MALUGOD na tinanggap ni Vulther ang mga sandatang ibinigay ni Haru. Kaagad iyong sinubukan ng mga mandirigmang lycan. Gawa sa pilak ang karamihan sa sibat at arm blades na mayroong matutulis na ngipin. Isusuot lamang ito ng lycan sa braso at magagamit na maayon sa galaw ng mga ito. May haba na dalawang dangkal ang blade. Maliban sa mga kuko ng lycan, malaking tulong ang arm blade upang mas maraming bampira ang mapapatay.
Lason sa mga bampira ang laway at pawis ng mga lycan, kaya kapag nakakalmot ang mga iyon ay nalulusaw ang katawan. Namangha si Jack sa abilidad ni Haru na gumawa ng kakaibang sandata. Hindi niya iyon natuklasan noon.
“Matagal ko nang gustong magbigay ng armas sa inyo, Vulther. Nag-aalangan lamang ako dahil sa sigalot na hindi pa natutuldukan. Alam ko na magagalit si Sanji sakaling nagbigay ako ng sandata sa inyo,” sabi ni Haru.
Nakatayo silang tatlo sa burol sa tapat ng mga lycan na nagsasanay gamit ang bagong armas. Inakbayan ni Vulther si Haru.
“Natutuwa ako sa busilak ng iyong kalooban, Haru. Maswerte si Sanji dahil mayroon siyang magiting na mandirigma na katulad mo,” ani ni Vulther.
“Salamat sa tiwala. Ang totoo, ayaw ko ng gulo sa pagitan ninyo at mga elgreto. Alam ko noon pa na hindi kayo ang tunay naming kaaway.”
“Ako man ay katulad mong mag-isip, Haru.”
Nakangiti si Jack habang pinapakinggan ang dalawang nag-uusap sa tabi niya. Nang mapansin niya ang babaeng lycan na palapit sa kanila ay kaagad niya itong sinalubong. May dala itong meryenda nila. Inagaw niya sa kamay nito ang plato ng inihaw na karne at prutas.
Noon lamang niya nakita ang babaeng iyon. Maganda ito, matangkad at balingkinitan. Napansin niya na sinisipat nito si Haru habang nagniningning ang mga mata. Mukhang tinamaan ito sa kaibigan niya.
“Salamat, nag-abala ka pa,” sabi niya sa babae.
“Iniutos ni Ninunong Vencio na dalhan kayo ng makakain,” nakangiting sabi nito.
“Ayos! Nakatutuwang inalala kami ni Vencio,” aniya. Sinabayan niya sa paglalakad ang babae. Ito ang may bitbit sa inumin nila. “Ano pala ang iyong pangalan? Hindi kita napansin noon.”
“Ako si Samara, nakababatang kapatid ni Vulther,” pakilala nito.
Nawindang siya. Akala niya ay nag-iisa lang si Vulther. “Bakit ngayon lang kita nakita?”
“Nag-aalaga kasi ako ng mga usa sa kapatagang bahagi ng Lutareo. Kasama ko roon ang ibang kababaihan. Kahapon lamang kami nakabalik dito.”
“Ah, kaya pala.”
Inilapag niya sa patag na bato ang pagkain. Sa halip na kumain ay nakamasid lamang siya sa kilos ni Haru at Samara. Napansin niya na napadalas ang pagtitigan ng dalawa. Hindi siya sigurado na maaring makabuo ng pamilya ang lycan at elgreto. Si Vulther ay nakipagrelasyon sa kapatid ni Sanji pero walang anak.
Nang umalis si Samara ay sinundan pa ito ng tingin ni Haru. Nasaksihan niya ang kinang sa mga mata nito, na tila napupuno ng kaligayahan. Nang iniwan sila ni Vulther ay siniko niya ito sa tagiliran.
“Bakit?” nagtatakang tanong ni Haru. Hawak nito ang maliit na hiwa ng karne.
“Napansin ko na malalim ang titig mo kay Samara. Gusto mo ba siya?” diretsong usig niya rito.
Ngumisi si Haru. “Ang dami mong napapansin. Bakit mo naisip iyan?”
“Halatang-halata, Haru. Ganyan ako noong unang nakilala ko ang aking kasintahan.”
Tumawa si Haru. “Hindi naman ako manhid upang hindi makaramdam ng atraksyon sa isang babae,” sabi nito.
“Teka, matagal na ba kayong magkakilala ni Samara?” usisa niya.
“Nagkita kami noon sa patag na kagubatan ng Altereo. Naghahanap kami ng naligaw na hayop at nagkamali ako ng dinakip na usa. Alaga pala nila iyon na nakawalakaya nagka-engkuwentro kami,” kuwento ni Haru.
Malapad siyang ngumiti. “Ano’ng nangyari sa engkuwentro?”
“Hindi ko siya nilabanan nang seryoso. Nagalit siya dahil tinamaan ng palaso ko sa hita ang kanyang alaga. Upang tumigil siya sa pananakit sa akin, nangako ako na babantayan ko ang mga alaga nila buong araw dahil may mga embareon na umaatake sa mga hayop. Pero sa huli, magkasama kaming tumambay sa kural ng mga hayop at nagkuwentuhan.”
Naaaliw siya kay Haru habang nagkukuwento ito. Nakangiti ito at nanatili ang ningning sa mga mata.
“Kaya pala iba rin ang ngiting nakita ko kay Samara nang makita ka. Nahahalata ko na nasasabik siyang makita ka,” aniya.
“Matagal din kaming hindi nagkita simula noong hinigpitan ng mga lycan ang seguridad sa kanilang nasasakupan. Hindi na ako nakapapasok sa Lutareo.”
“Ah, kaya pala kaagad kang nagbigay ng sandata sa lycans upang makita si Samara. Ayos ang diskarte mo, ah,” natatawang sabi niya.
Pahalipaw na sinuntok ni Haru ang balikat niya. “Bakit ba napakahusay mong mangilatis ng ibang nilalang?” natatawang sabi nito.
“Halata ang kilos mo, Haru. Pero kung iyong mararapatin, matutulungan kita upang mahulog nang tuluyan ang loob sa iyo ni Samara.”
“Ngunit inaalala ko si Vulther. Walang katiyakan kung pahihintulutan niya akong mapalapit kay Samara.” Nanlamig ang timbre ng boses nito.
“Ano ka ba? Maiintindihan ka ni Vulther dahil minsan na siyang nagmahal ng isang elgreto.”
Biglang tumahimik si Haru. Napaisip ito. Talagang malalim ang pagtingin nito kay Samara. Gusto niya itong maging masaya kaya handa siyang tumulong.
“Ayaw kong magmadali,” anito pagkuwan.
“Tama ‘yan. May proseso ang pagmamahal. Sa aming mga tao, marami kaming ginagawa upang makuha namin ang tiwala at pagmamahal ng babae.”
Matamang tumitig sa kanya si Haru. “Kailangan ko ng tulong mo, Jack,” sa wakas ay sabi nito, puno ng antisipasyon ang mga mata.
Nasabik siya bigla. “Oo ba! Ako’ng bahala kay Vulther. Sa katangian mo’ng iyan, hindi magtatagal ay makukuha mo ang puso ni Samara.”
“Salamat sa motibasyong ibinibigay mo sa akin, Jack.”
“Magtiwala ka rin sa iyong kakayahan bilang lalaki, Haru. Nakikita ko sa mga mata ni Samara na hinahangad din ang iyong atensiyon. Mapupusok karamihan sa babae, at nakikita ko iyon kay Samara.”
“Ano’ng meron kay Samara?” tinig ni Vulther na umabala sa kanila.
Lumayo sa kanya si Haru at naiilang na harapin si Vulther. Si Jack na lamang ang humarap dito at kumausap.
“Ah, kuwan, napansin ko kasi na mailap sa lalaki si Samara. Naiilang siyang makipag-usap sa amin,” palusot niya.
Inakbayan siya ni Vulther, ganoon din si Haru. “Napakabait ni Samara, ang kaso, mapusok siya pagdating sa lalaki. Ngunit pansin ko na hindi katulad namin ang gusto niya,” anito.
Nagkatinginan sila ni Haru. “Baka isang bampira ang gusto niya,” aniya.
“Malabo iyon. Galit sa mga bampira si Samara. Sa palagay ko ay isang elgreto ang kanyang gusto.”
Kinalabit niya sa likod si Haru. Sinipat siya nitong muli, seryoso.
“Baka nga. Like brother like sister, parehong in love sa elgreto,” sabi niya.
“Ano? Bakit pakiramdam ko ang dami mong alam, Jack? Huwag mo sabihing pati buhay pag-ibig namin ay naisulat mo sa iyong akda,” ani ni Vulther. Inalis nito ang braso sa balikat niya.
“Hindi naman. May ilang mahalagang karakter lamang ang natuunan ko ng pansin ang buhay. Pero kung sakaling magmahal ng isang elgreto si Samara, pahihintulutan mo ba?”
Nakipagtitigan sa kanya si Vulther. Sinipat din niya si Haru. Pansin niya na balisa si Haru, marahil ay inaabangan din ang magiging tugon ni Vulther. Pagkuwan ay ngumiti si Vulther at humalukipkip.
“Hindi ko hawak ang puso ni Samara, lalo na ang kanyang desisyon. Hindi ako makikialam sa pasya niya basta huwag lamang siyang magkamali na umibig sa isang bampira. Mababait karamihan sa mga elgreto kaya walang problema sa akin na umibig man ang aking kapatid sa isa sa kanila, lalo na ngayon na nagkaka-isa na kami,” magiliw na pahayag ni Vulther.
Napasuntok sa hangin si Jack. “Narinig mo, Haru?” aniya. Maagap namang tinakpan ng kamay ni Haru ang bibig niya.
“Sandali, ano’ng problema?” nagtatakang tanong ni Vulther.
“Ah, wala, mukhang kailangan na naming umuwi. Salamat sa pagkain,” tugon ni Haru habang kinakaladkad siya palayo.
Hindi naman sila pinigilan ni Vulther. Hinatid lamang sila nito ng tingin.
Pagdating sa patag na lupain ng Lutareo ay pinakawalan na siya ni Haru. Hinapo siya dahil pati ilong niya ay tinakpan ng kamay nito.
“Bakit ka ba nagpasyang umuwi na? Pagkakataon na natin iyon upang suyuin mo si Samara. Narinig mo naman hindi ba? Pabor si Vulther na umibig si Samara sa elgreto,” palatak niya.
“Sapat nang nabatid natin iyon, Jack. Marami pang pagkakataon upang suyuin si Samara. Hindi natin kailangan magmadali,” sabi nito.
Nagpatuloy sila sa paglalakad. “Kung sa bagay. Maari pa naman tayong bumalik sa ibang araw,” sabi na lamang niya.
Nagpatuloy na lamang sila sa paglalakad.
Pabalik na sila sa Golereo nang napansin nila ang sanga-sangang kidlat na gumuguhit sa kalangitan. Binabalot din ng itim na ulap ang himpapawid. Napatingala sila sa langit.
“Ano’ng nangyayari? Umuulan ba rito?” tanong niya.
“Nagagalit si Haring Damon. Nakakaya niyang kontrolin ang kalikasan at utusan ang kadiliman na baguhin ang klima sa paligid,” turan ni Haru. Malalaki ang hakbang nito. “Kailangan nating magmadali. Hindi maaring maabutan tayo ng itim na usok na nakalalason,” sabi nito.
Patakbong sumunod siya rito. Natataranta na ang ibang elgreto nang datnan nila. Mayroong pasilidad sa ilalim ng lupa kung saan maaring magtago ang mga elgreto. Inaasahan niya na nakapaghanda rin ang mga lycan. Mayroon ding pasilidad sa ilalim ng lupa ang mga iyon.
Nagtataka siya. Sa kanyang nobela, ang may kakayahang maglabas ng maitim na usok na nakalalason ay si Haring Demetre. Paanong nagkaroon niyon si Haring Damon? Ang nagagawa lamang nitong kontrolin ay ang kalikasan.
Nakababa na sa ilalim ng lupa ang mga elgreto at mangangaso. Mabuti na lang wala na ang mga taong nasagip ng mga ito. Nakabalik na raw ang mga iyon sa lupain ng mga tao. Ngunit bago nila iniwan ang ibabaw ng lupa ay naihanda na ang mga bitag sakaling lulusob ang mga embareon. Naisara na ang malaking pintong yari sa tanso. Walang nakalulusot na usok dito.
Sumandig siya sa dingding at pinagmasdan ang mga elgreto na nagtipon sa gitna at nanalangin. Tumabi sa kanya si Haru at Sanji. Napagitnaan siya ng mga ito.
“Ginagamit ni Haring Damon ang kapangyarihan ni Haring Demetre,” wika ni Sanji.
Tama nga ang naisip niya, si Haring Demetre ang gabay ni Haring Damon. Nagtagis ang bagang niya. Mabuti na lang nakahanda ang mga elgreto sa ganoong pangyayari.
“Paano kung wasakin nila ang pasilidad sa itaas?” nababahalang tanong niya.
“Hindi nila maaring gawin iyon. Malalason din ang mga bampira sa usok kaya hindi sila makalalabas. Tanging isip lamang ni Haring Damon ang may kontrol sa usok. Ang mga embareon ay maaring lumabang ngunit hindi sila magtatagal,” tugon ni Sanji.
“Maari kayang nakarating sa Lutareo ang usok?”
“Oo, pero mas matibay ang katawan ng mga lycan at nakakaya nilang labanan ang lasong meron ang usok. Pero may mahihinang lycans kaya nakahanda rin ang kanilang pasilidad upang proteksiyunan ang mahihina,” paliwanag naman ni Haru.
“Paano maglalaho ang usok?” aniya.
Si Sanji ang sumagot. “Si Dyosang Ramona ang makapipigil sa usok. Ang mga elgreto ay hindi lamang nananalangin sa Bathala, kundi humihingi ng tulong sa Dyosa na siyang instrumento ng Bathala. Makararating kay Dyosang Ramona ang nangyayari at kanyang sasawatain ang kapangyarihan ng dilim. Maghihintay tayo ng mensahe mula sa mga diwata sakaling maayos na ang lahat.”
Nakahinga siya nang maluwag. Lumuhod siya sa sahig at tumulong sa panalangin. Lumuhod na rin sina Sanji at Haru.
Makalipas ang mahigit isang oras ay may pumasok na mga kulisap sa loob ng pasilidad. Napansin ni Jack na nagsitayuan na ang mga elgreto. Tumayo rin siya. Pinangunahan ni Sanji ang pagbukas ng pinto. Wala na malamang ang usok.
“Mga kasama! Wala munang lalabas! Ayon sa mga diwata, hindi pa lubusang naglalaho ang usok sa ilang bahagi ng lupain. Aabisohan ko kayo kapag maayos na ang lahat!” anunsyo ni Sanji.
Lumabas ito na may suot na balote sa buong katawan. Naghintay sila ng ilang minuto. Tahimik ang mga elgreto habang nag-aabang. Nakalulungkot isipin na nakakabit na sa buhay ng mga ito ang panganib at takot. Naaawa siya sa mga nilalang na ito.
Sumandig siya sa dingding habang nakamasid sa paligid. Ang gusto lang niya sa mga elgreto, parang mga tao rin ang mga ito pagdating sa pagpapahalaga ng kapwa. May pagmamahal sa kultura ang mga ito.
Maya-maya ay bumalik na si Sanji. “Maari na kayong lumabas!” sabi nito.
Biglang umingay. Pumila ang mga elgreto palabas ng pasilidad. Hindi muna kumilos si Jack. Hinintay niya na makalabas ang lahat. Nagpaiwan din si Peter at Haru.
“Matagal na panahon din noong huling nagpakawala ng lasong usok si Haring Demetre,” sabi ni Haru.
Sinipat niya ito. “Ibig sabihin, si Haring Damon lamang ang may kagustuhan na magpakawala ng usok kanina?” aniya.
Inakbayan siya ni Peter. “Tinulungan siya ni Haring Demetre. Malamang alam na ni Haring Demetre ang nangyaring sagupaan at ang pag-anib sa atin ng mga lycan. Natitiyak ko na nagpaplano na sila ng muling pag-atake,” ani ni Peter.
“At asahan natin na kasama na ang mga hadeos sa susunod nilang pag-atake,” sabad naman ni Haru.
Ginupo siya ng kaba. Dapat ay masimulan na niyang magsulat ng bagong yugto bago mangyari ang mas malaking digmaan.
“Kailangan natin iyong paghandaan,” aniya.
Nauna nang lumabas si Haru. Nakabuntot naman sila rito ni Peter.
“Sa totoo lang, kinakabahan ako. Si Demetre ang hari ng ibabang bahagi ng mundo. Nagagawa niyang kontrolin lahat ng elemento rito. Hanggat walang nilalang na makasusupil sa kapangyarihan niya, hindi tayo magwawagi,” sabi ni Peter.
Alam niya kung gaano kalakas si Haring Demetre. Sa aklat ng kanyang tiyo, nagapi si Haring Demetre ng pinagsamang kapangyarihan ng mga anghel at dyosa. Pero dahil hindi na epektibo ang nilalaman ng aklat ng kanyang tiyo, wala pa siyang ideya kung paano ito matatalo.
Malakas din si Haring Damon. Kaya kailangan niyang mag-isip ng paraan kung paano mananalo ang lycans at mga elgreto.