Hawak na niya ang pasaporte at ticket nila palipad sa Japan. Pinakain niya muna ng agahan ang bata at tinulungan sa pag-aayos ng sarili. Itinali niya ang mahabang buhok nito at pinaikut-ikot sa tuktok upang mapusod. Binihisan ng mas magarang bestida na kanya mismong dala upang ibigay sa bata at nang natapos na sila sa pag-aayos ay dumating na ang bell boy mula sa hotel na iyon upang tulungan sila sa pagbaba ng mga maleta nila. May naghihintay na ring ibang sasakyan sa baba upang ihatid sila sa paliparan.
"Tara na Victoria." Yaya ng madre sa bata ngunit hindi ito kumilos, bagkus ay tinignan siya lamang nito nang may buong pagtataka dahil ibang pangalan ang narinig niya mula sa madre. Hindi naman siya nagkamali, dahil sinadya niya talaga iyon.
Nagtatanong ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya kaya kahit hindi ito magsalita ay alam niya ang nasa isip ng bata.
"Iyon na ang magiging pangalan mo mula ngayon. Ikaw na si Victoria Shin at hindi na si Micaela Santa Ana." Wika ng madre habang nakangiti sa bata.
"Ngunit bakit po? Kailangan po ba iba ang pangalan kapag sasakay sa eroplano?" Inosenteng tanong ni Micaela. Bahagyang natawa ang madre sa katanungan nito.
"Hindi naman, pero kasi mas maganda ang Victoria hindi ba? Victorious at ang Shin naman ay liwanag. Dahil ikaw balang-araw ang magdadala ng kaliwanagan sa mga taong nababalot na ng kadiliman." Sagot niya rito ngunit nanatili pa ring nagtataka ang itsura ng bata habang tinitignan siya.
"Halika, maupo ka muna." Niyaya niya itong maupo sa tabi niya sa gilid ng kama upang ipaliwanag ang dahilan, mukhang hindi kasi ito kumbinsido sa sinabi niya.
"Sa lugar na pupuntahan natin, maraming mga taong magtatanong kung saan ka nanggaling. Tatanungin kung bakit kakaiba ka, ang iyong itsura at pananalita. Naisip kong ampunin ka at ipagamit ang apelyido ng aking isang kamag-anak na kinonsulta ko naman bago ko ginawang ipagamit saiyo ang apelyido niya. Isa na siyang matandang dalaga at walang anak, kaya kapag nagtanong sila saiyo ang isasagot mo ay inampon ka ng isang Haponesa mula sa ibang bansa. Pagdating natin doon ay papaaralin kita, pagsasanayin sa lahat ng nais mong matutunan at palalakasin para hindi ka na magawang saktan ng mga masasamang nilalang na gaya noong nakaraan na gusto kang saktan." Salaysay niya. Nahinto lamang siya dahil nakita niyang nag-iba ang ekspresyon sa mata nito at nabalot na ng kalungkutan.
"Bakit?" Agad niyang tanong.
"Ibig niyo po bang sabihin iba na ang magiging magulang ko dahil aampunin na ako ng ibang tao?" Tanong nito. Napahanga sa si Akila sa talas ng isip ng batang kanyang kausap.
"Hindi, ang tunay mong ama't ina ang siya pa ring mga magulang mo, hindi magbabago iyon." Tugon naman niya.
"Bakit po pala kailangan kong lumayo? Pwede naman pong dito na lang ako mag-aral at magsanay. Makakasama ko pa po ang mga magulang ko, hindi kami magkakalayo. Hindi ko na kailangang magpalit ng pangalan." Anang bata na bahagyang kinagulat niya. May punto naman siya ngunit hindi kasi maaari.
Naluluha na ang mga mata ng bata. Yumuko ito upang itago iyon sa paningin ng madre ngunit huli na dahil nakita na niya ito. Nakadama ng bigat sa dibdib ang madre nang makita ang malungkot na mga mata nito. Pakiramdam niya'y nadudurog ang kanyang puso. Naitanong niya tuloy sa sarili bigla kung tama ba ang ginagawa niya. Napatayo siya at naglakad palayo. Tumalikod muna siya sa bata at huminga ng malalim. Pinikit ang mga mata ang tahimik na nanalangin, humingi na rin siya ng gabay at tawad sa Diyos dahil sa kanyang gagawin.
Muli niyang hinarap ang bata at naupong muli sa tabi nito. Gusto niyang sabihin ang buong katotohanan sa bata. Ang dahilan kung bakit nararapat siyang sumama sa kanya at kung bakit mas makabubuting lumayo siya sa kanyang mga magulang pansamantala. Nakinig lang ito at hindi umimik. Alam ng madre na iniintindi nito ang bawat impormasyon na nakukuha niya. Habang nagsasalita ang madre ay unti-unti namang nababago ang ekspresyon sa mga mata nito.
Nabubura ang lungkot at pumapaibabaw ang katatagan. Nang matapos siya saka lamang ito nagsalita.
"Sasama na po ako." Anito at inangat na ang ulo. Nauna na rin itong tumayo at naglakad palabas ng silid. Hinintay na lamang siya ng bata sa labas at sabay na silang pumaba sa unang palapag ng Hotel upang magtungo sa paliparan.
Tahimik lang si Micaela sa kinauupuan nito. Nakatingin lang sa may bintana at tinatanaw ang mga matataas na gusali at mga establisyemento.
Hinayaan na lamang siya ng madre. Nakarating sila sa paliparan at wala pa rin itong imik. Malalim ang iniisip habang pinapanood ang mga taong paroon at parito.
Nakasakay na sila sa eroplano ngunit tahimik pa rin ito. Hindi na nakatiis ang madre at tinanong na niya ito kung ayos lang ba ito. Nilingon siya ng bata at saka umiling.
"Naku! Masama ba pakiramdam mo? Ayaw mo na ba sumama sa'kin?" Magkasunod na tanong niya sa bata nang may pag-aalala.
"Hindi po, okay lang po ako. Kinakabahan lang po ako. Ang laki po pala ng eroplano, akala ko po maliit lang." Mabilis nitong sagot at dama sa boses nito ang pagkamangha. Nabura na ang agam-agam sa dibdib ng madre matapos nitong magsalita. Akala niya kasi ayaw na nitong sumama, nagbago bigla ng isip at napipilitan lang sumama. Mabuti na lang at hindi dahil magmumukhang kinidnap niya ang bata kapag nagkataon.
"H'wag kang kabatahan. Hindi naman nakakatakot. Sa umpisa lang kapag paakyat na, may ingay kang maririnig na masakit sa tenga. Meron akong dala na pwede mong ilagay sa loob ng tenga mo o kaya makinig ka ng music dito." Sagot ng madre sabay labas ng kanyang cellphone at earphone mula sa kanyang handbag.
"Alin gusto mo?" Tanong at alok niya sa bata, habang nakalahad ang kamay na hawak ang earplugs at earphone.
Kinuha niya ang earphone at tinuro ng madre kung paano niya ilalagay sa kanyang magkabilang tenga ang mga iyon. Nang maiayos ay saka siya nag-play ng kanta at doon niya nakita ang pagngiti nitong muli matapos marinig ang nakakakalmang musika.
Umandar na ang eroplano at pumaitaas. Naramdaman ni Micaela ang kakaibang kiliti sa kanyang tiyan habang paangat sila. Nasa tabi ng bintana nakaupo at kita niya ang pagtaas nila, paliit nang paliit ang mga bahay at gusali habang papalayo sila at ang sunod niyang nakita mula sa bintana ay ang mga ulap at mga ibong sumasabay sa kanila sa paglipad.
Manghang-mangha siya sa tanawing nakikita mula sa itaas at panay ang turo sa mga nakikita sa ibaba sa madre na agad naman nitong tinitignan kung ano at napapangiti na lamang matapos. Halatang napakainosente nito at babago lamang naranasan ang ganoon.
Natuwa siyang hindi na ito malungkot ngunit paano na lamang kung maulit iyon? Anong gagawin niya kung sakali?
Apat na oras ang kanilang biyahe bago nakarating sa Japan at isang oras bago sila lumapag ang sinasakyang eroplano sa paliparan ng Japan ay naroon na't naghihintay ang kanilang sundo sa labas upang makasigurong hindi na sila maghihintay pa ng matagal at matiyak na rin ng mga ito ang kanilang kaligtasan.
Paglabas pa lamang nilang dalawa ay sinalubong na siya ng tatlong kalalakihan. Yumuko sila nang sabay-sabay upang pagbati't paggalang. Matipuno ang tatlo, pare-pareho ang kanilang mga suot, itim na tuxedo, nakasalamin na kulay itim at may nakasaksak na instrumento sa kani-kanilang mga tainga upang sila'y magkarinigan at magkausap kahit gaano man sila kalayo sa isa't-isa.
Napakakintab ng mga buhok ng mga ito. Itim na itim at hindi man lamang gumalaw nang silay yumuko kanina. Kinuha ng dalawa ang mga bagahe nila at nauna na ang mga ito maglakad dinala ang mga ito sa isang nakaparadang sasakyan habang ang isang naiwan ang siyang umalalay sa madre at kay Micaela sa isa pang sasakyan na siyang magdadala sa kanila sa tahanan na kanilang pupuntahan.
Tahimik lang na nakaupo si Micaela sa tabi ng madre sa likurang upuan. Tinatanaw ang matatayog na mga puno at lahat ng mga tanawin na kanilang nadadaanan na bago lamang sa kanyang paningin.
Nakamamangha ang linis ng lugar. Ni walang basurang makikita sa gilid ng mga lansangan.
Abala ang lahat at walang tambay lamang dahil lahat ay may kanya-kanyang mga gawa upang makatulong sa pamilya't kanilang bayan.
Dalawampung minuto bago nila narating ang isang maliit na bundok na pribadong pagmamay-ari ng matandang kamag-anak ni Akila. Nasa pinakataas ng bundok ang mansion at ang daan ay paikot sa bundok na tanging madaraanan paakyat sa itaas gamit ang anumang klaseng sasakyang may gulong.
One way lamang kasi iyon paayat at pababaya kaya walang pwedeng sumalubong at kung may aakyat man ay di agad makakaakyat ng walang permiso mula sa mansion ngunit dahil inaaasahan na ang kanilang pagdating ay agad nagbukas ang malaking tarangkahan matapos makita ng taga-operate sa monitor kung sino ang nasa labas.
Sa tuktok ay ilang ektaryang lupain na puno ng mga puno at tanging ang mansyon lamang ang bahay na nakatirik at nang makarating na sila'y huminto ang sasakyan sakto sa may nakalatag na pulang alpombra.
Ang haba niyon ay mula sa kanilang bababaan diretso sa entrada ng mansion hanggang sa loob. Kung ano ang sukat? Hindi alam ni Micaela, ang alam lamang niya ay napagod siya sa paglalakad.
Ganoon kayaman ang Tiyahin ni Akila na isang matandang dalaga. Malapit ito sa kanyang pamangkin na nag-iisang anak ng kanyang nakababatang kapatid. Nawala na sa plano niya ang magpamilya dahil sa daming responsibilidad na binigay sa kanya ng kanyang mga magulang bata pa lamang siya at ngayong may edad na ay kailangan niya ng tagapagmana na ang balak niya sana noon ay ibigay na lamang sa pamangkin ngunit tinanggihan niya iyon dahil nasa kanya na ang yaman ng kanyang ama at negosyo nitong hindi na nga niya alam kung napapatakbo niya ba ng maayos.
Sumagi sa isip niya ang batang nasa talaan, na siya na ring naging paraan upang mas madali niyang madala ang bata sa Japan.