NATUTUWA si Jack dahil halatang pinaghandaan ni Sanji ang pagsugod ng mga bampira. Ibig sabihin niyon ay pinaniwalaan siya nito. Malayo pa lamang ang mga bampira ay naamoy na ito ng mga lycan kaya kaagad silang sumugod. Tamang-tama ang dating nila. Nagsisimula pa lamang ang laban.
Hindi siya makausad mula sa entrada ng Golereo dahil hinaharang niya ang pumapasok na mga bampira. May mga elgreto na nakatuon lamang ang atensyon sa mga lumilipad na embareons. Gamit ang kanyang pilak na espada ay isa-isa niyang hinihiwa sa katawan ang mga bampira na kaagad naging abo.
“Jack!”
Pinugutan muna niya ng ulo ang tatlong bampira na mas malapit sa kanya bago nilingon ang babaeng tumawag sa kanya. Namataan niya si Souljin na patakbong sumusugod sa kanya. Pinapana nito ang mga bampirang lumalapit sa kanya.
Itinuloy niya ang pakikipaglaban kahit nang makalapit si Souljen. Magkatuwang silang hinaharang ang mga bampira. Dumating na rin doon ang ibang elgreto.
“Ikinagagalak ko’ng makita kang muli rito, Jack. Maraming salamat sa tulong ninyo,” ani ni Souljen, habang nakikipagbuno sa kalaban. Nasa likuran niya ito.
“Walang anuman. Responsibilidad ko na ayusin ang gulong ito,” aniya.
“Maghanda kayo! Marami pang bampirang parating!” anunsyo ni Peter sa ‘di kalayuan.
Tumakbo na ito patungo sa kanila kasama si Haru. Sa mata lamang sila nag-uusap dahil abala ang lahat sa pakikipaglaban. Marami nang elgreto sa entrada at may ilang lycan na tumutulong. Gumala siya upang tulungan ang iba sa loob ng teritoryo.
Namataan niya sina Sanji at Vulther na magkatuwang sa pagpuksa ng mga bampira. Napangiti siya. Sa wakas ay nagkasundo rin ang dalawa. Nang dumami pa ang embareons ay ginamit niya ang kanyang pana. Kaunti na lamang ang mga bampirang nasa loob ng teritoryo ng Golereo dahil wala nang nakapapasok. Konting tiis na lang, magwawagi sila. May ilang elgretong nasawi ngunit hindi kasing dami ng nakatakda. Malaking tulong ang ginawa niya na abisohan si Sanji at hikayatin na tumulong ang mga lycan.
Kailangan masimulan na niyang magsulat ng karugtong ng nobela nang maitama niya ang lahat at matapos na ang digmaan. Pero mukhang matatagalan bago darating ang sagradong aklat. Kailangan niyang mag-isip ng alternatibong solusyon upang mapagaan ang suliranin ng mga elgreto.
Makalipas ang ilang sandali ay biglang tumahimik. Wala nang embareon na lumilipad. Dumanak ang dugo sa lupain ng Golereo. Mga abo ng bampira ang naiwan at ilang bangkay na hindi nasusunog. Tapos na ang giyera ngunit alam niya na may kasunod pa iyon. Hindi papayag si Haring Damon na maging talunan ito.
Nagtipon ang mga elgreto sa malawak na kapatagan. Ang mga lycan ay nakamasid lamang habang nag-uusap sina Sanji at Vulther. Nag-aalangan siyang lumapit sa mga ito. Kumislot siya nang may mabigat na kamay na sumampa sa kanyang balikat. Nilingon niya ito.
“Haru,” sambit niya. Nasabik siya.
“Ikinagagalak kong makita kang muli, Jack. Inaasahan ko na babalik ka at malaking karangalan sa amin na makatanggap ng tulong mula sa lycans. Ang tagumpay na ito ay nakamit namin dahil sa iyo,” anito.
Ngumiti siya. “Ginagawa ko lang ang aking tungkulin. Paumanhin sa kapangahasan ko.”
“Wala kang kasalanan, Jack. Hindi ikaw ang puno’t-dulo ng gulo. Ang nangyayari ay nakatakdang maganap.”
“Hoy! Jack!” si Peter na patakbong sumusugod sa kanila. Malayo pa lamang ay abot-tainga na ang ngiti nito.
Nagagalak siya dahil sa kabila ng nangyari ay hindi nagbago ang pagtingin sa kanya ng mga elgreto. Niyakap siya nang mahigpit ni Peter. Walang pagsidlan ang kanyang galak nang mga sandaling iyon.
“Sabi ko na, eh, babalik ka rin dito,” masiglang wika ni Peter nang humiwalay sa kanya.
Sinuyod niya ito ng tingin. Bago ang balote ng mga mandirigmang elgreto. Gawa ito sa tanso. Leeg at tiyan, maging ulo ang nababalot ng proteksyon.
“Salamat sa inyo. Akala ko kinamumuhian n’yo rin ako,” sabi niya.
“Ano ka ba? Bahagi ka na ng Golereo kaya kailangan ka naming tanggapin,” si Peter.
“Tama, Jack. Malaking kawalan ka sa Golereo. Kaya sana ay dito ka na ulit manirahan,” gatong naman ni Haru.
Sinipat niya si Sanji. Kausap pa rin nito si Vulther na nag-anyong tao na. “Sana katulad n’yong mag-isip si Sanji,” aniya sa malamig na tinig.
Sabay na sumampa ang mga kamay nina Haru at Peter sa balikat niya.
“Sadyang matigas ang paninindigan ni Sanji pero malawak ang kanyang pag-unawa. Natitiyak ko na napatawad ka na niya,” sabi ni Haru.
“Oo nga. Walang mabigat na dahilan upang kamuhian ka niya habang buhay,” sabad naman ni Peter.
Inakbayan niya ang mga ito. “Salamat sa inyo. Kakausapin ko si Sanji,” aniya saka iniwan ang mga ito.
Naudlot ang pag-uusap nina Sanji at Vulther nang mapansin siya. Hinuli niya ang tingin ni Sanji. Wala nang galit sa mga mata nito, bagkus ay sinalubong siya nito ng malapad na ngiti, bagay na bihira niya makita. Nauna itong lumapit sa kanya at yumukod.
“Humihingi ako ng kapatawaran sa aking maling desisyon, Jack.”
Pinisil niya ito sa kanang balikat. “Hindi mo kailangang humingi ng tawad, Sanji. Ako ang nagkamali kaya nararapat lamang na kamuhian ninyo ako,” agap niya.
“Ngunit hindi iyon sapat na dahilan upang itaboy kita. Nadala ako ng aking emosyon at pinagsisihan ko iyon.”
“Naintindihan kita, Sanji. Kahit ako sa iyong sitwasyon ay magagalit ako. Inusig ako ng aking konsensya matapos matuklasang ako ang dahilan ng pagkawasak ng inyong angkan. Dahil sa pangahas kong imahenasyon, nabuo ang mabalasik na halimaw sa lupaing ito na sumira sa tahimik ninyong pamumuhay.”
“Ang mga nangyari noon ay bahagi ng propisiya na kahit hindi manipulahin ay talagang magaganap. Naging magulo lamang iyon dahil sa akda ng iyong tiyo at sa bersyong iyong ginawa.”
“Oo, tama ka pero maari pa nating maituwid ang lahat.”
Lumapit si Vulther sa kanila. “Magtiwala tayo kay Jack, Sanji. Bagaman mararanasan natin ang mas madugong digmaan, malaking tulong na kasama natin si Jack. Magkakaroon tayo ng ideya at mapaghandaan ang parating na krisis,” ani ni Vulther.
“Abisohan mo kami, Jack,” sabi naman ni Sanji.
“Sa ngayon, hindi epektibo ang mga ideyang naisip ko hanggat hindi ito naisusulat sa sagradong aklat na sinasabi ni Ramona. Sa ganitong senaryo natigil ang pagsusulat ko bago ninakaw ng mga hadeos ang nobela. Kailangan kong baguhin ang ideya na naisip ko noon. Kailangan mapabagsak natin ang mga hadeos at bampira,” aniya.
“Hanggat hindi mo nababago ang pangyayari, walang katiyakan kung ano ang nakaabang na panganib sa atin,” si Vulther.
Humugot siya ng malalim na hininga. “Kailangan kong makausap si Ramona. Hindi maaring maghinaty nang matagal. Natitiyak ko na gaganti si Haring Damon dahil sa pagkalagas ng libu-libo niyang alagad.”
“Darating ang Dyosa sa oras na kailangan mo siya pero sa ngayon ay abala siya sa kanyang tungkulin,” sabi ni Vulther.
“Hindi bale, maging handa lang tayo sa posibleng pag-atake muli ng mga bampira,” apela naman ni Sanji.
Sang-ayon siya.
Nagtipon sila kasama ang mga opisyales ng elgreto at lycan. Nagkasundo ang dalawang panig para sa malawakang seguridad ng dalawang bayan. Iyon ang pagkakataong hinihintay ni Jack, ang magsanib-puwersa ang dalawang panig.
Binuksan na rin ang harang sa pagitan ng Lutareo at Golereo. Malayang nakalalabas-pasok ang elgreto at lycan sa teritoryo ng bawat bayan. Nagdesisyon si Jack na tumirang muli sa Golereo. Maari pa rin naman siyang manirahan sa Lutareo kung kailan niya gusto. Wala na siyang dapat alalahanin sa dalawang lahi dahil nagkakaisa na ang mga ito.
Kailangan niyang tuunan ng pansin ang kanyang nobela. Itinuloy niya ang pagsusulat sa kuwaderno para isasalin na lang sa sagradong aklat. Nagpapahinga na siya sa dati niyang silid nang maramdaman niya ang presensiya ni Souljen. Pinahintulutan niya itong pumasok.
“Pasensiya na sa abala,” anito.
“Walang problema. Maupo ka,” turan niya.
Umupo ito sa silyang yari sa bato sa may gilid ng mesita. Napansin niya na balisa si Souljen.
“Natutuwa ako dahil pumayag si Sanji na tumira kang muli rito sa Golereo.”
“Ako man ay natutuwa sa pasya ni Sanji. At ngayong nakabalik na ako rito, titiyakin ko na marami pa akong maitutulong.” Malapad siyang ngumiti.
Bahagyang napayuko si Souljen. Madilim ang anyo nito.
“Ano’ng problema?” nag-aalalang tanong niya.
Nag-angat ito ng mukha. “Nag-aalala lang ako. Dahil sa digmaang ito, maaring lalala ang sitwasyon.”
“Asahan na natin iyon. Pero sa pagkakataong ito, ang magagawa natin ay ang paghandaan ang susunod na gyera. Hindi tayo maaring maghintay kung kailan muling susugod ang mga kaaway. Kailangan maunahan natin sila.”
“Pero…”
“Pero ano?” Matiim siyang tumitig sa mga mata nito’ng puno ng agam-agam.
Biglang tumayo si Souljen. “Wala. Pasensiya na, maiwan na kita,” anito saka nagmamadaling umalis.
Nagdududa siya sa ikinikilos ni Souljen. Hindi siya nakatiis, sinundan niya ito. Patungo ito sa ika-anim na palapag, sa nagsisilbing pahingahan dahil mas malamig ang klima roon. Kumubli siya sa likod ng pinto nang mapansing naroon din si Kilian.
Naalala niya, hindi niya napansin sa digmaan si Kilian. Mahinang nag-uusap ang dalawa kaya hindi niya masyadong maintindihan. Pero nakikita sa kilos ng dalawa na nagtatalo ang mga ito. Nagagalit si Kilian kay Souljen.
Maaring tinatraidor pa rin ni Kilian ang mga elgreto. Ang masama nito, may koneksyon sa mga hadeos si Kilian. Malamang nakararating sa mga kaaway ang plano ni Sanji. Kailangan mapigilan niya ito. Natitiyak niya na alam ni Souljen ang bawat galaw ni Kilian. Hindi niya maintindihan bakit nanatiling tahimik ang babae.
Bumalik siya sa kanyang silid. Hindi siya makatulog. Naninibago siya sa klima. Sa maikling panahong pananatili niya sa Lutareo ay hinahanap-hanap ng katawan niya ang klima roon.
Nang hindi pa rin siya makatulog ay lumabas siya at naglakad-lakad sa paligid ng akademiya. May ilang legreto na gumagala sa paligid upang magmasid. Dinala siya ng mga paa niya sa lumang gusali. Pumasok siya sa sirang pintuan. Nang makarinig siya ng mga tinig ay hinanap niya ito.
Nagtago siya sa poste nang mamataan niya si Kilian na kausap si Casper. Bakit naroon ito?
“Hindi gugustuhin ni Haring Demetre ang nangyayari. Hindi siya papayag na magkaisa ang mga elgreto at lycan,” gigil na sabi ni Casper.
“Kasalanan ito ni Jack. Siya ang nagplano ng lahat!” nanggagalaiti ring sabi ni Kilian.
“Bakit hindi mo siya patayin, Kilian? Hanggat nabubuhay ang mortal na iyon, hindi mabubura sa Altereo ang mga elgreto at lycan,” sulsol ni Casper.
“Iyan ang tamang gawin ngunit inaalala ko si Souljen.”
“Huwag mong ipaalam sa kanya ang mga plano mo. Traidor din ang babaeng iyon!”
Biglang tumahimik. Palinga-linga sa paligid si Casper.
“Hm, may nararamdaman akong awra malapit dito,” mamaya ay sabi ni Casper.
Kumilos na siya. Lumayo siya sa lugar na iyon bago pa siya mahuli ni Kilian. Kumubli siya sa mayabong na halaman sa likod ng gusali. Nakarating doon si Casper. Kailangan mawala siya sa pang-amoy nito. Naalala niya ang sinabi ni Tero na maglalaho ang awra niya sakaling pigilan niya ang kanyang hininga.
Nagpigil siya ng hininga. Nakarating na rin doon si Kilian.
“Wala na siya,” ani ni Casper.
“Sino ‘yon?” tanong ni Kilian.
“Hindi ko tiyak kug elgreto ba siya. Hindi pamilyar ang kanyang amoy.”
“Aalamin ko kung sino siya.”
“Dapat lang bago ka mahuli. Aalis na ako.” Biglang naglaho si Casper at tinangay ng hangin ang puting usok na iniwan nito.
Umalis naman si Kilian.
Naghabol ng hininga si Jack. Tatayo na sana siya nang may magaang kamay na sumampa sa balikat niya. Hindi siya nakagalaw.