Chapter 1

1391 Words
"Happy Birthday son!" Masayang bati ni Don Alejandro sa kaniyang nag-iisang anak. Ika-pitong kaarawan na nito at napakagara ng kanilang mansion para lamang sa okasyon. Maraming mga bisita. Mga kaibigan ng kaniyang ama. Naroon din ang mga kaklase niya't mga guro sa kaniyang pinapasukang pribadong paaralan ngunit wala naman ni isa sa kanila ang tinuturing niyang kaibigan. Panay ang mga pagbati ng mga taong nasa paligid. Kinakantahan siya ng Happy Birthday habang siya nama'y nakatulala lang nakatingin sa malaking cake na kulay ginto na nasa harapan nilang lahat. May nag-iisang kandila sa gitna na hugis numerong pito at habang umaawit ang lahat ay wala siyang maramdamang kahit katiting na kaligayahan sa puso niya. "Make a wish!" Masayang utos ni Alejandro sa anak matapos nilang kantahan ang bata ng kanilang pagbati. "Wish?" tanong ni Giovanni sa isip. Isang hiling ang unang pumasok sa kaniyang isipan, iyon ay ang makasamang muli ang kaniyang namayapang ina kahit alam niyang kailanman ay di na mangyayari pa ngunit kahit na, iyon lamang kasi ang tanging bagay na alam niyang sa kaniya'y magpapasaya at ang muling makasama ang ina ay ang tanging hiling na gusto niyang matupad sa kaarawan niya. Hinipan na niya ang kandila kasabay ng pag-asang muli niya itong makikita. Hindi pa man ngayon ngunit sa hinaharap at iyon ang tanging bagay nais niyang kapitan. Kasunod no'n ay ang mga palakpakan ng mga bisita. Mga bisitang naroon lamang upang mapalapit sa kaniyang ama. Ano pa nga ba? Negosyo ang dahilan ng pagpunta nila, hindi dahil sa may okasyon at kaarawan niya. Iyon lamang kasi ang araw kung kailan umuuwi ang Don sa Pilipinas. Mas madalas ito sa iba't-ibang mga bansa kung saan naroon ang kanilang mga minahan ng dyamante na namana pa ng kaniyang ama sa mga magulang nito. Madalas nitong binabanggit sa nag-iisang anak na balang-araw siya naman ang mamamalakad ng minahan ngunit hindi naman pangarap iyon ni Giovanni. Nag-asawang muli ang Don makalipas ng limang taon mula nang mamatay ang ina ni Giovanni. Lagi niya kasing iniisip ang anak na nasa Pilipinas at akala niya'y kapag nag-asawa siyang muli ay mabibigyan na niya ito ng makakasama lalo na kung mayroon na siyang kapatid. Nakakarating kasi sa Don na lagi lamang siyang tahimik, nag-iisa, ayaw makipagsalamuha sa mga tao at nakakunot ang noo sa tuwing mayroon namang kausap. Hindi raw ngumingiti kahit may mga bagay na nakakatawa sa harap niya at kahit padalhan niya ito ng mga mamahaling laruan ay wala lang at parang hindi ito nakadarama ng saya. Nag-umpisa iyon nang namatay ang kaniyang unang asawa at habang tumatagal ay lumala na lamang nang lumala. Mas tumindi pa noong nalaman niyang muling nag-asawa ang kaniyang ama at mas pinili nitong magkulong sa silid at tanging ang Butler na si Amir lamang ang kaniyang pinapayagang maglabas-masok sa kaniyang silid. Si Amir ang nagsilbing gabay niya at mata na rin ng Don sa kung anong nangyayari sa loob ng mansyon at sa anak niyang panganay. Nagkaroon ng isa pang anak ang Don nang nasa ibang bansa sila ng kaniyang pangalawang asawa. Sa pagsilang ng sanggol na iyon ay mas lalong lumayo ang loob ng Don sa kaniyang panganay at sa ika-siyam na kaarawan niya'y hindi ito nakauwi. Ang dahilan ay may sakit di umamo ang kaniyang kapatid. Sa ika-sampu ay doon siya nito sinorpresa. Si Don Alejandro lamang ang umuwi. Wala ang pangalawa nitong asawa at ang kaniyang kapatid. Pansin ni Giovanni na mukhang maysakit na noon ang kaniyang ama at di niya inasahan na iyon na rin pala ang huli nilang pagkikita. Namatay ito sa ibang bansa at ipinagdamot ng pangalawa nitong asawa na masilayan niya ang ama sa huling pagkakataon. Sinabi niya pa sa mga tao na wala siyang kuwentang anak dahil siya ang may ayaw na bisitahin ang Don noong maysakit ito at magpahanggang sa lamay at libing nito. Batid ng mga nasa masyon sa Pilipinas ang katotohanan at alam nilang sinungaling ang babaeng iyon dahil saksi sila kung gaano umiyak ang naiwang anak nito sa Pilipinas nang malamang wala na ang kaniyang mahal na ama. Salamat na lamang at naroon si Amir na siyang naging sandalan nito at nagsilbing ama sa panahong