Nakatayo si Elise sa tabi ng kaniyang Nanay Beth habang naghihintay sa pagbaba mula sa sasakyan ng mga dumating. Ang nag-iisang anak ito ng kanilang amo kasama ang asawa at anak nito. Ito ang unang summer na nasaksihan niya ang pagdalaw ng mga ito sa matandang pinagsisilbihan ng kaniyang Lola.
Ngayon pa lang kasi siya sinama ng Lola sa mansion kung saan ilang taon na itong namamasukan bilang katulong. Masyado pa kasi siyang bata noon. Ngayon ay nagboluntaryo na siyang samahan at tulungan ang kaniyang Lola sa mga gawain rito sa napakalaking bahay.
Maagang naulila si Elise sa kaniyang mga magulang. Magkasama ang kaniyang ina at ama na namatay sa isang ambush. Sundalo ang yumaong anak ng kaniyang Nanay Beth na nakapag-asawa ng isang nurse. Sumama noon ang kaniyang ina sa misyong iyon.
"Mamita!"
Nag-angat ng tingin si Elise nang marinig ang boses ng isang batang lalaki. Kasunod ang mahina at masayang tawa mula kay Donya Lucia na nakita niyang sinalubong ang apo nito. Napangiti siya habang nakikitang magkayakap ang mag-lola.
"Mama," bati ng unico hijo ng Donya. Lumapit na rin ito sa ina kasunod ang maganda nitong asawa na kitang nagdadalang-tao sa malaki na nitong tiyan.
Kumalas ang Donya sa apo at ang anak at manugang naman ngayon ang sinalubong.
Matagal nang yumao ang asawa ng Donya kaya mag-isa lang ito sa napakalaking mansyon ng mga Prieto. At ayon sa Nanay Beth niya ay dinadalaw naman ito ng mag-anak. Madalas tuwing ganitong tag-init at may napakalinaw na tubig dagat 'di kalayuan sa likod ng mansyon na pag-aari rin ng pamilya.
Habang abala ang mga nakakatanda sa batian ay lumipat ang tingin ni Elise sa batang lalaki na apo ni Donya Lucia. Kyuryoso na ito ngayong nakatingin lang sa kaniya. Kumurap-kurap si Elise dahil hindi niya inasahang pupunahin siya nito.
"Pumasok na muna tayo sa loob at nang makapananghalian..." boses iyon ng Donya.
Mabilis namang kumilos ang kaniyang Nanay Beth upang sumunod rito. Nag-iwas na siya ng tingin at pumasok na rin sa loob.
Lumabas muna si Elise mula sa kusina gamit ang pintuan sa likod. Kasalukuyan pang nanananghalian ang pamilya at wala pa namang dapat na ligpitin o ayusin kaya magpapahangin muna siya.
Ngunit kanina niya pa talaga gustong puntahan ang dagat. Iyon talaga ang lugar na gustong-gusto niya mula sa mansyon. Kaninang umaga pupunta na sana agad siya doon kung hindi lang pinigilan ng kaniyang Lola dahil nga raw dadating ang anak ni Donya Lucia at ang pamilya nito. Medyo naging abala sa kusina dahil maraming pinaluto ang Donya kaya tumulong na muna siya.
"Where are you going?"
Unti-unti nang naglalakad si Elise patungo sa balak puntahan nang marinig niya ang boses na iyon ng isang batang lalaki.
Nahinto siya sa paghakbang at binalingan ito. Ang apo iyon ni Donya Lucia.
"S-Sa... dagat..." sa mahinang boses ay sagot niya at marahan pang tumuro ang isang kamay sa direksyon patungo doon.
Nagsimula itong humakbang palapit sa kaniya. Napaatras naman si Elise dahilan upang matigilan din ito. Bahagya itong pinangunutan ng noo sa naging reaksyon niya. Iniisip niya kasing baka awayin siya nito. Kagaya ng mga batang kilala niya. Tapunan kasi ng tukso si Elise ng mga kapwa bata dahil wala raw siyang Mama at Papa.
"Are you okay?" may concern sa guwapong mukha ng batang lalaki.
Matangkad ito kumpara sa height niya. Mestizo rin at bahagyang magulo ang medyo may kahabaan nitong buhok. Maamo ang mukha nito at ang mga mata ay parang tulad sa mga anghel.
Ngunit isang beses pang umatras si Elise sa muli nitong pagsasalita. Tumayo ito ng tuwid at tumigil sa paglapit sa kaniya. Sunod ay marahang sumilay ang isang magandang ngiti sa mga labi nito.
"Hi! I'm Stefan," the boy smiled at her in a friendly manner.
Hindi matandaan ni Elise kung may lumapit na ba sa kaniya noon at nagbigay ng isang palakaibigang ngiti. Hindi nga rin niya maintindihan kung bakit mas gusto siyang tuksuhin ng mga kasing edad kaysa kaibiganin. Wala pa naman siyang inaaway mula noon. Tahimik nga lang siya.
"What's your name?" sunod na tanong sa kaniya ni Stefan.
Bumaba ang kaniyang tingin sa mga kamay at pinaglalaruan ang mga daliri. "Elise..." mahina niyang sagot na nakatungo pa rin. Hindi niya sigurado kung narinig ba nito.
"Hi, Elise! I hope we can be friends?"
Napaangat siya ng tingin at nakita sa mukha nito ang tuwa sa pag-asang pagkakaroon ng isang bagong kaibigan.
Unti-unti, sumilay na rin ang isang ngiti sa mga labi ni Elise. Para bang nahawa siya sa magandang ngiti ng batang lalaki.
Tuluyan na itong lumapit sa kaniya at hindi na siya umatras pa.
Doon nagsimula ang kanilang pagkakaibigan. Si Stefan ang unang naging kaibigan ni Elise. Kahit pa tuwing bakasyon lang sila nagkikita o minsan pasko, nanatili ang binuo nilang pagkakaibigan sa mga nagdaang taon...
"'Nay, 'yong relo ko po? Nakita n'yo?" nagugulo na ang kanilang maliit na silid ng kaniyang Lola sa mansyon ng mga Prieto sa paghahanap niya sa nawawalang wristwatch.
Hindi iyon pwedeng mawala! Regalo 'yon sa kaniya ni Stefan noong sixteenth birthday niya. Lahat ng mga binibigay nito sa kaniya ay buong puso niyang pinapahalagahan at iniingatan.
"Ito ba 'yon, apo?"
Agad siyang bumaling sa kaniyang Lola at mabilis na kinuha mula rito ang kanina pa niya hinahanap. Dinala niya iyon sa kaniyang dibdib at nagpasalamat na hindi ito nawala.
"Iyo ba 'yan, Elissa?" anang kaniyang Lola. Tinawag siya nito sa tunay niyang pangalan. Bahagya itong pinangunutan ng noo. "Itinabi ko nang makita. Dadalhin ko sana kay Donya Lucia at mukhang mamahalin," anito.
Maagap naman siyang tumango. "Opo. Akin po ito, 'Nay. Bigay ni Stefan..." aniya.
Ilang sandali silang nagkatinginan ng kaniyang Nanay Beth bago ito nagbuntong-hininga at bahagyang umiling. "Kayo ni Stefan..." halos tumitig ang mga mata nito sa kaniya. "Nagugustuhan mo na ba ang panganay na apo ni Donya Lucia, Elissa?" seryoso nitong tanong na kinakaba niya.
Unti-unti at sunudsunod niyang inilingan ang tanong ng Lola. "Hindi po, 'Nay! Magkaibigan lang po kami ni Stefan..." humina ang kaniyang boses sa mga huling salita. Napayuko at bumaba nalang ang tingin sa hawak na magandang wristwatch.
Tumango ito. "Mabuti naman kung ganoon. Si Stefan ay apo ni Donya Lucia... maaring pabor ito sa pagiging malapit n'yo ng kaniyang apo, ngunit hanggang doon lang iyon..." muli itong nagbuntong-hininga. "Mayaman sila, apo..." anito na para bang dapat ay maintindihan na niya ang sinasabi nito.
Nag-angat siya ng tingin sa kaniyang Lola at unti-unting tumango.