HININTAY ko ang pagdating ng kotse ni Matthew sa parking lot ng law firm. Nang matanaw ko ang sasakyan niya ay lumabas agad ako ng kotse at nag-antabay sa kaniyang pagbaba. Nakita ako ni Matthew. Hinubad niya ang sunglasses at isinabit sa leeg habang naglalakad patungo sa akin. Sinalubong ko siya. Sa gitna ng parking lot kami nagtagpo. “What is it? Napapadalas yata ang pagbisita mo sa akin?” bungad ni Matthew. Imbes na magpaligoy-ligoy ay dinirecho ko agad siya. “Pakawalan mo si Celine. Tapusin mo na ang relasyon n’yo.” Natigilan si Matthew. Wala akong mabakas na reaksiyon sa mukha niya. Nagpatuloy ako. "Leave her alone. Ikaw na ang makipagkalas kay Celine." “Bakit ko naman gagawin ‘yan?” kalmadong sagot niya at ginusot ang mga kilay. "H'wag mong sabihin na may gusto ka sa kaniya?"