"Dito ka lang," bilin ni Realyn kay Jhoena. Akmang aalis na siya pero mabilis na napigilan siya ni Jhoena.
"Where you going?"
"Kakaiba ang van na 'yon. May mga kamay akong nakita," aniya na humakbang na, ngunit sumunod sa kanya si Jhoena. Ikinawait nito ang kamay sa isang braso niya. Natigil siya at tiningnan ito.
"Sama na lang ako baka sa'kin pa mgpakita 'yung mga sinasabi mo!"
Hindi na siya umimik pa. Dalawa na nga sila ni Jhoena na nilapitan ang van. At agad sila na nakaramdam ng kakaiba nang makarinig sila ng mga nanaghoy na mga bata. Nakakilabot na mga panaghoy na nagmumula sa loob ng van. Nasa may kalayuan pa lang sila kaya hindi nila matanawan ang mga nauulinigang mga iyak ng mga bata.
"May naririnig ka bang mga iyak ng mga bata?" naninigurong tanong niya kay Jhoena. Baka kasi siya lamang ulit ang nakakarinig. Mabilis ang t***k ng kanyang dibdib sa kilabot. Kahit kasi ordinaryo na sa kanya ang makakita o makarinig ng mga hindi pangkaraniwan ay hindi pa rin niya maiwasang mahintakutan.
"Oo parang sa loob ng van," tugon ni Jhoena na lalong dumikit sa kanya.
"Iwasan mong makagawa ng ingay," bulong niya rito. Dahan-dahang inakay niya ang kaibigan palapit sa van.
Napapalunok si Jhoena, kinakabahan sa ginagawa nilang magkaibigan. Pwede silang makasuhan sa kapangahasang ito. Ngunit wala namang nakakapansin siguro sa kanila dahil ang lahat ay sa restaurant ang pansin.
Nang tuluyan silang makalapit sa sasakyan ay inilibot nila ang paningin. Laking pagtataka nila dahil wala namang bata sa lugar. Sarado ang tinted na mga bintana ng van, hindi nila masilayan kung may tao ba roon sa loob.
Napaigtad na lang sila ni Jhoena nang biglang kumalabog sa loob ng sasakyan.
"May tao nga sa loob!" sambit ni Jhoena. "Bakit 'di pa sila bumaba?"
"Hindi ko alam pero parang may kakaiba." Sinubukan niyang buksan ang pinto ng van, subalit naka-lock iyon. At impit siyang napatili nang biglang may humawak sa kamay niya na maliit na kamay. Nang sundan niya ng tingin ang nagmamay-ari n'on ay isang batang babae na walang ulo.
"Huh?!" Napaatras siya ng ilang hakbang sa pagkagulat. Napatitig siya sa bata na takot ang kanyang hitsura. Nabatid niyang babae ang bata dahil nakabestida ang pugo't nitong katawan.
"Tulungan niyo sila..." saka anang boses na narinig niya bago unti-unting naglaho ang batang walang ulo. Nagpalingon-lingon siya na pinagpawisan ng malapot. Hinanap pa rin ng mata niya ang bata.
"Bakit?" takang tanong ni Jhoena sa kanya.
"May nakita akong kakaiba. Kailangang malaman natin kung ano ang laman ng van!" ang nasabi lang niya. Naghagilap siya sa paligid ng puwedeng gamitin.
Babasagin nila dapat ang salamin ng sasakyan ngunit nakarinig na sila ng malakas at galit na boses ng lalaki.
Takot na napalingon sila ni Jhoena.
"Anong gagawin niyo?! Sino kayo?!" Nagdudumali si Mang Arthur sa paglapit sa kanila.......