Matapos ang mahabang lakaran ay narating na rin nila ang silid kung nasaan ang Tiyahin ni Akila na si Akiko. Walumpu't walong taong gulang na ito at walong buwan nang nakaratay dahil sa malubha nitong sakit. Sakit na aniya'y isang pagkakamali dahil hindi man lamang niya naisip noong bata pa siya na magpamilya at magkaroon ng mga anak.
Ngayon ay mayroon siyang ovarian cancer na unti-unting lumalason sa kanya na kahit pa ang pinakamagaling na doktor sa buong mundo ay hindi siya kayang pagalingin.
Nang magkasakit ay doon niya lang napagtanto na walang silbi ang mga perang pinaghirapan niyang paramihin dahil hindi rin naman siya matutulungan at kayang paglingin. Ang mga salapi ay hindi kayang madugtungan ang kanyang buhay.
Pagpasok nina Micaela at Akila sa silid ay agad nilang nakita ang matandang may sakit sa kanyang malaking kama. Habang naglalakad palapit ay naagaw ng batang kasama ng madre ang atensyon ng matanda. Bigla na lamang siyang napangiti. Nagliliwanag ito sa kanyang paningin at kakaibang kaligayahan ang humipo sa kanyang puso.
Paglapit ng madre ay agad niyang binati ang maysakit na tiyahin. Humalik siya sa noo nito at
inagat ng matanda ang kanyang isang kamay upang hipuin ang pisngi ng kanyang mahal na pamangkin.
Isang linggo rin silang hindi nagkita dahil nagpunta siya ng Pilipinas upang hanapin ang apo ni Diana.
"How's my most lovely Aunt?" Magiliw na tanong ni Akila sa Tiyahin na nakaratay sa kama.
Ngumiti ito saka sumagot.
"I feel better now that you're here." Mahina at nakangiting sabi ng nanghihinang matanda.
"I'll stay beside you then for now on." Pabiro nitong tugon at mahinang natawa ang matanda sa kanya.
"I know that's impossible." Halos pabulong na lamang nitong sabi matapos ng maikli niyang pagtawa "But look who's here." Dugtong niya at nabaling ang tingin nilang pareho kay Micaela na tahimik lamang na nakatayo sa tabi ng madre at pinagmamasdan sila.
Ramdam ng bata kung gaano kabusilak ang puso ng matandang may sakit. Nanghihina man ito, ang awra naman niya'y malakas pa at nagpapakita ng senyales na ito'y lumalaban sa kanyang karamdaman.
"Is she the girl you were telling me?" Tanong niya sa pamangkin matapos ngitian si Micaela. Binalik niya ang tingin sa kanyang madreng pamangkin at nakita ang dalawang beses nitong pagtango bilang sagot.
Pinalapit niya ang bata sa kanyang Tiyahin.
"She doesn't understand English yet, but I will help you translate whatever you want to tell her." Wika ng madre na nakatayo sa likod ni Micaela.
"Okay then." Mahina naman nitong sagot at hindi na mabura ang ngiti sa mga labi niya ngayong nasa malapit na ang bata.
Inilahad ng matanda ang kamay niya. Binulungan siya ni Akila na hawakan niya ang kamay na inaabot nito at agad naman niyang sinunod.
Kitang-kita kung gaano na nanghihina ang katawan ng matanda. Nanginginig ang kamay niyang nakalahad sa bata.
Alam ng kanyang pamangkin ang posibilidad na anumang araw ay mawawala na ito sa kanila at iyon din ang sabi ng doktor, ngunit naniniwala si Akila sa himala at makakasama niya pa ito ng matagal higit pa sa binigay na taning na ibinigay ng mga doktor nito.
Inabot ng bata ang kamay ng matanda at hinawakan. Marahan siyang hinala ng matanda palapit at pinisil ang mainit nitong palad. Ramdam niyang espesyal ito, dahil sa kakaibang hatid nitong kagaanan sa kanyang dibdib nang makita pa lamang ito at ngayong hawak niya ang maliit nitong kamay.
Pinaakyat niya ito sa kanyang kama. Inalis ni Akila ang suot ng bata na sapatos at inalalayang umakyat sa kamang mataas para sa kanya. Nang makasampa ay hinawakan ng matanda ang maliit na mukha nito gamit ang dalawang kamay niya at hinaplos ang mga bilugang pisngi.
"She looks like an angel." Halos pabulong lamang na usal nito nang matitigang maigi ang mukha ng bata.
"Yes, she is. She is an angel." Sagot ni Akila habang pinagmamasdan ang dalawa.
Hindi naiintindihan ni Micaela ang sinasabi nila dahil hindi naman siya naturuan ng kanyang ina't ama ng Ingles at kung anuman ang mga iyon aniya, ramdam niyang hindi naman masasama ang kanilang mga sinasabi.
Niyaya siyang mahiga ng matanda sa kanyang tabi at sunod ay nakatulog na ang matanda habang yakap si Micaela.
Sabi ng nagbabantay sa matandang may sakit, hindi pa raw ito nagpapahinga. Hinihintay raw silang dumating kaya nakatulog agad. Hinayaan na lang nila ang dalawa sa silid at sinabihan ang bata na lumabas na lamang kapag nais na niya.
Simula nang araw na iyon, madalas hinahanap ni Akiko ang bata. Hinahanap niya ang presensiya nito dahil ibang kalakasan daw ang nararamdaman niya kapag nasa tabi niya ito. Kilala na siya bilang si Victoria ng lahat ng mga taong nagsisilbi sa mansyon at lahat sila ay giliw na giliw sa bata at mistulang isa siyang manika na kanilang pinag-aagawang ayusan at bihisan.
Pinag-aral ng matanda, binilhan ng sankatutak na magagarang mga sapatos at damit. Tinuruan ng Inglis at Nihongo ng isang pribadong guro. Mabilis naman itong natututo dahil uhaw sa kaalaman ang kanyang utak sa kanyang edad na labing-tatlo.
Iniwan muna siya ng madre sa poder ng matanda upang may maging kasa-kasama ito at hindi ito malungkot. May inaasikaso pa kasi siyang mga bagay, ang negosyo ng kanyang ama at ang pagiging madre niya. Dinadalaw naman niya siya kapag araw ng Sabado upang kumustahin at malaman na rin ang kalagayan ni Victoria at mabalitaan ang kanyang mga magulang sa Pilipinas.
Hindi naman nalulungkot ang bata dahil tinitiyak nilang masaya siya't naibibigay ang gusto. Sa malawak na bundok na iyon ang naging palaruan niya. Natuto siyang mangabayo at lahat ng mga gawain sa mansyon ay tumutulong siya upang hindi mabugnot at kapag magkasama naman sila ng matanda ay binabasahan niya ito ng libro hanggang sa makatulog ito.
Tumagal pa ang buhay ng matanda. Nadagdagan ng isang taon ang taning ng doktor na isa o dalawang buwan na lamang. Pumanaw ito nang mapayapa at nakangiti habang hawak ang mga kamay ng pamangkin at ng batang minahal niya bilang tunay na anak sa maikling panahon na sila'y nagkasama.
Sa pagpanaw ng matanda ay iniwan niyang maayos ang lahat. Ang mga ari-arian niya na ipinamana niya kay Victoria at ang lahat ng kanyang mga tauhan ay siniguro niyang magiging maayos ang buhay. Lahat sila'y binigyan ng pabahay at pangnegosyo. Pinapili kung sino ang gustong manatili pa dahil magbabawas na sila ng mga tao sa mansyon.
Karamihan sa kanila ay nagpaalam na at ang lima lamang na naiwan. Upang mabawasan ang kanilang trabaho, sinara na ang ibang mga silid sa mansion. Binawasan at itinago ang mga mamahaling mga kasangkapan na napakarami at delikadong mabasag lamang. Lumuwang ang bahay, sakto para sa pagsisimula ng pagsasanay ni Victoria kung saan sasanayin siya ng iba't-ibang mga tao na bihasa sa isang partikular na armas na si Akila mismo ang gumawa.
Bawat araw ay abala si Victoria. Iba't-ibang pagsasanay ang ginagawa nila. Iba-iba ang kanyang guro sa bawat klase. Siniguro rin ni Akila na magiging bihasa sa iba pang mga bagay ito, lalo na sa pagsulat at pagbabasa na alam nilang napakaimportante.
Nahilig si Victoria sa pagsakay sa kabayo at nakikipagkarera sa kanyang mga guro na hindi siya magawang matalo.
Bilin ni sa kanya ni Akila na huwag huhubarin ang kanyang kuwintas. Huwag ipapahawak kahit kanino dahil baka hablutin nila ito. Ipinaliwanag niya ang ang kuwintas na iyon ay ang kanyang proteksyon at hindi dapat makuha o maalis sa kanyang katawan.