PRECY Matapos ang mahabang usapan naming dalawang ni Aryan ay lumabas ako para tingnan sa sala sina Casper. Naabutan ko silang tahimik at hawak ang kanilang mga cellphone habang nakaupo sa sofa at ang dalawa naman ay mukhang inaantok pa sa sulok. “Gusto n'yo bang matulog muna?” tanong ko sa lahat. “Ang lamig po pala dito sa inyo, ma'am,” sabi ng isa sa mga tauhan ni Aryan na ngayon ko lang nakita. “Oo, mataas kasi ang lugar namin, kaya mas malamig kumpara sa patag,” nakangiting sagot at paliwanag ko. “Sandali, ikukuha ko kayo ng unan at kumot.” Matapos ko silang kausapin ay agad akong tumalikod at pumasok sa silid ko. Naabutan kong nakahiga na sa kama si Aryan habang yakap si Patrick na nakayakap pa sa katawan niya ang maliit na braso ng anak ko. “Baby, hindi ka pa ba matutulog?”