UMIYAK na ako ng tuluyan ng marinig ko iyong pag-ayaw ni Mama sa akin. Mas lalo kong naramdaman na nakakaawa ako. Na kahit na sa ganitong sitwasyon, walang may gustong kumuha sa akin. Nawala na ko sa sarili. Iyon bang inipon ko na sama ng loob ng matagal na panahon naibuhos ko ngayon. Na-trigger ako sa pag-iyak dahil na rin sa sitwasyon.
Naawang niyakap ako ni Tita Jocelyn.
"Magpakatatag ka, Lota. Walang ibang gagawa no'n para sa'yo kundi sarili mo. Kailangan ka ng anak mo. Pabayaan mo na siguro ang magulang mo. Umuwi ka na lang talaga sa Cebu. Gagawan ko ng paraan. Makatulong man lang sa'yo at ng matapos na ito," aniya habang hinahaplos ang buhok ko.
Humagulgol ako lalo. Iyong iyak na halos hindi na makahinga at barado na ang ilong. Ngayon ulit nag-si-sink in na naman ang mga pinaggagawa ko sa buhay.
Mula ng nag-boyfriend ako ng maaga. Hinanap sa kanila ang kalinga ng isang ama. Bumagsak ako sa lalaking sablay naman pala. Buong akala ko okay na okay si Dave. Naka-jackpot ako. Iyon pala hindi. Ngayon, hindi ko na alam saan kami pupulutin ng anak ko.
Nagpresinta ako kay Tita Jocelyn sa pag-bantay ng mga anak niya. Dahil narito ako at may mapag-iiwanan siya kaya kinuha niya ang pagkakataon na umalis at ilako ang meryenda tulad ng ginataang mais at bilo-bilo.
Mabuti na lang ang alagain ko ay si Mika. Iyong apat naman kasi matanda na at nakakaintindi. Kaya lang mahilig daw kasi tumambay sa labas kaya at iyon ang ayaw na ayaw ni Tita.
"Saglit lang ako, ate. Diyan lang sa tapat lang nila Stefan. Uwi din ako agad kapag parating na si Mama," pakiusap sa akin ng pinsan ko na pangatlo sa magkakapatid. Si Althea.
"Naku, pagagalitan ako ng Mama mo. Dito ka na lang," sabi ko sa kanya.
Sumimangot ito at walang nagawa kundi bumalik sa upuan. Sumama sa iba niyang kapatid na nanunuod ng TV. Iyong panganay ay may practice daw sa sayaw para sa isang subject nila kaya wala ngayon. Apat lang silang binabantayan ko.
Kumalam ang tiyan ko. Kanina pa kong umaga kumain. Iyong pananghalian hindi na. Nagkape na lang ako dahil hindi kasya ang ulam. Mabuti na lang may naiwan pang meryenda si Tita Jocelyn kaya iyon nilantakan din namin ng mga pinsan ko. Samantalang ako iyon na ang tanghalian tsaka merienda ko.
Pagdating sa gabi may nakain naman ako dahil may bitbit na isda si Tito Ricardo. Nagkasya naman sa amin ang galunggong na binili niya. Maayos naman na ang pakikitungo ni Tito Ricardo sa akin. Siguro talagang problemado lang siya paano din ako bubuhayin kasi mas mahihirapan nga siya gawa ng dumagdag ako sa pakakainin niya.
Kaya naman sa sumunod na araw kinausap ko na siya.
"Tito salamat po sa pagpapatira niyo sa akin dito. Pasensya na po talaga dahil dumagdag pa ako sa problema niyo. Bale, aalis din po ako dito at uuwi sa amin. Hahanap lang po ako ng pera uuwi din po ako sa amin," mahina kong sambit. Ni hindi ko nga siya matignan sa mga mata dahil naiilang ako makipag-usap sa kanya.
Hindi siya makatingin sa akin pero abala pa rin naman sa paglilinis ng isda. Nakikinig lang si Tita Jocelyn habang ang mga pinsan ko abala sa panunuod ng TV. Siksikan talaga kami sa iisang kwarto. Pagpasok kasi sala agad, kusina, tapos kama.
"Wala naman ako magagawa kundi patuluyin ka at aawayin naman ako ni Josie kung hindi. Kaya lang tatapatin kita, hindi ko talaga kaya na suportahan kasi kayo lahat dahil construction lang ako. Sinabi ko naman sa Tita mo hanggang dalawang linggo lang ang kaya ko. Baka kapag tumagal pa, utang na naman. Hanggang sa hindi na namin mabayaran mga utang namin."
Tumango ako at ngumiti ng tipid. Sinulyapan ko si Tita Jocelyn na nahihiyang ngumiti din sa akin.
"Opo naiintindihan ko po. Di bale po hahanap ako ng extra na trabaho po para makabili ng ticket po pauwi kila Lola."
"Hindi na. Gagawan namin ng paraan ni Josie mautangan ka para sa ticket. Kung mabayaran mo man kami, salamat. Kung hindi okay lang. Hindi ka naman makakatrabaho sa lagay na 'yan may anak ka. Alangan iwan mo, sino naman mag-aalaga. Wala naman kaya antayin mo makadelihensya kami ni Josie."
Nanubig ang mga mata ko.
"Tito, salamat po!" masaya kong sabi at kinusot ang mga mata dahil basa na ang mga ito dahil sa luha.
Tumango lang ito pero hindi na ko nilingon at wala na din sinabi.
"Halika na, Lota. Gising na ang anak mo," sabi ni Tita kaya napabaling ako sa kanya.
"Oho, uuwi nga po diyan si Lota. Si Charlotte ba," sabi ni Tita Jocelyn kay Lola ng tawagan niya ito sa sumunod na araw.
"Charlotte? Aba dapat matagal niya na 'yang pinauwi sa amin. Wala naman kaming kasama ni Wilfredo dito. Sinasabi ko na 'yan kay Kriselda na dalhin dito si Charlotte ayaw naman niya. Kailan ba uuwi ang apo ko?"
"Naghahanap pa kami pambili ng ticket niya. Sinabihan lang kita kasi para malaman niyo balak umuwi ni Lota."
Nakikinig lang ako habang inuugoy ng marahan sa aking bisig si Mika.
"Aba'y sige ba! At buong puso kong tatanggapin 'yang una kong apo!"
Nilunok ko ang bikig sa aking lalamunan. Nahaplos ang puso ko sa sinabi ni Lola. Ang tagal kong naghahanap ng taong kakalinga sa akin. Na bibigyan ako ng halaga. Iyong hindi ko mararamdaman na ayaw sa akin ng pamilya ko. Ngayon na narinig ko si Lola. Naluha ako. Kasi iyon ang matagal ko ng gusto. Edi sana umuwi na lang ako sa kanila. Sana hindi ganito ang buhay ko kaya lang naisip ko si Mika. Wala siya sa akin kung umuwi din ako.
Iyong pagsisi ko sa lahat parang kalahati lang, kalahating oo at hindi. Kasi nga mahal na mahal ko naman ang anak ko kaya hindi ako nagsisisi ng buong-buo na ganito ang takbo ng buhay ko. Kahit masama si Dave sa akin may parte sa puso ko na nagpapasalamat dahil kung hindi sa kanya wala akong anak. Wala akong maituturing na AKIN.
"O sige, Tiya! Tatawag ako sa susunod kapag uuwi na siya."
"Ay hindi, pauwiin mo na agad, Josie! Magpapadala ako sa Cebuana mamaya ng pera. Magkano ba ang ticket. May naitabi kami ni Wilfredo dito. Pauwiin mo na 'yan at pati na ang apo ko sa tuhod."
Nanlaki ang mga mata ni Tita Josie. Maging ako ganoon din. Napangiti ako habang umiiyak. Mukha ng baliw dahil sa emosyon.
"Kausapin mo ba si Lota, Tiya?" tanong ni Tita Jocelyn habang nakatingin sa akin.
"Sige nga at kakausapin ko."
Ipinasa sa akin ang cellphone.
Tumikhim ako.
"L-lola..." gumaragal ang boses ko. Unang salita pero bibigay na naman ako.
"Apo, huwag ka mag-alala. Makakauwi ka na. Ako ng bahala. Huwag mo ng isipin ang nanay mo at baliw 'yon. Dito ka na lang sa akin, ha?"
Napanguso ako at bumuhos ng matindi ang luha. Nagpahid na din ng luha si Tita Jocelyn dahil nga napaiyak na ako.
"O-opo! Salamat po, L-lola!" Nabasag na ng tuluyan ang boses ko.
"Huwag ka ng umiyak. Ibigay mo kay Tita mo Josie, kakausapin ko."
Inabot ko kay Tita ang cellphone. Nagpahid muna ito ng luha at suminghot bago kinausap si Lola.
"Sige, Tiya! Ite-text ko sa'yo ang detalye, ha? At nang makabili na si Lota ng ticket pauwi. Salamat, Tiya!"
Natapos ang pag-uusap ng puro pasasalamat. Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib. Okay ng tumira ako sa bukid kasama si Mika. Kasama ang Lolo at Lola. Tahimik at simple lang ang buhay.
Nasanay man ako sa magulong kapaligiran. Siguro naman makukuha kong mahalin ang probinsya. Kasi doon ang tunay na nagmamahal sa akin.
Nakahinga ng maluwag sila Tito Ricardo ng malamang nagpadala na kanina si Lola Estancia ng pera pambili ko ng ticket. Kaya lang dahil nga hapon na. Hindi na kami nakabili sa travel agency. Sarado na kasi. Kaya bukas na lang. Si Tita na ang bahala.
"Anim na libo naman 'tong pinadala niya. Sabi ni Tiya, ang sobra kung meron pocket money na ni Lota. Isang libo sa akin daw. Siguro naman wala pang apat na libo ang pamasahe kasi papunta lang naman. Si Franny, umuwi din 'yan noon eh. Dalawang libo mahigit lang ang pamasahe."
Tumango si Tito Ricardo. Nakikinig lang din ako sa kay Tita habang nag-uusap sila. Nasa hapagkainan na kami at ang isang libo na bigay ni Lola kay Tita ay pinambili ng ulam.
"Buti hindi na natin kailangan kamo umutang. Dapat pala tumawag ka na sa Tiyahin mo noong nakaraang araw pa. Tapos na sana ang problema."
"Eh, nag-iisip pa kasi ako paano makakuha ng pera pambili ng ticket. Kanina ko lang naisip na sabihan si Tiya. Malay ko ba na magbibigay ng pera. Alam mo naman doon probinsya. Hindi naman ganoon kaganda ang buhay doon. Iyon pala may extra pera si Tiya."
Tahimik akong sumusubo ng ulam habang tinatapik ang hita ni Mika dahil nagigising sa ingay.
"Oo na. Huwag ka na maingay at ang bata magising. Hindi na naman ako makatulog ng maayos niya kapag may batang umiiyak," reklamo ni Tito.
Nahiya ako bigla dahil nga naalala ko na nag-iiyak kagabi si Mika. Ramdam kong nagalit si Tito dahil pagod siya sa trabaho tapos hindi makatulog dahil sa ingay kaya ending lumabas siya at doon sa kahoy na upuan natulog muna. Pero bumalik din naman ng tumahimik si Mika.
Nahihiya talaga ako sa perwisyo namin ng anak ko pero nagtitiis ako dahil wala akong choice. Saglit na lang at makakauwi naman na ko sa amin.
Nakabili nga si Tita Jocelyn ng ticket. Libre lang kasi si Mica dahil one year old pa lang. Sa lap ko naman siya uupo kaya walang bayad.
"Salama po, Tita," sabi ko ng iabot sa akin ang ticket. Para sa susunod na araw na 'yon.
"Buti kamo kaunti lang gamit mong dala. Handy-carry lang," aniya.
"Oo nga po, eh..."
Masaya na nalulungkot ako. Masaya kasi may tatanggap sa amin ni Mika. Malungkot kasi iiwan ko 'to lahat tas sa malayo kami titira. Pero mas better kumpara mag-stay kasi wala namang kukupkop sa amin.
Niyakap ko ng mahigpit si Tita Jocelyn. Panay ang pasasalamat ko sa kanya.
"Basta, mag-text ka na lang kapag nasa airport ka na. Magtanong tanong ka na lang doon at laging alerto. Baka maiwan ka kasi ng eroplano," bilin niya. First time ko kasing sasakay sa eroplano at kinakabahan ako ng todo.
Hindi ko kasi alam kung paano pero dapat nga daw magtanong ako.
"Oo, Tita. Salamat talaga na pinatuloy mo ako dito," sabi ko sa kanya.
Tumango lang ito at pinasakay na ako sa tricycle. Nag-commute ako at nagtanong tanong lang hanggang sa heto na at nag-aantay ako mag-board sa plane.
Iba ang feeling kapag nasa airport ka. Iyong feeling na aalis ka sa lugar, medyo mabigat na masaya sa pakiramdam. Hindi ko maiwasang hindi mapahanga sa tuwing nakakakita ng eroplano. Noon kasi sa himpapawid ko lang nakikita. Maliit lang.
Ngayon nasa harap ko mismo. Malaki. Excited akong sumakay. Curious sa kung anong feeling kapag pumasok na doon. Paano din ba ang gagawin.
"Anak, sasakay tayo sa plane. Makakakita na tayo ng ulap!" maligaya kong sabi.
"First time mo pala."
Natigilan ako at bumaling sa dalaga na aking katabi. Nakangiti siya sa akin at napasulyap kay Mika na naglalaro ng headband sa aking hita.
"Opo," I smiled.
"Ang cute ng baby mo. Ilang taon na?" tanong niya.
"Isa pa lang po."
"Isa pa lang? Parang malaking bulas," aniya dahilan para mapangiti ako at magpasalamat.
Na-excite ako ng nag-announce na para sa pag-open ng boarding gate. Dali-dali akong pumila. Sumusunod lang sa katabi ko dahil pareho kami ng flight number.
"Mabuhay!"
Ngumiti ako ng batiin ako ng flight attendant. In-assist din ako doon kung saan ang seat. Ganoon pala 'yon. Hindi tuloy ako mapakali sa upuan ko dahil sa excitement. Nawili din ako sa panunuod sa flight stewardess tungkol sa safety briefing. Lahat bago sa akin kaya naaliw ako. Panibagong experience na babaunin ko habang buhay.
Iba ang pakiramdam lalo na ng nag-landing ang plane sa Mactan-Cebu International Airport.
"Ladies and Gentlemen, Pearl Pacific Airlines welcomes you to Mactan-Cebu International Airport. The local time is 10:20 AM. For your safety and the safety of those around you, please remain seated with your seat belt fastened and keep the aisle clear until we are parked at the gate."
Naluluha ako na hindi ko maintindahan ngayong nasa Cebu na ako. Bagong buhay kasama si Mika kapiling ang Lolo at Lola.