wala ang Don at kahit alam nitong hindi kasama sa trabaho niya ang tanggapin ang responsibilidad na hindi magawa ng amo ay ginawa na niya dahil sa awa at pagmamahal sa bata na hindi na rin niya tinuring na iba. Nailibing ang Don at maging si Amir ay hindi binigyan ng pagkakataon masilayan man lang ang amo at kaibigan niya ngunit isang araw ay ginulat na lamang ng dalawang di inaasahang bisita ang mga tao sa masyon dahil sa walang pasabing uuwi sila. Dumating ang pangalawang asawa ng Don at anak nitong si Leon na na tatlong taon gulang pa lamang noon. Pagpasok pa lang nito sa masyon ay nagtatataray na ito sa mga tagasilbi at kahit si Amir ay hindi nakaligtas sa magaspang nitong pag-uugali. Naroon lamang daw sila dahil sinabi ng abogado ng namayapang bilyonaryo na doon niya babasahin ang huling testamentong iniwan ng Don sa kaniyang pamilya. Nasabihan din naman si Amir ng nasabing abogado na darating siya sa araw na iyon ngunit hindi nito nasabi na pati ang ginang ay darating pala. Napilitan na lang silang pakisamahan ito. Binigay ang mga itinanong at sinunod ang mga utos nito. Isang oras lamang naman nagtagal iyon dahil nang dumating ang abogado at mabasa ang huling testamentong iniwan ng Don ay napilitan itong umalis habang nagwawala, nagmumura sa harap ni Giovanni. Paano naman kasi, nakasaad sa testamento na kay Giovanni mapupunta ang masyon na iyon na kanina nang dumating ang ginang ay halos angkinin na niya. Walumpung porsyento ng ari-arian ni Don Alejandro ang pinasa niya sa panganay na anak at dalawampung porsyento naman sa bunso kasama na roon ang sa kaniyang iniwang asawa. Pinalabas ni Giovanni sa mga guwardiya ang maingay na ginang. Kinaladkad nila ito sa labas. Naiwan sa harap niya ang batang si Leon na walang kaalam-alam sa mga nangyayari sa paligid. "Kawawang bata. Paano kung kapatid mo nga siya Gio?" Mahinang tanong ni Amir kay Giovanni na nakatitig lang sa batang nasa harap niya't naglalaro. "Alamin mo ang sagot. Gusto ko ring malaman." Walang emosyong sagot niya sa kaniyang Butler habang nakatingin sa batang wala halos imik sa kaniyang kinauupuan. Binuhat na ni Amir ang bata at dinala sa kaniyang ina na naroon na sa labas. Iniwan niya muna si Giovanni kasama ng abogado na takot na takot sa ginang dahil muntik na siyang atakihin nito at nang tumahimik na ang paligid ay saka lamang nito inabot kay Giovanni ang kahon na naglalaman ng susi sa vault ng Don. Nagpaalam na ito at nang tuluyan na siyang napag-isa ay saka lamang niya kinuha ang susi at pumunta sa silid ng kaniyang ama. Pumasok siya sa opisina nito. Lumapit sa nag-iisang lamesang naroon at hinila ang upuan patalikod at saka naupo roon. Hindi para maupo lang. Inabot niya ang family picture nila. Hinila ang drawer ng lamesa sa harap niya. Ang frame na iyon ay may unique na barcodes na hindi basta-basta nakikita ng mga mata. Ang drawer ay may scanner na nilikha lamang para roon at nang ma-scan ang code sa frame ay nadinig na ni Giovanni ang mahinang tunog, senyales na nabasa na nito ang code. Kusang sumara ang drawer at nag-lock ang pintuan ng opisina. Sunod noon ay ang paghiwalay ng kamesa sa dalawa na nasa harap niya at ang pagtambad ng lagusan paibaba. Walang hagdan para makababa at ang tanging paraan ay ang upuang siyang inupuan ni Giovanni. Limang segundo pagbukas ng lagusan. Kusang gumalaw ang inupuan niya at dinala siya nito sa sekretong vault na nasa underground ng mansyon kung saan nakatago ang pinakaiingatang kayamanan ng Don. Mga importanteng koleksyon ng mga mamahaling mga bato, ginto, mga alahas na ang karamihan ay regalo ng Don sa pinakamamahal niyang unang asawa. Naroon din ang mga dokumento ng lahat ng mga pag-aari nila. Binuksan niya ang vault gamit ang susi. Hindi siya pumunta roon upang tignan ang laman, nagtungo siya roon upang iiyak ang lahat ng sakit sa dibdib. Humagulgol sa huling pagkakataon, iiyak ang sakit, pangungulila sa mga magulang, hinanakit sa pangalawang asawa ng kaniyang ama. Gusto niyang ikulong na rin doon ang lahat ng emosyon na mayroon siya sa kaniyang pag-alis. Kung maari nga lang ay wala na siyang ititira.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD