Chapter Sixteen

2309 Words
PUSPUSAN na ang paghahanda ng mga mandirigmang lycan para sa nalalapit na paglusob ng mga bampira sa Golereo. Gusto rin ni Jack na maiparating ang balitang iyon sa mga elgreto. Sa tulong ng mga dwende, naiparating niya kay Sanji ang kanyang mensahe. Kailangan maging handa ang lahat. Pero kung ayaw maniwala ni Sanji, wala na siyang magagawa. Sumikat na ang araw. Magtatagal iyon ng isang linggo. Sa oras na maglalaho ito, aatake na ang mga bampira. Nakaluklok siya sa lilim ng punong-kahoy habang nagsusulat sa kanyang notebook. Sinusulat niya ang outline para sa karugtong ng kanyang nobela. Mas magiging madali na ang lahat sakaling maibigay na ni Ramona ang sagradong aklat sa kanya. “Hoy, Jack! Itigil mo nga iyan! Magdwelo tayo!” awat sa kanya ni Rizor. Namataan niya ito na nakatayo sa tuktok ng burol. Nasa unahan nito ang ibang lycan na nagsasanay. Tiniklop niya ang kanyang notebook at isinilid sa bag. Inihagis sa kanya ni Rizor ang isang sibat na yari sa matibay na kahoy pero bakal ang dulo na sobrang tulis at matalim. May isang dipa ang haba nito. “Patunayan mo sa akin na mahusay ang mga elgreto sa pagtuturo sa kanilang mga mandirigma,” anito. May hawak din itong sibat. “Lalabanan kita basta huwag kang magpalit ng anyo,” nakangiting wika niya. “Talagang hindi ako magpapalit ng anyo. Wala kang magiging laban sa akin kapag nagkataon.” “Sige.” Inihanda na niya ang kanyang sarili. Naunang sumugod si Rizor. “Yaah!” Nasalo ng sandata niya ang unang tira nito. Pagkuwan ay nagpalitan sila ng atake. Mabilis si Rizor at malakas. Paano pa kaya kung naging halimaw ito? Nahihirapan siyang salagin ang sibat na ihinahataw nito sa kanya. “Ugh!” daing niya nang hampasin siya nito ng sibat sa mga hita. Naitukod niya ang kanyang armas sa lupa upang hindi siya tuluyang bumagsak. Nang muli itong sinugod ay nasangga niya ang sandata nito. Nagsukatan sila ng lakas habang naghihinang ang kanilang mga sibat. Nang nahihirapan na siyang labanan ang lakas nito ay tinadyakan niya ito sa sikmura. Tumalsik ito pero kaagad nakatayo. “Hm, lumakas ka nga! Hindi ka na lampa katulad noong una tayong nagkita,” nakangising sabi nito. “Oo, kailangan kong maging malakas para maprotektahan ang aking sarili,” turan niya. “Kung gan’on, tapusin na natin ito!” Sinugod siya nito ulit. Hindi niya hinayaang tumama sa katawan niya ang sandata nito. Nakipagsukatan ulit siya ng lakas dito habang itinutulak niya palayo ang armas nito gamit ang kanyang sibat. Nasa uluhan niya ang armas nito kaya kailangan niya ng magkatuwang na lakas ng mga braso at binti. Napapaatras na siya. Nang pakiramdam niya’y natatalo na niya ang lakas nito ay tinadyakan ulit niya ito sa sikmura. Nang tumalsik ito ay dagli niyang sinugod at sana’y hahampasin ng sibat sa ulo. “Tama na!” pigil ni Rizor. Nagtaas ito ng mga kamay bilang pagsuko. Dumestansiya naman siya rito saka inalok ang kanang kamay niya. Kumapit naman ito sa kamay niya at bumuwelo ng tayo. Tinapik nito ang kanyang balikat. “Mahusay ka, bata. Hindi kita matatalo kung hindi ako magpapalit ng anyo,” sabi nito. Ngumiti siya. “Mahusay ka ring mandirigma, Rizor. Pagbutihan mo pa ang pagsasanay,” aniya. “Ikaw rin siyempre. Kailangan manalo tayo kontra sa mga bampira. Titiyakin namin na aanib sa amin ang mga elgreto.” “Mabuti iyan.” Sabay na silang bumalik sa yungib upang magpahinga. Ang ibang lycan ay naghahasa ng mga sandata. Karamihan sa armas ng mga ito ay gawa sa kahoy. May ilan ding gumagamit ng espada, pana at karamihan ay sibat. Pinahasa na rin niya ang kanyang espada. Habang pinagmamasdan ang mga lycan na abala pagsasanay, naiisip na niya ang kahihinatnan ng digmaan. Idinadalangin niya na nawa’y walang masawi sa mga ito. Pero higit siyang nag-aalala sa mga elgreto.   