PAGKATAPOS ng tanghalian ay tumulong si Jack sa pagbungkal ng lupa upang taniman ng mga gulay. Ang sisipag ng mga dwende, nakahahawa. Payapa ang pamumuhay ng mga ito, masaya at walang iniintinding digmaan na dapat paghandaan.
Tumigil siya sa pagbungkal ng lupa nang naliligo na siya sa pawis. Inabutan siya ni Ato ng tuwalya na gawa sa balat ng uso. Nagpahid siya ng pawis.
“Malaking tulong sa amin na narito ka. Mapapabilis ang aming pagtatanim,” sabi ni Ato.
Napatingin siya sa mangkok na puno ng itim na binhi. Iyon ata ang itatanim nito roon sa lupang binungkal niya. Lumuklok siya sa gawing kaliwa ni Ato. Pumulot siya ng isang binhi. Bilog ito at kasing laki ng binhi ng sitaw.
“Anong binhi ito?” kunot-noong tanong niya habang titig na titig sa binhi.
“Iyan ang binhi ng amarelyas, isang uri ng prutas na kasing laki lamang ng puno ng kamatis ang puno. Hindi nakakain ang binhi, kundi ang bulaklak nito. Nakagagamot ng iba-ibang uri ng karamdaman ang bulaklak. Ngunguyain mo lamang iyon at tanging ang katas ang lulunukin. Mapakla ang lasa ngunit mainit sa sikmura,” wika niyo.
Namangha siya. “Nakagagamot ba ito sa mga taong katulad ko?”
“Oo naman. Katunayan, may mga taong maalam sa herbal na halaman na nakikilala na rin ang amarelyas. Nagtatanim ang mga diwata niyon sa lupain ng mga buhay upang makatulong sa mga tao. Subali’t may mga taong abusado at sinisira ang kalikasan. Ang akala ninyong damo lamang na nakasisira ng inyong lupain ay isa palang lunas sa inyong problemang pangkalusugan.”
Tama si Ato. Kahit siya ay naniniwala na may mga damo na makatutulong sa paggamot ng karamdaman. Hindi lamang iyon napapansin ng mga tao dahil sa modernong pamamaraan ng paggagamot.
“Naniniwala ako. Noong panahon ng ninuno ko, walang ospital, walang mga doktor. Ngunit may mga tao na maalam sa paggagamot ng mga karamdaman. Alam niya kung ano’ng halaman ang maaring patayin ang lason. Alam din nila ang nakalalasong halaman,” aniya.
“Totoo ‘yan. Nakalulungkot isipin na nagbabago na ang mga tao. Karamihan sa kanila ay walang malasakit sa kalikasan, sa halip ay sinisira nila ito. May mga taong ganid at makasarili. Nasisira ang mundo dahil sa abusadong mga tao.”
Ramdam niya ang pait at gigil sa tinig ni Ato. Nakadama siya ng munting konsensiya, dahil minsan na rin siyang naging pabaya sa kalikasan. Ang papel na kanilang ginagawang libro, nagmula sa punong kahoy. Nagsusunog din siya ng mga basura, na kahit alam niyang hindi maganda ang maidudulot sa mundo ay nagbubulag-bulagan siya.
“Paumanhin kung naging marahas kaming mga tao,” sabi niya sa malamig na tinig.
Bumuntong-hininga si Ato. “Maaring hindi pa nakikita ng mga tao ang resulta ng kanilang pag-aabuso sa kalikasan. O maaring alam nila, ramdam nila ngunit nanatiling bulag sa katotohanan. Babalik din sa mga tao ang masamang dulot ng pag-abuso sa kalikasan. Ang isang punong kahoy, katumbas ng isang buhay. Paano kung ubos na ang mga ito? Paano kayo hihinga na walang nagsusustento ng hangin na malinis? Darating ang araw, manlilimos na rin kayo ng hanging inyong lalanghapin upang mabuhay. Masaklap hindi ba?” litanya nito.
Nagsikip ang kanyang dibdib. “Tama ka, Ato. Sa dami ng mga tao, iilan na lang ang nagpapahalaga sa kalikasan. Inaamin ko na isa ako sa mga taong umaabuso. Pero hindi pa huli ang lahat, maisasalba pa ang kalikasan.”
“Sana’y katulad ka rin ng iba mag-isip.”
Nang tumayo si Ato ay sinimulan na nilang magtanim ng binhi.
“Paano ninyo naibebenta ang mga gulay at prutas?” tanong niya kay Ato.
“May mga bampira na bumibili sa amin ng gulay at prutas kapalit ng ginto. Ang mga lycan naman ay kusa naming inaabutan ng mga prutas bilang pasasalamat sa kanilang pagbabantay sa aming nasasakupan,” tugon nito.
“Hindi ba kayo sinasaktan ng mga bampira?”
“May mga bampirang salbahe pero nakakasundo naman namin sa mabuting usapan. May pagkakataon lamang na abusado ang mga iyon. Nakikisama lamang kami sapagkat nais naming magsilbi sa mga taong alipin nila.”
Natigilan siya. “Nakapapasok kayo sa Embareo?” nasasabik niyang gagad.
“Minsan, sa tuwing maghahatid kami ng aming produkto.”
“Kumusta ang kalagayan ng mga tao?” usisa niya.
“Hindi maganda, Jack. Nakaaawa sila.”
Mariing nagtagis ang bagang niya. “Kasama roon ang mga kapatid ko at kasintahan.”
“Nawa’y buhay pa sila.”
“Sana nga.” Naninikip ang dibdib niya habang iniisip ang mahal niya sa buhay.
ISANG lingo ang lumipas. Nakalimutan ni Jack ang kanyang agam-agam dahil sa araw-araw na batak sa trabahong pagsasaka. Naalala niya ang panahong nabubuhay ang mga magulang niya. May lupang sakahan din sila sa probinsiya ng Pangasinan. Binatilyo siya noong tumutulong siya sa kanyang lolo sa pagtatanim ng mga gulay sa tuwing walang pasok.
Noong namatay ang kanyang mga magulang at lolo, napabayaan na ang lupain hanggang sa naibenta niya ang kalahati upang tustusan ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid. Mabuti nakapagtapos na siya ng pag-aaral.
Dahil sa maghapong pagsasaka ay maagang nakatulog si Jack. Nagising din siya sa alanganing oras. Pinilit niyang makatulog ulit ngunit nababalisa siya. Mababaw na ang kanyang tulog. Nararamdaman pa rin niya ang presensiya ng paligid.
Jack!
Bumalikwas si Jack nang marinig ang boses ni Alona na tinatawag siya. Bigla siyang tumayo.
“Ugh!” daing niya nang tumama ang ulo niya sa matigas na bubong.
Nakatulog siya sa masikip na silid. Sa sobrang baba ng bubong ng bahay ay kailangan niyang yumuko. Mataas lamang ang bubong sa bandang salas at kusina. Lumabas siya ng silid na nakayuko. Walang hanging pumapasok kaya lumabas siya ng bahay. Makulimlim ang paligid at nakabibingi ang katahimikan.
Jack…
Umugong muli sa pandinig niya ang tinig ni Alona. Iginala niya ang kanyang paningin sa paligid. Nahagip ng paningin niya ang babaeng mahaba ang buhok at nakasuot ng puting bestida. Nakatalikod ito habang papalayo. Bulto ito ni Alona!
“Alona!” tawag niya rito.
Patakbong hinabol niya ang babae hanggang makarating siya sa gubat. Nawala na ito sa kanyang paningin. Tumingala siya. May malaking ibon na lumilipad. Nawindang siya nang mahinuha na hindi ito basta ibon, isa itong embareon! Nasagap nito ang presensya niya.
Patakbong bumalik siya sa bahay ng mga ignetos. Hindi siya maaring manatili sa lugar na iyon gayong sinusundan siya ng mga bampira. Mapapahamak ang mga dwende. Kinuha niya ang kanyang gamit at umalis na walang paalam.
Tatlo na ang embareon na lumilipad sa ere. Nakasunod ang mga ito saan man siya magpunta. Natitiyak niya na may mga bampira sa paligid. Kailangan mailayo niya ang mga ito sa Buhay na Kapatagan. Sa kanyang palagay, hindi napansin ni Ramona na may ispiya ang mga bampira upang maghanap ng mortal sa paligid ng Altereo.
Tumigil siya sa gitna ng masukal na gubat. Namataan na naman niya ang bulto ni Alona. Sinundan niya ito hanggang mapadpad siya sa batis na umuusok ang tubig.
“Alona!” tawag niya sa dalaga.
Hindi siya nito nililingon. Nilakihan pa niya ang paghakbang upang maabutan ito. Nang abot kamay na niya ito ay hinaklit niya ito sa balikat at pinihit paharap sa kanya.
“Hump!” Napaatras siya nang iba ang mukha ng babae.
Maputla ito, nangingitim ang paligid ng mga mata na may pulos puting eyeballs. Nanlaki ang mga mata niya nang bumuka ang bibig nito na sobrang laki at may matutulis na ngipin. Isa itong bampira! Nahulog siya sa patibong!
Kaagad niyang hinugot sa kaluban ang kanyang espada at hiniwa ang baywang ang babae. Kaagad itong nasunog at naging abo. Nabaling ang tingin niya sa kumukulong tubig. Inihanda niya ang kanyang sarili nang may lumitaw na mga bampirang hubad, maputla, may buntot at malalaki ang bibig. Marami ang mga ito.
Nang sumugod ang mga ito ay isa-isa niyang hiniwa ng espada ang katawan. Mabibilis kumilos ang mga ito kaya tinalasan niya ang kanyang pandamdam at binilisan ang kanyang kilos.
“Ugh!” daing niya nang masakal siya ng kamay ng isang lalaking bampira mula sa likuran.
Pinagtataga niya ang sumusugod sa kanya buhat sa harapan. Lalong dumarami ang mga ito. Inilusot niya ang espada sa kanyang likuran at tinamaan ang kalaban doon. Hindi nauubos ang mga bampira. Lumayo siya sa tubig upang maiwasan ang iba ngunit may matulis na bagay na tumulos sa kanyang likod.
“Aaah! s**t!” sigaw niya.
Sa kabila ng matinding kirot ay nagawa pa rin niyang makipaglaban. Hindi niya ininda ang punyal na nakatarak sa kanyang likuran. Hindi siya maaring sumuko. Kailangan siya ni Alona at ng mga kapatid niya. Kailangan siya ng mga elgreto.
Bumagsak siya sa lupa nang tamaan siya ng malakas na tadyak sa kanyang ulo. Nanilim ang paningin niya ngunit nagpumilit siyang bumangon. May bampirang lumapit sa kanya at akmang dadamputin siya ngunit may humila rito palayo sa kanya. Ang taning nakita lamang niya ay ang malalaking paa na mabuhok. Ginupo na siya ng matinding kirot na siyang sanhi ng pagkawala ng kanyang ulirat.