"WE'RE going to stay here?" tanong ng dalagang si Ahnia habang inililibot ang tingin sa loob ng kubo. Halata sa mukha nito na hindi ito kumportable sa hitsura ng paligid.
Matapos silang ihatid ni Gado sa maliit na bahay na nasa loob pa rin ng bakuran nito ay agad rin itong nagpaalam sa kanila at umalis upang tumulong sa lamay ng kaibigan.
"Bakit? Ano ba ang inaasahan mo? Hotel? May malaking kama, malalambot na unan at air-conditioned?" kunot ang noong tanong ni Conrado. Mahihimigan ng pang-uuyam sa tinig.
Mabilis naman ibinaling ng dalaga ang atensiyon sa lalaki. Pilit na ngumingiti kay Conrado. "No! This is actually pretty nice." Tumango pa siya nang ilang beses. "It's kinda small, pero sapat na for us."
Naiiling na lang na inilapag ni Conrado ang mga gamit nila ni Ahnia sa papag na nasa tabi lang ng pinto.
Muli namang ibinaling ni Ahnia ang mga mata sa paligid niya. Natuon ang tingin niya sa maliit na kuwarto sa kanan kung saan tela lamang ang tumatakip at nagsisilbing pinto. Mula rito ay natuon naman ang mga mata niya sa sink na nasa tabi ng pinto na puwedeng paghugasan ng mga plato. Sa tabi nito ay may kalan na puwede nilang paglutuan. Hindi naman kalayuan mula rito ay may maliit na mesa at dalawang upuan na yari sa kahoy.
"Sa silid ka na matulog, ako na rito sa labas." Muling nakuha ang atensiyon ni Ahnia nang marinig ang sinabi ng binata. Nakita niya itong abala sa pagwawalis ng mga kalat sa lupa. Wala kasing sahig ang kubong iyon kundi lupa lamang. "Mabuti na lang, wala nang nakatira dito. Dati itong bahay ng pamangkin ni Tiyo Gado.
"Your cousin?" untag niya.
Natigilan si Conrado sa ginagawa bago siya tinapunan ng tingin. Isang matamis na ngiti ang ibinigay niya sa lalaki. Tila naaasiwa namang nag-iwas ng tingin si Conrado.
"Hindi ka na prinsesa, kaya ngayon pa lang, sinasabi ko na sa iyo, matuto kang gumawa ng mga gawaing bahay."
Bahagyang natigilan si Ahnia sa mga narinig. Muli nitong nilibot ang paningin sa buong paligid.
"M-me?" tila hindi makapaniwalang tanong ng babae.
Natigilan si Conrado at matalim siyang tinitigan. Dahan-dahan itong lumapit sa kaniya dahilan upang ilang beses siya humakbang paatras. Nang maramdaman ang pader sa kaniyang likod, wala siyang ibang nagawa kundi ang salubungin ang tingin ng lalaki.
"Oo, ikaw!" Itinukod nito ang palad sa pader sa tabi ng ulo ni Ahnia. "kaw ang magluluto, ikaw ang maglalaba at ikaw ang maglilinis nitong kubo." Ngumisi si Conrado matapos kunin ang kamay niya at ipinahawak doon ang hawak nitong walis.
Isang lunok ang ginawa ni Ahnia habang nakatitig sa mga mata ni Conrado. Ilang dipa na lamang ang layo ng mga mukha nila sa isa't isa. Ramdam na ramdam tuloy niya ang mainit na hininga nito sa kaniyang pisngi.
"A-ako lahat?" sinubukan niyang isatinig ang bagay na iyon.
Nang marinig ang kaniyang tanong ay muling dumistansiya si Conrado at ngumiti. "Ayaw mo? Bakit, may nakikita ka bang katulong n'yo rito? Wala, Ahnia. Wala na sila."
"Then, w-what about you? Y-you should help me rin!" Sinubukan niya na pakalmahin ang sarili. Pakiramdam niya kasi ay nakikipaghabulan sa kabayo ang kaniyang puso.
Kung bakit pa kasi nito kailangan ilapit ang mukha nito sa mukha niya!
Muling ngumisi si Conrado. "Magtatrabaho ako," tugon nito. "Sa tingin mo ba, may magbibigay sa atin dito ng libreng pagkain?" Tinalikuran siya nito at tinungo ang mahabang papag saka naupo roon.
Hinawakan naman niya nang mahigpit ang walis habang mataman na nakatitig sa lalaki. Napalunok siya bago umupo sa isa sa dalawang upuan sa tabi ng sa mesa.
"Your Tiyo Gado, he will surely give us food, right?"
Natigilan sa pagsisindi nito ng sigarilyo si Conrado at matamang tumitig sa kaniya. "Ano ka, sinusuwerte? Binigyan na nga tayo ng matitirahan, pati pagkain, iaasa mo pa sa kaniya? Huwag kang abusado." Naiiling nitong sinindihan nang tuluyan ang sigarilyo at hinithit iyon bago ibinuga.
Napanguso si Ahnia sa narinig bago tumayo nang tuwid at nagsimulang magwalis. Nakikita niya ang mga katulong nila na nagwawalis sa loob at labas ng kanilang mansiyon kaya kahit papaano, marunong siyang gawin ito.
Tahimik naman si Conrado habang pinanonood magwalis ang dalaga. Hindi mapakali si Conrado sa nakikitang ayos ng babae. Paano ay suot pa rin nito ang maiksi nitong night dress na hanggang hita lamang ang haba. Kitang-kita ang maputi at makinis nitong binti.
Maya-maya ay nagdesisiyon siyang tumayo na saka itinapon ang hawak na sigarilyo.
Nang mapansin ito ni Ahnia ay mabilis siyang humarap sa lalaki. "Where are you going? Iiwan mo ako?" natatarantang tanong niya bago mabilis na humakbang papalapit sa lalaki.
Huminto naman ito sa bukana ng pinto at nilingon siya. "May pupuntahan lang ako," matapos sabihin iyon ay tuluyan na siya nitong iniwan. Naiiling pa ito habang naglalakad palayo.
Wala tuloy siyang nagawa kundi ang ihatid ito ng tingin. Nang mawala ang binata sa paningin niya ay muli niyang pinagmasdan ang kabuuan ng kubo. Bumuntong-hininga siya bago ipinagpatuloy ang paglilinis.
"INIWAN mo ang kapatid mo?" tila gulat na tanong ni Gado nang makita si Conrado sa bungad ng bakuran ng bahay ng namayapa niyang kaibigan.
Umiling si Conrado. "Hindi ko siya kapatid," mabilis nitong tugon matapos tapunan ng tingin ang kabaong sa loob ng bahay. Nakabukas ang malaking pintuan kaya malayang nakikita ang kabaong sa loob. "Tiyo, may damit ba kayo riyan? Kailangan lang namin para sa gabing ito."
Tila naintindihan naman ni Gado ang ibig sabihin ni Conrado. Tumango ito at sandaling nagpaalam sa pamilya ng kaibigan bago tumungo sa sariling bahay. Sumunod sa likuran nito ang binata.
"Hindi mo dapat iniiwan nang mag-isa si Ahnia, lalo pa't magdidilim na. Delikado," ani Gado nang makapasok sila sa kaniyang tahanan.
"Tiyo, huwag kayong magpapaniwala sa mga manananggal o aswang, hindi sila totoo." Dumiretso si Conrado sa kusina at doon naglagi.
Natigilan naman si Gado mula sa pagkuha ng mga damit sa maliit na kabinet nito. Nilingon ng lalaki si Conrado mula sa kuwartong kinaroroonan niya at seryoso itong tinitigan.
"Totoo sila, Conrado. Ako mismo ang nakakita. Ako ang mismong nakasaksi. Dalawampung taon na ang nakalilipas," mababakas ang pangamba sa boses nito nang muling alalahanin ang isang alaala mula sa nakaraan.
Nagpakawala naman ng buntong-hininga si Conrado bago umupo sa kahoy na upuan malapit sa nakabukas na bintana sa kusina. Pinili na lamang niya ang manahimik dahil alam niyang hindi siya mananalo sa tiyuhin niya. Malaki kasi ang paniniwala nito pagdating sa mga ganoong bagay.
"Heto." Inilapag ni Gado ang malaki at kulay itim na supot sa ibabaw ng mesa. "Iyan ang mga naiwang damit ng anak kong babae. Medyo may kalakihan lang pero kasiya na iyan sa kaniya. Nariyan na rin ang ilan kong damit na sa tingin ko ay magkakasiya sa iyo."
Ngumiti si Conrado bago tumayo at sinipat ang laman ng supot. "Salamat, tiyo."
Tumango ang lalaki. "Sabihin mo lang sa akin kung may kailangan pa kayo."
Muling dumukot ng isang sigarilyo si Conrado sa loob ng bulsa nito. Nagsindi siya ng isang stick at muling humithit.
"Kailangan ko ng mapagkakikitaan, tiyo. Alam n'yo naman, anak mayaman ang kasama ko. Hindi iyon sanay sa hirap."
Natatawang tumango si Gado bago umupo sa bakanteng silya malapit sa kaniya. "Huwag kang mag-alala, matutulungan kita riyan."
Binuga ni Conrado ang usok mula sa kaniyang bibig. Nilingon niya ang bahay na bato kung saan labas-masok ang mga taong nakikiramay.
"Umamin ka nga sa akin, may nangyari bang hindi maganda sa Maynila? Si Trina, kumusta siya?" nang marinig ang tanong ng lalaki ay walang imik niya itong nilingon.
"Wala kang dapat ipag-alala, tiyo. Maayos si Mama." Ayaw niyang madamay pa ang tahimik na buhay ng tiyuhin sa gulo nila kaya minabuti niyang ilihim na lamang dito ang buong pangyayari. Hindi pa nito dapat malaman ang buong katotohanan.
Umiling naman si Gado. Alam nitong may hindi sinasabi sa kaniya si Conrado.
"Bakit mo dadalhin dito ang anak ng bagong asawa ni Trina kung walang mabigat na dahilan? Maliban na lang siguro kung nagtanan kayo."
Bahagya siyang natigilan sa narinig. Makalipas ang ilang sandali, natawa na lamang siya at umiiling na lumapit sa nakabukas na bintana bago binuga ang usok sa loob ng bibig. "Hindi siya ang tipo ko."
Kumunot ang noo ng lalaki. "Kung ganoon ay ano nga? Magsalita ka na, Conrado. Paano ko kayo matutulungan kung wala akong alam sa mga nangyayari."
Mabilis na naglaho ang ngiti sa mga labi ni Conrado nang mapansin ang isang babae mula sa malayo. Sa barukan ng bahay na bato, kung saan nagkukumpulan ang ibang mga tao at ilang mga bata na naglalaro, napansin niya ang nakatayong babae sa labas. Nakatayo ito sa may tabing puno ng niyog, nakasuot ito ng puting kamiseta at itim na palda. Bahagya ring nakasaklob sa ulo nito ang itim na belo.
"Sa tingin ko, may pinasok na namang gulo si Trina, tama ba?" muling pagtatanong ni Gado sa kaniya.
Hindi na napansin ni Conrado ang sinabi ng tiyuhin. Nakatuon na lamang ang paningin niya sa babaeng nakikita. Pinakatitigan niya ang pamilyar na mukha nito. Nang mapansin siya ng dalaga at magsalubong ang mga mata nila, mabilis itong nagbaba ng mukha at naglakad palayo.
"Mariah?" wala sa sariling nasambit niya.
Samantala, hindi magawang alisin ni Carlos ang kaniyang paningin sa babaeng kanina pa nakatayo sa tabi ng puno ng niyog malapit sa bakuran ng bahay na bato. Pinagmamasdan niya ang magandang hubog ng katawan nito mula sa kung nasaan siya. Kahit na nakatalikod mula sa gawi niya ang babae ay kapansin-pansin pa rin ang seksi nitong pangangatawan.
Kinuha niya ang basong naglalaman ng alak at tinungga iyon. Pailing-iling pa siya habang hinihintay na humarap ang dalaga. Eksayted siyang masilayan ang mukha nito.
Kaninang hapon pa sila ng mga kainuman niya roon sa tindahan ni Nadya. Hinihintay nilang maggabi upang makabisita sa yumao nilang kapit-bahay na si Ramon. Panigurado kasing may magpapalaro ng bahara sa bahay nito. Kilala pa naman ang pamilya ni Ramon na isa sa mga medyo nakakaangat sa baryo nila.
Maya-maya ay natigilan siya nang makita ang biglang paglayo ng babae mula sa puwesto nito. Habang naglalakad ay inayos nito ang kulay itim na belong tumatabing sa sariling mukha. Dahil doon ay nagawa niyang bahagyang masilayan ang maganda nitong mukha.
Lumapad ang ngiti sa kaniyang mga labi. Nang makitang malapit na sa kinaroroonan nila ang dalaga ay mabilis siyang tumayo. Patay malisya niya itong binunggo upang makausap ito.
"Nako, pasensiya ka na, Neng," kunwari ay hingi niya ng tawad nang matigilan ito sa paglalakad.
Nag-angat ng mukha ang dalaga at nagtagpo ang mga mata nila. Ang inaasahan niya ay magagalit ito o pakikitaan siya nang hindi maganda katulad ng ginagawa ng ibang babae sa baryo nila, pero sa halip ay ngumiti ito nang pagkatamis-tamis.
Bahagya pa siyang natulala nang masiyalan ang pagguhit ng ngiti mula sa mapupula nitong mga labi. Muling nagbaba ng tingin ang babae at nagpatuloy sa paglalakad. Sinundan niya ito ng tingin. Nang makalayo ito ay muli pa itong huminto at lumingon sa kaniya.
Natigilan siya nang makita ang muling pagsilay ng ngiti sa mga labi nito nang magtagpo ang mga mata nila. Ngiting tila ba inaakit siya na sumunod rito. Nagpatuloy naman ito sa paglalakad.
Lumabi siya bago mabilis na ibinaba ang hawak niyang baso sa ibabaw ng mesa. Susundan na sana niya ang magandang dilag ngunit biglang humarang sa harap niya si Nadya.
"At saan ka pupunta? Aalis ka na naman nang hindi nagbabayad? Ang haba na ng utang mo, ano! Magbayad ka muna!" bulyaw ng babaeng nakasuot ng daster at may katabaan. Nakapamaywang pa itong tinitigan siya.
Mabilis na nagsalubong ang dalawang kilay ni Carlos. Mula sa nakabusangot na mukha ni Nadya ay muli niyang binalingan ng tingin ang magandang babae, ngunit wala na ito.
Naiiritang napailing siya. "Oo na! Babayaran kita mamaya!" Akmang lalagpasan na niya ang babae, pero mabilis siya nitong pinigilan sa braso.
"Hoy, Carlos! Mahiya ka naman! Ang sabi mo kahapon ay magbabayad ka na! Pero wala pa rin! Pagkatapos ngayon, tatakasan mo na naman ako!"
Napakamot na lamang sa ulo si Carlos nang hindi na niya magawang hagilapin sa paligid ang babae.
"Pambihira naman, o!" pagdadabog pa niya bago muling umupo sa mesa kasama ng dalawa pa niyang mga kasama.
Kinakantiyawan at pinagtatawanan na nga siya nina Joko at Alberto, binubungangaan pa siya ni Nadya. At ang pinakahindi niya matanggap, magandang babae na, nakawala pa!
"Hindi bale, makikita ko rin uli ang babaeng iyon," bulong na lamang niya sa sarili.