“‘WAG!” kasabay ng pagsigaw na iyon ni Niana ay ang pagbalikwas din niya ng bangon buhat sa kaniyang pagkakahiga. Sa kaniyang panaginip ay inihulog daw siya sa ilog matapos gawan ng kahalayan at pahirapan ng tatlong lalaking may masamang balak sa kaniya.
Halos habol niya ang kaniyang paghinga. Dagli ring pinagpawisan ang kaniyang pakiramdam kahit na malamig naman sa kaniyang kinaroroonan.
Mariin siyang napapikit habang sapo ang kaniyang ulo na para bang medyo tumitibok-t***k pa ang pakiramdam. Lalo na sa parteng sentido niya.
“Okay ka lang?”
Nang marinig ang tinig na iyon ay dagling naibaba ni Niana ang kaniyang mga kamay at nagbaling ng tingin sa pinanggalingan ng tinig na iyon.
Isang lalaki ang nakita niyang tumayo mula sa pagkakaupo niyon sa isang sofa na malapit lang sa kamang kinahihigaan niya.
Bumakas ang pagtataka sa kaniyang mukha habang nakatitig sa mukha ng lalaking papalapit sa kaniya.
Sino iyon?
Hindi napigilan ni Niana ang mapakurap dahil baka namamalikmata lamang siya sa nakikita niya.
Ngunit totoong isang guwapong lalaki ang kaniyang nakikita na para bang bumaba mula sa kalangitan.
Kulang na lamang ay magliwanag ang paligid dahil dito.
Saka lang din nagawang ilibot ni Niana ang tingin sa paligid nang makabawi sa pagkatulala sa lalaking kasama sa silid na iyon.
Kumunot ang noo niya. “N-nasaan ako?” hindi niya napigilang itanong nang muli niyang ibalik ang tingin dito.
“Sa isang hotel. Hinintay lang kitang magising para makakain ka bago ako umalis. Don’t worry, wala naman akong ginawang masama sa iyo. As you can see, tinulungan kita mula sa mga taong may masamang balak sa iyo.”
Tinulungan?
Biglang bumalik sa kaniyang alaala ang nangyari kanina sa may tabing kalye bago siya nawalan ng malay dahil sa pagod, gutom at uhaw.
May tatlong lalaki na gusto siyang isakay sa kotse ng mga iyon at natitiyak niya na para na rin gawan ng masama.
Hindi niya napigilan na hindi yakapin ang sarili.
Kung ganoon, ito ang taong tumulong sa kaniya? Paano kung hindi ito dumating para tulungan siya?
Napalunok si Niana. Ramdam niya ang panunuyo ng kaniyang lalamunan.
Muli siyang napatingin sa lalaking estranghero na tumulong sa kaniya nang damputin nito ang telepono at tumawag sa receptionist. Nagpapadala ito ng makakain niya roon.
“S-salamat na lang ho. Pero hindi naman ako nagugutom,” ani Niana na akmang bababa sa kama nang magsalita ang lalaki.
“Hindi ka nagugutom?” anito na ibinaba na ang telepono matapos makipag-usap sa receptionist.
Tumango si Niana. “Siguradong nakakaabala na ako sa inyo. Pasensiya ho.” Itinuloy na ni Niana ang pagbaba sa kama. Ang sapatos niya kaagad ang kaniyang isinuot.
Ngunit akmang lalapitan niya ang kaniyang bag na nasa may sofa nang pigilan siya sa kaniyang braso ng lalaking iyon.
“Sasayangin mo ba ‘yong oras ko sa paghihintay na magising ka? Kung hindi ka naman pala nagugutom, sana, hindi na lang kita hinintay na magkaroon ng malay.”
Ang totoo niyan, nagugutom na naman talaga siya. Ngunit nakakahiya na sa lalaking ito. Tiyak niya na abala na siya para dito.
“P-pasensiya ho talaga sa abala,” hinging paumanhin niya. “Pero hindi ko makakalimutan ‘yong ginawa ninyong pagliligtas sa akin kanina,” ani Niana nang tingalain ito.
Nakipagtagisan pa ito ng titigan sa kaniya bago nito nagawang magsalita.
“Sabi ng doktor, dahil sa gutom at uhaw kaya nawalan ka ng malay. Now tell me, na hindi ka nga nagugutom.”
Kung bakit para bang nalulon ni Niana ang kaniyang sariling dila. At ang pinakanakakahiya ay nang kumalam pa ang kaniyang sikmura.
Para bang gusto na lamang niyang magpalamon sa sahig ng mga sandaling iyon dahil sa labis na kahihiyan.
Napahawak sa tiyan niya si Niana at hindi magawang tapunan ng tingin ang lalaki.
Binitiwan na rin nito ang kaniyang braso na hawak nito.
“Mukhang hindi magagawang magsinungaling ng tiyan mo,” kaswal pa nitong wika. “Hindi mo na kailangan pang makipagtalo.”
Paano pa ba niya magagawang makipagtalo rito kung pinatunayan ng pagkalam ng kaniyang sikmura na nagugutom nga talaga siya?
Sobrang nakakahiya.
Hindi naman nagtagal at dumating ang pagkain na para sa kaniya. Kaagad iyong inilagay sa pabilog na lamesa na naroon.
“Puwede na po kayong kumain,” nakangiti pang wika ng lalaking staff.
“Thank you.”
Napasulyap si Niana sa pabilog na lamesa na maraming nakahaing pagkain. Naaamoy niya ang mabango at nakatatakam na aroma ng pagkain sa lamesa.
Kanina, pinoproblema niya kung paano siyang makaka-survive sa gabing iyon. Na baka matulog siya sa tabi ng kalye.
Pero heto siya ngayon. Sobrang hindi niya inaasahan na may taong ipapadala sa kaniya ang Diyos para lamang mapabuti siya ngayong gabi.
At habang ang tingin niya ay nasa lamesa, hindi naman mapigilan ng kaniyang mga mata ang pagbalong ng luha mula roon.
“Ano’ng nakakaiyak?” taka pang tanong ng lalaking estranghero sa kaniya nang makita nito ang luhaan niyang pisngi. “Hey,” untag pa nito sa kaniya.
Saka lang nagawang kumurap-kurap ni Niana. Kapagkuwan ay binalingan ang lalaki sa kaniyang harapan.
Hindi nito alam, pero sobrang laking bagay ang ginawa nito para sa kaniya.
Sandali pa niyang nakagat ang kaniyang ibabang-labi bago nagawang magsalita.
“Salamat ho,” aniya sa tinig na sinisikap na hindi iyon mabasag. “Lalo na sa pagmamabuting loob kahit alam kong sobrang malaking abala ako para sa iyo. Alam ko ho, hindi ninyo ako kilala. Pero nagawa pa ninyong magmagandang loob para sa isang katulad ko. Ang totoo niyan,” aniya na nagbaba ng tingin. Muling nagbalong ang luha buhat sa kaniyang mga mata. “H-hindi ko alam kung paano ako ngayong gabi. Tumakas ako sa amin na walang ibang dala kung ‘di pasamahe lang. Pero ‘yong inaasahan kong kakilala na tutulong sa akin kahit ngayong gabi lang, hindi naman puwede. Pero hindi ako magtatanim ng sama ng loob sa kaniya dahil nauunawaan ko naman ‘yong sarili niyang sitwasyon. Kahit nga mangutang, negative rin. Kaya naglakad lang ako nang naglakad. Walang kasiguraduhan kung saan pupunta. Ininda ko ‘yong gutom. Totoo, hindi pa ho ako kumakain. Pero sobrang kapal naman ng mukha ko kung pati pagkain ko, iaasa ko pa ho sa inyo. Ni hindi naman ninyo ako kilala. Pero nagawa pa rin ninyong magmagandang loob sa akin. Kaya maraming-maraming salamat po. Napakalaking tulong na ‘yong nagawa ninyong pagliligtas sa akin kanina mula sa mga masasamang tao na ‘yon. ‘Yon pa lang ho, sobra-sobra na. Hindi ko ho ugaling magmalabis sa isang tao.”
Tumikhim ang lalaki. “Ang mabuti pa, kumain ka na muna,” sa halip ay wika niyon na iginiya na si Niana palapit sa lamesang maraming pagkain.
Kumuha pa ito ng tissue at inilagay sa kamay niya.
“Magpakabusog ka.”
Ramdam niya na genuine ang pagtulong nito sa kaniya na walang hinihingi na ano mang kapalit.
Pinahid ni Niana ang tissue sa magkabila niyang pisngi at sa kaniyang mga mata.
“Salamat ho talaga. Kayo ho ba? Baka gutom din kayo?”
“I’m full,” kaswal niyong tugon. “Kumain ka na,” iyon lang at bumalik ito sa pagkakaupo sa may sofa. Kinuha nito ang remote ng naroong TV at binuksan iyon para manood.
Siguro, upang hindi siya maabala sa kaniyang pagkain.
Diyos ko, salamat po talaga… piping wika ni Niana sa kaniyang isipan.
Mabuti pa rin ang Diyos sa kaniya dahil hindi siya niyon inilagay sa kapahamakan.