Nakapag-usap naman kami ni Raiden kagabi, pero hindi pa din ako mapakali. Napuyat ako at kung kailan patulog na sana ako, alas-singko na pala at heto nga ginigising na ako ng aking byenan.
Kahit inaantok, bumangon na lang ako upang hindi siya magalit. Pero kahit sumunod naman ako sa utos niya, heto siya at galit pa din. Ang aga pa pero masama na agad ang tingin sa akin.
Mukhang mag-z-zumba sila ng kaniyang mga kumare.
"Maghanda ka ng breakfast for twenty persons."
"Okay po." Mag-z-zumba sila pero kakain sila ng madami pagkatapos, kaya wala ding silbi ang kanilang pagpapapawis.
Sinimulan ko ng maghanda ng breakfast kasama ang dalawang maid. Wala iyong iba, dahil inutusan daw na mamalengke.
Hindi pa nakakalahati ang ginagawa ko pero dumating naman si Stacey. Mukhang galing siya sa pag-jogging dahil pawisan siya.
May kausap siya sa kaniyang celphone. Humahagikgik siya at iisipin mo talagang lalake, pero nang marinig ko ang pangalan ng kaniyang kapatid, natigilan ako.
"Ano, nagkausap na kayo ni Kuya?"
Makahulugan siyang tumingin sa akin.
"Pahingi ng kape," utos niya sa akin saka siya naupo sa high stool.
Panay ang tawa niya habang may kausap sa celphone, na nagpawindang naman sa akin. Ano'ng nangyayari?
Naisip ko si Raiden. Kinakabahan ako, at kinukutuban pero pinanatag ko ang aking isipan. Mahal ako ng asawa ko.
Nilapag ko ang kape niya sa kaniyang tapat.
"Bakit sobrang pait?!" naiinis niyang sigaw sa akin.
"Black coffee naman talaga ang iniinom mo, di ba?"
"May all purpose cream ang gusto ko! Ulitin mo 'to," sabi niya sabay tapon nito sa harapan ko. Dahil mainit napaso ang kamay ko.
Napatili ako at sa sobrang inis ko dala na din ng panunulsol niya sa kaibigan niya para landiin si Raiden, nagdilim ang aking paningin.
Kinuha ko iyong nakalapag na pitsel sa gilid at binuhos ito sa kaniya.
Napatili siya at nagmamadaling bumaba mula sa pagkakaupo. Hinila niya ang buhok ko kaya hinila ko din ang buhok niya. Nagsabunutan kami hanggang sa mapahiga kami at gumulong-gulong sa sahig.
Sinakyan niya ako at pinagsasampal. Sinakal din niya ako.
"What's happening here?!" Dumagundong sa buong bahay ang boses ng aking byenan na lalake. Nilapitan kami ng mga bodyguard at pinaghiwalay kami, pero hindi namin agad binitawan ang buhok ng isa't isa.
"Gupitin niyo ang buhok nila," utos ng aking byenan kaya mabilis akong bumitaw. Hinila pa muna ni Stacey ang buhok ko bago siya bumitaw.
"Ano kayo, mga bata?!"
"Siya kasi, Daddy," turo ni Stacey sa akin.
"Ano'ng ako? Ikaw 'tong naunang magtapon sa akin ng kape."
"Binuhusan mo ako ng isang pitsel na tubig!"
"Tama na!"
"Stacey, to your room!"
"Humanda ka talaga sa akin na babae ka," banta ni Stacey bago padabog na umalis. Tumalikod na din si Daddy.
Nilapitan naman ako ni Tilde at inabutan ng tubig at face towel.
"Aakyat na muna ako sa silid."
Napaiyak na lang ako nang makapasok ako sa kuwarto naming mag-asawa. Sobrang bigat ng dibdib ko. Halo-halo na ang nararamdaman ko.
Nahiga ako pagkatapos kong maligo. Pinikit ko ang aking mga mata at nagpasya na matulog na lang kaysa nag-o-overthink ako. Gusto ko sanang i-text si Raiden patungkol sa kaniyang ex pero minarapat ko na lang na kausapin siya pag-uwi niya.
May text siya kani-kanina lang. Mag-start na daw ang meeting nila. Ang sweet din ng message niya, kaya kahit paano nabawasan ang bigat na dala-dala ko.
Nagpunas ako ng luha at napabuntong hininga na lang nang marinig ko ang malakas na katok mula sa labas. Si Mommy, nandito na siya at siguradong pagagalitan niya ako dahil iniwan ko ang mga maid.
Hindi ko siya pinagbuksan. Pagod na pagod ang pakiramdaman ko. Naka-double locked din naman ang pinto, kaya hinayaan ko siyang mapagod sa pagkatok at pagsigaw.
Galit na galit siya nang bumaba ako para kumain ng lunch, kaya umakyat na lang ako sa silid ni Lolo at doon kumain. Siya naman talaga ang dahilan kung bakit kami lumipat dito. Suko na ako sa byenan at hipag ko. Bahala na sila.
Asawa ako ni Raiden at hindi ako katulong dito.
Hindi ako sumasabay sa pagkain sa kanila. Iniiwasan ko din sila at sa kuwarto ako ni Lolo naglalagi.
And thank goodness I survived. Pauwi na si Raiden ngayon kaya maaga pa lang gising na ako upang mag-abang sa kaniya.
Nadatnan ko si Stacey sa living room. Prenteng nakaupo habang hawak ang kaniyang celphone. Baka kausap na naman niya ang ex ng kapatid niya.
Napasulyap siya sa akin, pero saglit lang iyon at nakapagtataka din na hindi niya ako pinuna.
Sabagay, pauwi ang kapatid niya kaya kailangan niyang magbait-baitan.
Nagmamadali akong lumabas nang makita ko ang sasakyan na papasok sa gate. Dumating na ang asawa ko.
Pababa pa lang siya ng sasakyan pero sinalubong ko na agad siya ng yakap.
"I miss you!"
Niyakap naman niya ako ng mahigpit.
"I miss you too. How are you?"
Hinalik-halikan niya ako.
"Okay naman."
Binaba ng bodyguard ang maleta at mga pasalubong niya.
"Madami akong binili para sa'yo."
"Madami pa nga akong hindi nagagamit sa mga binili mo sa akin noon. Pero salamat, honey."
Magkaakbay kaming pumasok sa loob ng bahay. Napatingin sa amin si Stacey pero nag-iwas agad siya ng tingin, making Raiden's brows furrowed.
"Nag-away kayo?" tanong ng asawa ko pero umiling ako.
"Gutom ka na ba?"
"Gusto kong magpahinga muna. Na-miss kita."
Hindi na ulit nag-out of town o out of the country ang asawa ko. Hindi na din kami ulit nag-away ni Stacey. Pansin ko na parang wala siya sa sarili lagi.
Ang aking byenan naman ay tinuring kong hangin dito. Kapag may sinasabi siya, nagbibingihan ako.
Kahit paano mas naging magaan ang lahat. Hindi ko kailangang ipilit ang sarili ko sa mga taong ayaw sa akin. Hindi talaga lahat ng tao magugustuhan ka and it's okay. Focus ka sa mga taong na-a-appreciate ka.
Palabas ako ng kuwarto, dahil parating na ang asawa ko nang matigilan ako, dahil nakatayo si Stacey sa labas ng silid naming mag-asawa.
"Bakit?" tanong ko. Hindi siya nagsusungit o galit, pero pormal ang kaniyang mukha. Napansin ko ang kamay niya na malikot pero agad niya itong tinago sa kaniyang likuran.
Umawang ang kaniyang labi, pero wala naman siyang sinabi. Umiling siya at basta na lang akong tinalikuran na pinagtaka ko naman.
Ano'ng problema n'on?