Malapad na napangiti si Dahlia nang muli nitong ibaling ang tingin sa mga cotton candies. Iba't ibang hugis iyon at may mga kulay ng rosas, asul at lila. Habang hinihintay ang sukli nila, muli niyang nilingon ang mga lalaki na nakita kanina. Hinanap ng mata niya ang mga ito. Ganoon na lang ang pagkatigil niya nang makitang mas malapit na sa kanila ang mga lalaki. Nakatayo ang mga ito sa kabilang kalye sa tabi ng poste. Umiwas ng tingin ang mga ito nang matuon sa kanila ang paningin niya, pero nasisiguro niyang kanina pa nakabantay ang mga lalaki sa kanila. Ang isa sa mga ito ay namukhaan niya nang makita ito kanina sa labas ng toy store. Mabilis niyang ibinulsa ang sukli ng isang daan at nang makuha ni Dahlia ang cotton candy, hinawakan niya ito sa kamay bago binulungan. "Tatakbo tayo