KABANATA 4

2020 Words
SINUNDO kami ni Lola Estancia at Lolo Wilfredo sa airport. Nahihiya pa ako dahil hindi naman ako lumaki sa kanila. Ilang pa ako at hindi kumportable ng yakapin niya. 65 years old na si Lola. Matanda siya ng tatlong taon kay Lolo pero tumagal naman ang pagsaama nila kahit maaga din silang nag-asawa. Walo ang mga anak nila Lola. Tapos pang-anim si Mama. Lahat sila wala na dito sa Cebu. May kanya-kanya na kasing buhay. Nag-uusap pa sila ni Lolo sa dialect nila. Wala din naman akong naintindihan dahil laking Maynila. "Gutom ka na ba? May baon kaming suman. Para tipid tayo, hindi na bibili sa tindahan. Nagluto kami kaninang madaling araw. Naku, apo! Kahit habang buhay kang tumira dito. Hindi ka magugutom. Hindi tulad sa Maynila. Bawat galaw mo, dapat may bayad," sabi ni Lola habang nakasakay na kami sa jeep papuntang Liloan. Pinagtitinginan tuloy kami ng mga ibang pasahero doon. Siguro alam nilang salta ako kasi kinakausap ako ng Tagalog. Hindi pa ko nakakapagsalita. Inabutan niya na ako ng suman. Natatawa lang si Lolo habang pinagmamasdan kami ni Lola. "Sige, La. Okay na po ito," sabi ko kasi balak pa ko bigyan ng isa pa. Humalakhak si Lola at hinaplos ang buhok ni Mika na todo ang yakap sa akin dahil hindi niya kilala sila Lola Estancia. "Ang laki ng anak mo. Mika, apo. Ako si Lola mo. Ang ganda namang bata! Wilfredo ano nga ang sa tagalog ng himsog? Himsog 'tong anak mo, eh," sabi ni Lola at hinipo ang braso ni Mika. Nagsumiksik tuloy ang anak ko dahil natatakot. "Lola natin 'yan, anak." Natatawa kong sabi habang kumakagat na ng suman. "Malusog," sagot ni Lolo. "Malusog si Mika. Kumakain na ba ito ng pagkain?" aniya. "Medyo. Nasanay po kasi ng gatas. Pero pinapakain ko na po 'yan ng solid foods. Hindi nga lang malakas kumain pero buti po malusog pa rin." Nakarating kami sa Liloan. Nasa bukid talaga ang bahay nila Lola. Malaki ang bahay nila. Malawak na bahay at yari sa kahoy maging ang tarangkahan. Bitbit ni Lolo Wilfredo ang gamit ko at siya ang nagbukas ng pinto. Pagkita ko pa lang sa kanila, halata ko ng tahimik na tao si Lolo at si Lola ang makwento. "Pasok na. Pasok! Ito ang simpleng bahay namin ng Lolo mo. Dito lumaki sila Mama mo, eh. Hanggang ngayon buhay pa ang bahay namin kahit medyo luma na." Naiiyak ako sa kung paano siya ka-welcoming sa akin. Bagay na hindi ko kailanman naranasan kanino man sa kamag-anak ko. Palagi ko siyang nakikitang nakangiti kapag kakausapin ako. Sa tuwing tinitignan ako ng ganyan ni Lola. Hinahaplos ang puso ko. Mas lalo kong naramdaman iyong kakulangan sa akin na simpleng ngitian lang ako ni Lola, iniiyakan ko na. Nagulat siya ng bigla akong umiyak na lang ng pumasok sa bahay. "Wilfredo! Kumuha ka nga ng tubig! Dalian mo! Ay susko, Lota. Bakit ka ba umiiyak? Tinitignan ka ng anak mo, oh. Nagtataka siguro bakit ka umiiyak." Umiling-iling lang ako at nakayuko. Mahigpit ang hawak sa anak ko na nagsasalita na dahil nagtataka bakit ako umiiyak. "M-mama... iiyak you?" aniya. Napasigok ako ng sinubukan kong magsalita. Inabutan ako ni Lola ng tubig. Nataranta na sila sa akin dahil bigla na akong nag-break down. "Huwag ka ng umiyak, Lota. Mamahalin ka namin ng Lola mo. Tama na 'yan at baka mahimatay ka sa kakaiyak mo," malumanay na sabi ni Lolo. Pinaupo ako ni Lola sa plastic na upuan na may sandalan. Ang labo ng mata ko kaya wala na tuloy akong makita. Binigyan niya ako ng panyo. Hinayaan niya akong umiyak habang hinihimas ang aking likod. Para bang nakuha niya na kung bakit ako umiiyak. Na kailangan ko ilabas lahat ng ito para gumaan ang pakiramdam ko. Na kailangan kong tanggapin na sila lang ang magbibigay ng pahalaga sa akin. Natigil ako ng umiyak na din si Mika. "Ayan, umiiyak ka kasi pati anak mo nahawa na. Tama na. Halika at kumain ka muna. May tinabi kaming ulam ng Lolo mo. Kumakain ka ba ng gulay? Isda?" tanong niya habang inaakay na ko papunta sa kusina nilang yari din sa kahoy. Ang sahig ay hindi pa sementado kaya dapat nakasapatos o tsinelas ka. Kapag maulan tiyak maputi ang sahig. Hindi ako sigurado kung may tumutulong tubig ba tuwing umuulan. Wala kasi silang kisame pero mataas naman kaya mahangin at hindi mainit. Nagsasandok si Lolo ng kanin habang pinagsisilbihan ako ni Lola. Panay pa rin ang punas ko ng luha at ugoy kay Mika. "May sapsap, kumakain ka ba nito? Adobong kangkong. Ito may fried chicken. Kung ayaw mo ng gulay at isda," sabi ni Lola. "Kumakain po ako niyan, Lola. Hindi naman ako mapili sa ulam." Tumango siya at binigyan ako ng kutsara at plato. Natigil na din sa iyak si Mika. Iyon ang tanghalian ko na marami akong nakain talaga pagkatapos na umiyak. Napakain ko din si Mika ng tanghalian pero kaunti lang talaga. "Dito 'yong kwarto niyo ni Mika. Okay na ba kayo dito? Kasya naman kayo sa kama. Pasensya na at kahoy itong bahay natin at ang kama. Malamok sa gabi kaya dapat magkulambo kayo ni Mika." Tumango ako at umupo. Pinasadahan ko ang buong kwarto. Maliit man pero ayos lang at least may maayos na matutulugan. May lumang lalagyan ng damit si Lola. Kahoy iyon at walang takip. Ang twin bed yari sa kahoy. May isang electric fan na luma na din. "Okay ka na ba dito? Ang mga gamit mo dito mo na lang ilagay," ani ni Lola at napatingin sa paa ko. Iyong tsinelas ko kasi luma na. Paano nagmamadali kasi akong umalis noon kaya luma nabitbit ko. Nahihiya kong inurong ang aking paa. "Bibilhan kita ng tsinelas mamaya. Hindi ko napansin ang suot mo kasi natuwa ako na nandito ka. Matagal ng walang bumibisita sa amin. Ang mga tiyahin mo? Naku, hindi na kami pinapansin pero hayaan mo na. Malalaki naman na sila. Hindi na kami kailangan ni Wilfredo." Nalungkot ako para sa kanya. Ngayon na matanda na sila wala na silang kasama kung kailan mas higit na kailangan nila ng may kasama. Iniwan kami ni Lola para makatulog. Si Mika kasi ay inaantok na kaya pinatulog ko tapos tsaka ako nag-ayos ng gamit namin. "Diyan ang CR, Lota. Iangat mo ng mabuti ang pinto kasi bumabagsak 'yan. Aayusin ko pa mamaya." Tumango ako kay Lolo. Bitbit ko sa banyo ang tuwalya na binigay ni Lola. Pinagpawisan kasi ako kanina sa labas. Mainit. Pero sa bahay naman hindi masyado kasi malawak at mataas ang kisame. Puro pa puno ang nakapaligid sa amin at sa likod ay palayan. Kumikita sila Lola dahil sa palayan nila. Kaya daw nakakatustos sa pang-araw araw na pagkain at maintenance. Pareho na silang may sakit. Diabetic at highblood si Lolo. Si Lola naman ay diabetic lang. Alaga nila ako at hindi pinaramdam sa akin na pabigat kami o hindi welcome sa bahay. Hanggang sa inabot ako ng isang buwan, unti-unti nawawala na ang hiya sa aking katawan. Nagiging kumportable na ko kausap sila Lola. Nasasabi ko na sa kanya kapag wala na kong sabon o shampoo. Nakakahiya kasi noong una. Naligo ako ng hindi na nag-shampoo. Ubos na kasi. Nakakahiya kayang humingi. Noon kasi sinisigawan ako ni Mama kapag nakitang naubos ko 'yong shampoo kahit isang patak lang naman nagamit ko. Nagtitipid kasi siya tapos mauubusan ang iba kong kapatid. Kaya minsan nagsa-shampoo ako minsan hindi. May kuryente naman dito pero walang internet. Sa isang buwan kong pag-alis sa poder ni Dave. Hindi talaga niya ako hinanap. Kinapa ko ang puso ko kung may pagsisi ba o panghihinayang pero wala akong maramdaman na. Masaya na ko dito sa probinsya. Kahit sila Lola at Lolo lang kilala ko na-survive ko naman ang probinsya. Palagi lang akong nanunuod ng TV. Nagbabantay ng bata at tumutulong sa bahay. Nakasanayan ko na kasi dahil ganito ako noon pa man. Kapag wala ng ginagawa at ayaw ko na lumalabas kami ni Mika kasama si Lola sa tapat lang ng bahay. Si Lola makipagkwentuhan sa kapitbahay. Iyong kapitbahay namin may agwat ang bahay nila sa amin. Hindi tulad sa Maynila. Dikit-dikit. Hinahayaan ko lang maglaro si Mika sa harap ng bahay. Pinapanuod baka kasi biglang madapa o anuman. Si Lola at ang kapitbahay kasi nag-uusap ng Cebuano. Wala naman akong naiintindihan. Mababait naman ang mga tao dito. Kaya lang hirap sila na kausapin ako gawa ng tagalog ang salita ko. May iba na kaedad ko na natutuwa kasi bihira lang makakita at makipag-usap sa taga Maynila. "Ah, sa Tondo? Malapit ba 'yon sa... globo? 'Yong... ano may Mall na malaki. Banda sa dagat." Napangiti ako sa kausap kong si Hilda. May tono pa ang boses niya at hirap na hirap magtagalog pero nakakatuwang naitawid niya din naman pagkatapos. "Medyo. Ilang sakay pa ng jeep," sabi ko at ngumiti. Hawak ko sa kamay si Mika dahil tumatakbo sa malayo. Pinipigilan ko. "Mika!" hindi ko maiwasang tumaas ang boses dahil nga umiiyak si Mika at gusto habulin ang pusa. "Umiiyak siya, manang. Gusto ng pusa." Humagikgik si Hilda. Matanda lang siya sa akin ng dalawang taon. Pumasok si Lola sa loob para gumawa ng meryenda. Suman na naman. Noong una ang dami kong nakain. Pero katagalan naumay na ko. Araw-araw kasi, eh. "Dito ka na pala titira, ano? Taga diyan kami. Papasok ka diyan, o. Tapos pangalawang bahay. Amin na 'yon. 'Yong may baboy-an." Tinuro niya iyong makipot na daan na tanging tao, bike o motor lang ang makakadaan. Walang poste ng ilaw at puno ng talahib at puno. Nakakatakot pumunta doon kapag gabi. Flashlight lang dala mo,. "Ah... sa inyo pala 'yong naamoy ko." Napatango-tango ako. Humagikgik siya. Maitim at matangkad si Hilda. Singkit ang mata at medyo may kalakihan ang ilong. Maganda ang hulma ng labi. Payat din ang katawan tulad ko. Ang buhok naman niya ay maigsi. "Mabaho, manang, ano?" Natawa siya. Hindi na ko sumagot pero natawa lang din. Lumabas si Lola bitbit ang isang plato ng suman. Pinagkaguluhan nila pero ako hindi na. Nauumay na kasi. Kinagabihan, kinausap ako nila Lola tungkol sa pag-aaral. "Gusto mo ba mag-aral? Gagawan namin ng paraan ng Lolo mo. Medyo malayo lang ang ekswelahan dito. Maglalakad ka kasi wala naman tayong motor. Ako na mag-aalalaga kay Mika kung desidido ka talaga." Natuwa ako sa sinabi ni Lola na handa niya akong pag-aralin. Kaya lang nawalan na ko ng amor sa pag-aaral. Ang gusto ko na lang magtrabaho para may mapakain ako kay Mika. Nahihiya din ako kila Lola na maski toothpaste hindi ako makabili. Hinihingi ko pa sa kanya. "Hindi na, La. Maghahanap ako ng trabaho para may pumasok na pera sa atin. Kasi si Mika lumalaki na din. Lalaki din gastusin natin." "Saan ka magtatrabaho? Kapag nakahanap ka kami ang mag-aalaga kay Mika. Para hindi ka mahirapan," ani ni Lolo. "Salamat, Lo. Hindi ko pa alam pero maghahanap ako. Kahit kahera o ano pa basta may sahod," sabi ko sa kanila habang nasa harap kami ng TV. Nanunuod ng balita. Iyon ang usapan namin. Maghahanap ako. Kaya ng makita kong may naghanap na singer sa isang maliit lang na restaurant sa bayan. Sumubok ako. "Resume mo, manang?" sabi sa akin ng matandang babae na humarap sa akin ng sabihin kong mag-a-apply ako. Sa kanya ako pinalapit. "Wala po kasi, eh. Pero 'di ba, singer naman kailangan niyo po. Kakanta ako para makita niyo po kung p'wede po ako," kabado pa ako at medyo umaasa na sana makapasok. "Paano ko malalaman kung wala kang record sa pulis at NBI? kaya dapat may requirements pa rin 'to. May resume ka pa din dahil hindi kita kilala." Lumaglag ang balikat ko. "Halika na, apo. Sa susunod na lang. Magbabayad na lang tayo sa computer shop para igawa ka ng resume." Hinawakan ako ni Lola sa braso. "Sandali! Ano ka ba naman, Gracy. To follow mo na lang. Pakinggan muna natin kung maganda ang boses. Sayang ang bayad niya sa pagpi-print kung hindi naman matanggap. Halika dito, manang. Pasok ka at pakikinggan namin ang boses mo." Nagliwanag ang buong mukha ko at tila nabuhayan sa sinabi ng matandang lalaki sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD