Chapter 05

1620 Words
SIGURO, dala rin talaga ng matinding gutom kaya naubos ni Niana ang mga pagkaing nasa harapan niya. Daig pa niya ang hindi pinakain ng isang buong linggo. Napahawak pa siya sa kaniyang bibig nang mapadighay siya. “Sorry ho,” agad niyang wika nang balingan ng tingin ang lalaking tumulong sa kaniya. Kapagkuwan ay nahihiyang nagbawi siya ng tingin. Diyos ko, salamat po talaga. Sobrang nabusog po ako… ani Niana sa kaniyang isipan. Higit pa sa kaniyang inaasahan ang dinanas niya ngayon. Lalo na at mas napabuti pa siya dahil hindi siya napahamak o natulog sa lansangan. Matapos ubusin ni Niana ang juice sa isang baso ay tumayo na siya upang impisin ang kaniyang pinagkainan. Pagsasama-samahin lang niya ang mga pinggan. “Hayaan mo na ‘yan diyan.” Napatingin si Niana sa lalaking nakaupo pa rin sa may sofa. Nasa kaniya na ang atensiyon niyon. “Okay lang ho. Huhugasan ko na rin naman po.” Kumunot ang noo ng lalaki. “Ha?” “Baka ho ipisin kung hindi ko huhugasan.” “As you can see, walang kusina rito para hugasan mo ‘yan. Kukunin ‘yan dito ng staff nitong hotel. Kaya hayaan mo na ‘yan diyan.” “K-kung ganoon po, pagpapatong-patungin ko na lang po muna.” “Sa akin ka makinig. Trabaho na nila ‘yan.” Gustuhin man niya na ituloy ang kaniyang ginagawa dahil sanay siyang magligpit ng kinainan sa mesa, pero ayaw naman niyang makipagtalo pa. Inayos na lang ni Niana ang kaniyang inupuan. Kapagkuwan ay nilapitan niya ang kaniyang bag. Sa loob niyon ay inilabas niya ang kaniyang cellphone para sana tingnan kung ano na ang oras. Dahil nakapatay iyon kaya binuksan niya. Kaagad dumating ang sunod-sunod na text message galing kay Mariefe. Mag-a-alas dose na rin nang hating gabi. Hindi siya nangahas na buksan ang mga text ni Mariefe. Humigpit ang hawak niya sa kaniyang cellphone bago binalingan ng tingin ang lalaking nasa TV ang atensiyon. “Salamat po sa pagpapatuloy rito, sa pagkain at higit sa lahat, sa pagliligtas ho. Utang ko sa inyo ang buhay ko ngayon. Dahil kung hindi ho kayo dumating, baka bukas, palutang-lutang na lang ako sa ilog katulad ng sinabi sa akin kanina ng mga lalaking masasama ang loob. Pasensiya po ulit sa abala.” Isinukbit na niya ang kaniyang bag nang maisara ang zipper niyon. Nang balingan siya ng tingin ng lalaki ay kumunot pa ang noo niyon. “Saan ka naman pupunta?” sa halip ay taka pa niyong tanong. “Aalis na ho at baka nakakaabala na ako sa inyo.” Napasunod ang tingin ni Niana sa lalaki, na halos tingalain niya dahil sa katangkaran niyon, nang tumayo na ito. Pinatay na rin nito ang TV. “You’ll stay here. Ikaw na rin ang nagsabi na wala kang matutuluyan ngayon. Dito ka na magpalipas ng gabi dahil hindi naman ako rito nag-stay. Sayang ang bayad dito kung hindi mo tutulugan.” Kung ganoon, doon na siya magpapaumaga? Malaking bagay iyon sa kaniya kung sakali man. Lihim siyang nagpasalamat. Kinuha ng lalaki ang wallet nito at naglabas doon ng lilibuhing pera. “Use this,” anang lalaki na akmang iaabot sa kaniya ang pera nang umiling si Niana. Umatras pa siya. “Naku ho, hindi ko ho matatanggap ‘yan. Okay na ho na tinulingan ninyo ako at pinakain.” “I insist,” anito na kinuha ang isang kamay niya at inilagay ang pera doon. “P-pero ang laki ho nito. Isa pa—” “Gusto mo bang mamatay sa gutom? Wala kang kapera-pera, ‘di ba? Paano ka makaka-survive pagkaalis mo rito kung wala ka kahit magkaano sa bulsa mo?” Napalunok si Niana. Nagsisimula na namang mag-init ang bawat sulok ng kaniyang mga mata. Hindi siya nito kilala, pero bakit ganoon na lang ang kabutihan nito? Sandaling suminghot si Niana. Pati luha niya ayaw na namang makisama. Lalo iyong namuo sa mga mata niya. “‘Wag ho kayong masyadong mabait,” tanging nasabi niya. “Bakit? Baka kunin kaagad ako ni Lord?” Umiling si Niana. “Baka maabuso kayo.” Nang bitiwan ng lalaki ang kamay niya, hindi na niya binilang lahat ang perang hawak niya. Bumawas lamang siya roon ng halagang limang-libong piso. Sa dami kasi niyon, hindi niya alam kung paano pa niya iyong mababayaran. Ibinalik niya sa kamay nito ang sobra sa nakuha niya. “Hindi ko ho kayang bayaran lahat ‘yan. Okay na ho itong limang-libo,” aniya na muli itong tiningala. “Ito ho, kaya kong bayaran sa inyo kapag nagkaroon na ho ulit ako ng trabaho.” “Keep it,” giit naman nito na ibinalik sa kamay niya ang malaking halagang ibinalik niya rito. “Hindi na naman tayo magkikita pa kaya wala ng dahilan para bayaran mo pa ‘yan. Isa pa, ‘yan lang ang cash ko kaya pagpasensiyahan mo na.” Ano raw? Pagpasensiyahan na niya iyon? Pero sobrang laki niyon para sa isang katulad niya. Kahit na sabihing hindi na sila magpapanagpo pa, pero labis-labis ang ibinibigay nito sa kaniya. “Pero—” “Bariya lang ‘yan sa mga naibibigay kong tulong sa iba. Kaya hindi mo kailangang—” “Kita ko naman ho sa tindigan ninyo na hindi kayo basta-bastang tao. Pero ang akin lang po, sobra na itong ginawa ninyong pagtulong sa akin. At para sa isang hamak na katulad ko, sobrang laki ho nitong ibinigay ninyo.” “Pagtatalunan pa ba natin ang itinulong ko sa iyo?” Hindi kaagad nakapagsalita si Niana. “It’s nothing. Anyway, I need to go. Kapag puwede ka ng matulog, ituloy mo na ang pagtulog mo.” Natitigan na lamang niya ang guwapong mukha ng lalaking tumulong sa kaniya. Hinding-hindi niya makakalimutan ang ginawa nitong pagtulong sa kaniya. Hindi lang ito ubod ng guwapo, pero sobrang bait din nito. “Maraming salamat,” aniya nang makabawi. “Hindi ko ho makakalimutan itong pagtulong ninyo sa akin.” Tango lang ang isinagot nito. Akmang aalis na ito nang may pahabol pa siyang salita. “Hindi ho ba kayo vlogger?” tanong pa niya na inilibot pa ang tingin sa paligid. Baka kasi mayroong mga hidden camera doon. Alam niya, uso ang ganoon dahil nakikita niya minsan kapag nanonood sa cellphone ang iba niyang katrabaho o kaibigan. May mga vlogger kasi na tumutulong na mayroon pang mga hidden camera sa paligid. “Vlogger?” taka pang tanong ng lalaki sa kaniya. “Hmm. Uso ‘yon sa panahon ngayon, ‘di ba? Baka ho kasi may hidden camera kayo sa paligid. Kung mayroon man, sana ho, ‘wag na ninyo itong i-post sa social media account ninyo. Baka po kasi mag-viral. Makarating pa ho sa madrasta ko.” “Hindi ko alam kung ano ang sinasabi mo.” Hindi ba ito vlogger? “At wala rin akong inilagay na hidden camera sa paligid. Magpahinga ka na ulit at baka kulang ka pa sa tulog. I’m going.” Isang titig pa sa kaniyang mukha bago ito tuluyang umalis. Kung ganoon, totoo ang pagtulong nito sa kaniya. Para bang may pumipiga sa puso ni Niana ng mga sandaling iyon. Lalo na nang mawala na sa kaniyang paningin ang lalaking tumulong sa kaniya. Sobrang buti ng kalooban niyon. Hindi man lang nagdalawang isip na tulungan siya. Ilang sandali pa ay ipinasya namang ibaba ni Niana ang bag sa sofa at maupo roon. Doon ay saka lang din niya nagawang bilangin ang perang hawak niya sa kamay. Napalunok pa siya nang umabot iyon ng twenty-five thousand pesos. Sobrang laki niyon. Tapos, ibinigay lang iyon sa kaniya ng lalaki na walang kahit anong kapalit na hinihingi. Ngayon lang siya nakahawak ng ganoon kalaking halaga sa buong buhay niya. parang gusto niyang malula. “Diyos ko,” anas niya. “Sana ho, patnubayan ninyo ang taong tumulong sa akin. Sana, bigyan din po ninyo ako ng pagkakataon na makapagbalik sa kaniya ng kabutihang hindi niya ipinagkait sa akin ngayon…” Nakagat ni Niana ang kaniyang ibabang-labi at hindi napigilan ang sarili na hindi mapaiyak. Sari-sari ang kaniyang nararamdaman ng mga sandaling iyon. Pakiramdam niya ay sobrang daming nangyari sa buong araw niya. Mabilis niyang pinalis ang luha sa kaniyang mga mata at itinago ang pera sa kaniyang bag. Isinangat niya iyon sa kaniyang damit. Sasandal sana siya nang maalala ang text message sa kaniya ng kaniyang madrasta. Agad niyang binuksan ang inbox ng kaniyang cellphone at isa-isang binuksan ang mga text message ni Mariefe. Saan ka pumunta? Bakit wala ka? Niana, may usapan tayo na hindi ka puwedeng umalis. Maaga tayo bukas. Niana! Tangina ka. Lumayas ka ba at wala rito ang iba mong mga damit? Putangina ka talaga. Patay ka sa akin oras na makita kita. ‘Wag mo akong subukan! ‘Wag na ‘wag ka talagang magpapakita sa akin. ‘Yong gigil ko sa iyo, abot sa impiyerno! Hayon na naman ang takot na kaagad bumangon sa kaniyang dibdib. Mabilis niyang pinatay muli ang cellphone sa takot na baka biglang tumawag si Mariefe. Mas lalong wala ng dahilan para bumalik sa bahay nila. Kahit pundar pa iyon ng kaniyang ama. Dahil tiyak ang kapahamakan sa kaniya kung babalik siya roon. Baka sapilitan siyang dalhin ni Mariefe sa Chinese na pagbebentahan nito sa kaniya. Huminga nang malalim si Niana. Ang lalamunan niya ay nananakit na naman. Hanggang sa hindi niya mapigilan at sandaling maiyak dahil sa mga nangyayari sa kaniya ngayon. Kung bakit kailangan niyang danasin ang ganito. Wala naman siyang ibang ginusto kung ‘di ang maayos na buhay. Pero bakit ganito ang kinalalabasan ng lahat? Hanggang ngayon, isang katanungan pa rin sa kaniya kung ano ba talaga ang plano sa kaniya ng Panginoon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD