PINAGMASDAN ni Maryey ang sarili sa harap ng salamin sa banyo. Suot niya ang kulay pula na nighties na yari sa silk. Nakababa rin ang katatapos lang niyang suklayin na buhok. Katatapos lang din niyang mag-half bath. Hinawakan niya ang kanyang sinapupunan at marahan iyong hinaplos. Pagkuwan ay bahagyang niyuko. “Kayo ang pinaka-importanteng makaligtas, mga anak. Hindi kayo pababayaan ni mama. Kaunting panahon pa. Pero i-pag-pray niyo rin si mama,” halos anas niya sa huling sinabi. Huminga muna nang malalim si Maryey bago ipinasyang lumabas sa banyo. Pero pagbukas na pagbukas niya sa pinto ay ang pag-strum ni Sergio sa hawak nitong gitara. Nasa labas ito ng banyo. Mukhang hinihintay siya. May kagat pa itong isang stem ng pulang rosas na mukhang pinitas lang nito sa hardin sa labas ng bahay