SA Golereo… Puspusan na rin ang pagsasanay ng mga elgreto. Nababahala si Sanji habang pinagmamasdan ang kanyang nasasakupan na nagpupursige sa pagsasanay. Katatapos lang niyang nabasa ang liham ni Jack mula sa Lutareo. Ilang araw rin niyang pinag-isipan at pinag-aralan ang sitwasyon. Masyado siyang nadaig ng galit noong natuklasan niya ang lihim ni Jack. Kilala niya ang tiyuhin nito na si Lucio. Nagalit siya noong inamin ni Lucio na ito ang lumikha ng propisiya ng ibabang bahagi ng mundo dahil sa impluwensya ng babaylan na may galit sa mga hadeos. Pero higit siyang nagalit kay Jack dahil sa pagbago nito sa propisiya na pabor sa mga bampira at hadeos ang tagumpay. Hindi pa tapos ang istorya. Maaring magwawagi rin sila ngunit hindi niya matanggap na libu-libong buhay muna ang mawawala sa kanila. Pinatay ng mga bampira ang mga magulang niya at ninuno. Buong buhay niyang pinanindigan ang pangako na puprotektahan niya ang Golereo. “Sanji,” tinig ni Haru. Nilingon niya ito. Ilang beses na siyang hinimok ni Haru na huwag kamuhian si Jack. Naintindihan niya dahil naging malapit na ito kay Jack. “Ano ang kailangan mo?” seryoso niyang tanong. “Narinig ko ang napag-usapan ninyo ng dwendeng si Emo. Totoo ba na susugod dito ang mga bampira sakaling lumubog na ang araw?” usisa nito. Balisa na rin ito. Tumango siya. “Si Jack ang nagsulat ng propisiya kaya alam niya ang magaganap,” aniya. “Kung ganoon, bakit kailangan mo pa siyang itaboy? Hindi maibabalik ng iyong galit ang mga buhay na nawala.” “Hindi mo ako naiintindihan, Haru. Hindi mo naranasan ang pagdurusang naranasan ko dahil sa propisiya na iyon!” “Alam ko, Sanji. Pero kung patuloy kang magmamatigas, hindi tayo magwawagi kontra sa mga kaaway. At ang kasunduang inaalok ng lycans, wala ka bang balak paunlakan iyon?” “Si Jack ang nagplano ng lahat.” “Dahil si Jack ang nakaaalam ng mangyayari. Gusto niya tayong tulungan. Hanggang kailan ka magtatanim ng galit sa kanya? Alam mo na hindi sinadya ni Jack ang propisiya dahil isa lamang siyang ordinaryong tao na biktima rin ng mga hadeos.” Hindi siya kumibo. Iniwan niya si Haru at nagtungo sa kanyang silid. Binasa niyang muli ang liham ni Vulther. Habang iniisip niya ito, nabubuhay lamang ang poot niya rito. Dahil kay Vulther, nawala ang kapatid niyang babae. Hindi siya makatulog. Pabiling-biling lamang siya sa kanyang higaan. Alam niya na hindi niya kakayanin ang puwersa ng mga bampira kung silang mga elgreto lamang ang makikipaglaban. Desperado na si Haring Damon na sakupin ang Golereo. Hindi maatim ng kanyang konsensiya na mangyari iyon at mabalewala ang mahigit isang libong taon na pakikipaglaban ng mga ninuno niya upang protektahan ang bayang iyon. Bumangon siya at nagtungo sa silid ng mga sandata. Nadatnan niya roon si Gastor at inaayos ang mga espada na ginamit ng mga mandirigma sa pagsasanay. Hindi pa sila nito nakapag-usap simula noong umalis si Jack. Alam niya na hindi ito pabor sa kanyang pasya. “Handa ka na ba?” tanong ng ginoo habang nakatalikod sa kanya. Maaring tinutukoy nito ang nakatakdang paglusob ng mga bampira sa Golereo. Humugot siya ng malalim na hininga. Bihira siya kabahan nang ganoon, na tila hahatulan siya ng kamatayan. “Marami na akong naisakripisyo upang depensahan ang bayang ito. Hindi ako makapapayag na makuha ito ng mga bampira,” aniya. Hinarap siya ng ginoo. “Alam mo’ng hindi tayo magwawagi kontra sa kanila. Hindi sapat ang ating lakas. Ano pa ba ang hinihintay mong pagkakataon? Nasabi sa akin ni Haru na nagpadala sa iyo ng liham si Vulther. Bihirang pagkakataon ito, Sanji. Ang mga lycan lamang ang pag-asa upang matalo natin ang mga bampira.” Nahihirapan na rin siyang magdesisyon. “Ngunit hindi natin tiyak kung lahat ng lycan ay bukas na ang puso upang tanggapin tayong muli,” nababahalang wika niya. “Walang poot na mamamahay sa puso kung iyong paiiralin ang pagmamahal. Naintindihan ko na napupuno ng sakit at kabiguan ang iyong puso. Hindi ka magtatagumpay sa iyong hangarin kung nadadaig ka ng iyong emosyon. Kung patuloy kang magmamatigas dahil lang sa taong hindi sadyang nagkamali, hindi ka magiging malaya. Hindi ka mananalo sa kahit anong laban. Tandaan mo, ang taong busilak ang kalooban at mabuti ang hangarin ay siyang nagwawagi.” Hindi siya nakaimik nang sumiksik sa balintataw niya ang mga sinabi ni Gastor. Simula noong namatay ang mga magulang niya, si Gastor ang nagtayong ama nilang lahat. “Paumanhin sa aking padalus-dalos na pasya. Nais ko lamang bigyan ng hustisya ang pagkasawi ng mga elgreto. Kaya hindi ko matangaap na kinupkop natin ang taong dahilan bakit nalagas ang libu-libong elgreto,” depensa niya. Sumampa ang kamay ng ginoo sa kanang balikat niya. Matiim siya nitong tinitigan. “Inosente si Jack. Hindi siya ang nag-iwan ng sumpa sa lupaing ito. Ang kanyang tiyo ay ginamit lamang na instrumento ng babaylan na nais pabagsakin ang mga nilalang dito na nagwasak sa kanyang pamilya. Ang silyo sa aklat ni Lucio ay binalot ng orasyon na siyang bumuhay sa sumpa at naging salamin ng propisiya rito. Si Jack ay isa lamang ordinaryong manunulat na nakatuwaang manipulahin ang libro ng kanyang tiyuhin. Hindi niya alam na ito’y konektado sa ating propisiya. Huwag siya ang iyong sisihin, Sanji,” paliwanag nito. Nawindang siya. “Paano n’yo nalaman ang tungkol sa bagay na iyan?” usisa niya. “Natanggap ko ang mensahe ni Dyosang Ramona at sinabi niya ang katotohanan tungkol sa propisiyang namanipula ng babaylan at ng tiyo ni Jack. Si Haring Demetre lamang ang nais nilang pabagsakin ngunit hindi natuloy dahil sa takot ni Lucio. Sinilyuhan niya ang ilang yugto sa aklat na pumigil sa pagsasabuhay ng mga nakatala rito. Ngunit sinira ni Jack ang silyo na hindi alam ang ibig sabihin nito. Kaya nagpatuloy ang propisiya ayon sa nakatala sa libro. Dahil ninakaw ng mga hadeos ang huling yugto, wala na iyong silbi. Ang problema, binago ni Jack ang pangyayari sa pamamagitan ng bagong bersyon ng nobela. Dahil kinopya niya ang detalye mula sa nasirang silyo, nailipat ito sa kanyang obra at iyon na ang pinagbabasehan bilang propisiya.” Hindi niya nabasa ang buong libro ng tiyo ni Jack na ibinigay sa kanya ni Kilian. Mga importanteng detalye lamang ang binasa niya. Pero nabasa niya ang ilang kabanata na isinulat ni Jack sa isang kuwaderno. Masama ang loob niya nang malamang si Jack nga ang gumulo sa propisiya at silang mga elgreto ang kinawawa nito. Doon siya nagalit. “Sa iyong palagay, magagawang baguhin ni Jack ang propisiya na naisulat niya?” aniya. “Ayon kay Dyosang Ramona, kung saang kabanata huminto sa pagsusulat si Jack, doon lamang iikot ang propisiya. Ninakaw ng mga hadeos ang kanyang akda at sinira ngunit ang sumpa ay hindi namamatay. Magpapatuloy ito at maghahanap ng kasangkapan upang isabuhay ang propisiya. Kailangang ituloy ni Jack ang kuwento ayon sa kanyang imahenasyon. Kaya kailangan natin si Jack upang matigil ang digmaan. Si Jack ang masusunod.” Nauunawaan na niya ang lahat. Wala siyang ideya kung ano ang senaryo sa kabanata kung saan huminto sa pagsusulat si Jack. Maaring tama ang sinabi nito sa sulat na pinaabot sa kanya. Lulusubin ng mga bampira ang Golereo sakaling mawala na ang araw. “Salamat sa inyong paliwanag, ihahanda ko ang mga mandirigma,” aniya nang mahimasmasan. “Tutulong ako,” sabi naman ng ginoo. Malapit nang mawala ang araw. Ang mga bata at babaeng elgreto ay inilikas nila at pinatira muna sa Buhay na Kapatagan kasama ng mga dwende. Mga mandirigma at mangangaso lamang ang naiwan doon upang harapin ang mga bampira. Wala na siyang oras upang magsulat ng liham kay Vulther. Ayaw niyang umasa lang sa mga ito. Tinuunan niya ng atensiyon ang pagpaplano kung paano sasalubungin ang pag-atake ng mga bampira. Nagpalagay na rin siya ng bitag para sa mga embareon na sa itaas umaatake. Tatlong araw lang ang kanilang paghahanda. Nang unti-unting naglalaho ang araw ay pumuwesto na sila sa ginawa nilang hukay sa paligid ng Golereo. Walang natirang elgreto sa akademiya at tahanan ng mga mangangaso. “Parating na ang mga bampira!” sigaw ni Peter na nakapuwesto sa bukana ng hukay. Ang mga mangangaso ang nakaabang sa labas at may suot na balote na yari sa pilak at tanso. May hawak ding kalasag at sibat ang iba pa bilang proteksyon. Nang makapasok ang ilang embareon sa teritoryo nila ay pinakawalan na ni Haru ang libu-libong palaso. Kasunod ng embareons ay sumugod ang libu-libong bampira na may tatlong uri. Sumugod na rin ang ibang mandirigma sa kanilang panig. Lumabas siya at sinalubong ang mga halimaw na bampira. Dalawang espada ang kanyang gamit. May mga bampira na hindi natatablan ng pilak dahil may dugong tao. Mahirap patayin ang mga ito dahil kahit masugat ay kaagad humihilom ang mga iyon. Kailangang pugutan ng ulo ang mga ito. Nawawala siya sa konsentrasyon habang may nakikita siyang elgreto na nasasawi. Nagpupuyos ang kanyang damdamin. “Ugh!” daing niya nang tamaan siya ng punyal sa kanang hita. Hindi niya ito ininda. Patuloy siya sa pagtaga ng mga sumusugod na bampira. Magkasunod niyang pinugutan ng ulo ang mga ito. Kaliwa’t kanan ang sandata niya kaya mas mabilis malagas ang mga kaaway. Ang huling bampira na sumugod sa kanya ay mahusay gumamit ng espada. Nakipagbuno siya rito. “Katapusan mo na!” sigaw nito nang matiyumpuhan na nakababa ang mga espada niya dahil napaluhod siya sa lupa. Papatama na sa ulo niya ang espada nito nang may humagip dito. Nagkagutay-gutay ang katawan nito sa kamay ng lycan. Nakilala niya sa mga mata ang lycan. “V-Vulther…” dumadaing niyang sambit. Nagkaroon siya ng pag-asa. Muli siyang tumayo at itinuloy ang pakikipaglaban. Katuwang na niya si Vulther sa pagpuksa sa dumaraming bampira. Walang kahirap-hirap dito na paghiwalayin ang ulo at katawan ng bampira gamit ang lakas ng mga kamay. Ang mahahabang kuko nito ay sapat nang sandata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD