Part 8: Ang alaga ni Jorad

2123 Words
Crimson Bullet AiTenshi Part 8:  Ang alaga ni Jorad Ngumiti rin si Ginoong Carlton at saka binuksan ang isang lagusan sa ilalim ng lupa. "Dito tayo daraan, huwag mong tingnan ang malaking tarangkahan sa paligid ng bundok dahil peke ito. Kapag dumaan ka doon ay matutusta ka sa kuryente kaya hindi ligtaas ang paligid nito," ang dagdag pa niya sabay akay sa akin pababa sa hagdan na magdadala sa amin sa loob ng palasyo. Maraming sikreto ang lugar na ito at gayon rin ang mga tao. Ang tinatawag nilang Panginoon na si Jorad ay may malaking lihim sa kanyang pagkatao. Sa bawat hakbang na ginagawa ko ay kumakabog ang aking dibdib, batid kong mula dito ay magbabago na ang lahat. "Ito ay isang lagusan mula sa ilalim, sa ibang bansa ay tinatawag itong isang under ground tunnel. Isang sikretong daan na kadalasang matatagpuan sa ilalim ng lupa upang hindi makita o matagpuan ng mga kalaban," ang paliwanag ni Ginoong Carlton habang lumalakad kami sa malamlam na lagusang may mga tanglaw na liwanag. Mahaba haba rin ito at malamig sa loob. Mula dito ay amoy na amoy ang mga bulaklak ng puno ng Tenjo. "Amoy na amoy pa rin ang bulaklak dito, at mas matindi ito para mas malakas ang ilusyon at hindi agad makatuloy mula sa tarangkahan ang mga Miryoku. Mula dito sa aking paglalakad ay nadaraan tayo sa dalawang malaking harang bago makarating sa bungad ng palasyo," dagdag pa niya habang patuloy kami sa paghakbang. Ilang minuto rin kaming naglalakad hanggang sa makarating kami sa unang tarangkahan. Gawa ito sa mga bakal na kakaiba ang desenyo. Mayroong tatlong tagabantay dito at puro mga putla at parang hindi dinadaluyan ng dugo ang katawan. Marahil ay matagal na sila dito kaya't di na sila nasisikatan ng araw. Ang ikalawang tarangkahan naman ay gawa sa mga maninipis na tali na mayroong mga selyong hindi ko maunawaan ang mga nakatatak. Wala namang ipinaliwanag si ginoong Carlton tungkol dito. Basta hinawakan lang niya ang isang pirasong selyo at kusa na itong bumukas. Noong makatawid kami sa dalawang tarangkahan ay bumulaga sa akin ang isang malaking gintong tarangkahan. Malaki ito ay mayroong malaking estatwa ng Miryoku sa magkabilang gilid na may hawak na magkaibang uri ng sanda. Isang pana at isang espada. "Ang dalawang estatwang ito ay ang itinuturing na pinakamalakas na Miryuko sa kasaysayan na nabuhay noong daang taon na ang nakalilipas, sila rin nanguna sa maraming digmaan ng dilim laban sa dilim upang maging balanse ito at maiwasan ang pagkakagulo. Kung iyong iisipin ay hindi lang naman ang Miryoku ang mga makapangyarihang nilalang sa mundo, nariyan rin ang mga Merkaba na lupon ng magaganda Sirena, mayroon ring mga Mangagaway, aswang at kung anu ano pa. Halika munting ginoo, pumasok na tayo at baka naghihintay na sa iyo si Panginoong Jorad," ang wika nito sabay akay sa akin. Hinawakan niya ang pintuan at kusa itong bumukas. Ito ay gawa sa napaka kapal na ginto na kahit pasabugan ay hindi yata magagasgas o masisira. Ang buong palasyo ay punong puno ng mataas na uri ng seguridad, marahil ay totoo ngang ang lalaking bumili sa akin at mas makapangyarihan pa sa mga mayayamang bilyonaryo sa ibang bansa. Pagpasok namin sa loob ng palasyo ay tila sinalubong ako ng isang nakasisilaw na liwanag. Napapikit na lang ako at noong imulat ko ang aking mga mata ay tumambad sa aking paningin ang isang malaking at malawak na bulwagan may mahabang daan, magagarbo ang desenyo, may matataas na hagdan. Ang mga kurtina  at tela ay kumikinang. Ang sahig ay may pulang tela na para bang nakakahiyang tapakan. "Ito ang loob ang bundok na nakikita mo kanina. Labas ay para lang itong ordinaryong mataas na anyong lupa pero dito sa loob ay isa itong magarbong tahanan ni Panginoong Jorad," paliwanag ni ginoong Carlton. Ako naman ay nakatulala lang, nanlalaki ang aking mata. Pakiwari ko ba ay nasa loob ako ng isang magandang panaginip. Ang mga ganitong lugar ay nakikita ko lamang kapag ako ay nakapikit o kaya ay nangangarap. Natawa si ginoong Carlton at tinapik ang aking balikat. Kasabay nito ang pagsalubong sa amin ng mga taga silbi sa loob ng palasyo. Buong galang nila kaming sinahaman at inihatid sa isang malaking lamesa, mahaba ito na parang hindi na magkakarinigan ang dalawang taong mauupo sa magkabilang dulo. Ang mga silya, kasangkapan at mga disenyo ay gawa sa purong pilak at mga ginto. Maraming karne, mainit na sabaw, maraming mga prutas. Parang isang paraiso ng pagkain na kumikinang na animo mga diamante. Para sa isang batang katulad ko ay mayroong pagdududa sa aking sarili, ito ba ay panaginip lang o produkto lamang ng aking malikot at malikhaing imahinasyon? Masyado maganda para maging totoo, masyadong hindi makatotohanan kung iyong iisipin. Maya maya ay inakay ako ng isang babae at pinaupo sa gawing gitna ng lamesa. Tumabi naman sa akin si ginoong Carlton. "Totoo po ba ito?" tanong ko. "Oo naman, ang lahat ng ito ay totoo hijo. Wala ka sa panaginip. Kung sa bagay para sa isang batang salat sa lahat ng bagay ay hindi nga ito kapani-paniwala," tugon niya habang natatawa. Natahimik ako at naramdam ng pagkahiya bagamat totoo naman talaga ito.. Habang nasa ganoong posisyon kami ay siya namang pagbaba sa hagdan ng lalaking bumili sa akin. Katulad ng dati ay nakasuot na naman ito ng damit na may mahabang manggas na puro burda ng ginto sa balikat at braso. Noong maglakad siya yumuko ang lahat at nagbigay galang pero pinigil niya ang mga ito at saka ngumiti. Umupo siya sa gawing dulo ng lamesa, medyo malayo sa amin at dito ay agad siyang pinagsilbihan ng mga tao sa kanyang harapan. Tumingin naman siya sa akin at ngumiti, "medyo maganda na ang kulay mo ngayon Tenjo, bagay rin sa iyo ang suot mo," ang wika nito na sobrang hindi bagamat naunawaan ko naman. Tumingin lang ako sa kanya, walang reaksyon ang aking mukha. Lumilinga linga ako sa paligid, tinitingnan ko kung nasaan ang mga magulang niya o kung mayroon siya kapatid. Hindi kaya magalit ang mga ito kapag nalaman nilang nagpapasok ng isang batang paslit dito sa kanilang magarbong palasyo? Inayos ng mga taga silbi ang aking plato at mga pilak na kagamitan na hindi ko naman alam kung paano gamitin o kung paano hahawakan. At isa pa ay baka magalit sila kapag kumain ako? Naalala ko noon, kapag nakita ako ni itay na kumakain ay binubugbog niya ako. Paulit ulit ito hanggang nakasanayan ko na lang na kapag hindi sinasabing kumain ako ay hindi ako kumakain. May isang senaryo pa na nakita ako ni itay na binigyan ng isang pirasong tinapay ng tindera doon sa aming baryo. Noong kakagatin ko na ito ay hinablot ni itay ang aking katawan at doon ako pinagbuhatan ng kamay. Kinuha niya ang tinapay at siya ang kumain nito. Ang mga katulad ko raw ay walang karapatang kumain dahil wala akong kwentang tao at wala akong bilang sa mundo. Nasa ganoong pag-iisip ako noong hindi ko namalayan na nakatulala na pala ako at ang aking luha ay tumutulo na sa aking mata. Hindi ko na nagawa pang kumilos o mag bigay ng kahit na anong tugon. "Tenjo, kumain ka na marami. Hindi mo ba gusto ang pagkain sa harap mo?" tanong ng lalaki. Hindi gumagalaw ang aking kamay nakatitig lang ako sa pagkain dahilan para matawa si ginoong Carlton. "Panginoon si Tenjo ay hindi kakain hanggang hindi mo siya inuutusang kumain. Hindi siya magsasalita hanggang hindi mo sinasabing magsalita siya. Sa ganoong paraan siya pinalaki at hinubog ng kanyang ama kaya nabibigla pa siya sa mga nangyayari," paliwanag ni ginoong Carlton. Natawa rin ang lalaki sa kabilang dulo, "marahil ay hindi mo kayang gamitin ang mga kubyertos," ang wika nito sabay tayo sa kanyang kinauupuan at lumakad siya patungo sa akin. Gulat na gulat ang mga taga silbi. Tila yata napakabihirang pagkakataon na tatayo ang lalaking ito mula sa kanyang gintong trono para tumabi sa akin. Ngumiti siya at hinawakan ang karne, hinimay niya ito gamit ang kanyang kamay at inilagay sa aking plato. "Kumain ka upang magkaroon ng sustansiya ang iyong katawan. Paano ka lalaking malakas? Paano ka makakalaban sa mga Miryoku kung ikaw mismo ay napakahina at patpatin pa?" tanong niya sa akin. "Panginoon, ako na lamang po ang maghihimay ng karne at gulay para kay Tenjo," ang wika ni ginoong Carlton na may halong pagkahiya. "Ito ay maliit na bagay lamang, hayaan niyo na lamang ako sa aking nais," ang wika niya sa lahat. “Pero panginoon, hindi maaaring gamitin ang iyong kamay sa mga ganitong bagay,” ang wika ni ginoong Carlton dahilan para matawa siya.  “Ano ka ba? Hindi ba’t pinapakain ko rin ang alaga kong kuneho dati? Saka ano bang mayroon sa aking kamay? Madumi rin naman ito at makasalanan Carlton,” ang wika niya sabay tingin sa akin, “Gusto mo ba ng sabaw? O noong gulay? Masustansiya ito sa ating katawan,” ang wika niya sabay kuha ng mga ito saka isa isang hinimay sa aking plato. “Kumain ka na Tenjo,” ang utos ni ginoong Carlton kaya naman gumalaw ang aking kamay ay kinuha ang mga hinimay na karne at gulay saka ko ito kinain. Natuwa ang lalaking bumili sa akin at saka kumain rin siya gamit ang kanyang kamay. Lalo nagulat ang mga taga silbi, ang ilan sa kanila ay namangha at napahanga na lang. Hindi ko alam kung anong mayroon sa kanya at kung bakit pakiwari ko ay napaka sagrado niyang nilalang. At iyon ang set up, sabay kaming kumain dalawa sa iisang plato. Kung minsan ay isunusubuan pa niya ako na parang isang literal na alaga. Ang lahat naman ay nakatingin lang, walang kibo pero halatang namamangha. Si ginoong Carlton ay natatawa at binibiro ang kanyang panginoon na bagay sa kaniya ang magkaroon ng anak. Matapos naman ang pagkain ay naupo kami sa magarbong silya, malambot at parang bulak ang sandalan. Nakatahimik lang ako at nakatanaw sa isang malaking kwardong ipininta na larawan ng Panginoon na nakalagay sa pader. “Maganda ba?” tanong niya sa akin. Tumango ako. “Painting ang tawag diyan ng mga taga estados unidos,  iyan ay galing pa sa isang kilalang pintor doon. Gumagamit sila ng espesyal na pangkulay para iguhit ang aking larawan. May kamahalan ang isang iyan kaya’t nakalagay sa isang maayos na lugar,” ang wika niya. “Nga pala, panginoon, tiyak na hindi magugustuhan ni Guineth ang makita si Tenjo dito sa iyong palasyo. Kung ang kuneho ay pinagseselosan niya, ang tunay na tao pa kaya? Siguro mas maganda kung doon na lamang siya sa unang himpilan manaili,” ang wika ni Ginoong Carlton. Ang unang himpilan ay ang mga gusali doon sa harapan kung saan ako nanggaling nagpagaling noong mga nakakaraang linggo. “Hindi, si Tenjo ay pag-aari ko kaya dito lang siya sa akin maliwanag ba?” tanong ng lalaki. “Pero Panginoon, si Guineth ay.. hay, nag-aalala lamang ako para sa bata,” ang tugon ni Carlton. Hinawakan ako ng lalaki sa braso at hinila patayo. “Carlton, si Tenjo ay binili ko, ako ang nakakita sa kanya, ako ang may ari sa kanya at sa akin lang siya!” ang may kataasan boses nito. Natahimik si Carlton, “Sige po Panginoon, iiwanan ko na po dito si Tenjo ngayon din. Babalik na po ako sa unang himpilan,” wika nito sabay tayo. “Sandali Carlton,” ang pagpigil nito. Huminto ang matanda, ‘Bakit po panginoon?” “Dito ka na rin titira ngayon at ikaw ang magbabantay kay Tenjo,” ang wika nito. “Pero panginoon, hindi ko alam kung may kakayahan pa ako,” ang sagot niya sa akin. “Bakit hindi? Ikaw ang nagpalaki sa akin diba? Maayos akong nagbinata nagkaisip, tiyak na magagawa mo rin ito kay Tenjo, dito ka na rin titira at sasamahan siya,” ang utos nito. “Pero panginoon, paano si Guineth? Hindi niya magugustuhan ito,” ang nag-aalalang wika ng matanda. “Kung may gagawing masama si Guineth ay ako mismo ang tatapos sa kanya,” ang wika ng panginoon sabay tayo at saka umakyat sa hagdan. Noong mga sandaling iyon ay hindi ko lubos maunawaan kung ano ba ang mayroon kay Guineth at kung bakit ganoon na lang ang pag-aalala ni ginoong Carlton para sa akin. Sa kabilang banda ay hindi pa rin ako makapaniwala na dito ako titira sa palasyo na sa panaginip ko lang halos nakikita. May pagkatataon na itinatanong ko sa aking sarili kung totoo nga ba ito, may parteng nagsasabi ng “oo” at mayroon din namang “hindi”, gayon pa man pipilitin kong ngumiti at iwanan ang mapait na kahapon kahit alam kong hindi ito ganoon kadali. Itutuloy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD