Part 7: Jorad

2135 Words
Crimson Bullet AiTenshi March 21, 2021 Part 7: Jorad Halos isang linggo ang nakalipas, umayos ang pakiramdam pero nanatili lamang ako sa loob ng pagamutan. Kadalasan ay nakatanaw lang ako sa labas ng bintana at pinanood ang mga ibon na dumadapo sa sanga. Bilang na bilang ang beses na nagsalita ako at gumawa ng ibang bagay. Pati ang pagkain ay hindi ko na rin nagagawa lalo't para hindi ako nagugutom. Basta nakatalungko lang ako sa gilid ng malambot na higaan, hindi kumikibo at walang direksyon ang emosyon. Paulit ulit kong iniisip kung ano ang gagawin sa akin pagkatapos nito. Magiging mapayapa kaya ang buhay ko o baka naman mas lumalala pa ito kaysa dati? Walang ingay, abala ang doktor sa pag aayos ng kanyang mga gamit, mayroon rin siyang mga bagay na nakalagay sa garapon na hindi ko maunawaan. Ako naman ay nakatingin lang sa labas at tila walang pakialam sa mundo. Habang nasa ganoong posisyon kami siyang pagpasok ng mga lalaki sa loob ng silid, batid ko sila yung mga taga bantay nung lalaking bumili sa akin. Agad na yumuko ang doktor at ang bigay galang sa kanyang panauhin. "Magandang araw po panginoong Jorad," ang bati nito. Pumasok muli yung lalaking walang amoy, sa pagkakataong ito ay nakasuot lang siya ng simpleng damit na may kaunting burda, hindi ito nakakasilaw katulad noong unang beses ko siyang nakita doon sa kalsada habang hinihilahod ako ng aking ama na parang isang aso. Umupo ang lalaki sa silya at saka nag wika, "kumusta ang iyong pasyente?" tanong niya sabay tingin sa akin pero wala akong paki sa kanya. "Ang totoo po noon ay patungo na ako doon sa inyo para magbigay ng aking ulat. Hindi ko po inaasahan kayo na mismo ang magtutungo dito," ang wika ng doktor sabay kuha ng kanyang mga papel upang basahin ang mga medikal na tala tungkol sa akin. "Panginoon, ang pasyente ay nasa edad na limang taong gulang lamang. Walang pangalan dahil ang mga batang katulad niya na lumaki sa Baryo Hudhod ay nakatakdang ibenta na lamang upang gawing alipin, laruan o kaya ay gawing pagkain ng mga Miryoku. Kamakailan ay sinalakay ng ligaw na Miryoku ang kanilang baryo at tuluyan na itong nabura sa mapa. Ang mga natirang mga taga doon ay lumipat sa iba't ibang bayan sa pag asang sila ay magkakaroon ng kaligtasan. Ang batang iyan ay matagal ring binugbog ng kanyang ama. Batay sa tala na aking pasusuri, ang katawan ng bata ay mayroon 55 na latay sa iba't ibang parte ng katawan mula ulo hanggang paa. May ilang 13 pasa rin siya sa dibdib, sa tiyan at sa likuran na hanggang ngayon ay namamaga pa rin. May 8 paso ng mainit na bagay at 6 na sugat na naimpeksyon na. Ngayon ay medyo may kulay na ang bata, sa loob ng limang araw ay 3 beses ko lang siyang narinig na magsalita. Tuwing napapanaginip lang niya ang kanyang ina at mga kapatid na kinain ng Miryoku. At dalawang beses ko lang siyang napakain, sapilitan pa ito. Maayos na rin ang medikal na tala niya, ngayon ay naghilom na ang ibang sugat niya. Tuyo na rin ang kanyang ari na katutuli pa lamang. Nilinisan ko rin ang kanyang ngipin, ilong at tainga. Kahit masakit ang proseso ay walang pakialam ang bata, walang reklamado na para lang akong may kasamang tuod dito sa silid. Kung minsan ay nakatitig lamang siya sa akin at maghapon niya itong ginagawa na walang kasawa sawa. Kapag hindi mo siya inutusang kumain ay hindi siya kakain, kapag hindi mo siya inuutusang mag salita ay hindi siya magsasalita. Nakakaawa ang batang iyan, napaka miserable ng buhay. Sa tingin ko ay tatagal pa siya dito ng dalawang araw pa. Teka panginoon, ang balita ko ay siya ang kapalit ng alaga mong kuneho, bakit tao? Mag kaiba ang bata sa kuneho panginoon," ang wika ng doktor. "At sino naman ang nagsabi na siya ang kapalit ng namatay kong kuneho? Kinuha ko lamang siya dahil naaawa ako sa kanyang kalagayan. Unang beses kong maka kita ng isang batang nakatali at ibinebenta ng kanyang amang mukhang salapi," ang tugon ng lalaki sabay tabi sa akin at tiningnan ang aking mukha. Tiningnan ko rin siya.. Nagtitigan kaming dalawa, matira ang matibay pero maya maya lang ay bigla siyang bumitiw. "Hay walang pag-asa ang isang ito. Siguro ay dapat kitang bigyan ng pangalan ngayon. Batid kong kaya wala kang kibo ay dahil hindi mo alam kung may makakaalala ba sa iyo dahil wala kang pangalan, tama ba?" tanong niya. Umiwas ako ng tingin at tumango bilang tugon. "Magandang ideya iyan panginoon, ang pagkakaroon niya ng pangalan ang kokompleto sa kanyang pagkatao," ang wika ng matandang si Carlton. Napaisip ang lalaki, "teka, ano bang magandang pangalan mo?" "Hmmmm," ang wika pa niya habang pinagmamasdan ako. Ako naman ay kinakabahan, hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman. Nasasabik akong magkaroon ng pangalan, ano kaya ang pakiramdam na tawagin ako batay sa pangalang iyon? Pangarap ko ito, sana ang aking ina ang nagbigay sa akin nito, sana noon pa man ay may ipagyayabang na ako. Hindi lang talaga ako makapaniwala na ang lalaking ito na hindi ko naman kaano ano at hindi ko lubusang kilala ang magbibigay sa akin ng pangalan. "Hmmm, inaantok na ako pero wala pa rin akong maisip," ang wika ko nito dahilan para matawa ang mga tao sa loob ng silid. "Hoy, humarap ka nga sa akin. Napakapayat mo at parang sanga na lang ng puno ng Tenjo ang katawan mo," ang wika nito. Natawa sila, "Oo nga po Panginoon, ang puno ng Tenjo ay minsan lang kung sumibol at madalas ay tumutubo ito sa mabato lugar at hindi masustansiyang lupa kaya wala itong nutrisyon sa katawan. Ang punong ito ay maihahalintulad sa manipis na puno ang akasya na may marupok at payat na sanga," ang wika ni Carlton. Tawanan ulit sila. "Tama, ang pangalan mo na lang ay Tenjo!" ang wika nito na galak na galak sa kanyang sinabi. "Panginoon, seryoso ka ba? Ipapangalan mo ang bata sa isang payat at walang sustansiyang punong kahoy?" tanong ng doktor. "Oo naman, bagay sa kanya ang pangalang iyon! Simula ngayon ang pangalan mo na ay Tenjo! Ano nagustuhan mo ba? Alam kong di kasasagot dahil parang putol na rin ang dila mo. Ganito na lang kung nagustuhan mo ito ay yakapin mo ako, kung hindi naman ay suntukin mo ako," ang wika nito na galak na galak. "Panginoon, bakit kailangan ka pang yakapin? Hindi ba pwedeng ngingiti na lang siya o kaya bubusangot?" tanong ni Carlton. "Bakit? Anong masama sa yakap?" tanong ng lalaki. "Panginoon, naiinggit po kasi ang mga bantay, taga silbi at ang mga tao dito sa palasyo na gusto kang yakapin kahit isang saglit. Bawal po ang yakapin ka at hawakan ng basta basta. Bakit ang batang iyan ay maaari kang yakapin?" tanong ni Carlton. "Dahil ito ay alaga ko at naaawa ako sa kanya," ang sagot nito sabay tapik sa akin dahilan para masubsob ako sa kama. "Hoy, ano na? Gusto mo ba? Naunaawan mo ba ako?" tanong niya. "Panginoon, huwag niyo po siya tapikin ng malakas dahil maga pa ang mga pasa niya," pag pigil ng doktor. "Mahina lang naman ang ginawa ko ah," ang pagtataka nito. "Tenjo? Iyon na ba ang pangalan ko? Simula ngayon ay makikilala na nila ako sa ganoong pangalan. Kahit ipinangalan niya ako sa isang payat na puno na walang sustansiya sa katawan ay ayos lang sa akin. Masarap pa rin ito sa pakiramdam at mas lalo pang bumilis ang t***k ng aking puso. Sa pagkakataon ay hindi takot o lungkot ang nararamdaman ko, kundi ibayong galak at masidhing pagkatuwa! Ako si Tenjo! Iyon ang itatawag nila sa akin!" ang wika ko at biglang pumatak ang luha sa aking mga mata. Muli akong bumangon at saka gumalaw ang aking katawan at walang ano ano ay niyakap ko siya ng mahigpit, pasubsob sa kanyang tiyan at matipunong dibdib. Nabigla ang lahat.. Gumalaw ang mga kawal upang alisin ako pero pinigil sila ng lalaki. Ako naman ay nakasubsob lang sa kanyang katawan at saka umiyak.. Natawa na lang ang lalaki at naramdaman kong gumalaw ang kanyang kamay sa aking likuran. Noong mga sandaling iyon ay natala ang pinaka unang luha ng kaligayahan sa aking buhay. Ang unang pagkakataon na lumuha ako ng walang kirot, hinagpis at sakit na nararamdaman. Ito rin ang unang beses sa aking buhay na nagkaroon ako ng pag-asa at nagkaroon ng saysay. Sa mga nakaraang taon, parati akong lumuha dahil nasasaktan ako, nasusugatan at nagugutom. Ngayon, tila ba ang lahat ng ito ay unti unting nawawala na parang mga bula na nililipad ng hangin patungo kung saan. "Huwag kana umiyak, simula ngayon ay may pagkaka kilanlan ka na. Makikila ka ng lahat at iyon ang itatawag nila sa iyo. Maliwanag ba, ha, Tenjo?" tanong niya. Tumango ako hahang nakasubsob sa kanyang katawan. Noong mga sandaling iyon, batid kong magbabago na rin ang takbo ng aking buhay. Kung mabuti ba ito o masama ay walang nakakaalam, siguro kailangan ko pa ring sumabay sa agos nito kahit ano ang mangyari. Kung sabagay ay hindi naman ito titigil para sa akin. Lumipas ang isang linggo, naging maayos ang aking kalagayan. Ito na rin ang hudyat para sunduin ako ni Carlton para ilipat sa pinaka magandang parte ng palasyo kung saan nakatira ang lalaking kumupkop sa akin. Ang kinalalagyan pala namin na pagamutan ay hindi pa parte ng palasyo. Isang mahabang lakaran pa ito bago ka makarating sa pinakalikuran kung saan ito naroon. "Bago ka makarating sa palasyo ni Panginoong Jorad ay dadaan ka muna sa 6 na malalaking gusali sa harapan nito. At nandoon ang pagamutan kung saan ka nagpagaling. Naroon rin ang pampublikong paliguan kung ka nilinisan," ang paliwanag ni Ginoong Carlton. Napatingin lang ako sa gusali. "Akala ko iyon na ang palasyo," ang mahina kong tugon. Natutuwa ako at nagsasalita ka na ng paunti unti. Siguro nawawala na ang trauma mo sa iyong katawan. Tama ka doon, gusali lamang iyong nakikita mo, dahil ang palasyo ni Panginoong Jorad ay mismong ang bundok na iyan," ang wika niya. Hindi ito mukhang palasyo, mukha itong literal na buntok na may kakaibang hugis. "Marahil ay nagtataka ka, bundok iyan sa labas ngunit ang loob ay palasyo. Ang buhay ni Panginoong Jorad ay napaka pribado kaya hindi dapat matunton ang kanyang kinalalagyan. Tulad ng sinabi ko sa iyo, siya ay mas mayaman pa sa mga pinakamayamang bilyonaryo sa mundo. Kung paano siya yumama ng ganoon ay isang mahaba at komplikadong kwento. Hindi mo ito maiintindihan sa iyong murang edad, Tenjo. Ang mabuti pa ay lumakad na tayo at huwag mong kamutin ang iyong sarili. Ang magarbong damit ay kailangan mo sa pagpasok sa palasyo. Hindi ka maaaring humarap kay panginoon na mukha kang isang uhuging basahan," ang dagdag pa niya. Tango lamang ang aking isinagot, wala naman akong ibang sasabihin, hindi lamang ako makapaniwala na ang bundok na iyon ay ang mismong palasyo ng taong bumili sa akin. Ang akala ko ay palasyo na ang malalaking gusali na iyon sa harapan ng malaking tarangkahan. Ang lugar na ito ay kakaiba at tiyak na ligtas ito sa mga pag atake ng mga Miryoku. Ang kakaiba lamang ay habang papalapit kami sa palasyong bundok na iyon ay unti unting nawawala ang amoy paligid at napapalitan ito ng mabangong simoy. Masarap sa pakiramdam, nakakapag pabanayad ng pakiramdam at masarap sa dibdib. Kaya naman huminga ako ng malalim at ninamnam pa ito. "Ang iyong naaamoy ay ang mga bulaklak na nagmumula sa puno ng Tenjo sa paligid kung saan ka ipinangalan. Oo nga't mapayat at parang walang sustansiya ang katawan ng punong Tenjo pero ang bulaklak nito ay ang maaaring gamitin sa pagtatago para hindi ka maamoy ng mga Miryoku. Ang bulaklak ng puno ng Tenjo ay nagsisilbing proteksyon upang maitago ang kinaroroonan ng palasyo. Nagbibigay ito ng ilusyon sa mga mata at pang amoy ng Miryoku upang hindi agad tayo matunton mg mga ito. Kung iisipin mo ay malaki rin ang tulong ng puno ito. Kaya tiyak na mayroon ring espesyal sa iyo, naunawaan mo ba iyon?" tanong niya sa akin. Tumango ako at ngumiti. Ngumiti rin si Ginoong Carlton at saka binuksan ang isang lagusan sa ilalim ng lupa. "Dito tayo daraan, huwag mong tingnan ang malaking tarangkahan sa paligid ng bundok dahil peke ito. Kapag dumaan ka doon ay matutusta ka sa kuryente kaya hindi ligtaas ang paligid nito," ang dagdag pa niya sabay akay sa akin pababa sa hagdan na magdadala sa amin sa loob ng palasyo. Maraming sikreto ang lugar na ito at gayon rin ang mga tao. Ang tinatawag nilang Panginoon na si Jorad ay may malaking lihim sa kanyang pagkatao. Sa bawat hakbang na ginagawa ko ay kumakabog ang aking dibdib, batid kong mula dito ay magbabago na ang lahat. Itutuloy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD