Chapter Eighteen

1890 Words
“S-Souljen,” sambit ni Jack nang malamang si Souljen ang umabala sa kanyang pagtatago. Hinatak siya nito palayo sa damuhan. Naglakad sila sa masukal na gubat. Maliwanag doon. “Huwag kang magpapahalata na minamanmanan mo si Kilian. Manganganib ang iyong buhay,” sabi ni Souljen. “Plano niyang patayin ako. Hanggat walang nagsasabi kay Sanji tungkol sa ginagawa ni Kilian, patuloy siyang magtatraidor. Madadamay lahat ng elgreto.” “Hindi magtatagumpay si Kilian. Ginagawa ko ang lahat upang pigilan siya.” “Pero hindi mo siya mapipigilan, Soul. Lahat ng galaw ninyo, nalalaman ng mga hadeos. Kung may malasakit ka sa kapwa mo elgreto, hindi ka maglilihim.” Bahagyang napayuko ang babae. “Ayaw kong masira nang tuluyan ang relasyon ni Kilian kay Sanji. Naimpluwensiyahan lamang ni Casper si Kilian. Kapag hindi sumunod si Kilian, mamamatay ang pinuprotektahan nitong mga hebros, mga inosenteng engkanto. Mahalaga kay Kilian ang mga hebros, na kumupkop sa kanya noong itinakwil siya ng kanilang ama.” Nawindang siya. Alam niya na marami pang nilalang na namumuhay sa ibabang bahagi ng mundo, kabilang na ang mga hebros. Naintindihan niya ang hangarin ni Kilian, ngunit sukdulan ang pagpapakaalipin nito sa mga hadeos, na tila may personal itong galit sa mga elgreto. “May malasakit siya sa mga hadeos ngunit sa elgreto wala?” natatawang wika niya. “Hindi mo naintindihan, Jack.” “Bakit hindi? Mas iniisip ni Kilian ang kapakanan ng mga hebros kasya kadugo niya. Huwag mo sabihin sa akin na wala siyang personal na galit sa mga elgreto.” “Oo, may galit si Kilian sa mga elgreto dahil sa pagtakwil sa kanya ng kanilang ama. Masama ang loob niya kay Sanji dahil mas pinili ito ng kanilang ama na mamuno sa Golereo. Pero ang dugo ay higit na malapot kumapara sa putek. Babalik at babalik si Kilian sa kung saan siya nagmula,” depensa ni Souljen. Umiling siya. Hindi pa rin siya kumbinsido. “Kung talagang walang intensiyon si Kilian na ipagkanulo ang elgreto sa mga hadeos, hindi siya gagawa ng masama kontra sa kauri niya. Huwag mo na siyang depensahan, Soul. Maaring minamanipula ni Casper ang isip ni Kilian upang maging agresibo,” giit niya. Bumuntong-hininga si Souljen. “Inaalala ko lang si Kilian. Sakaling malaman ni Sanji ang ginagawa niya, baka papatayin siya niyon,” anito. “Mas mahalaga sa iyo si Kilian kaysa sa mga elgreto?” usig niya rito. Matamang tumitig sa kanya ang babae. Nababasa niya sa mga mata nito ang lungkot. Hindi niya ito kukonsintihin. “Naniniwala ako na mahihimok ko’ng magbago si Kilian. Inaamin ko na pinuprotektahan ko siya pero naaawa lamang ako sa kanya.” “Walang masama roon, Soul. Ang masama, hanggat naglilihim kayo, inilalagay n’yo lang sa kapahamakan ang mga elgreto.” Naiinis siya rito. Alam niya kahit hindi nito sabihin, may pagtingin pa ito kay Kilian. Hindi nababagay rito ang katulad ni Kilian. “May pinagsamahan kami ni Kilian. Maliban doon, sa lahat ng pasakit na dumaan sa buhay ko, nariyan siya upang damayan ako. Ilang beses na rin niyang sinagip ang aking buhay mula sa kamatayan,” sabi nito sa malamig na tinig. “Nagtatanaw ka ng utang na loob, tama?” Ngumisi siya. “Kung ikaw sa kalagayan ko, gagawin mo rin ang ginagawa ko, Jack.” “Marunong din akong tumanaw ng utang na loob, Soul, pero gagawin ko ito sa mabuting paraan at hindi kailangang may maagrabyadong iba.” Natigagal ang babae. Nang hindi na ito nakapagsalita ay iniwan na niya ito. Dahil sa nalamang plano ni Kilian na pagpatay sa kanya ay naging maingat siya. Bagaman handa siyang labanan ito, hindi niya iyon gagawin. Hindi siya mananakit ng mga elgreto. Susubukan pa rin niya itong himukin na huwag nang makipag-ugnayan sa mga hadeos, lalo na kay Casper. Pagkatapos ng almusal ay tumambay si Jack sa fitness room. Naroon si Haru at nagbabanat ng kasukasuan. Sa lahat ng elgreto, kay Haru siya higit na malapit. Kahit seryoso ito, nararamdaman niya ang mabuting puso nito bilang kaibigan. Sinabayan niya ito sa pag-uunat ng mga binti. “Na-miss ko itong gawin. Komportable talaga rito,” aniya habang inaabot ng ulo ang kanyang tuhod. Si Haru naman ay magkahiwalay ang mga paa habang nakaluklok sa sahig. Inaabot ng kamay nito ang bawat dulo ng mga paa. Ang lambot talaga ng katawan nito pero maskulado at matatag. “Akala ko’y mas gusto mo na sa Lutareo. Mas maginaw ang klima roon,” anito. “Tama ka pero mas masaya ako rito.” “Hm. Dahil ba mas marami kami?” “Maliban sa marami, mas ramdam ko ang pagiging tao ko rito. Maganda rin naman sa Lutareo, kaso mga seryoso sila at mainitin ang ulo.” Tumawa nang pagak si Haru. “Hindi rin masarap ang pagkain nila, ano?” sabi nito. Tumawa siya. “Tama ka. Pero gusto ko ang katahimikan doon.” Nang tumayo si Haru at tumayo rin siya. Sumuntok siya sa bag ng lupa. “Hindi ganoon kalungkot ang Lutareo noon, hanggang sa nangyari ang digmaan sa pagitan ng lycan at elgreto. Sinunog ng mga elgreto ang bayan nila kaya marami ang nasawi,” kuwento ni Haru. “Narinig ko na ang kuwento. Iyon ang dahilan bakit galit ang mga lycan sa mga elgreto.” “May mga buhay pa silang ninuno. Paano mo sila nakombinsi na makiisa sa amin?” Tumigil siya sa pagsuntok at hinarap si Haru na nagpupunas ng pawis. “Ang totoo, wala na ang galit sa puso ng matatandang lycan. Ang nais lamang nila ay kapayapaan,” aniya. “Ngunit kung hindi dahil sa iyo, hindi nila maiisip ang pakipagsundo sa amin. Kaya nagpapasalamat ako na napadpad ka rito sa Altereo, Jack.” Ngumiti siya. “Ginagawa ko lamang ang aking tungkulin. Gagawin ko ang lahat upang makamit ninyo ang kapayapaan.” Nilapitan siya nito at tinapik sa balikat. “Nais kong mamasyal sa Lutareo. Maari mo ba akong samahan?” tanong nito. “Oo naman. Ligtas na ang pagtungo roon ng mga elgreto.” “Salamat, Jack. May nais lamang akong ihatid na mga sandata sa mga lycan. Gumawa ako ng sandata na angkop sa kanilang abilidad.” Nasabik siya sa plano ni Haru. “Sige, tutulong ako!” “Tara na.” Sumunod siya kay Haru sa silid ng mga sandata. Nadatnan nila roon si Gastor. Niyakap siya ng ginoo at pinuri sa kanyang mga nagawa. “Naku, huwag po ninyo akong pasalamatan, ginoo. Ginawa ko lamang ang nararapat,” sabi niya. Hindi siya sanay na itinuturing na bayani. “Tanggapin mo na lang ang aking papuri, bata. Nais kong bigyan ka ng parangal,” ani ni Gastor. “Hindi na ho kailangan.” “Ako’ng bahala. Halika, sumunod ka sa akin,” yaya nito. “Sumunod ka na lang, Jack,” nakangiting udyok ni Haru. Umiiling na sumunod naman siya kay Gastor. Pumasok sila sa maliit na silid. Namangha siya nang masilayan ang kumikinang na ginto sa palibot ng silid. Sa gitna ay mayroong malaking kahon na siyang binubuksan ng ginoo. Namamanghang isa-isa niyang pinagmamasdan ang gintong nakadikit sa dingding. May iba-ibang hugis ang mga ito. Mayroon ding perlas at dyamante. “Totoo nga na ang Golereo ang mayaman sa ginto,” aniya. “Tama ka. Ang Golereo ang nangangalaga sa yamang mineral na meron ang ibabang bahagi ng mundo. Noon ay nakabaon lamang sa lupa ang mga ginto ngunit dahil sa mga taong naliligaw rito, unti-unti silang nauubos. Kaya ipinag-utos ni Dyosang Ramona na sinupin namin ang ginto at itago. Ang mga ginto rin ang isa sa dahilan bakit nais sakupin ni Haring Damon ang Golereo.” “Naiintindihan ko na ngayon. Noong unang panahon, ang Golereo ang pinakamayamang bayan sa Altereo.” “Tama ka, bata.” Nilapitan niya ang gintong bituin na nakadikit sa dingding. Hahawakan sana niya ito ngunit napaso siya. “Aray!” daing niya sabay ihip sa napasong daliri. Natawa si Gastor. “Ang mga gintong iyan ay pinuprotektahan ng init ng araw. Kaya kahit ang mga bampira ay hindi iyan makukuha,” sabi nito. Gusto niya ang bituing ginto. Pangarap niya noon na bigyan niyon si Alona ngunit wala siyang tatlong milyon. May nakita siyang ganoon sa jewelry shop sa Italy, noong isinama siya ng kanyang editor. Napakamahal ng pendant na iyon kaya nagtiyaga siya sa mumurahin. “Sayang, ang ganda sana,” aniya. Nakatitig pa rin siya sa bituing ginto. Kasing liit lamang ito ng piso sentimo. “Gusto mo ba iyan?” tanong ni Gastor. “Gusto ko po kaso hanggang tingin na lang ako,” natatawang sabi niya. “Halika, Jack,” anito. Nilapitan naman niya ito. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang laman ng binuksang kahon. Napupuno iyon ng iba-ibang uri na ginto. Umiilaw ang kahon dahil sa kinang ng mga ginto. Kinuha ni Gastor ang gintong relong pambisig. Nagtataka siya bakit hinawakan nito ang kaliwang braso niya. Isinuot nito roon ang relo. “Aaahh!” sigaw niya nang manuot ang init sa kanyang balat, tila nasusunog. “Huwag kang mag-alala, panandalian lamang ang init.” Maya-maya rin ay naglaho ang init mula sa relo. Pero pakiramdam niya ay bumaon sa balat niya ang gintong relo. Tinitigan niya itong maigi. “Bakit ganoon?” nagtatakang tanong niya. “Ang relo na iyan ay nagkakarga ng enerhiya mula sa araw. Sa tuwing sisikat ang araw, nadadagdagan ang enerhiya nito. Maari nitong kontrolin ang presyon sa iyong katawan. At kapag ikaw ay nagagalit, masasagap ng relo ang emosyon at ilalabas. Magagamit mo ito laban sa mga bampira. Ang liwanag na mula sa relo ay kayang tunayin ang katawan ng mga bampira, maliban ang mga bampirang may dugong tao,” paliwanag ni Gastor. “Grabe, nakamamangha!” Hindi na naalis ang tingin niya sa relo. Maya-maya ay may inabot na kuwintas sa kanya si Gastor. Natulala siya nang makita ang gintong bituin na siyang pendant ng kuwintas. “Isuot mo rin ito, Jack. O kung hindi ka komportable, maari mo itong ibigay sa iyong minamahal bilang regalo. Mapuprotektahan siya nito kontra sa mga bampira,” sabi ni Gastor. “P-pero labis na ito,” nag-aalangang sabi niya. “Ang mga ginto ay nararapat lamang ibigay sa mga nilalang na may ginintuang puso. Ikaw ay mabuting nilalang, Jack. Ako ang tagapangalaga ng mga ginto, at ako lamang ang may permiso na magbigay nito sa nararapat na nilalang. Tanggapin mo ito bilang aking parangal.” Nag-uumapal ang tuwa niya. Sa wakas ay maibibigay na rin niya kay Alona ang pangarap niyang pendant. Tinanggap niya ang kuwintas at isinuot. “Marami pong salamat,” aniya. “Walang anuman. Sige na, maari mo nang tulungan si Haru.” “Sige ho.” Binalikan niya si Haru. Napako ang mga paa niya sa sahig nang mamataan si Kilian na namimili ng espada na nakasalansan sa dingding. Nang maramdaman ang kanyang presensiya ay binato siya nito ng mahayap na tingin. “Ready ka na ba, Jack?” tanong naman ni Haru. Binalot na nito ng makapal na telang itim ang mga sandatang ibibigay nito sa mga lycan. “Ah… oo, handa na ako,” tugon niya. Iniwasan niya ng tingin si Kilian. Tinulungan niya si Haru sa pagbuhat ng mga sandata. Hinati nito sa dalawang balot ang sandata. Pagkuwan ay naglakbay na sila patungo sa Lutareo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD