IKINUNDISYON muna ni Tyrah ang kaniyang sarili bago lumabas sa opisina ni Darlah. Isa sa ipinagpasalamat niya ay iyong hindi niya nakita ang hayok na lalaki sa labas ng opisina na iyon. Iyong pakiramdam niya, awang-awa siya sa kaniyang sarili. Ang hirap na wala man lamang siyang mahingan ng tulong. Kapag ganito ang kaniyang pakiramdam, namumuo ang galit niya sa kaniyang ama. Anak siya nito, ngunit wala itong malasakit man lamang sa kaniya. Sarili lamang ang iniisip. Nakalagay na sa bingit ang kaniyang dangal. Kung maaari lamang na huwag ng magising sa araw ng Biyernes, mas gugustuhin pa niya. Bumalik sa pagtatrabaho si Tyrah. Ang mukha niya ay hindi mababakasan ng anumang ngiti. Kaya naman ang ibang lalaki na dinadalhan niya ng order sa table ng mga iyon ay hindi magawang landiin siya.