NAGISING si Jack nang manuot ang kirot sa kanyang likod. Pumihit siya patagilid. Nang tuluyang manumbalik ang kanyang kamalayan ay dumilat siya. Iginila niya ang kanyang paningin sa paligid. Maliwanag sa paligid dahil sa apoy na nagsisilbing ilaw.
Bumalikwas siya. Makirot pa rin ang likod niya na tinamaan ng punyal. May nakalapat na dahon sa kanyang sugat. Bumangon siya at sinuyod ang makitid na daan palabas. Naroon siya sa yungib. Paglabas niya ay namataan niya ang dwendeng sina Ato at Emo. Kausap ng mga ito ang mga lycan.
Napanatag siya nang mahinuha na naroon siya sa Lutareo. Nang makita siya ng mga dwende ay tumakbo ang mga ito patungo sa kanya.
“Pambihira, pinag-alala mo kami nang husto, Jack!” balisang sabi ni Emo.
“Oo nga. Ano ang iyong dahilan bakit ka tumakas?” sabad naman ni Ato.
“Pasensiya na, kailangan kong lumayo sa inyo dahil may mga embareon na nakatunton sa akin. Ayaw kong madamay kayo,” turan niya.
“Salamat ngunit ipinaubaya ka sa amin ni Dyosang Ramona,” ani ni Emo.
“Huwag n’yo na siyang intindihin!” apela ng lycan na si Rizor. Tila normal na tao lang ito na hubad-baro at tanging abuhing salawal na mabalbon ang suot. Humakbang na ito palapit sa kanila.
“Ngunit tungkulin naming bantayan si Jack,” sabi ni Emo kay Rizor.
Hinipo ni Rizor ang ulo nito. “Kami na ang bahala sa kanya. Tama si Jack, mapapahamak kayo kung doon siya mananatili sa inyo. Maari n’yo pa rin naman siyang bisitahin dito kung kailan ninyo gusto,” anito.
“Tama siya, Emo. Mas magiging maayos ang inyong pamumuhay kung wala ako sa puder ninyo,” gatong niya.
Humalukipkip si Emo. “Aba’y wala akong magagawa kung iyan ang iyong pasya, bata. Ako na ang bahalang magbigay-alam kay Dyosang Ramona na narito ka sa Lutareo.”
“Maraming salamat,” aniya.
Maya-maya ay nagpaalam na ang dalawang dwende.
“Paano ka natagpuan ng mga bampirang halimaw?” tanong ni Rizor nang magkaharap na silang nakaupo sa silya’ng yari sa bato. Nasa harapan sila ng mahabang lamesa na yari sa adobe.
Kung hindi siya nagkakamali, ito ang tumulong sa kanya laban sa mga bampira. “Nalinlang ako ng babaeng bampira. Isa pala iyong patibong,” tugon niya.
“Hindi sapat ang iyong sandata at lakas upang matalo ang ganoong uri ng bampira. Mabilis silang dumami kumpara sa karaniwang bampira na may anyong tao.”
Bumuntong-hininga siya. “Salamat, Rizor. Utang ko sa iyo ang aking buhay,” aniya sa matamlay na tinig.
“Walang anuman. Inutusan ako ni Vulther na magmanman sa kagubatan ng Altereo nang napansin namin ang lumilipad na embareon. Kaya alam namin na may hinahanap silang tao.”
Naalala niya, may tatlong uri ng bampira siya na nilikha sa kanyang akda. Ang maharlikang bampira ang may anyong tao, ang embareon at ang mga halimaw na bampirang kumakain ng mga kaluluwa at nabubuhay sa tubig. Ang mga iyon ang naengkuwentro niya. May kakayahan din ang mga bampira na magbalat-kayo o gumawa ng ilusyon upang gayahin ang sinumang nilalang.
Dumating naman si Raul at Vulther. Naghain ng sariwang karne ng baka si Raul. Mayroon namang naluto nang bahagya. May ganoong putahe rin sa Golereo kaya nasanay na siyang kumain ng sariwang karne.
“Ikinagagalak kong makasama ka, Jack. Marami tayong pag-uusapan,” ani ni Vulther. Lumuklok ito sa dulong bahagi ng lamesa. Umalis naman sina Rizor at Raul.
“Salamat sa pagtanggap ninyo sa akin,” wika niya.
“Walang anuman. Matagal ko na ring gustong imbitahin ka na manatili muna rito. Nabatid ko na pinalayas ka ni Sanji.”
Bumuga siya ng hangin. “Natuklasan niya ang sekreto ko,” malamig ang tinig na sabi niya.
“Dahil ba iyon sa aklat ng propisiya na likha ng iyong tiyuhin?”
Namangha siya. Alam din iyon ni Vulther. “Oo. Paano mo nalaman ang tungkol doon?”
“Sa simula pa lang na nakita kita ay alam ko na na ikaw ang mortal na sinasabi ni Grego.”
“Kilala mo si Grego?!” gilalas na untag niya.
“Nagkita kami sa lagusan patungo sa lupain ng mga tao. Nakiusap siya sa akin na bantayan ka at tulungan na hanapin ang iyong kaanak. Subali’t naunahan ako ng mga elgreto sa pagkupkop sa iyo.”
“Alam mo na rin na ako ang gumulo sa propisiya?”
“Oo.” Matamang tumitig sa kanya si Vulther. Kalmado lang ito, walang bakas ng poot sa mga mata. “Hindi ako apektado. Ikaw ang lumikha sa aming mga lycan at mga bampira. Ikaw lamang ang makatutulong upang malagay sa tahimik ang lahat. Ang propisiya ay nakatakdang maganap ayon sa kagustuhan ng may likha nito. Ang iyong tiyo ay hindi napanindigan ang kanyang nasimulang laban dahil sa takot na ubusin ng mga hadeos ang kanyang angkan.”
“Kaya sinilyuhan ng tiyo ko ang ilang yugto sa kanyang aklat. Paano niya nagagawa ang lahat nang iyon?” usisa niya.
“Hindi lamang ang iyong tiyo ang may gustong pabagsakin ang mga hadeos. Naimpluwensiyahan siya ng matandang babaylan na may malalim na poot sa mga hadeos dahil sa pagkawasak ng angkan nito. Ginamit ng babaylan ang iyong tiyo upang gawin ang libro. Ang babaylan ang nagtanim ng sumpa sa libro sa pamamagitan ng mga kamay ng iyong tiyo. Naisalin ang sumpa sa libro kaya iyon ang naging salamin ng propisiya. Pinatay ni Haring Demetre ang babaylan at nadamay ang iyong tiyo. Subalit ang aklat ng propisiya ay hindi nasupil ni Haring Demetre. Kaya naisip nila na sirain ang aklat nang mapigil ang nakatakda. Ngunit ang hindi napaghandaan ni Haring Demetre ay ang bagong bersyon ng propisiya na iyong isinulat. Dahil sa nasirang silyo, nagpatuloy ang propisiya at umayon sa iyong bersyon na nagbago. Ang pagpapatuloy ng propisiya ay nakadepende sa imahinasyon ng may akda. Magiging epektibo lamang ito kapag naisulat sa banal na aklat,” mahabang paliwanag ni Vulther.
Panay ang buntong-hininga niya. “Tama si Ramona, kailangan kong maisulat sa banal na aklat ang karugtong ng akda upang makontrol ko ang pangyayari.”
“Hindi ganoon kadali ang pagsasabuhay ng iyong akda bilang propisiya, Jack. Dugo mo ang nakataya.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?” Naguguluhimanan siya.
“Dahil wala na ang babaylan na bumubuhay sa propisiya gamit ang itim na mahika, kailangan mo ng sarili mong dugo bilang tinta. Ang banal na aklat ay siyang bubuhay sa anumang maisusulat mo sa aklat.”
“Ang ibig mo bang sabihin ay dugo ko mismo ang gagamitin ko upang makapagsulat?” nawiwindang niyang gagad.
“Tama ka. Ganoon ang ginagawa ng mga babaylan na naging kaibigan ko. Kapag nakuha ni Ramona ang banal na aklat, ganoon din ang sasabihin niya sa iyo. Bibigyan ka niya ng panulat at ang iyong dugo ang magsisilbing tinta.”
Nababalisa siya. Hindi siya sigurado kung magagawa niya nang maayos ang kanyang tungkulin. Mauubos muna ang dugo niya bago niya matapos ang kuwento.
“Mahirap magsulat na gamit ang dugo pero sisikapin ko,” aniya.
“Huwag kang mag-alala, narito kami upang protektahan ka laban sa mga bampira. Alam namin na hahanapin ka nila gayong batid na ni Haring Demetre na narito ka sa Altereo. Nagpapakalat siya ng ispiya upang matunton ka.”
