Chapter Twelve

1880 Words
HINDI alam ni Jack kung saan siya patungo. Naglakbay siya upang hanapin si Ramona. Hindi siya maaring bumalik sa lupain ng mga patay dahil tiyak na mararamdaman ng mga hadeos ang presensya niya. Kailangan muna niyang makita si Ramona bago siya magsimulang magsulat. Napadpad siya sa patay na gubat, malapit na ito sa lupain ng Lutareo. Naisip niyang makituloy na muna sa mga lycan ngunit nag-alangan siya dahil maari siyang mapahamak. Hindi siya kilala ng lahat na lycans. Tuyot ang lupa sa patay na gubat. Ang mga punong kahoy ay wala nang buhay, maging ang mga damo. Mistura itong desyerto. Kaya siguro ito tinawag na patay na gubat dahil walang anumang nabubuhay rito. Sa aklat ng kanyang tiyo, si Ramona ay hindi basta nagpapakita sa ibang nilalang. Ito ang pumipili ng pagkakataon upang magpakita. Maari itong makita sa pamamagitan ng malawak na imahenasyon. Nang mapagod ay lumuklok siya sa malaking sanga ng kahoy na bumalagbag sa makitid na daanan. Mainit ang klima sa lugar na iyon kaya mabilis manuyot ang kanyang lalamunan. Huling lagok na niya sa dala niyang tumbler ng tubig na yari sa bato. Nang mapawi ang pagkauhaw ay sinimulan niyang magmuni-muni. Maliwanag ang paligid kahit gabi na maituturing. Ramdam din niya ang antok pero pinilit niyang huwag makatulog. Hinahanap ng kanyang diwa si Ramona. Umaasa siya na magiging epektibo ang kanyang ginagawa. Mariing nakapikit ang kanyang mga mata. Maya-maya ay umihip ang maalinsangang hangin. Dumilat siya at iginala ang kanyang paningin sa paligid. Tumingala siya nang may itim na ibong dumapo sa sanga ng patay na kahoy. Lumipad ulit ito at lumapag sa lupa-sa sa kanyang harapan. Napatayo siya nang mag-anyong tao ang ibon. Ito na si Ramona! Yumukod siya bilang paggalang dito. “Ikinagagalak ko’ng nadinig mo ang aking pagtawag,” aniya. “Ramdam ko ang iyong presensiya kahit hindi mo ako tawagin, mortal. Alam ko ang iyong sinapit sa kamay ng mga elgreto,” wika nito sa malamig na tinig. “Nararapat lamang sa akin ang parusang ito.” “Ngunit ang pasya ni Sanji ay isang pagtanggi sa pagkakataon na magiging matagumpay sila.” Bumuga siya ng hangin. “Kahit wala na ako sa Golereo, itutuloy ko pa rin ang pagtulong at maayos ang propisiya. Kaya kailangan ko ang tulong mo, Ramona.” Humakbang patungo sa burol si Ramona. Kaagad niya itong sinundan. Mula roon ay natatanaw nila ang siyudad ng Altereo. “Hindi madali ang gusto mong mangyari. Dugo mo ang magiging sandata sa iyong pagsusulat,” sabi nito. “Paano? Sa kahit anong paraan gagawin ko, maisulat ko lamang ang akda.” “Kailangan mong maisulat ang propisiya sa banal na aklat mula sa mga anghel upang magkaroon ng basbas at malabanan ang sumpa ng dilim.” “Saan ko makukuha ang aklat?” “Ako lamang ang maaring humingi niyon sa anghel ng panibagong buhay. Matatagalan bago ito makarating sa iyo.” “Maghihintay ako.” Hinarap siya ni Ramona. “Nawa’y kakayanin mong mabuhay sa labas ng Altereo na hindi napapahamak, Jack. Kailangan mo ng makakaramay,” may pag-aalalang wika nito. Nababahala siya. “Wala na akong malalapitan. Hindi ako maaring pagala-gala rito,” aniya. “Kung maari lamang ay samahan kita ngunit hindi ako maaring magtagal sa labas ng aking trono. Malulusaw ang aking katawan.” “Salamat sa pag-aalala. Sisikapin ko’ng makahanap ng tirahan pansamantala habang hinihintay ko ang aklat.” Inilabas ni Ramona ang itim nitong tungkod at itinutok sa langit. Nabuksan ang lagusan patungo sa ibang lupain. “Ano’ng lugar iyan?” tanong niya. Nakikita niya sa lagusan ang malawak na lupain. “Iyan ang buhay na kapatagan. Naninirahan riyan ang mga maharlikang dwende. Maari kang makituloy sa kanila. Aabisohan ko sila at aatasan na patuluyin ka pansamantala. Ligtas ka roon, huwag lamang may maligaw na embareon at maamoy ka.” “Paano ako makararating doon?” “Sa pamamagitan ng lagusang ito. Hindi ka maaring maglakbay dahil madadaanan mo ang Embareo at maari kang madakip ng mga bampira.” Nagagalak siya. Gusto niya ng bagong mga kaibigan. “Maraming salamat sa iyong tulong, Ramona,” sabi niya. “Walang anuman. Maari ka nang tumuloy.” Tumapat siya sa puting liwanag sa kanyang uluhan. Mamaya ay hinigop siya nito. “Aaaahh!” sigaw niya nang tila walang katapusan ang kanyang tinatahak na lagusan. “Ugh!” daing niya nang bumagsak siya sa matigas na lupa. Hindi siya kaagad nakakilos dahil sa pagkahilo. Nagulat siya nang bigla siyang lumutang. May maliliit na mga kamay na bumubuhat sa kanya. Matitinis na tinig ang kanyang narinig. “Ito ang mortal na sinasabi ni Dyosang Ramona!” sabi ng matinis na boses sa gawing uluhan niya. Nang humupa ang pagkahilo niya ay natanto niya na naroon na siya sa Buhay na Kapatagan, sa lupain ng mga dwende. Ipinasok siya ng mga ito sa makitid na pinto. Halos hindi pa magkasya ang kanyang katawan. Isa iyong bilugang bahay na bato. Inihiga siya ng mga ito sa papag na hindi magkasya ang buong katawan niya. Umupo siya. Nakatayo sa kanyang harapan ang tatlong dwende na may kayumangging balat at salawal. Malinaw na mga lalaki ito. Mahahaba ang buhok ng tatlo na pulos puti ang hibla. Puti na rin ang balbas ng mga ito na may dalawang dangkal ang haba. “Maligayang pagdating sa aming tahanan, mortal!” bati sa kanya ng nasa gitna. Isa-isa niyang pinakatitigan ang mga ito. Namamangha siya. “Kayo ang mga dwende na sinasabi ni Ramona,” aniya. “Oo, kami ang ignetos. Marami kami,” sabi ng nasa gawing kaliwa. “Ako si Oma, ang pinuno ng mga ignetos,” pakilala ng nasa gitna. “At ako naman si Emo,” pakilala ng nasa gawing kanan. “Tawagin mo akong Ato,” ang nasa gawing kaliwa naman. Malapad ang ngiti ng mga ito. “Ikinagagalak ko kayong makilala. Ako naman si Jack,” nakangiting pakilala rin niya. “Mukhang nagugutom ka na. May inihanda kaming pagkain para sa iyo,” sabi ni Oma. Nagtungo ito sa munting kusina. Tumayo naman siya at sumunod dito. Ang gamit niya ay inilapag ni Ato sa papag. Sinamahan siya ng mga ito sa hapag kainan. Pinagtiyagaan niyang kainin ang pagkaing hindi niya pamilyar pero masarap. Nakatawid ang kanyang gutom. Pagkatapos kumain ay kaagad nakatulog si Jack. Pinagpapawisan siya dahil sa maalinsangang klima. Kinabukasan paggising ni Jack ay napansin niya na sobrang tahimik ng paligid. Naghanap siya ng palikuran. May parte ng bahay na mababa ang bubong kaya kailangan niyang umuko. Natagpuan niya ang palikuran sa gawing kaliwa ng kusina. Sobrang baba ng bubong nito at ang sikip. Hindi siya makagalaw nang maayos sa loob. Wala pang tubig kaya lumabas din siya kaagad. Pumasok siya sa kusina at kumain ng pagkaing nakahain doon. Ang daming niluto ng mga dwende. Naalala niya bigla ang dwende na si Tero, na naroon sa lupain ng mga patay. Mabait naman si Tero, pero siguro, salbahe rin sa iba. Ayon sa alamat at kuwento noong unang panahon, may mga dwende talagang salbahe. Pagkatapos kumain ay lumabas siya ng bahay. Payapa ang lupaing iyon. May ilang dwende siyang natatanaw sa ‘di kalayuan na nagbubungkal ng lupa. Masipag magtanim ang mga ito. Naglakad siya patungo sa gubat. May malawak na taniman ng mga gulay at prutas doon. “Aba, Jack! Ano ang ginagawa mo rito?” Napalingon siya sa kanyang likuran. Namataan niya si Oma na may pasang isang bungkos na gulay, mga berdeng dahon. May suot itong sombrero na matulis sa tuktok. “Ah, naghahanap ako ng batis na maaring liguan,” turan niya. “Ganoon ba? Halika, sumunod ka sa akin,” sabi nito saka naglakad. Dagli naman siyang sumunod dito. Maliit lang ito pero mabilis maglakad. Pababa na sila sa kinaroroonan ng batis. Naririnig na niya ang lagaslas ng tubig. Pagdating sa malawak na batis ay namangha siya. Naliligiran ito ng malalaking bato at matatayog na punong kahoy. Tila nasa isang paraiso siya. May mga dwendeng naliligo at naglalaba. Masayahin ang mga ito. Napawi ang masasakit na emosyong kailan lang ay yumanig sa kanyang puso. “Maligo ka na, bata. Ako’y uuwi muna at maghahanda ng tanghalian,” sabi ni Oma. “Sige, maraming salamat,” aniya. “Walang anuman. Maiwan na kita.” Nang umalis si Oma ay naghubad siya ng salawal. Wala naman siyang damit pan-itaas. Mabuti may underwear siyang baon na kinuha pa niya noong umuwi siya sa mundo ng mga tao. May anim na salawal na binigay sa kanya si Peter, iyon ang papalit-palit niyang isinusuot. Umakyat siya sa itaas ng water falls at mula roon ay tumalon siya sa tubig. Iyon ang pinakamasayang parte ng kanyang paglalakbay sa ibabang bahagi ng mundo. Pakiramdam niya’y nasa normal na mundo lan siya ay namamasyal. Gusto niyang sulitin ang pagkakataong iyon. Halos isang oras ding nagbabad sa batis si Jack. Sinamahan pa siya ng mga dwende sa pagtampisaw. Ginutom siya pag-uwi ng bahay ng mga dwende. Tapos nang magluto si Oma, naroon na rin ang ibang dwende. “Mukhang napasarap ang paliligo mo sa batis, Jack,” ani ni Emo, na nagsasalansan ng mga prutas sa estante na yare sa kahoy. “Opo, ang sarap magbabad sa tubig, malamig at malinis,” aniya. “Mabuti naman at nagustuhan mo rito.” “Gustong-gusto ko!” “O siya, maupo ka na’t kumain,” apela naman ni Oma na naglapag ng mga kobyertos sa lamesa. Lumuklok naman siya sa dulong silya. “Bakit ang daming pagkain?” tanong niya nang mapansing halos mapuno ng pagkain ang lamesa. Umupo naman sina Oma at Emo sa gawing kanan ng lamesa. Dumating din si Ato at diretsong lumuklok sa gawing kaliwa. “Dahil narito ka, nagsipag magluto si Oma,” ani ni Emo. Sinipat niya si Oma. “Bihira ang pagkakataong mayroon kaming bisita na mortal at ikinagagalak namin iyon,” nakangiting sabi naman ni Oma. “Totoo iyon, Jack. Kaya huwag kang maiilang sa amin,” gatong naman ni Ato. “Maraming salamat sa inyo. Malaking tulong kayo sa akin,” aniya. “Balita ko pinalayas ka raw sa Golereo. At dahil iyon sa propisiya na ikaw ang may likha, tama ba?” usisa ni Emo. Napalis ang kanyang ngiti.” “Tama kayo. Kasalanan ko naman dahil naglihim ako at hindi kaagad sinabi ang aking pakay. Nagalit ang pinuno nila sa akin,” malungkot niyang turan. “Ngunit ayon sa dyosa, ikaw rin ang magagagawa ng solusyon sa nasirang propisiya,” ani ni Ato. Tumango siya. “Pero hindi iyon naintindihan ni Sanji. Isinisi niya sa akin ang pagkawala ng libu-libong elgreto.” “Nakalulungkot naman,” komento ni Oma. “Ngunit naniniwala kami na hindi iyon ang intensyon mo, Jack. Nararamdaman ko na busilak ang iyong kalooban,” wika ni Emo. “Salamat sa inyong malawak na pag-unawa. Sana katulad ninyong mag-isip si Sanji at ibang elgreto.” “Marahil ay napupuno siya ng galit at hinagpis kung kaya’t sarado ang kanyang isipan. Huwag kang malungkot, Jack. Darating ang araw na mapapatawad ka rin ni Sanji,” sabi ni Emo. Ngumiti siya. “Sana nga,” aniya. “O siya, kumain ka na,” si Emo. Nagpautloy na lamang siya sa pagsubo. Ang dami niyang nakain.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD