Sinalubong sila Giovanni ng mga tauhan ng mayor at governador. Panay ang kaniyang pagbati sa binatang bilyonaryo na akala mo ay isang prinsipe ang kanilang panauhin nang araw na iyon. Ang mga kababaihan naman naatasang mag-host sa mga panauhin na natanaw ang dumating na matipunong binata ay halos mabali ang mga leeg masulyapan lang ito nang husto. Napakagwapo naman kasi ng binata. Kahit pulubi pa siya at wala ni singkong duling ay magiging habulin pa rin ng tingin dahil sa kaniyang taglay na itsura. Nakatatakot nga lang tumingin lalo na kung sa'yo dadapo.
Medyo hirap sila ni Amir sa paglalakad dahil sa pinong puting buhangin na kanilang nilalakaran. Pumasok na ang iba sa kaniyang sapatos na nakadagdag sa kaniyang inis na nararamdaman. Dinala sila sa isang di kalakihang resthouse. Modern nipa hut ang disenyo ngunit konkreto na lahat. Nadala lang sa pintura at nakakapanlinlang kong hindi lalapitan at titignan mabuti dahil mukha talagang gawa sa kahoy.
Mula sa labas ay dalawang babae ang sumalubong sa kanila.
“T-This way, sir,” nautal na sabi ng isa dahil natakot siya sa ekpresyon ng mukha ng binata.
Napalunok na lamang ang isa at gawa ng nagsalita ay naglakad na at hinatid sila sa isang silid kung nasaan naroon na ang mga opisyal naghihintay. Dinig ni Giovanni ang mga tinig ng mga nasa loob bago sila pumasok sa pinto at nang nasa loob na siya ay biglang tumahimik.
“Umm… Welcome Mr. Romanov to our province! We’re very honored to have you here. Please have a seat!” anang gobernador na bahagyang na-intimidate sa presensya ng binata.
Lumabas na ang dalawang babae nang maihatid ang mga panauhin nila. Sinara ang pinto at naglakad na sila paalis sa lugar dahil iyon naman ang utos sa kanila.
Ramdam ng mga opisyal na nasa silid ang pagbabago ng atmospera pagpasok pa lamang ng binata at nang maupo sa ito sa pinakagitnang upuan kung saan iyon lamang naman ang natitirang bakante ay mas lalong tumindi ang hatid nitong kakaibang pakiramdam. Para bang dumilim sa loob ng silid kahit bukas naman ang mga ilaw at kahit tirik na tirik ang araw sa labas.
Ang kanilang gobernador ang pinakamataas na opisyal na naroon. Imbitado ang congressman ngunit pinabatid nitong hindi siya makakarating dahil kasalukuyan siyang nasa ibang bansa. May limang kagawad ng bayan na naroon at konsehal. Mga pare-parehong sumang-ayon ipagbili ang bundok upang pagminahan.
Ang mayor ay hindi magkapagsalita. Para bang nalululon niya ang kaniyang dila. Naghihintay si Giovanni kung sino ang unang magsasalita ngunit ilang segundo na ang lumipas ay wala pa rin. Mahalaga sa kaniya ang bawat segundo kaya naman siya na ang nag-umpisa.
“I don’t think we came all the way here just to look at each other.” Binigyan niya ang bawat isa ng tingin at napaayos ang mga naroon ng upo bigla.
Nilahad niya ang kaniyang isang kamay papunta sa direksyon kung nasaan si Amir. Agad namang tumalima ang matanda at lumapit sa bukas na projector upang ikonekta ang kaniyang hawak na tablet. Nagtataka namang napalingon ang mga opisyal sa butler at wala silang ideya kung ano ang nais nitong ipakita.
Isang litrato ng bundok ang rumehistro sa white screen at dahil bukas ang ilaw ay hindi gaanong makita kung ano ang naroon.
“Lights off,” may awtoridad na utos ng binata at isang konsehal ang agad tumayo na malapit sa switch ng mga ilaw at pinindot ang buton. Siya na rin ang naghawi ng mga kurtina upang mas dumilim pa.
Nagawi sa white screen ang lahat ng mga mata. Sa unang litrato ay ayos pa sila ngunit sa sumunod ay mayroon nang napalunok at pinagpawisan sa kaba.
“Anything to say?” tanong ni Giovanni.
Alam ng lahat ng naroon kung ano ang nais nitong ipaliwanag nila ngunit lahat ay takot magsalita. Ang gobernador at mayor na parehong may katabaan at may altapresyon ay para bang tumataas ang kanilang mga blood pressure ng mga oras na iyon ngunit hindi dahil sa galit, dahil sa kaba at labis na pagkabalisa.
Ang nilagay kasi nila sa proposal nila sa binatang bilyonaryo ay malayo sa mga kabahayan ang bundok. Walang masisirang mga agrikultura sakaling magsimula ang operasyon nila. Nakapagbigay pa naman na din siya ng bayad sa kanila at hindi biro ang halaga kahit pauna pa lamang iyon.
“W-We can fix that issue, Sir. Maaari po namin silang mapaalis sa mga lupang iyan dahil ang ilan po sa kanila ay basta na lamang naman nagpatayo ng mga bahay sa lugar at gobyerno ang may-ari ng ibang sakahan sa paligid ng bundok na maari naming kunin sa kanila anumang oras,” pagrarason ng gobernador. Nagtagalog na dahil naubusan na siya ng ingles.
Kumulubot ang noo ni Amir sa narinig. Masyadong unfair ang gagawin nilang kilos sa mga mamamayan na nakatira roon at marangal naman ang ginagawa nilang paghahanapbuhay kung tutuusin.
“Don’t you think that’s too cruel? Sa tingin n’yo ba matutuwa ang mga taong nakatira sa lugar na iyan sa naisip ninyong solusyon? Sabagay, hindi ko naman na problema iyan. I already paid advance and if taking my deposit back will make us all sleep at ease than I guess-”
Naputol ang nais pa sanang sabihin ni Giovanni nang biglang bumukas ang pinto.
“We can talk about it Mr. Romanov, we have more time to discuss ever plans and solutions possible,” wika ng pumasok. Hindi kilala ni Gio kung kanino ang boses at dahil madilim ay hindi rin niya makita ang mukha.
Ang lalaking nagsalita na ang nagbukas ng ilaw at sa pagsabog ng liwanag ay nagulat ang lahat nang makitang ang congressman pala ang dumating. Buong akala nila ay hindi na ito makakadalo. Nagawa pa nitong makahabol at aminado silang sa pagdating niya ay para bang naligtas sila mula sa bingit ng kamatayan.
Nagkasundo na ang magkabilang panig. Walang dapat ibalik na bayad at tuloy ang minahan. Aayusin na lamang daw ang dokumento at ipadadala sa kan'ya at isasama ang kanilang mga napagkasunduan. Nangako naman si Gio na matapos niyang ma-review ang revised contract agreement at nagustuhan iyon ay agaran niyang ipadadala ang kabuuang bayad sa kanila.
Halos pumalakpak ang mga tainga ng mga ospisyales na nakarinig. Abot tainga rin ang mga ngiti habang nakikipagkamay sa binata. Si Gio naman ay seryoso lang ang mukha habang kinakamayan ang mga ginoo isa-isa.
Pasado ala una na ng hapon nang makaalis sila sa isla. Hinatid silang muli sa kampo at naroon naghihintay sa kanila si William. Kung kanina ay kunot ang noo ng binata nang sila ay dumating roon, umalis naman silang hindi mabura ang ngisi sa kaniyang mga labi.
Naiilang si Amir sa ngising iyon. Basang-basa na niya ang binata at tiyak na natatawa ito ngunit tanging ngisi lang ang nakarehistro sa mukha nito. Ang matanda rin naman gusto niyang tawanan ang mga opisyal dahil hindi siya makapaniwala na may mga ganoong klase ng mga tao. Mga sarili lang nila ang kanilang iniisip. Nahalal ngunit hindi naman ang taong-bayan ang kanilang pinagsisilbihan kundi mga sarili lamang nilang mga interes.
Tiyak si Giovanni na magkakagulo ngunit bakit ba siya matatakot? Hindi naman na niya problema iyon. Kanila na. Matapos niyang maibigay ang kabuuang bayad at kapag napasakamay na niya ang kompletong titulo ng malaking bundok ay wala na siyang dapat pang alalahanin pagkatapos basta ba ay aayon sila sa lahat ng napagkasunduan.
“Politics is indeed dirty,” sambit ni Gio at para bang hindi na siya makapaghintay sa mga araw na darating dahil nais niyang masaksihan ang mga maaring mangyari.
Napailing na lang si Amir. Hindi siya pabor sa mga desisyon at planong binuo ng mga opisyal. Panay ang buntong-hininga niya habang nakikinig sa pag-uusap kanina ngunit dahil butler lang siya ay wala siyang karapatang umapila. Hindi nakaligtas ang iling niyang iyon sa mata ng binata kaya tinanong niya ito kung ano ang nais niyang sabihin at ang sagot nito sa kaniya ay wala.
“I know what you’re thinking,” bulong ng binata at tumanaw na lamang siya sa bintana.