Bigla niyang naisip si Alona at mga kapatid niya. “Sana bago sumiklab ang digmaan ay mailabas ko rito ang mahal ko sa buhay,” aniya.
“Kung nasa kamay sila ng mga bampira, mahihirapan tayong mailigtas sila. Kailangan nating lusubin ang Embareo,” ani ni Vulther.
Matamang tumitig siya rito. “Magagawa ba natin iyon?”
“Sa ngayon ay malabong magwawagi tayo laban sa mga bampira. Kakampi nila ang mga hadeos. Hindi sapat ang aming grupo upang magapi sila. Sampu na lamang kaming natitirang mandirigma. Karamihan sa lycans ay mga bata pa at mga babae na mahihina. Ayaw ko silang himuking makipaglaban nang maaga at hindi sapat ang kanilang lakas. Kaya naghahanap kami ng tao na gustong maging kauri namin.”
“Ang nais ko sanang mangyari sa aking akda ay magsasanib-puwersa kayong mga lycan at elgreto. Sa paraang iyon ay magagapi ninyo ang kaaway. Ang problema, hindi ko pa iyon naisulat sa akda na ninakaw ng mga hadeos. Kaya ang mangyayari lamang ay yaong mga naisulat ko na kasama sa sinilyuhan ng sumpa at kasama sa propisiya.”
Umalon ang matipunong dibdib ni Vulther. “Walang problema sa akin ang pakikipagsundo sa mga elgreto. Ang mga matatandang lycan ang sumasalungat dahil sa poot na itinanim nila sa mga elgreto,” sabi nito.
“Sa pagkakataong ito, kailangan nilang magparaya at magpatawad. Mauubos ang lahi ninyo kung magmamatigas kayo. Kailangan din kayo ng mga elgreto.”
“Hinihintay ng mga ninuno namin na ang mga elgreto ang unang makipag-areglo at bubukas ng kasunduan. Ako’y umaayon lamang sa pasya ng nakatatanda. Namumuno ako para sa aming kaligtasan ngunit sila pa rin ang magpapasya sa mga bagay na personal.”
Nalulungkot siya. Gusto niyang himukin ang matatandang lycan na tanggapin ang mga elgreto. Ang problema, wala pang ginagawang hakbang ang mga elgreto.
“Pahintulutan mo akong kausapin ang matatandang lycan,” aniya.
Tumango si Vulther.
Pagkatapos kumain ay iginiya siya ni Vulther patungo sa yunib na tirahan ng matatandang lycan. Mahigit isang libong taon na ang ilan sa mga ito. Limang matatandang lycan ang humarap sa kanya. Mahigit singkuwentang lycan ang nabubuhay, kasama ang mga bata, matatanda at babae. Sampu na lamang ang mga mandirigma at biyenteng binatilyo na nagsasanay pa lamang makipaglaban.
Si Vencio ang pinakamatandang lycan na nabubuhay, ang nagsisilbing ama ng lahat. Nakipagpulong siya rito at binuksan ang paksa hinggil sa pakikipagsundo sa mga elgreto. May ilang sang-ayon ngunit si Vencio ay matigas ang paninindigan.
“Ano ang iyong gustong mangyari, bata? Kami ang unang lalapit sa mga elgreto? Hindi ba’t sila itong nagkasala?” protesta ni Vencio.
“Ang mga elgreto ay gustong makipagsundo sa inyo ngunit natatakot sila. Kung ipakikita ninyo ang inyong simpatiya sa kanila, magkukusa silang lalapit sa inyo at magpapakumbaba. Nasa kanila kung paano nila tanggapin ang kahihiyan sakaling kayo pa ang magmalasakit sa kanila. Si Sanji at punong mangangaso ang nasusunod sa Golereo. Madaling kausap si Sanji, maliban sa punong mangangaso na may sariling batas,” matapang niyang pahayag. Nakaupo siya sa dulong lamesa kaharap si Vencio. Nakapaligid din ang ibang lycan.
“Hindi ko matatanggap ang iyong mungkahe, bata. Ayon kay Vulther, ikaw ang lapastangang nakialam sa propisiya ng mundong ito. At ano ang maitutulong mo sa amin?” nagdududang wika ni Vencio.
“Narito ako upang ayusin ang propisiya. Galit sa akin ang mga elgreto dahil sila ang labis na napinsala ng nilikha kong propisiya. Wala akong masamang intensyon. Hindi ko sadyang guluhin ang pamumuhay ninyo rito. Handa akong gawin ang lahat maitama ang aking pagkakamali.”
“At sa palagay mo ba magtatagumpay ang naisip mong ideya?”
“Natitiyak ko iyon, ginoo. Ako ang nakaaalam kung ano ang mangyayari kaya sana ay magtiwala kayo sa akin.”
Biglang tumahimik. Nagbulong-bulungan ang matatandang lycan. Nakaupo sa gawing kaliwa niya si Vulther at nakikiramdam. Maya-maya ay tumayo si Vencio.
“Pumapayag na ako,” sabi nito.
Umaliwalas ang kanyang mukha. Napatayo rin siya. “Marami pong salamat!”
“Ngunit hindi kami ang pupunta sa Golereo upang makipagsundo sa mga elgreto,” sabi ng matanda.
“Magpapadala ako ng imbetasyon kay Sanji,” sabad naman ni Vulther.
“Mainam ang naisip mo, Vulther. Sige na, gawin ninyo ang nararapat,” ani ni Vencio.
Napupuno ng antisipasyon si Jack. Sa halip na magpahinga ay sumabay siya sa mga lycan na nagsasanay makipaglaban. Gusto rin niyang matutunan ang paraan ng mga ito sa pakikidigma.
Nalungkot si Jack nang sabihin ni Vulther na hindi sumagot si Sanji sa liham na pinadala nito. Maaring nagduda na si Sanji na siya ang may pakana ng desisyon ng mga lycan. Galit pa rin ito sa kanya.
“Wala tayong magagawa kung si Sanji mismo ang tatanggi sa pagkakataong ito,” sabi ni Raul.
Kasalo niya ang mga ito sa pagkain. Naroon din ang ibang meyembro. “Alam niya na narito ako,” aniya sa malamyang tinig.
“Matigas ang puso ni Sanji. Nadadaig siya ng galit. Binalot ng poot at hinagpis ang kanyang puso kaya wala nang lugar ang pagmamahal,” wika ni Vulther.
Aminado siya na hindi pa niya lubos na kilala si Sanji. Hindi naman niya ito masisi kung ganoon ito katigas.
“Ang problema, nagiging maluwag si Sanji sa ibang elgreto na nagtatraidor sa kanya,” tiim-bagang niyang sabi.
“Tama ka, maraming traidor sa Golereo at isa iyon sa dahilan bakit nag-aalangan ako noon na makipagkasundo sa kanila,” si Vulther.
“Sina Souljen at Killian, mga traidor sila,” gatong ni Rizor.
Umasim ang kanyang mukha. Hindi siya pabor sa sinabi nito na pati si Souljen ay traidor. Iniisip niya na baka galit lang si Rizor kay Souljen dahil sa pagsabat dito ng babae noong dakpin siya nito.
“Paano mo nasabing traidor si Souljen?” hindi natimping usig niya kay Rizor.
Ngumisi ito. “May relasyon sila ni Killian. Madalas kong kaaway si Killian dahil sa pagpigil nito sa akin na makalabas ng lagusan. Nahuli ko siya na may kausap na mga hadeos. Alam ni Souljen ang ginagawa ni Kilian pero hindi niya sinasabi kay Sanji. Malamang, hindi papayag si Killian na makipagsundo kami sa mga elgreto dahil alam niya na katapusan na ng mga hadoes at damay siya,” ani ni Rizor.
Nagimbal siya. Bagaman nasabi na sa kanya ni Souljen ang tungkol sa pagtatraidor ni Kilian, hindi pa rin siya naniniwala na kasabwat nito si Souljen. Pinipilit lang ng babae na pigilan si Kilian.
“Alam ko ang bagay na iyon ngunit ramdam ko na gusto lamang baguhin ni Souljen si Kilian,” aniya.
Tumawa si Rizor. “Hindi mo kabisado kung paano maglaro ang mga traidor, Jack. Kung may malasakit si Souljen sa mga elgreto, hindi niya patatagalin ang sekreto nila ni Kilian. May galit din si Souljen sa mga elgreto dahil ang mga ito ang nagtaboy sa mga sumilians simula noong pinatay ng tatay niya ang kanyang ina na elgreto.”
Bumuntong-hininga siya. Naniniwala pa rin siya na mabuti ang hangarin ni Souljen. Hindi na lamang siya nakipagtalo dahil wala rin naman siyang alam sa buong kuwento. Hindi kasama sa akda niya ang ibang kuwento na nagmula pa sa aklat ng kanyang tiyo.