SA kagustuhang mag-isa, hindi na sumama si Kara sa mama niya at kay Katarina. Inaya siya ni Gage na mag-stay sa Baguio. May bahay pala ito roon. Hindi na nagawang tanggihan ni Kara ang fiancé sapagkat malaki naman ang tiwala niya rito. At isa pa'y ito rin naman ang mapapangasawa niya kaya sasama siya rito sa Baguio. Iyong bahay nito, magiging bahay na raw nila kapag naging mag-asawa na sila. Hindi naman naka-hindi ang mama niya sa kaniya. Pareho silang galit sa papa niya sapagkat naglihim ito sa kanila nang matagal na panahon. May nabuntis pala itong babae at ngayon lamang nila nalaman. Parang ginawa silang tanga nito. Nang malaman ng mga nakakatanda niyang kapatid ang balita, katulad nila, nagalit din ang mga ito. Mas minabuti na lang muna nilang umalis kaysa makasama ang taong naglihim