IV

1277 Words
Sa paglaho ng nakatakot na nilalang na iyon ay siya ring pagkawala ng malay ni Micaela. Mabuti na lamang at naroon sa kanyang tabi ang madre at agad siyang nasalo. Hinang-hina ito at medyo putla ang labi't balat. Pawisan ngunit mukhang mas payapa na't hindi gaya kaninang nahihirapan. Ang kaninang nakasarang pinto ay bigla na lamang nagbukas. Sabay iyon sa pagkawala ng nakakatakot na nilalang. Nasa labas ang mga magulang ng bata at naghihintay. Nang makita nilang nagbukas ang pinto ay agad nila itong nilapitan. Sumilip muna bago pumasok dahil baka bawal pa at sila'y mapagalitan ng madreng nasa loob. Dinig na dinig nila ang malakas na sigaw ng nakakatakot na boses mula sa kinaroroonan nila kanina. Pareho silang nangilabot at sobrang natakot para sa kanilang anak na nasa loob ng silid at hindi nila alam kung ano ang nangyayari. Dinaan ni Beatrice sa pagdarasal, humingi ng tulong sa Maykapal at kalakasan ng loob upang malagpasan ng kan'yang anak ang pagsubok na iyon. Sa pagsilip ni Beatrice sa nabuksang pinto, nakita niya ang anak niya at ang madre na nakasalampak sa sahig. Kalubg-kalong ng madre si Micaela at nakayakap sa madre ang walang malay na bata. Napatakbong pumasok sa loob si Beatrice at agad silang nilapitan. "Ano pong nangyari?" Tanong nito ng puno ng pag-aalala. Napatakbo rin si Elias at sumunod sa kanyang asawa. Kinuha niya ang anak sa kandungan ng madre at binuhat. Naiiyak ang Ginoo habang minamasdan ang anak. Maputla pa ito ngunit maaliwalas na ang kanyang mukha. Inabot ni Beatrice ang kanyang kamay sa madre upang tulungan ito sa pagtayo dahil mukhang nahihirapan itong tumindig mula sa pagkakaupo sa sahig. "Hayaan niyo muna siyang magpahinga upang makabawi ng lakas." Wika ng madre, malayo sa tanong ni Beatrice sa kung ano ang nangyari. Nakatindig na ang madre ngunit wala pa rin itong sinasabi mula sa nangyari sa loob ng silid kanina. Pinalabas sila ng madre dahil may nais daw itong siguruhin muna. Lumabas naman sila ng walang tanung-tanong at dinala na ni Elias ang anak sa kanilang silid mag-asawa upang doon patulugin. Nang makalabas sila ay tinungo ng madre ang aparador at binuksan iyon. Sinilip niya ang ilalim ng kama ng bata at lahat ng sulok ng silid maging ang mga kasangkapan. Nang makasigurong walang ibang enerhiya na naroon ay saka lamang siya lumabas at hinanap ang mag-asawang Elias at Beatrice upang kausapin. Natagpuan na ang dalawa sa kabilang silid. Minamasdan nila ang natutulog na bata at magkahawak ang mga kamay nang mahigpit. "Natatakot ako Elias." Usal ni Beatrice nang mahina. "Ako rin naman ngunit kailangan natin magpakatatag para sa ating anak Beatrice. Kailangan niya tayo." Tugon ng Ginoo sa kanyang asawang ngayo'y tumatangis na. Pinunasan ni Elias ang luha nito at niyakap. Pinapanood sila ng madre mula sa may pintuan. Kakatok sana siya upang kunin ang kanilang ataensyon ngunit nagbago bigla ang kanyang isip. Tumalikod na siya at lumabas na ng kanilang bahay. Nagpahangin muna ito dahil maging siya ay mistulang nahigop ang lakas dahil sa pakikipagbuno sa bata kanina. Pinagmasdan niya ang paligid. Napakatahimik at layo niyon sa siyudad at ilang milya ang pagitan mula sa huling bahay na natanaw niya kanina. Habang nagmamasid ay nadinig niya ang mga boses na papalapit at maya-maya lamang ay nakita na niya si Beatrice sa kanyang tabi. "Maraming salamat madre. Kung hindi po kayo dumating ay baka kung ano na po ang nangyari sa aming anak na si Micaela." Aniya nang maluha-luha. Pinigilan niyang huwag nang maiyak dahil nahihiya siyang tumangis muli sa harapan ng ibang tao. Niyaya niya ang madre sa loob upang makapagmeryenda. Pagapasok nila ay nakahanda na ang mga pagkain sa maliit na mesa sa kanilang sala. Sari-sariling mga tinapay na sila mismong mag-asawa ang gumagawa. Pinaupo ni Beatrice ang madre at inalok ng mga tinapay ngunit tinanggihan niya lamang ito dahil bukod sa hindi siya nagugutom ay may mas mahalaga siyang dapat sabihin sa dalawa. "Naniniwala na ba kayong hindi siya ligtas sa piling ninyo?" Tanong ng madre nang walang anu-ano. Nanginig ang kamay ni Beatrice sa narinig na iyon. Gumapang kasi ang takot sa kanyang buong katawan nang maalala ang mga kakaibang mga bagay na nangyayari sa kanilang anak mula pa noong sanggol ito. Nadinig ni Elias ang tanong na iyon mula sa kusina kung nasaan siya. Sinadya talagang lakasan ng Madre dahil gusto niyang marinig nila ito pareho. Walang nagsalita sa dalawa ayaw nilang sumang-ayon kahit iyon naman ang katotohanan. "Makinig kayong mabuti." Sambit ng madre at hinintay lumabas mula sa kusina si Elias at maupo sa tabi ng Ginang. "Espesyal ang iyong anak higit pa sa inaakala ninyo. Isinilang siyang may basbas mula sa itaas at may misyong iniatang para lamang sa kanya. Alam ni Diana ang lahat ng ito at nakasulat sa kanyang talaan. Mahirap paniwalaan ngunit iyon ang totoo at kailanman ay di natin mababago. Si Micaela ay lapitin ng mga masasamang elemento. May taglay na lakas ang bata na gusto nilang maangkin at ang kwintas niya ang magsisilbing pananggalang niya mula sa kanila. Hindi ko alam kung paano naalis sa katawan ang kwintas kanina, dahilan para makapasok sa katawan niya ang isang demonyong matagal nang sumusunod sa inyong anak, ngunit wala na ito ngayon at hindi ko garantisado na hindi na muli mangyayari ang nangyari kanina. Nais ko sanang pigilan iyon kung pumayag sana kayong isama ko na lamang siya sa Japan ngunit dahil di kayo pumayag, naganap ang dapat maganap." Ang mahabang paliwanag ng madre ay nagbigay ng matinding takot sa dalawa. Hindi sila makapaniwalang sigaw ng isang demonyo ang marinig nila kanina. "Ma? Pa?" Nagulat ang mag-asawa nang makita si Micaela. "Anak!" Tawag ni Elias at nilapitan agad ito. "Gising ka na pala. Kumusta ang pakiramdam mo? Maayos na ba?" Magkasunod na tanong ng kanyang ama matapos pumantay sa anak sa pamamagitan ng pagyuko. "Mabuti na po." Mabilis nitong sagot at binigyan ng matamis ng ngiti ang kanyang amang nasa kanyang tabi. "Masaya akong marinig iyan at makita kang muli na ngumingiti mahal ko." Anang Ginoo na basag ang boses. Niyakap niya ang anak upang di nito makita ang mga luha niya. Luhang may bahid ng saya at lungkot dahil nakapagpasya na siyang pumayag sa nais ng madre. Kinausap niya muna si Beatrice ukol dito. Nagpunta sila sa kusina upang makapag-usap ng pribado at di marinig ng kanilang anak. Iniwan muna nila ang bata kasama ang madre sa sala. Habang nag-uusap ang mag-asawa ay tahimik lamang na nakaupo sa pang-isahang upuan si Micaela. Nakatingin siya sa mga tinapay na nasa harap nila at takam na takam siya sa mga itsura. Napansin ng madre iyon kaya naman kinuha niya ang platito na may hati ng cake at inalok sa bata. "Gusto mo ba?" Tanong ng madre. Nag-angat ito ng tingin at tinanguan niya ito. Kinuha niya ang platito at saka siya inabutan ng madre ng tinidor. "Salamat po." Aniya at nginitian ang madre. Agad niyang nilantakan ang cake na para bang iyon ang unang beses na natikman niya ito. Ang dalawang nasa kusina ay hindi gaanong magkaintindihan. Payag si Elias sa alok ng madre ngunit si Beatrice ay ayaw. Ayaw niya raw mawalay sa anak ngunit natatakot din naman na maulit muli ang nangyari kanina at wala na ang madre upang tulungan sila. Sa huli'y napapayag din ni Elias ang asawa. Maging siya naman ay ayaw ring mawalay sa anak ngunit wala silang ibang pagpipilian kundi iyon. Bumalik silang mag-asawa sa sala upang ipaalam sa madre ang kanilang pasya. Nadatnan nila ang anak na maganang kumakain. Pinapanood lamang siya ng madre. "Nakapagpasya na po kami." Wika ni Elias. "Mabuti." Sambit lamang ng madre na para bang alam na nito ang sagot nila sa alok niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD