nakikita ko ay ayaw mong maulit na mawalay sa ‘yo ang kapatid mo, hindi ba, Eyrna?” Awtomatiko ang kanyang paglinga-linga sa paligid. Hinanap niya si Miss Erika. In her instinct, alam niyang nasa malapit lang ang bakla at pinapanood silang magkapatid. Demonyo ka! At ginusto niyang isigaw nang makita niya ito sa sasakyan na nakaparada sa gilid ng kabilang kalsada. Nakababa ang salamin ng magarang kotse nila kaya malinaw na nakikita niya ang may sungay nitong mukha. Lumayo siya kay Emmil ng ilang hakbang. “Ano’ng gusto mo?!” dikit ang mga ngiping tanong niya. “Tulad ng kanina, Eyrna. The contract is in my office. Bukas na bukas din ay magpunta ka roon para pirmahan iyon.” “That’s blackmail. Hindi niyo puwedeng pilitin ang taong ayaw—” Hindi niya natapos ang sasabihin dahil inagaw ng kanyang kausap. “Hindi naman kita pinipilit. Ang kaso, kapag gusto ko ay gusto ko nakukuha ko talaga kaya sorry ka na lang. And blackmailing is my forte, so there's nothing you can do.” Lalo nang nagkabuhul-buhol ang hininga ni Eyrna sa labis na galit para sa tusong bakla. “The decision is in you, Eyrna. Buhay ng kapatid mo o ang pangarap mo?” “Maawa naman po kayo sa akin,” pakiusap na niya. “Wala ako niyon, Eryna. Ang awa ko ay nakadepende sa laki ng perang papasok sa bank account ko. Pirmahan mo ang kontrata at ligtas ang kapatid mo. Tapos ang usapan,” ngunit ay tusong sabi pa rin ni Miss Erika bago nito patayin na ang tawag. Nagsara ang salamin ng kotse nito at pinasibad na ng driver nito ang kotse. Kulang na lang magkabasag-basag ang mga ngipin ni Eryna sa matindi niyang galit. Ano’ng gagawin niya ngayon? Sumagi sa isip niya na tumakbo na agad at magsumbong sa mga pulis pero dahil baka tawanan lang siya roon ay binura niya rin agad iyon sa kanyang options. “Umuwi na tayo,” akay niya kay Emmil nang balikan niya ito. “Sino iyong tumawag, Ate?” “Wala. Iyong isa sa staff ng Musika Tanghalan lang. May sinabi lang,” pagsisinungaling niya. “Eh, bakit kailangang lumayo ka pa sa akin?” “Puwede ba, Emmil, huwag ka nang madaming tanong? At saka sa susunod huwag kang sumasama sa kahit na sino. Hindi porket sinabi na ako ang nagpapasundo ay sasama ka naman agad. Parang wala kang isip, eh. Pinapahamak mo ang tao,” hindi niya namalayan ay inis niyang sermon dito. Stupid of her, nawala siya sa kanyang character. Napamaang tuloy si Emmil. Sinikap niyang maging mahinahon. “Sorry, napagod kasi ako sa pagbalik dito. Halika na, umuwi na tayo.” Pagkasabi niyon ay nauna na siyang lumakad. Walang lingon-lingon sa kapatid. Kung nakasunod ito sa kanya ay hindi niya alam. Nahihiya siya. Nakita niya lang ito nang tumawag siya ng taxi at sumakay sila parehas. Buong byahe ay wala silang imikan na magkapatid. Pati nang makauwi sila. Nagtungo agad siya sa kanyang kuwarto at nagkulong. Umiyak siya nang umiyak. Iniyakan niya ang pangarap niyang matatapos na bukas. At kasalanan niya, walang kasalanan si Emmil. Siya ang naghangad ng sobrang taas kaya ganito tuloy ang nangyari na bumagsak siya agad. Hindi rin kasi siya nakikinig. Sinabi na sa kanya ni Emmil na parang may gagawing masama sa kanya si Miss Erika pero nagbingi-bingihin siya dahil sa kasakiman niya sa pagsikat. Ang bilis ng kanyang karma. KINABUKASAN, ginising siya ng bahagyang pagkatok ni Emmil sa pinto ng kanyang kuwarto. “Ate, may bisita ka,” sabi nito. “Lalabas na,” napilitan niyang sagot. Pupungas-pungas na bumangon siya. Nakita niya ang oras. Limang minuto pa lang bago mag-alas sais ng umaga. Kung sino man ang bisita na sinabi ng kapatid ay hindi nakakatuwa. Istorbo sa kanyang tulog. Hindi ba nito alam na puyat siya? Tss! Kung hindi siya nagkakamali ay wala pang apat na oras ang kanyang tulog. Paano’y inabot siya ng madaling araw kakaisip at kakaiyak. Wala naman siyang choice kundi ang magpasyang maging ghost singer ni Lailey Salvador. Bahala na. “Aisst!” ungol niya nang makita niyang namumutok ang kanyang mga eyebags. Pati sa bagay na iyon ay wala siyang naging choice. Lumabas siyang ganoon ang hitsura. Ang saklap. “Sheb!” “Ay, puny*tang animal!” Nagulat siya sa biglang pagtili na iyon ni Rucia Manrique, dahilan para lumabas ang expression niyang bad word. “Hoy! Ang bunganga mo!” natatawang saway sa kanya ni Rucia. “Ikaw kasing bruha ka!” paninisi niya naman dito. “Sheb!” pero saglit lang ay nagtitili na niya itong nilapitan at mahigpit na niyakap. Excited, tuwang-tuwa, at gigil silang parehas ni Rucia sa isa’t isa dahil kay tagal na hindi sila nagkita. “Wow, donyang-donya,” biro niya kay Rucia nang makita niyang maayos ang hitsura ng kanyang kaibigan. Mahahalata sa kasuotan nito na original at mga mahahaling accessories sa katawan. Tumingin si Rucia sa kasama nitong lalaki. “Asawa ko, si Aman.” Nakangiting tinanguan niya ang lalaking guwapo. Hindi nalalayo sa kaguwapuhan ni Ryver na asawa naman ni Jella. Napaismid siya. Nagkunwaring nainggit. “Eh, di kayo na ni Jella ang may asawang mga guwapo at mayaman,” “Gaga!” nakatawang saway sa kanya ni Rucia. “Pero speaking of Jella, tara na sa kanya, sheb. Sa kotse na lang tayo magchikahan.” “Ay oo nga pala. Saglit lang magbihis lang ako,” aniya. “Take your time, sheb.” Tumalikod na siya’t bumalik sa kanyang kuwarto. Saglit lang ay lumabas din siya agad. “Hindi na ako naligo,” kiming aniya nang balikan niya ang tatlong bisita. “Ayos lang ‘yan. Hindi naman tayo naliligo noon,” sabi sa kanya ni Rucia. Ikinawit nito ang kamay sa braso. “Gaga!” Pabirong itinulak ng kanyang hintuturo ang noo nito. “Kayo lang ‘yon ni Jella. Papasok sa bar na walang ligo. Yuck!” Ang lakas ng naging tawa ni Rucia. “Emmil, ikaw na ang bahala rito sa bahay,” bilin na niya sa kapatid nang nagkayayaan sila ni Rucia na umalis na. “Sige, ‘Te,” tugon naman sa kanya ng kapatid. “Nasaan nga pala si Ryver?” tanong naman niya kay Rucia nang palabas sila ng bahay. “Pinuntahan na si Deann. Nahanap na raw nila kung nasaan ang anak nila ni Jella.” “Naku, buti naman kung gano’n.” Sa likod ng kotse ni Aman siya sumakay. Tabi sila ni Rucia roon at buong byahe ay daldalan sila. Ang ikinamangha niya talaga tungkol sa nangyari sa buhay ni Rucia ay ang malamang si Aman pala na nakatuluyan nito ay ang na-trip-an lang nila noon na i-prank call. Tingnan mo nga naman ang destiny. Gagawa at gagawa talaga ng paraan para mapagtagpo ang nakatadhanang magsama na dalawang tao. Ang tanong, kailan naman kaya siya bibiruin ng tadhana? Bakit wala pa siyang love life? Na-traffic ba? Sana naman humanap ng short cut na daan nang magtagpo na sila. Pagdating nila sa bagong mansyon ni Ryver Raveza ay natigil si Aling Reo na nanay ni Jella sa pagsara nito dapat sa gate. Nakunot ang noo ng matanda. Hinintay nito ang mga taong lulan niyon na lalabas. Kulay pulang heels ang makikitang lumapag sa sementong kalsada tapos ay makikita ang makinis na mga binti. Lalong nangunot ang noo ni Aling Reo. Walang sinabi si Ryver na bisitang darating kaya takang-taka ito at medyo may kaunting kaba sa dibdib. “Nanay Reo!” Pero nang lumabas doon ang napakagandang babae at patiling tinawag ang matanda ay napakabilis na napalitan nang sobrang kasiyahan ang pagtataka ni Aling Reo. “Rucia!” Kay bilis din na nilapitan ng matanda at mahigpit na yumakap ang dalagang kaibigan ng anak nito. “Kumusta po?” hanggang tainga rin ang ngiti ni Rucia na bati. Mahigpit na ginantihan ng yakap ang matanda. “Maayos naman ako.” Kumawala ng yakap si Aling Reo kay Rucia at sinipat ang kabuuan nito habang hawak ang dalawang kamay. “Lalo kang gumanda, iha. Para kang artista.” Nakangiti kahit man si Eyrna nang bumaba na rin siya sa sasakyan. “Mas maganda pa rin ako sa kanya,” at nakalabi na sambot. “Ay, congrats, Eyrna. Sabi ko na at mananalo ka. Nasa’n ang balato ko?” puri rin ni Aling Reo sa kanya. Ngumiti ulit si Eyrna tapos ay nagbeso sa matanda. “Kayo po ang balato. Ang laki ng bahay niyo. Ang yaman niyo na,” saka biro niya. “Naku, bahay ‘yan ni Ryver,” pa-humble ni Aling Reo. “Eh, sa inyo na rin kasi manugang niyo siya,” giit niya. Ikinampay ni Aling Reo ang kamay. “Bata ka talaga.” Nagpa-cute si Eyrna. Pagkuwa’y nagtatawang niyakap niya ulit nang maluwag ang matanda. “Eh, sino siya? May kasama kayong artista?” makulit na pansin din ni Aling Reo kay Aman. Natawa na talaga sina Rucia at Eyrna. Nakangiti namang inakbayan ni Aman ang fiancée saka bahagyang niyukuan ang matanda bilang magalang na bati. “Mapapangasawa ko po, Nanay,” pakilala na nga ni Rucia sa nobyo. Ngunit saglit ay naalala na ang totoong sadya. Sumeryoso ang mukha nito at humaba-haba ang leeg sa pagtanaw sa malaking bahay. “Bago tayo magkumustahan ay nasaan po si Jella. Hinanap at pinuntahan ako ni Ryver sa Ilocos Sur at sinabi na nakatulala na lang po si Jella dahil nawala si Deann. Hiniling niya na puntahan ko si Jella rito at baka makakatulong po na makita niya ako.” “Ako rin po. Nagulat na lang ako at tinawagan ako ni Ryver,” segunda ni Eyrna. Sukat niyon ay nangilid ang mga luha ni Aling Reo. “Ewan ko kung ano’ng nangyari sa kaibigan niyo. Halika kayo. Doon tayo sa loob.” Sunod-sunod silang pumasok sa malaking bahay. Sa ikalawang palapag naroon si Jella. Sobrang lungkot na nakaupo sa may bintana at kay layo ng tingin. Wari ba’y may hinihintay. “Sheb?” Si Rucia. Mangiyak-ngiyak na lumuhod sa harapan ni Jella. Hinawakan ang dalawang kamay ni Jella. Nang hindi man lang kumilos at kumurap lang si Jella ay naluha na talaga ito. Buong pagmamahal at pangungulilala na hinaplos nito ang pisngi ang nakakaawang kaibigan. “Ano’ng nangyari sa ’yo? Bakit hinayaan mong magkaganyan ka?” “Sheb, magpakatatag ka para sa anak mo,” sabi rin ni Eyrna. Naiyak din siya. Niyakap niya sa ulo si Jella mula sa likod. Nag-iyakan sila ni Rucia. Awang-awa sila sa kanilang kaibigan. Si Aling Reo ay napatalikod sa nakitang eksena nila na magkakaibigan. Si Aman ang umalo sa matanda. “Matatapang tayo hindi ba? Mga sheb tayo, ‘di ba? Walang susuko sa laban kundi kukutusan, hindi ba? Gusto mo kutusan kita ngayon? Kailan ka pa naging mahina? Kung kailan mabubuo na ang pamilya mo saka nagkaganyan? Paano kung darating na ang anak mo? Gusto mo ba na ganyan ka na makikita ka niya? Labanan mo kung anuman ‘yan, sheb,” sabi pa ni Rucia sa gitna nang pagluha. “Kutusan na natin ‘to. Inilihim pa sa atin na anak niya si Deann. Bruha!” Pabirong tinulak naman ni Eyrna ang ulo ng kaibigan habang patuloy ang pagbagsak ng luha. “Kutusan ko talaga ito, eh.” Hanggang sa bigla ay napahagulgol na si Jella. Natigilan silang lahat. Mga nagulat. “Mga sheb, sorry,” at nang banggitin iyon ni Jella ay napayakap na sila Rucia rito. Napuno ng iyakan nilang tatlo ang malawak na kuwarto. Mayamaya lamang ay nakakausap na nila nang maayos si Jella. Maayos na ito nang dumating si Ryver kasama ang anak nilang si Deann na tatlong buwang nawala dahil kinidnap daw ng dating asawa ni Ryver. Nagpunas ng mga luha si Eyrna habang pinapanood si Jella na yakap-yakap ang anak nito. At least, maganda na ang buhay ng dalawa niyang kaibigan. Bumalik na sa kanya ang problemang kinakaharap. Mamaya lamang ay pipirma na siya ng kontrata na lalong maglulubog sa kanya. Pero ayos lang. Happy ending naman sina Rucia at Jella. Ang makitang masaya ang kanyang dalawang kaibigan, masaya na rin siya. “Ayos ka lang, sheb? Ba’t ang lungkot mo pa rin?” ang hindi niya inasahan ay mapapansin siya ni Rucia. “Oo naman. Masayang-masaya ako kasi nakita ko ulit kayo,” totoong masaya man ay may halong lungkot na sagot niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD