CHAPTER 10 - FIRST MEET-UP

2508 Words
"Hi, Keeno! Kumusta na ang pakiramdam mo?" Lumingon ako sa pintuan para tingnan ang bagong pasok. Nakangiting naglalakad si Tita Isa papunta sa akin na may dalang paper bag ng isang sikat na bookstore. Sa tabi niya ay si Papa, na hindi nakasuot ng katulad ng isinusuot niya kapag pumapasok siya sa opisina niya. Sa likuran naman nila ay si Kuya Ruben na may bitbit na eco bag sa magkabilang kamay niya. Para pa ngang nagtatago siya sa likuran nila Papa at Tita Isa, at ayaw akong tingnan nang deretso. Nilingon ni Tita Isa ang TV habang naglalakad papunta sa akin. "Oh, Keeno. Refrain from watching so long. Baka mabinat ka niyan," may babala sa tinig ni Tita Isa. "Nakakainip po kasi." Ipinatong niya ang bag niya sa ibabaw ng kama ko. Nakangiting may inilabas siya mula sa paper bag na bitbit niya. "Eto. Binilhan kita..." May inilabas siya doon na parang notebook, at saka mga kahon ng colored pencils, markers, colored pens. "Hindi ko kasi alam kung ano ang hilig mo. At hindi rin naman masagot ng Papa mo." Umikot pa ang mga mata ni Tita Isa nang sinabi niya iyon. Nagkibit-balikat lang si Papa bilang sagot niya. Noon kasi, kaming dalawa lang lagi ni Mama ang magkasamang lumalabas at namimili ng mga gamit ko. Bihira naming makasama si Papa sa mga ganun. Nakakasama lang namin si Papa sa mga indoor na lakad, at kaming tatlo lang talaga ang masasabi mong tao doon sa lugar. "So, hindi ko alam kung magugustuhan mo 'yan," ngumuso pa siya sa mga gamit na binili niya, na ngayon ay hawak-hawak ko na. "But... in case na ayaw mo niyan, at wala kang hilig mag-drawing, bumili rin ako ng crossword puzzle books," sabay abot niya sa akin ng tatlong klase nung libro. Binuklat ko iyong tatlong libro para makita ko ang loob niya. "Hindi ko alam kung gusto mo rin 'yan. Pero papasa na 'yan na pampalipas ng oras dito sa hospital. " Napatingin ako uli kay Tita Isa nang magsalita siya. "Sorry, hindi ko kasi talaga alam ang mga hilig mo. So... binilhan na rin kita nito," sandali siyang yumuko, at may inabot doon. Nang tumuwid na uli siya ng pagkakatayo ay nakangiting ipinakita niya sa akin ang isang set ng mga libro. "Harry Potter books. Bet mo ba 'to?" Ikiniling pa niya ang ulo niya sa gawing kanan. Hindi ko napigilan ang mapangiti. Hindi ako masyadong palabasa, pero iyong effort ni Tita Isa ang nakapagpasaya sa akin. "Ooops! Pero, one book at a time lang muna. Nakakabinat din kasi kapag sumobra sa pagbabasa..." "Opo," nakangiting sagot ko. "Ayan... naka-smile na siya... Ruben?" "M-mam..." tila nahihiyang sagot ni Kuya Ruben kay Tita Isa. Nilingon ni Tita Isa si Kuya Ruben na nasa likuran niya, at saka parang may iminuwestra sa kanya. Umabante si Kuya Ruben papunta sa kama ko, at saka nakayukong nagsalita. "Sorry, Keeno. Hindi ko sinasadya na iwanan ka sa school. Akala ko kasi, totoo 'yung sinabi ni Arthur, eh... na balikan na lang daw kita pagkahatid sa kanya, kasi kakausapin ka pa ng teacher mo." Saglit na sumulyap sa akin si Kuya Ruben, na para bang hiyang-hiya sa akin. "Okay lang po, Kuya Ruben. Wala po iyon. At least, napuntahan ko uli iyong bahay namin ni Mama." Walang nagtangkang sumagot sa akin sa sinabi ko. Mayamaya ay tumikhim si Papa, kaya napatingin ako sa kanya. Naglakad siya palapit sa kama ko. Nasa kabilang panig siya ng kama. Habang naglalakad ay hindi ko binitiwan ang tingin ko sa kanya. "Son... why did you go there? Alam mo namang wala nang nakatira sa bahay na 'yun, di ba?" "Miss ko na rin po kasi si Mama..." tapos ay tiningnan ko si Tita Isa. Baka kasi magalit siya dahil binanggit ko si Mama. "Saka... hindi ko na rin po kasi alam kung saan ako pupunta." Huminga nang malalim si Papa. Kita ko rin ang lungkot sa mga mata niya. "Mabuti na lang, tinawagan ako agad ni Ferdie, na nandoon ka nga daw sa subdivision," malungkot niyang sabi. "Sorry po, Papa. Hindi ko pa po kasi alam ang pauwi sa bahay n'yo ni Tita Isa, kaya doon na lang ako umuwi sa bahay namin ni Mama," napangiti ako nang maalala ko na naman ang pagkakita ko sa dati kong eskwelahan, "sakto po kasi, nakita ko 'yung dati kong school, kaya naglakad po ako mula doon pauwi sa bahay ni Mama." Iniangat ni Papa ang kamay niya, at hinawakan ang ulo ko. Si Tita Isa naman ay mataman lang na nakatingin sa akin. "I'm sorry din, anak. Hindi ko alam ang gagawin ko kung sakaling hindi na kita nakita." Tumingin si Papa kay Kuya Ruben. "Hindi ko rin alam kung ano'ng nagawa ko kay Ruben, if ever." "Sorry po, Sir..." pagpapakumbabang paghingi ng tawad ni Kuya Ruben. "And Keeno, huwag ka nang babalik doon. I am already selling that house." Bigla ang pagpa-panic sa sistema ko. Selling? Ibinebenta na ni Papa ang bahay namin ni Papa? "Papa, huwag po. Huwag mo pong ibenta ang bahay namin ni Mama. Babayaran ko na lang po sa inyo paglaki ko, Papa... huwag n'yo lang pong ibenta. Iyon na lang po ang natitirang remembrance sa akin ni Mama..." pagmamakaawa ko sa kanya. Nagkatinginan si Papa at Tita Isa. Isang mahinang tango ang ginawa ni Tita Isa kay Papa, tapos ay muling tumingin sa akin si Papa. "Okay. Hindi ko na ibebenta. In one condition?" "Ano po 'yun, Papa?" "Bawal kang magpunta doon nang mag-isa. At nang hindi nagpapaalam sa amin ng Tita Leonisa mo." "Isa, George... Isa..." sabat ni Tita Isa, sabay irap kay Papa. Tiningnan siya ni Papa, pero iba ang isinagot niya sa kanya. "By the way, hindi ligtas si Arthur. Okay? As of now, he is grounded. No gadgets, no malling for a month," seryosong deklarasyon ni Papa. Agad akong nag-panic. Baka lalo lang mainis sa akin si Arthur kung makakatanggap siya ng parusa nang dahil sa akin. Mainit na nga ang dugo niya sa akin, eh. "Naku! Huwag na po, 'Pa... Hindi naman po siguro sinasadya ni Kuya Arthur. Nakatuwaan lang po siguro niya." "Let me handle your brother, Keeno. Isa siyang Zaldivar, at dapat lang na umakto siya nang tama. Sinasadya man niya o hindi ang ginawa niya sa 'yo, he must pay and learn his lesson," may pinalidad na pagkakasabi ni Papa. Hindi na ako nakasagot. Mukhang hindi naman na mababali ang pasya ni Papa sa tema ng pagkakasabi niya. "Anyway, napag-usapan namin ng Tita Isa mo na bilhan ka namin ng cellphone. Pero io-on mo lang 'yun kapag uwian na. Okay? Para namo-monitor ka namin. And also, we will give you pocket money. Para in case of emergency..." nilingon ni Papa si Kuya Ruben, na nagbaba naman agad ng tingin, "you can ride a taxi pauwi sa bahay natin." Namilog ang mga mata ko. Wala kasi akong cellphone mula pa noon. Si Mama lang ang may cellphone. Hinihiram-hiram ko lang iyon kay Mama kapag araw ng Sabado at Linggo. Oo nga pala! "Papa..." "Yes?" "Pwede po bang iyong cellphone na lang ni Mama ang ipagamit mo sa akin? Huwag n'yo na po akong bilhan ng bago. Iyon na lang po." "Keeno, isa ka ring Zaldivar. You're not supposed to settle to second hand things," seryosong sabi ni Papa. "And Keeno... we already ordered two. Tig-isa kayo ni Arthur. Well, we decided na i-upgrade na 'yung phone ni Arthur since High School naman na siya next year," singit ni Tita Isa. "Tita, huwag na po. Okay na po ako doon sa phone ni Mama. Hindi ko naman po masyadong magagamit. Pang-emergency lang naman po, di ba?" Mataman lang na nakatingin sa akin si Tita Isa. Hindi ko alam kung galit ba siya sa sinabi ko. "Alam mo... kung paanong pagpapalaki ang ginawa sa iyo ni Clariss... I envy it. I wish, mahawahan mo si Arthur niyang ugali mo," sinserong sabi naman ni Tita Isa. Lumingon pa siya kay Papa, bahagyang tumango naman si Papa kay Tita Isa. "Pa..." "What, son?" "Pwede na po ba akong umuwi? Naiinip na po talaga ako dito..." Nagkatinginan si Papa at Tita Isa. Pagkatapos ay binalingan uli ako ni Papa. "Are you sure you're feeling okay now?" tanong niya sa akin. "Opo, Papa. Pwede po siguro, sa bahay na lang ako magpapahinga." Tumingin uli si Papa kay Tita Isa. "Nandoon naman ako sa bahay, George. Matitingnan ko naman si Keeno doon," sabi ni Tita Isa kay Papa. "Well, I'll check with Dr. Castillo. I'll go to his office," sabi ni Papa, sabay tumayo na at naglakad, "I will be back," pahabol pa niya, bago siya lumabas ng kuwarto. TATLONG katok ang narinig ko sa pintuan ng kuwarto ko. Pagkatapos ay ang pagtawag sa pangalan ko. "Keeno?" "Tuloy po, Tita Isa!" malakas kong sabi. Bumukas ang pintuan, at bumulaga sa akin ang nakapusturang si Tita Isa. Sumimangot siya nang makita akong nakaupo sa ibabaw ng kama ko, habang hawak ang gitara ko. "Sabi na nga ba, hindi ka pa nagbibihis, eh!" reklamo niya sa akin. "Eh, Tita... hindi na lang po ako sasama?" Sumimangot si Tita Isa. "Keeno..." "Baka po kasi hindi gusto ni Kuya Arthur na kasama ako doon." "Don 't mind him. Magagalit ang Papa mo. It's your Grandpa Thomas' birthday. Di ba, ipapakilala ka niya sa Lolo mo?" "Eh, Tita... baka po kasi..." "Keeno. Lagi mo na lang ibinubukod ang sarili mo. Isa kang Zaldivar. Iyan ang laging sinasabi sa iyo ng Papa mo. Always remember that. It's not good that you are always self-pitying. Ipakita mo sa Grandpa Thomas mo na karapatdapat ka talagang maging Zaldivar,"pangangaral sa akin ni Tita Isa. "Eh Tita Isa... baka po hindi naman ako tanggap ni Lolo..." "Tanggap o hindi, pupunta ka dun, Keeno. Let them feel that you belong there, and that you are a Zaldivar. Ngayon, magbihis ka na, bago pa mainip ang Papa mo doon. Kanina pa siya nagtatanong sa akin kung ano'ng oras tayo dadating." Nag-aalangan pa rin akong tumayo, kaya siguro nagprisinta na si Tita Isa na itayo ako mula sa kama. SAGLIT akong napahinto nang papasok na kami sa malaking gate ng mansiyon ng mga Vidanes. Kung malaki ang bahay ni Papa at Tita Isa. Ngayon ay nagmukha na iyong maliit, kung ikukumpara sa mansiyon na nasa harapan ko ngayon. Marami nang tao sa loob ng bakuran. Mukhang dito lang sa labas ng bahay ang kainan. Hindi ako pamilyar sa mga mukhang nakikita ko ngayon. Ni hindi ko kilala kung sino ang kamag-anak ni Papa at hindi. "Keeno?" tawag sa akin ni Tita Isa, nang maramdaman niyang hindi na ako nakasunod sa kanya. Tinitigan ko lang siya , at hindi ako makapagsalita. Hindi ko kasi alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Binalikan niya ako, at saka kinuha ang kamay ko. Si Arthur naman ay nagderetso nang maglakad sa loob. "Ang lamig naman ng kamay mo!" gulat na sabi ni Tita Isa. Tiningan ko lang uli siya. Ngumiti siya sa akin na hindi pa rin binibitiwan ang kamay ko, at saka marahan akong hinila. Wala akong nagawa kung hindi magpahila na lang sa kanya. Nandito na ako, at wala na akong magagawa pa kung hindi ang sumunod. Nakita ko si Papa, na may kausap na mga lalaki. Hindi niya kami napansin ni Tita Isa. Sobrang busy siya sa pakikipag-usap niya. "Uy, Betty!" bati ni Tita Isa sa babaeng nakasalubong namin. Napatingin iyong babae sa akin. Nung una ay nakangiti siya, pero biglang nawala iyon sa mga labi niya nang matitigan niya akong mabuti. "Oh! Akala ko si Arthur ang hawak-hawak mo," sabi pa niya. Nilingon ako ni Tita Isa, pagkatapos ay binalingan niya iyong kausap niya. "Ah, oo. Kasama rin namin si Arthur. Nauna lang sa aming maglakad. Hindi ko alam kung saan na iyon nagsuot ngayon," may katotohanang sagot ni Tita Isa. Tiningnan uli ako nung babae, at saka tipid na ngumiti kay Tita Isa. "Siya ba 'yun?" tanong niya kay Tita Isa. "Ah... Siya si Keeno." Hindi man tahasan, pero pakiramdam ko ibig ipahiwatig ni Tita Isa na ako iyong anak sa labas ni Papa. "Malaki na pala?" Bahagyang tumango si Tita Isa. "Ah, sige. Betty, nice to see you. Baka hinahanap na kasi kami ni George," paalam ni Tita Isa sa kausap niya, sabay talikod na. Ako, na hawak pa rin ni Tita Isa sa kamay, ay kusang koob na lang na sumunod sa kanya. "Reina!" pagtawag ni Tita Isa, sabay kaway pa. Tuloy-tuloy lang kaming naglakad, hanggang sa huminto kami sa isang mesa. May magandang babae na naka-upo roon. "Who are you with?" tanong ni Tita Isa sa magandang babae. "Eh di siyempre si Raphael, at si Papa Gener. Nandoon sila sa loob ng bahay. Kasama ni George at Don Thomas. As usual, business pa rin ang pinag-uusapan," umikot pa ang mga mata nung tinawag na Reina ni Tita Isa. Binuntutan naman ng mahinang tawa ni Tita Isa ang sinabi nung babae. "Si Atasha? Hindi mo ba kasama?" tanong uli ni Tita Isa. "Pwede bang hindi kasama 'yung batang 'yun? Pinuntahan si Aileen. Alam mo naman 'yung dalawang 'yun, parang magkapatid na 'yung dalawang 'yun. Palibhasa, mga solong anak. Wait. Sino ba 'yang batang kasama mo?" tanong nung babae, nang mapansin ako na kasama ni Tita Isa. hawak pa rin kasi ni Tita Isa ang kamay ko. "Ah, si Keeno. 'Yung kapatid ni Arthur," walang gatol na pakilala ni Tita Isa sa akin. Sa totoo lang, ako ang nakaramdam ng hiya sa ginawang pagpapakilala ni Tita Isa sa akin.Hndi naman ako lehitimong Zaldivar, saling-pusa lang ako dito. "Pwede ko ba siyang iwanan muna dito sa mesa n'yo? Magpapakita muna ako kay George at kay Papa Thomas," pakiusap ni Tita Isa dun sa babae. Ngumiti ito. "Oh, sure! Para 'yun lang? Sige na, iwan mo na muna siya." "Thanks, Reina!" binalingan ako ni Tita Isa, "dito ka lang, Keeno. Huwag na huwag kang aalis dito. Babalik din ako. Susunduin ko lang ang Papa mo doon sa loob ng bahay. Okay?" Sinagot ko lang ng tango si Tita Isa. "Hi, Keeno..." bati sa akin nung babae nang umalis na si Tita Isa. Kimi lang akong ngumiti sa kanya. "How old are you?" "Eleven po." Tumango-tango siya. "Oh, I see... kasing-edad mo ang anak ko, si Atasha. Saka pala 'yung friend niyang si Aileen." Wala akong isinagot sa kanya. "Wait mo lang sila dito, ha? Para magkakilala kayong tatlo. Oh, wait! Eto na pala sila," sabi niya, habang nakatingin sa isang direksiyon. Sinundan ko iyon ng tingin. Nakita ko ang dalawang batang babae na naglalakad. Pero 'yung isa... para siyang isang anghel na bumaba dito sa lupa sa sobrang amo ng mukha niya. Hindi na naalis ang tingin ko sa kanya, hanggang sa makalapit na silang dalawa sa mesang kinaroroonan ko. "Atasha, Aileen. Meet your Tito George's other son, si Keeno. Be friendly to him. Wala pa siyang kilala dito," utos sa kanila nung babaeng kaibigan ni Tita Isa. Tumingin sa akin 'yung batang maamo ang mukha. Ngumiti siya sa akin, at saka kumaway. "Hi. Keeno! I'm Atasha Ardiente." ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD