Chapter Twenty

2637 Words
PARANG walang nangyari at bumalik na sa normal ang pamumuhay ng mga elgreto. Muling nabuksan ang lagusan patungong lupain ng mga mortal. Nagtalaga si Sanji ng mga kawal at mandirigma sa lagusan. Mayroon ding lycan na tumulong sa pagbabantay. Nakarating sa kanila ang balita na mayroong mga taong pinaslang ang mga hadeos sa lupain ng mga patay. Natitiyak ni Sanji na susugod ang mga bampira roon upang kunin ang dugong naipon ng mga hadeos. Binibili ng mga bampira ang dugo sa mga hadeos kapalit ng ginto. Nagkaroon ng pagpupulong ang opisyales ng Golereo. Dumalo si Jack at nakiusap na huwag gumawa ng hakbang na maaring ikagalit ng mga bampira. Alam niya na gagawa ng dahilan ang mga kaaway upang makapagsimula ng gulo. “Ang mga lycan ang sumira sa unang plano ng mga bampira na sana’y sisirain ang lagusan,” sabi ni Sanji. “Kung gano’n, mga lycan ang pakay nila kaya sila nagsasagawa ng pag-atake sa buhay na kapatagan,” sabi naman ni Luis. “Oo, pero dahil tayo ang inatasang magbantay sa lagusan, haharangin natin sila,” ani ni Sanji. Umapela si Jack. “Huwag natin silang pangunahan. Hindi ito ang tamang panahon upang magsimula ng digmaan,” aniya. “Tama si Jack,” sang-ayon naman ni Haru. “Hindi tayo maghahamon ng away. Sasawatain lamang natin sila sa pagpasok sa lupain ng mga patay at pigilang makalapit sa lagusan,” si Sanji. Wala nang kumontra. Nagtiwala na lamang sila sa plano ni Sanji. Abala na ang lahat sa kanya-kanyang trabaho. Sumama si Jack kay Peter sa burol sa may silangan. Ito ang sumusuri sa klima ng Golereo. Malalaman din nito kung kailan lilitaw ang araw. “Tatlong araw mula ngayon ay muling lilitaw ang araw ngunit sa piling lugar lamang,” sabi ni Peter. Natatanaw nila mula roon ang bayan ng Embareo. Naisip niya ang kanyang mga kapatid at si Alona. “Kailan kaya tayo magkakaroon ng pagkakataong mapasok ang bayan ng Embareo?” sabi niya. “Sa ngayon ay malabo pa iyon, Jack. Kailangan natin ng tulong ng ibang nilalang na kabisado ang Embareo.” “Anong mga nilalang?” “Ang mga ignetos.” “Mga dwende?” “Tama. Sila lamang ang malayang nakalalabas-masok sa Embareo at hindi sila nagagalaw ng mga bampira.” “Bakit?” “Sapagkawat ang mga ignetos ang nagbebenta sa kanila ng mga prutas at gulay na kinakain na rin nila. At saka, wala namang ginagawang mali ang mga ignetos. Nagbibigay pa sila ng pagkain sa mga bampira kung sobra ang kanilang ani sa pagsasaka.” Nakaisip siya ng ideya. Matutulungan siya ni Emo. “Pag-iisipan kong mabuti ang pag-atake sa Embareo,” puno ng determinasyong sabi niya. Tinapik ni Peter ang balikat niya. “Magpalakas ka muna, bata. Hindi sapat ang sandata para makapasok ka sa bayan ng Embareo. Malalakas ang pang-amoy ng mga bampira lalo na sa mga taong katulad mo. Madali ka nilang masasagap. Sanayin mo ang iyong sarili na maitago ang pagiging mortal mo.” Tumango siya. “Sasama ako sa pagsawata sa mga bampira!” mamaya ay sabi niya. “Sige ba.” Bumaba na ng burol si Peter. Tumakbo sila pabalik sa Golereo.   TATLONG araw nagsanay si Jack upang maitago ang kanyang enerhiya bilang mortal. Payo ni Haru, magpahid siya ng dugo ng lycan sa kanyang katawan kung susugod siya sa mga bampira. Matapang ang dugo ng mga lycan, magagawa nitong itago ang dugo niya bilang tao. Bago sila umalis patungong burol sa lupain ng Lutareo ay nagpahid siya ng dugo ni Raul sa kanyang mga braso, katawan at binti. Hindi nakialam sa plano nila ang mga lycan. Abala ang mga ito sa pagsinop ng labi ng mga taong pinaslang sa lupain ng mga patay. Doon din malamang patungo ang mga bampira. Kaya bago makarating ang mga ito sa lupain ng mga buhay ay haharangin nila. Tinantiya nila ang panahon kung kailan lilitaw ang araw na hindi alam ng mga bampira. Kasama ni Jack ang grupo ni Sanji na pumuwesto sa burol na nasasakupan ng mga lycan. Kasama nila sina Peter, Luis at Kilian, at iba pang mandirigma. Inaasahan ni Sanji na doon dadaan ang mga bampira dahil sarado ang daanan patungo sa lupain ng mga patay kung saan pinaslang ng mga hadeos ang mga tao . Umakyat sa sanga ng punong kahoy si Peter. “Mukhang tama ka, Sanji, susugod dito ang mga bampira,” ani ni Peter. “Hindi kaya mapanganib na harapin natin sila gayong wala ang mga lycan?” nababahalang sabi ni Kilian. Pinagninilayan ni Jack ang kilos ni Kilian. Alam niya peke ang pinapakita nitong malasakit. “Mararamdaman ng mga lycan ang presensiya ng mga bampira sakaling makapasok sila sa Lutareo,” sabi naman ni Sanji. Kampante itong nakaluklok sa lilim ng punong kahoy at hinahasa ng bato ang punyal nito. Maliban sa espada, may maliliit rin itong armas para sa dikitang laban. Tinabihan niya ito. “Amoy lycan ka,” sabi ni Sanji. Ngumisi siya. “Si Haru ang nagturo sa akin na magpahid ng dugo ng lycan,” aniya. “Kaninong dugo iyan?” “Kay Raul. Humingi ako sa kanya kanina.” “Hm, magandang ideya ‘yan. Ikaw kasi ang pupuruhan ng mga bampira sakaling naamoy nila ang dugong tao mo.” “Oo nga.” Pasimpleng pinagmamasdan ni Jack si Kilian habang mag-isang nakatayo sa lilim ng punong kahoy may sampung talampakan ang layo nito sa kanila. Malayo ang natatanaw nito, tila may malalim na iniisip. May pagkakataon na naaawa siya rito. Ngunit kung hahamakin nito ang buong Golereo, mapipilitan siyang ituring itong kaaway. “Humanda na kayo! Malapit na ang mga kalaban!” sigaw ni Peter, na naroon pa rin sa ibabaw ng punong kahoy. Nagkasabay silang tumayo ni Sanji. Nauna siyang lumapit sa tuktok ng burol. Nagtataka siya bakit tila ang dami ng mga bampira na parating. “Naloko na!” bulalas ni Peter. Itinaas ni Jack ang kanyang espada na yari sa pilak. Mula sa burol na kanyang kinatatayuan ay natatanaw niya ang grupo ng mga bampira na sumusugod sa kanila. Nakaabang din sa likuran ang kanyang mga kasama na handang makipaglaban maprotektahan lamang ang lagusan patungo sa lupain ng mga mortal. “Hindi lamang mga lycan ang pakay nila, Jack,” sabi ni Sanji na biglang sumulpot sa kanyang likuran. Nilingon niya ito. “Mukha nga. Wala sa lugar na ito ang kalaban nila,” sang-ayon niya. Ibinalik din niya ang tingin sa ibaba ng burol. Maaliwalas ang paligid kahit hindi pa sumisikat ang araw. Walang katiyakan kung anong oras sumisikat ang araw kaya hindi siya sigurado kung makakaya nila ang puwersa ng mga bampira. Bumaling sa gawing kaliwa niya si Sanji. Nakababa ang espada nito-kalmado ngunit alerto. Nagsasalamin ang mukha nito sa kanyang espada. “Naramdaman ng mga bampira ang ating puwersa at ng mga lycan sa paligid ng lupain ng mga patay. Maaring batid na nila ang paghahanda natin. Nauubusan na sila ng pundong dugo kaya agresibo sila na makuha ang dugo mula sa mga taong pinaslang,” anito. “Lalaban tayo. Hindi maaring mapasok nila ang lupain ng mga namatay. Kailangan kong protektahan ang mga kaluluwa na maari pang makabalik sa lupain ng mortal,” matapang niyang wika. “Subalit hindi mga bampira ang gumugulo sa mga kaluluwa kundi ang mga hadeos sa impiyerno. Ang halimaw nilang hari ang kumakain sa kaluluwa ng mga mortal.” “Pare-pareho lang silang mga halimaw,” aniya, nagtatagis ang mga ngipin sa galit. “Ang mga bampira ay ginagamit ng dyablo upang maging instrumento at maghasik ng kasamaan sa lupain ng mga mortal. Kapalit ng kapangyarihan, naging alipin ang mga bampira ng hari ng mga hadeos.” “Paano mo nalaman ang tungkol bagay na ‘yan, Jack?” nagtatakang tanong ni Sanji. “Dahil naisulat ko ito sa aking nobela,” tugon niya. Hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa. Gusto niyang ipaintindi kay Sanji na naayon sa libro ang kapalaran ng mga ito-kasama siya. “Kung gano’n, alam mo rin kung paano pigilan ang kasamaan ng mga hadeos at bampira. Kung hindi mo man ito maisusulat kaagad, baka maari nating isagawa ang mga naisip mo.” Hindi siya kumibo. Maraming ideya ang pumapasok sa kanyang isipan. Ang totoo ay wala pa siyang naisip na solusyon. Hindi rin siya sigurado kung maisabuhay niya ang kanyang naiisip. Hindi niya kontrolado ang isip ng bawat nilalang sa lugar na iyon. Tanging ang propisiya ang pag-asa nila. Sa pagkakataong iyon, walang nakaaalam sa susunod na mangyayari sapagkat hindi niya natapos ang nobela. Umiikot lamang ito kung saan siya tumigil, sa panahong kasagsagan ng digmaan. “Parating na sila!” sigaw ni Peter, na nakapuwesto pa rin sa sanga ng punong kahoy. “Humanda ang lahat!” sigaw ni Haru. Nauna nang sumugod ang grupo ni Sanji. Kalmado siyang nakatayo habang nakapikit. Pagkakataon na niya iyon upang malaman kung aling grupo ng mga bampira ang dumakip sa kanyang kasintahan at mga kapatid. “Sugod mga kasama!” sigaw ni Sanji. Sumunod dito ang ibang kasama nilang mandirigma. Hindi na niya hihintayin kung kailan sisikat ang araw. Mahina ang mga bampira kapag may araw kaya itinaon ni Sanji na sa burol sila pumuwesto dahil alam nito na doon unang lilitaw ang araw dahil iyon ang pinakamataas na bahagi ng lupain. Pagmulat niya ng mga mata ay ginulantang siya ng maputlang mukha ng lalaking bampira. Humaba ang dila nito, at naglabasan ang matutulis na pangil. Kakaiba ang hitsura ng bampirang ito kumpara sa karaniwang bampira na nag-aanyong tao. Bago pa man ito makalapit sa kanya ay hiniwa niya ng espada ang katawan nito mula sa ulo. Lumiyab ang itim nitong dugo at kaagad naging abo ang katawan. Kasunod nito ang dalawa pang lalaking bampira. Sinalubong niya ang mga ito at isa-isang hiniwa ng espada ang mga leeg. Nang malusaw ang katawan ng mga ito ay sumugod siya sa kanyang mga kasama upang tumulong. “Ugh!” daing ni Jack nang may tumamang matalim na bagay sa kanyang kaliwang binti. Naitusok niya sa lupa ang dulo ng kanyang armas nang siya’y mapaluhod. Tumagas ang dugo mula sa kanyang sugat. Nakabaon doon ang maliit na punyal. “Jack! Sa likod mo!” sigaw ni Sanji habang nakikipagbuno ito ng espada sa kalaban. Tiniis niya ang sakit at hinugot ang kanyang espada. Tumayo siya at hinarap ang kalaban. Subali’t natulos siya sa kinatatayuan nang makilala niya ang babaeng may hawak na pana at nakahandang pakawalan ang palaso sa kanyang direksyon. Hinahangin ang ilang hibla ng mahaba nitong buhok-ganoon din ang laylayan ng puting saya nito. Ang maganda nitong mukha ay nagpapaalala sa kanya ng kanyang pagkukulang. “A-Alona…” paos niyang sambit sa pangalan ng babae. Hindi siya maaring magkamali-si Alona ang kanyang nakikita, ang kanyang katipan. Tama ang hinala niya, naroon sa panig ng mga bampira si Alona. Ngunit paano ito napunta roon kung hadeos ang kumuha rito? Hindi niya maigalaw ang kanyang katawan. Bukod sa makirot ang binti niya, wari may humihila rito mula sa ilalim. Nahihirapan na rin siyang huminga. “Ano ba ang ginagawa mo riyan, Jack? Patayin mo na siya!” gigil na udyok sa kanya ni Sanji buhat sa kanyang likuran. Hindi niya kayang patayin si Alona. Maaring hindi siya nito kilala dahil sa kung anong elementong umaalipin dito. Maari ring kaaway ang tingin nito sa kanya ngunit ito pa rin ang babaeng mahal niya. Dahil hindi siya gumagalaw-tumama sa kanang bahagi dibdib niya ang palasong pinakawalan ni Alona. Ilang segundo bago manuot ang kirot sa kanyang dibdib. Ramdam niya ang pagkapunit ng ilang hibla ng kanyang laman-ang pagtagas ng dugo mula sa sugat likha ng palaso. “Ugh!” daing niya nang sumigid pa ang kirot na kanyang nararamdaman. Napahawak siya sa palasong nakatarak sa kanyang dibdib. Sa halip na indahin ang sakit, sumugod siya sa kanyang kasama na akmang tatagain ng espada si Alona. Marahas niya itong itinulak upang mapigilan ang paglapit nito sa dalaga. “Ano ba ang problema, Jack?” naiinis na tanong ni Luis, na siyang itinulak niya. Hindi niya pinansin si Luis hanggang sa iniwan siya nito at hinarap ang ibang kaaway. Kahit kinakapos na siya ng hininga ay hinarap pa rin niya si Alona. Hinagip niya ang kaliwang braso nito ngunit iniwaksi nito ang kamay niya. Umatras ito at tinutukan siya nito ng punyal na yari sa kahoy. “H-hindi kita lalabanan,” hinahapong sabi niya. Ibinaba niya ang kanyang espada. “Ako si Jack, hindi mo ba ako naaalala?” Walang kibo ang babae. Pansin niya ang walang puwersang paghawak nito sa punyal. Marahil ay may nararamdaman itong kakaiba habang nagsusukatan sila ng tingin. Bahagyang bumaba ang kamay nito na may hawak sa punyal. Lalapitan na sana niya ito ngunit may kamay na humaklit sa kanyang balikat. Hinarap niya ito at hiniwa ng espada sa tiyan nang matiyak na isa itong bampira. Sinugod din siya ng isa pang lalaki at nakalmot siya ng mahahabang kuko nito sa puson. Napunit ang kanyang kamiseta. “Yaaaah!” sigaw niya, inangat ang kanyang armas at hiniwa ang katawan ng kalaban. Mabilis itong natunaw. Naninilim ang paningin niya dahil sa dugong nawala sa kanya. Nilingon niya si Alona. Naglalakad na ito palayo. Hinabol niya ito ngunit hinarang siya ni Sanji. “Umalis ka sa daraanan ko, Sanji!” asik niya sa kasama. “Nababaliw ka na ba? Kalaban ang babaeng iyon!” giit nito. “Hindi siya kalaban! Biktima rin siya, Sanji!” Marahas niyang itinulak si Sanji upang sundan si Alona. Subali’t pagdating niya sa sukdulan ng kagubatan ay nakaabang doon ang grupo ng mga bampira. Kasama ng mga ito si Alona. “Wala kang lugar sa mundong ito, bata. Bibigya kita ng leksiyon dahil sa iyong pahihimasok sa teritoryo namin,” sabi ng lalaking katabi ni Alona. Nakasuot ito ng itim at mahabang damit. Hanggang balikat ang alon-alon nitong buhok-na ang ilang hibla ay natatakpan ang kaliwang mata nito. Pakiwari niya’y ito ang pinuno ng grupo dahil sa malakas nitong awra. Pamilyar rin sa kanya ang hilatsa ng mukha nito. Ano’ng ibig sabihin nito? Bakit hawak nito ang kamay ni Alona? “Umalis na tayo rito, Jack! H-hindi natin sila kakayanin!” apela ni Sanji, hinihingal mula sa kanyang likuran. Nang tumalikod si Alona ay ganoon na lamang ang pagsikip ng kanyang dibdib. Tila may libu-libong punyal na tumulos sa kanyang puso. Ito na marahil ang parusa sa kanya. Malaki ang pagkukulang niya kay Alona. Hindi niya inalagaan ang pagmamahal nito dahil sa kanyang pagkahibang sa kasikatan. Nagpatianod na lamang siya kay Sanji nang hilahin siya nito. Hinabol sila ng mga bampira. Wala na siyang lakas upang lumaban-ganoon din marahil ang kanyang mga kasama. “Pumunta tayo sa silangan! Doon sisikat ang araw!” sigaw ni Peter, na nauna sa kanila. Mabagal ang kanyang paghakbang. Ang diwa niya’y umiikot lamang kay Alona. Masakit ang katotohanang tuluyan na itong mawawala sa kanya. Lalo siyang nanlumo nang gupuin siya ng matinding kirot mula sa kanyang mga sugat-lalo na sa kanyang puso. Hindi siya nakarating sa burol kung saan unang masisikatan ng araw. Nadapa siya sa damuhan at nabiwatan ang kanyang sandata. Lalo lamang bumaon sa kanyang dibdib ang palaso na nakatarak dito. Masakit iyon-ngunit higit na masakit ang katotohanan na hindi na siya babalikan ni Alona. Ang makita ito sa piling ng ibang nilalang ay isang parusa. “Jack!” Hindi na niya nakilala ang boses na tumawag sa kanyang pangalan. Namimingi siya, nahihilo, at wala nang maaninag. Ga-hibla na lamang ang kayang gunitain ng kanyang balintataw. Tanging si Alona lamang ang namamayani rito. “A-Alona…” huling sambit niya bago tuluyang dumilim ang paligid niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD