Biglang bumukas ng marahas ang glass door ng ihawang restaurant. Umagaw iyon sa atensyon ng lahat ng taong kumakain sa loob. Pumasok ang napakaseryosong si Nash. Matikas siyang tumayo muna at nanlilisik ang mga mata niyang sinuyod ang mga taong sarap na sarap sa pagkaing 'di nila alam ay karne ng mga bata. Naka-jacket siya ng leather na itim kaya animo'y action star siya na biglang sumulpot sa lugar. Nakasumbrero din siya. At may hawak siyang baseball bat na ipinagtaka ng lahat. Natigil ang mga tao sa pagkain at natigil din sa ginagawa ang mga tauhan sa restaurant. "Sir Nash, may kailangan po kayo?" Natarantang nilapitan siya agad ng pinaka-manager ng kanyang itay. Ito lamang ang tanging nakakakila sa kanya. Dahil do'n ay nagbulungan ang mga waiter at waitress pati na ang mga cashier.