Natapos na ang kasal namin at nagsimula na ding umuwi ang ilan sa aming mga bisita. Sumama din sa pag-uwi sina Daddy at parents ni Jacob. Ilan naman sa mga pinsan ni Jacob ay nag-stay muna. Plano nilang mag-night swimming, kaya nagpaiwan na din muna si Cora. Ayaw sana niya dahil may importante daw siyang lakad bukas pero nadaan ko naman sa pangongonsensya at pamimilit ko sa kaniya.
"Mauna ka na sa villa natin," utos sa akin ni Jacob. Kanina pa ako inaantok. Isang baso pa lang naman ng wine ang nainom ko, pero ewan ko kung bakit parang tinablan na agad ako.
"Susunod ka ba?"
"Yes. Ubusin lang namin ang isang bote."
"Hindi ka pa inaantok, Cora?" tanong ko sa aking kaibigan.
Tahimik kasi ito. Umiinom pero hindi gaano nakikisali sa usapan. Hindi naman siya ganito. Palakaibigan siya at magaling makisama, magkaibang-magkaiba kami. Jacob's cousin was nice kaya naman hindi ako na-OP.
Pinasamahan ako ni Jacob sa isa sa mga pinsan niya hanggang sa villa. Nang makapasok ako sa kuwarto ay umalis na din ito agad upang bumalik sa grupo.
Naligo ako at nagsuot ng night dress. Pagkahiga ko ay nakatulog ako agad. Hanggang sa maalimpungatan ako bandang alas-tres nang madaling araw. Ako lang mag-isa sa kuwarto. Wala pa din si Jacob.
Bumangon ako at sumilip sa may balcony. Wala na sila sa pinag-iinuman nila. Tahimik na din ang buong paligid. Nasaan na kaya sila?
Baka kung saan na natulog ang asawa ko dahil sa labis na kalasingan.
Nagsuot ako ng roba at lumabas ako ng silid. Hinanap ko siya sa buong villa pero wala siya. Hindi pa din talaga bumabalik.
Pumunta ako sa kabilang villa, nang mapansin ko na bukas pa ang pintuan at mga ilaw. May mga gising pa sa ilang pinsan ni Jacob.
"Si Jacob?"
"Wala pa sa kuwarto niyo?"
"Wala pa, e."
"Si Cora nakita niyo ba?"
"Nasa kuwarto na niya. Lasing na lasing din ang isang iyon kanina."
Nasaan na kaya si Jacob? Naglakad-lakad muna ako sa labas upang hanapan siya. Ilang minuto din ako sa labas hanggang sa maisipan kong bumalik na, kahit hindi kasama ang asawa.
First night namin ni Jacob pero heto ako mag-isa lang sa kuwarto, tapos hindi ko din siya mahanap.
Nang magbukas ang pintuan ay doon lang ako nakahinga ng maluwag. Nandito na siya. He look drunk and he's wet.
"Ano'ng nangyari?"
"Naligo lang ako sa dagat." At this hour?
Bumangon ako upang alalayan siya. Lasing na lasing siya. Dinala ko siya sa banyo at tutulungan ko sana siyang maligo pero sinabi niya na kaya na niya.
Bumalik na lang ako sa pagkakahiga at hinintay ko siya. Kinakabahan pa nga ako kaso pagkatapos niyang maligo at magbihis, sa sofa siya nahiga.
Nagtataka ko siyang sinundan ng tingin. Bakit siya doon matutulog? I wanted to ask him but I choose not to. Baka hindi na niya kaya ang antok. Baka mas komportable siya doon? O baka naninibago na may katabi. Sabagay, hindi din naman ako sanay na may katabi, e.
Pinikit ko na lang ang aking mga mata at pinilit na bumalik sa pagtulog kahit dismayado ako.
Bumawi naman siya kinaumagahan. Nauna siyang bumangon sa akin.
"Good morning, wife..."
"Good morning..." Nahihiya ako dahil gumising akong buhaghag ang aking buhok. Nagmamadali akong pumasok sa loob ng banyo. Dapat mula ngayon maaga na akong gumigising. Mas maaga kaysa sa aking asawa. Dapat kada umaga ay maganda ako.
Naligo ako ng mabilisan. Naglagay ng iba't ibang treatment sa aking buhok para lumambot at shiny itong tingnan. Nag-apply na din ako ng liptint sa aking labi at cheeks para hindi mukhang maputla.
"Ready na ang breakfast natin," sabi niya ng may tipid na ngiti sa labi.
"I'm sorry about last night. Naparami ang inom. Nakatulog pa ako sa dalampasigan sa kalasingan." Kaya pala nawala siya.
Ngumiti ako. "It's okay."
"This way..." Sabay kaming kumain sa may balcony. Kinikilig pa nga ako habang tinatanggap ang mga pagkain na sinusubo niya sa akin. Nahihiya pa ako nang una, lalo at nakatingin siya sa akin. Nagagandahan kaya siya sa akin?
Sinubuan ko din siya ng pagkain. Hindi kami gaanong nag-usap.
Patapos na kaming kumain nang dumating si Cora.
"Hello, newly weds."
Nakasuot ito ng two piece pero pinatungan niya ito ng see through na cardigans. Napatingin sa kaniya si Jacob. Nagkangitian sila.
"Aalis na ako mamaya-maya, pero naisipan kong mag-swimming muna. Ano'ng plano niyo ngayon? Hindi naman siguro kayo magkukulong lang dito, no?" Nanunukso siyang tumingin sa akin. Nag-init ang pisngi ko kaya napaiwas ako ng tingin.
"I got work," sagot ni Jacob. Nagkatinginan kaming mag-asawa.
"Hindi ka nag-leave?" We just got married.
Umiling siya. Para bang nag-iba agad ang kaniyang mood.
"Kami na lang ni Precious ang mag-swimming kung ganoon. Tara na, friend."
Gusto ko pa sanang mag-dessert kaso hinila na ako ng kaibigan ko. Pumasok ako sa banyo upang magpalit ng panligo. Mag-ra-rushguard lang ako. Pinatungan ko ito ng mahabang dress dahil nahiya akong makita ako ni Jacob na ganito lang ang suot ko. Pumuputok pa man din ang ilang layer kong bilbil.
Paglabas ko ng banyo ay nadatnan ko silang nag-uusap na dalawa. Nakangiti si Jacob habang tumatawa naman si Cora. May pahampas pa nga sa braso ng aking asawa pero parang wala lang naman sa kaniya.
Tumikhim ako upang maagaw ang atensyon nila. Pero hindi man lang ako sinulyapan ng aking asawa.
"Tara na?" aya ko sa kaibigan ko. Tumayo na siya at lumapit sa akin. Inakbayan niya ako at sabay kaming lumabas. Nakarating kami sa dulo. Sabi ng caretaker ng island na 'to ay mas maganda daw maligo sa banda doon.
"Shoot! Nawawala ang sunscreen ko," sabi ni Cora. "Kukunin ko muna."
"Di ba nag-apply ka naman na?"
"Oo, kaso alam mo namang kailangan kong mag-apply n'on every fifteen minutes. Nagmamadali na siyang tumayo.
"Babalik din ako agad!"
Hindi ko na siya sinamahan dahil mapapagod lang ako. Nasa dalampasigan naman ang caretaker kasama ang mga anak kaya hindi nakakatakot na maiwan dito.
Ilang minuto na ang nakalipas pero hindi pa din bumabalik si Cora. Nalilibang din ako sa paglangoy kaya hindi ako nakaramdam ng pagkainip.
"Mag-isa ka lang?" Napalingon ako sa mga pinsan ni Jacob. Isa sa kanila ay mataba din ang asawa, pero mas malaki pa din ako dahil mas matangkad ako.
"Yeah, bumalik si Cora sa kasi kinuha niya iyong sunscreen niya."
"Huh? Hindi naman namin siya nakita, ah."
"Baka pabalik na din iyon," sagot ko habang nagpapalutang. Lumapit na din sila sa akin. Masaya silang kausap kaya nawili ako. Nakalimutan ko tuloy si Cora.
"Sorry, nasira ang tiyan ko kaya hindi ako nakabalik agad."
"Okay ka na ba?" nag-aalala kong tanong sa kaniya.
"Oo, nakainom na ako ng gamot." Iba na ang suot niyang swimsuit. Naka-full sleeve na siya at one piece, pero back less. She look cute in it.
Lumapit siya sa akin at niyakap ako bigla.
"Bakit?" natatawa kong tanong.
"Wala. I'm just gonna miss you. May asawa na ang best friend ko."
"Kaya nga, e. Sumunod ka na din."
"Yeah. Next year, baka mag-asawa na din ako."
"Oh? Bakit may napupusuan ka na ba?"
Humagikgik siya.
"Meron nga?"
"It's complicated," aniya at lumangoy palayo sa akin.
"Ano kaya iyon?" Lumapit ako sa kaniya. Kailangan ko siyang paaminin.
"Ano nga? Akala ko ba no secrets?"
"Sino iyong masuwerteng guy?"
"Byudo, tapos tagapagmana. Basta it's very complicated."
"Bakit complicated? Matanda na? May anak?"
"Hindi naman. Sakto lang. Let's not talk about it."
"Bakit? I want to know."
"Saka na, kapag okay na ang lahat. Ikaw ang unang-unang pagsasabihan ko."
"Okay, then."