PABILING-BILING sa kanyang higaan si Jack. May isang oras na siyang nakahiga pero nanatiling aktibo ang kanyang isip. Paulit-ulit niyang napapaniginipan si Alona, na hindi siya kilala. Hindi niya maintindihan ang ipinapahiwatig ng panaginip na iyon.
Nang hindi pa rin siya makatulog ay lumabas siya ng yungib. Ang malaking yungib ang nagsisilbing tirahan ng mga lycan. May mas malalim itong tunnel na nasasakupan ng malawak na kabundukan. Medyo malamig ang klima roon.
Namataan niya si Vulther na nakatayo sa tuktok ng burol at nakatanaw sa kapatagan. Nilapitan niya ito at tumayo sa gawing kaliwa nito. Mula roon ay natatanaw nila ang bayan ng Golereo.
“Hindi pa rin ba sumasagod si Sanji sa iyong liham?” tanong niya rito.
Umiling ito. “Marahil ay batid ni Sanji na narito ka.”
“Iyon ba ang dahilan kaya nagdalawang-isip siya na makipagsundo sa inyo?”
Humarap sa kanya si Vulther. “May mas malalim pang dahilan. Hindi ikaw ‘yon, Jack,” sabi nito.
Kunot-noong tumitig siya rito. “Kung ganoon, ano pa ang dahilan?”
“Dahil sa akin.”
Nawindang siya. “May malalim ba kayong alitan?” usisa niya.
“Namatay ang nakababatang kapatid na babae ni Sanji dahil sa akin. Ibinuwis ni Solidad ang kanyang buhay noong nahuli ako ng mga bampira at sana’y papatayin. Dahil sa pagmamahal sa akin ni Solidad kaya niya iyon nagawa. Isinisi sa akin ni Sanji ang lahat,” kuwento nito sa malamig na tinig.
May kung anong pumipiga sa puso niya. Ang pangyayaring iyon ay hindi sakop ng kanyang akda. Pero ang nangyaring pagkahulog ni Vulther sa kamay ng mga bampira ay kasama sa nobela ngunit nakalaya ito sa tulong ng mga kasama nito. Maaring hindi lahat na naisulat niya sa nobela ay nangyayari. Bigla siyang may naisip na ideya.
“Maaring mabago ang propisiya!” nagagalak na sabi niya.
“Paano mo babaguhin gayong nakatala na ito sa silyadong akda?”
“Oo, mangyayari ang huling yugto na isinulat ko ngunit maari nating guluhin ang huling bahagi.”
“Paano?”
“Sa huling yukto na isinulat ko bago ito nakawin ng mga hadeos, aatake ang mga bampira sa Golereo at maraming masasawing elgreto. Iilan lamang ang matitira. Ayaw kong mangyari iyon. Sa muling paglitaw ng araw, magkakaroon ng katahimikan. Subalit sa muling paglubog nito ay sisimulan ng mga bampira ang pag-atake.”
“At ano ang maari nating gawin?”
“Susugod tayo sa Golereo sa araw na iyon. Tutulungan natin ang mga elgreto. Sa paraang iyon, magkakaroon ng dahilan ang mga elgreto na umanib sa inyo.”
Biglang tumahimik si Vulther at napaisip. Umaasa siya na aayon ito sa plano niya.
“Maganda ang ideya mo, Jack, ngunit hindi natin tiyak kung gaano kalakas ang puwersa ng mga bampira na susugod sa Golereo,” nag-aalangang sabi nito.
Bumuntong-hininga siya. “Oo dahil sa lahat ng nilalang dito sa Altereo ay mga bampira ang pinakamarami. Pero kayong mga lycan ang mas malakas, Vulther. Ang inyong mga kamay ang wawasak sa mga bampira.”
“Pag-iisipan ko. Kailangan ko munang kausapin ang aking nasasakupan,” sabi nito saka siya iniwan.
Hindi pa man sumang-ayon si Vulther at gumawa na si Jack ng kanyang plano para sa pag-atake ng mga bampira. Ang dapat nilang tutukan ay ang mga embareon na nakalilipad. Sa palagay naman niya ay kabisado ng mga lycan ang galaw ng mga bampira.
Iginuhit niya sa lupa ang mapa ng Golereo. Hindi niya hahayaan na mawasak ang mga elgreto. Hindi siya natulog matapos lang ang kanyang plano. Pagkuwan ay hinanap niya si Vulther. Naroon ito sa tunnel kausap ang ibang lycan. May argumentong nagaganap. Kumubli siya sa likod ng pader at nakinig.
“Nahihibang na ba si Jack? Hindi tayo maaring makialam sa giyera ng mga elgreto at mga bampira!” nakasigaw na tutol ni Raul.
“Tama siya, Pinuno, mabalasik ang inyong naisip,” gatong naman ng iba.
“Makinig kayong lahat!” asik ni Vulther. Biglang tumahimik ang iba. “Kung hindi natin tutulungan ang mga elgreto, maaubos sila. Masasakop ng mga bampira ang Golereo. Pagkatapos niyon, tayo ang isusunod nila.”
Hindi nakatiis si Jack, lumantad na siya at umapela. “Tama si Vulther!” aniya.
Nabaling sa kanya ang atensyon ng lahat. May ilang lycan na masama ang tingin sa kanya.
“Hindi mo naintindihan ang sitwasyon namin, Jack. Iilan na lamang kaminng mandirigma na nalalabi. Paano kung masawi pa ang iba dahil sa gyera ng mga elgreto at bampira?” ani ni Raul.
“Naintindihan ko, Raul. Ngunit higit kayong mahihirapan sakaling maubos ang elgreto. Hindi sapat ang inyong pangkat upang magwagi kontra sa mga bampira. Gagamitin natin ang digmaang ito upang mabawasan ang mga bampira. At kapag nagsanib-puwersa kayo at mga elgreto, maari na ninyong mapasok ang Embareo. Mailalabas natin ang mga tao na pinagmumulan ng pangunahin nilang pagkain. Mauubusan sila ng supply ng dugo, iyon ang kanilang matinding kahinaan,” paliwanag niya.
“Magtiwala tayo ay Jack. Alam niya ang magaganap,” ani ni Vulther.
“Paano kung hindi tayo magwawagi?” nababahalang tanong ni Rizor.
“Kailangan maging positibo tayo. Habang papalapit ang paglusob ng mga bampira sa Golereo, lubusin natin ang pagkakataon upang magnasay at pag-aralan ang pagsugod,” aniya.
“Sige, sang-ayon ako!” sabi ni Raul, sa wakas.
Sumang-ayon din ang iba. Sa huli ay pabor na rin ang lahat sa kanyang plano. Labis niya iyong ikinatutuwa.
PUSPUSAN ang pagsasanay ng mga mandirigmang lycan. Katuwang naman ni Jack sina Vulther at Raul sa pagplano ng paglusob sa Golereo. Dahil naroon sila sa mataas na bahagi ng Altereo, makikita nila ang nagaganap sa ibabang bayan. Maaamoy at mararamdaman din ng mga lycan ang presensya ng mga bampira kahit nasa malayo ang mga ito.
Ang mga lycan ang unang makaaalam kung parating na ang mga bampira. Mabilis na nakasundo ni Jack si Delta at Jade, ang ex-human na lycans. Magkasintahan ang dalawa noong tao pa ang mga ito.
Pagkatapos ng pagpupulong ay nagkaroon siya ng pagkakataon na makausap si Delta. May isang daang taon na itong naroon sa Altereo. Nalungkot siya matapos marinig ang kuwento nito.
“Paano naman napunta rito si Jade?” tanong niya. Nakaluklok silang dalawa sa lilim ng punong kahoy.
“Dinakip siya ng mga hadeos. Sa kagustuhan kong maisalba siya, may kaibigan akong dwende na nagdala sa akin dito. Napadpad ako sa kamay ng mga bampira. Wala roon si Jade. Noong nilusob ng mga lycan ang Embareo, nakatakas ako. Nakita ko si Jade na kasama ng mga lycan. Hindi na siya tao. Nakagat siya ng lycan at naging katulad nila. Ayaw nang sumama sa akin ni Jade pabalik sa mundo ng mga tao. Dahil pinatay na ng mga hadeos ang kaanak ko, wala na akong dahilan para umuwi. Pinili kong manatili rito at naging lycan,” kuwento ni Delta.
Naalala niya bigla si Alona. Hindi nalalayo ang kuwento nila ni Delta. “Bakit ka naman pinag-initan ng mga hadeos?” usisa niya.
“Isa akong sundalo. Noong na-trap kami ng mga kasama ko sa isang isla, napalaban kami sa mga hadoes na naroon. Pinatay nila ang mga kasama ko. Mayroon akong alam na orasyon na itinuro ng lolo ko. Ginamit ko ang orasyong iyon upang mapatay ang mga hadeos. Ang kaso, may nakatakas at iyon ang nagbalik upang gantian ako. Pinatay nila lahat ng mahal ko sa buhay.”
“Mga pangahas talaga ang mga hadoes.”
“Ikaw, may iba ka pa rin bang dahilan bakit ka narito?” usisa rin nito.
“Katulad mo, kinuha rin ng mga hadeos ang mahal ko sa buhay. Dinakip nila pati ang nobya ko.”
Matiim na tumitig sa kanya si Delta. “Kung gano’n, nasa kamay ng mga bampira ang mga kaanak mo,” wika nito.
Bumuga siya ng hangin. “Sana ay buhay pa sila.” Bigla siyang nanlumo dahil sa labis na pag-aalala.
“Wala iyong katiyakan. Hindi nabubuhay ang mga tao sa paligid ng impyerno kaya asahan mo na naroon sila sa Embareo. Maaring ginawa silang alipin o pagkain.”
“Sa palagay mo ba basta pumapatay ng tao ang mga bampira?”
“Hindi lahat pinapatay nila. Ang iba, pinagmumulan ng dugo na kanilang iniinom. Ang mga alipin ay nagsisilbi sa hari at ibang maharlikang bampira. Ang iba, ginagawang asawa ng mga leader kaya mayroong mga bampira na may dugong tao. Hindi sila nasusunog sa araw o kahit anong nakalalason sa mga bampira.”
Nagimbal siya. Nangyari na nga ang ideya niya sa nobela. May mga bampira na ginagawang production material ang mga tao. Malikot ang utak ni Haring Damon. Gusto nitong lumikha ng iba-ibang uri ng bampira.
“Malalakas ang nasasakupan ni Haring Damon. Naroon ang kanyang anak na susunod sa kanyang yapak. May dugong tao si Blake dahil tao ang kanyang ina,” ani ni Delta.
Si Blake, ang prinsepe ng mga bampira. Malakas si Blake ngunit mapusok. Hindi niya ito basta mapapaslang gamit ang pilak na espada. Hindi niya maintindihan bakit mabigat ang loob niya kay Blake, samantalang isa ito sa paborito niyang character sa nobela. Pakiramdam niya’y ito ang magiging matindi niyang kalaban.
Panay ang buntong-hininga niya. Nang dumating si Jade ay nagpaalam na siya kay Delta. Pumasok siya sa yungib at humiga sa patag na bato. Ginawa niyang unan ang kanyang mga braso. Mabilis siyang ginupo ng antok…
Jack!
Nagising si Jack nang marinig ang boses ni Alona na tinatawag siya. Napatayo siya at naglakad palabas ng yungib. Nagtataka siya bakit naroon na siya sa gilid ng batis. Iginala niya ang kanyang paningin sa paligid.
“Jack! Tulungan mo ‘ko!” muli’y tawag ni Alona.
“Alona?” sambit niya.
Hinanap niya si Alona. Dinig niya’y malapit lang ito sa kanya. Sinuyod niya ang makitid na daan na binalot ng hamog. Sa bahaging iyon niya naririnig ang tinig ni Alona.
“Alona! Nasaan ka?!” sigaw niya.
“Jack, nandito ako!” sagot ng dalaga.
Nasasabik na siyang makita ito. Huminto siya sa gitna ng gubat nang mamataan niya ang babaeng nakatalikod. Ga-baywang ang buhok nito. Mahabang puting bestida ang suot nito. Walang duda, ito na nga si Alona.
Patakbong sinugod niya ito ngunit kaagad din siyang huminto nang may malakas na kamay na tumulak sa kanya. Napaupo siya sa lupa. Pag-angat niya ng mukha ay namataan niya ang matangkad na lalaki na nababalot ng itim na kasuutan ang katawan. Maputi ang balat nito, tila isang anghel.
Nagulat siya nang yakapin nito si Alona. Nang humarap sa kanya ang dalaga ay maputla ito, tila walang dugo.
“A-Alona…” nauutal niyang bigkas.
“Jack… patawarin mo ‘ko. Hindi na kita puwedeng makasama,” lumuluhang sabi nito.
Napatayo siya nang mapansing kakagatin ng lalaki sa leeg si Alona. “Huwag!” pigil niya ngunit bumaon na ang pangil ng lalaki sa leeg ng kanyang kasintahan.
Akmang susugurin niya ang mga ito ngunit tinamaan siya ng espada sa sikmura.
“Ugh!” daing niya. Napabalikwas siya, hapung-hapo.
Iginila niya ang paningin sa paligid. Naroon siya sa yungib, kagigising mula sa masamang panaginip.
“Jack! May bisita ka!” tinig ni Rizor.
Kaagad siyang bumangon. Paglabas niya ay sinalubong siya ng mga dwende. May dalang pagkain si Ato.
“Pagpasensyahan mo na ang aming dala, hindi kami nakadakip ng hayop sa ibabaw ng Altereo upang makapaghain ng karne,” ani ni Emo.
“Naku, sana ay hindi na kayo nag-abala pa. Hindi naman ako ginugutom ng mga lycan,” aniya.
“Uy, Ato! Lapastangan ang pag-isipan kami na ginugutom si Jack!” apela ni Rizor.
Naihain ng mga dwende sa batong lamesa ang mga pagkain. Naroon din ang ibang lycan at kumakain.
“Manahimik ka, Rizor! Kailanman ay hindi namin kayo minamasama. Kami’y sumusunod lamang sa utos ni Dyosang Ramona,” sabi naman ni Emo.
“Hay! Tama na nga, huwag na kayong magtalo!” awat ni Raul.
Natutuwa si Jack dahil nakatagpo siya ng mga bagong kaibigan. Tuwang-tuwa siya sa gulay at prutas na inihanda sa kanya ng mga dwende. Bihira na siya nakatitikim niyon. Kadalasan ay karne ang kinakain ng mga lycan. Kailangan ng mga ito ng karne upang maging malakas.