Chapter Four
"Kompleto na ba ang mga gamit mo?" nakailang tanong na ako sa asawa ko na ngayon ay nagkukumahog na sa pag-alis. "Iyong requirements mo? Water? Kiss ko?" napahinto si Evan at agad na bumalik at hinalikan ako sa labi.
"Kompleto na, misis. Alis na ako. Iyong mga bilin ko." Paalala nito sa akin.
"Magsara ng pinto, kumain ng lunch, at sagutin ang tawag mo."
"Hindi lang iyan ang bilin ko."
"Alam ko... sige na. Ingat ka." Ihahatid na kasi nito ang mga requirements niya. Kailangan na raw dahil magsisimula siya agad sa trabaho.
Todo kaway pa ako nang lumulan ito sa motor ng pinsan niya na maghahatid kay Evan sa capitol.
Nang umusad na ay tinabihan na ako ni Manang Mariana.
"Ang sweet naman ninyong mag-asawa... pero sa una lang naman iyan." Takang tinignan ko ang ginang.
"Po?" ani ko rito.
"Ganyan din kami ng asawa ko... kulang na lang ay langgamin dahil sa sweetness. Pero tignan mo ngayon... hindi na ako nakakaranas ng lambing."
"Magkaiba po tayo, Manang."
"Naku! Hija, ang mga lalaki ay sa una lang magaling. Lalo na kapag sawa na sila, tipong sila lang iyong kumikilos at bumubuhay sa babae."
"What do you mean po? Mag-a-apply rin naman po ako ng trabaho at tutulungan ang asawa ko sa goals namin." Nahihimigan ko kasi ang pahaging nito.
"Aba'y mabuti naman. Mas maganda pa rin na kumilos at may sariling kita ang babae. Kasi kapag iyang mga lalaking iyan ay nanawa... madalas kapag ayaw na nila ay kawawa ang babae. Losyang na, wala pang pera. At least kapag ikaw na ang nasa sitwasyon ay kaya mong tumayo sa sarili mong paa." Tumango naman ako. "Huwag mo sanang masamain. Nasa lahi kasi nila Evan ang manloloko."
"Manang!" gulat na ani ko. "Huwag po ninyong isipin na katulad si Evan ng mga kalahi niya na tinutukoy ninyo. Matino po ang asawa ko."
"Sa una lang iyan." Tipong kumbinsido pa si Manang Mariana sa sinasabi at pinaniniwalaan niya. Napabuntonghininga na lang ako't nagpasyang bumalik na sa bahay. "Kady, ngayong magtratrabaho na si Evan dapat hindi ka masyadong magkukulong. Makihalubilo ka sa amin. Pwede ring pumunta-punta ka roon sa pamilya ni Evan. Maraming gawain doon. Tumulong-tulong ka."
Bahagya lang akong tumango rito saka lumakad na papasok ng balcony ng bahay. "Kady, kung may mga nais kang matutunan ay pwede kitang turuan. Maglaba, tamang paghugas ng pinggan, kahit pagluluto, ay magsabi ka lang at tutulungan kita."
"Salamat po." Gusto ko na lang pumasok muna at nang matigil na ang mga sinasabi nito. Mabait naman ang tono niya, pero ang negative ng dating sa akin.
Hays. Baka ganito talaga rito... matulungin? I don't know.
Sinimulan kong damputin ang mga damit na naikalat dahil sa pagmamadali ni Evan.
Nagwalis-walis na rin ako. Wala namang kalat sa kusina dahil bago kumilos ang asawa ko para asikasuhin ang sarili niya ay ginawa na muna niya ang mga Gawain sa kusina.
Asawa... parang may humaplos sa puso ko dahil doon. No'ng hindi pa kami kasal at sobrang tutol ng magulang ko ay sobra-sobra ang takot ko na baka magtagumpay ang mga ito na paghiwalayin kami.
Mula pagkabata ko'y masunurin at nakikinig talaga ako sa kanila. Pero no'ng natuto akong umibig at nakilala nga si Evan ay nagbago ang lahat.
Hindi naman ako naging pasaway... sadyang natuto lang akong ipaglaban ang nararamdaman ko. Mas panatag ako ngayon, pati nga simpleng pagsabi ng 'asawa' ay parang hinahaplos ang puso ko.
"I'm happy... kahit walang karangyaan. Masaya ako. Patutunayan namin ni Evan na walang mali sa pag-ibig naming dalawa."
"Kady, bakit ka nagsasalitang mag-isa?" napaiktad ako sa gulat. Nakasilip ang matanda sa bintana.
"Po... Ano po... kumakanta po ako."
"Ha? Kanta 'yon? Wala sa tono, hija. Kung gusto mong mag-practice kumanta ay pwede sa bahay. May videoke kami."
"S-ige po. Next time." Napabuntonghininga ako at nagpatuloy sa ginagawa. Umalis naman ang matanda.
Tumambay na lang din ako sa kwarto dahil kung sa sala o balcony ay sa tingin ko ay maraming time ang ginang, tiyak na lalapit ito at may masasabi.
Lunch, mag-isa ko lang pero tumawag si Evan at pinaalala sa akin na kumain ako.
Naalala ko naman iyon. Pero natuwa pa rin ako sa asawa ko na nag-effort para mag-remind.
Hubby: Pauwi na ako, misis. May gusto ka bang pasalubong?
Saglit kong inulit basahin ang message nito sa akin. Saka ako mabilis na tumipa.
Me: Ikaw lang ang gusto kong pasalubong.
Napahagikhik pa ako habang sine-send iyon.
Hubby: Hindi ako pagkain, misis. Huwag naughty.
Malakas tuloy ang naging tawa ko. Si Manang Mariana na nasa likod bahay nila, kung saan katapat ng kusina namin, ay tumikhim. Natigil tuloy ako sa paghagikhik. Daig ko pa may supervisor dito.
Me: Mais?
I'm not sure kung may mabibilhan no'n dito pero I want inihaw na mais with butter. That's my favorite.
Hubby: Hahanap ka me. See you later, misis. I love you.
Me: I love you too, mister. Ingat kayo.
Hindi na nag-reply pang muli si Evan.
Habang naghihintay rito ay nagpasya akong magsaing na. I know how to open the stove... pero iyong sukat ng tubig sa bigas... No.
Pero matututunan ko naman iyon. Fast learner naman ako. Hinugasan ko ang kaldero at kumuha ng isang gatang at kalahati ng bigas. Hinugasan ko rin iyon at saka itinapon ang tubig. Dahan-dahan pa upang hindi masayang ang bigas. Saka ko tinakpan at isinalang na.
Seryosong-seryoso pa akong nagbukas ng stove. Tamang apoy lang para maluto nang maayos.
Saka ako naupo at nag-check kung may message na ba.
Nang nakaramdam ako na naiihi ay saglit akong pumasok ng banyo at umihi.
"Sunog na!" malakas na sigaw ni Manang Mariana kaya dali-dali kong tinapos ang ginagawa sa banyo at lumabas.
Nasa harap na ito ng stove at hawak ang basahan. Hininaan muna nito ang apoy at saka binuksan ang kaldero. "Talagang masusunog, ineng. Walang tubig itong isinaing mo. Tiyak na pagod ang asawa mo sa pag-apply sa capitol tapos ihahain mo sa kanya ay ganito?" ani nito.
"N-akalimutan ko pong lagyan." Nahihiyang ani ko. Pagsasaing na lang ay palpak pa.
"Nakalimutan o hindi talaga alam? Huwag kang mahiya sa akin. Willing akong magturo. Expected ko naman na ito lalo't nasabi ng nanay ni Evan na anak mayaman ka raw at laking may yaya at katulong."
"H-indi naman po."
"Tuturuan kita." Nagsimula itong magpaliwanag ng mga dapat gawin sa pagsasaing. Nakinig naman ako kahit na ilang na ilang na ako. "Dapat talaga ay matuto tayo. Kung wala tayong trabaho at least man lang ay may ambag pa rin tayo para hindi maghanap ng iba ang mga asawa natin." Tango lang ang isinagot ko rito. Nang naisalang na nito ang panibagong sinaing ay nagpaalam na rin naman ito at bumalik sa ginagawa niya sa likod ng bahay nila.
Mas binantayan kong mabuti ang sinaing ko.
"Hinaan na ang apoy." Dinig kong ani ng ginang kaya naman hininaan ko na.
Okay lang namang turuan ako kasi hindi ko talaga alam... I'm willing to learn. Pero may negatibo akong pakiramdam sa ginang... sa ginagawa ng ginang. Feeling ko'y nai-invade ako.
Umiling na lang ako para puksain ang negatibong naiisip ko.
Nang dumating si Evan ay masayang yumakap ako rito at humalik sa labi nito.
"Ito na ang mais, misis."
"Thank you!" galak na ani ko.
"Hinanap pa namin iyan at nakabili kami roon sa likod ng palengke. Sana magustuhan mo."
"Of course! It's my favorite, Evan. Thank you, mister." Suminghot-singhot si Evan.
"Amoy sunog, misis." s**t! Dali-dali akong kumalas dito at binalikan ang sinaing ko.
"Hala! Pwede pa ba ito?" pinatay ko ang apoy saka binuksan ang kaldero pero napaso lang ako at bumagsak ang takip na lumikha ng ingay.
Agad hinawakan ni Evan ang kamay ko para i-check. Habang iniihipan niya iyon ay gumawi sa kabilang bahay ang tingin ko. Huling-huli ko si Manang Mariana na nakatitig sa amin. Naiiling.
Pakiramdam ko tuloy ay ang palpak ko.
"Masakit ba?"
"O-kay lang. S-orry sa sinaing."
"Kady, okay lang iyan. Ilalim lang naman. Huwag mong masyadong alalahanin. Okay?" tumango naman ako rito. "Ako na ang bahala sa ulam. Kainin mo na iyang mais habang mainit pa." Kumuha pa ito ng plato at binawi sa akin ang mais
Alam kong pinanonood kami ni Manang Mariana... kung paano ako asikasuhin ng asawa ko. Ano kaya ang tumatakbo sa isip nito?
"Evan, pwede ba nating lagyan kahit harang d'yan sa gilid ng kusina?" mahinang tanong ko. Tiniyak na hindi narinig ng ginang.
"Why?" mahina ring tanong ni Evan sa akin.
"For privacy."
"Sige, may pera pa naman ako. Bibili agad ako bukas ng materyales. Sa Monday ay simula na ako sa trabaho. Kaya kailangan gawin ko agad iyang harang d'yan."
"Thank you, Evan."
"Anong gusto mong ulam, misis?" sinipat nito ang mga pwede niyang ihanda.
"Magbihis ka muna, Evan. Medyo maaga pa naman."
"You're right! Magbibihis muna ako." Humalik pa ito sa noo ko bago siya nagtungo sa loob.
"Psst!" sitsit ni Manang Mariana.
"Po?" ani ko rito.
"Dapat ikaw ang magluto ng ulam. Trabaho natin iyon bilang asawa. Ang una nating dapat gawin ay pagsilbihan sila. Dapat din bago pa umuwi ang asawa ay nakahanda na sa kama ang pamalit niyang damit. Pagod sila kaya dapat asikasuhin."
Gano'n ba talaga iyon? Weird.
Nang bumalik si Evan ay umalis din si Manang Mariana.
"Narinig ko iyon... huwag mo na lang pansinin. Hindi mo kailangan gawin iyong mga sinabi niya. Mag-asawa tayo, asawa kita. Hindi ka katulong dito sa bahay. Pasensya ka na kung hindi ko sinita. Kapag kasi pumasok na ako ay Sila ang pinakamalapit na kapitbahay. Sila ang pwedeng tumingin-tingin sa 'yo kapag nasa trabaho ako. Makisama tayo."
"I understand, Evan. No problem." Tugon ko rito. Saka ko muling sinulyapan ang pwesto kanina ni Manang Mariana.