KAAGAD na lumapit si Nick at hinablot sa mga kamay ni Soffie ang sulat. Batid niyang nagulat ang nobya ngunit wala siyang nagawa. Maging siya ay nabigla sa ginawa. Bigla na lang kasi siyang napatayo nang marinig niya ang paunang pangungusap na binasa ni Soffie. Nagpanting ang kaniyang tainga nang marinig ang salitang “dead” sa nilalaman ng liham. “Nick, bakit? Nagulat naman ako sa ‘yo.” Napahawak si Soffie sa kaniyang dibdib at niyakap ang hawak na libro. “Sorry, pinakialamanan ko.” Napahilamos si Nick ng palad sa mukha. “No, I’m sorry. It’s not like that. Hindi ko alam ang tungkol sa sulat na ‘to. Where did you find it?” Totoo ang kaniyang sinabi. Wala siyang alam sa sulat. Paanong nagkaroon ng sulat si Paolo para sa kaniya? “Dito.” Inilahad ni Soffie ang libro. “Nakaipit sa gitna.”

