Araw ng paglipad ni Giovanni patungo sa ibang bansa. Napagdesisyunan niyang doon na lamang mag-aral upang pansamantalang lumayo at iwasan na rin ang kaniyang madrastang ayaw siyang tigilan sa hatiaan ng mana.
Ginigiit kasi nitong hindi patas ang hatiaan ng kayamanan ng namayapang Don ay dinadahilan niyang asawa siya ng namatay at anak lamang ito. Gayong legal siyang kasal sa ama ni Giovanni at may anak sila, aniya pa. Masyado pang bata ito para hawakan ang mga naiwang mga minahan at malulugi lamang dahil wala siyang alam sa pagnenegosyo.
Nagtaka si Giovanni kung bakit ganoon ang ginawa ng kaniyang namayapang ama kaya palihim niya pinaimbestigahan ito. Si Amir ang nakipag-ugnayan sa magaling na agent na nakuha nila at matapos malaman ang katotohanan ay mas pinili niyang manahimik na lamang kesa komprontahin pa ang madrasta.
Hindi naman maliit ang bente porsyento. Kaya na 'yang mamuhay na parang Reyna sa halagang nakuha nila mag-ina. Kahit ilang taon niya waldasin ay hindi iyon mauubos at hindi maintindihan ni Gio kung bakit hindi ito makontento sa mana nito.
Sa ibang bansa niya na lamang ipinagpatuloy ang pagluluksa para sa namayapang ama. Lihim rin siyang dumadalaw at nag-iiwan ng mga bulaklak sa puntod nito. Kahit malayo sa libingan ng ina na nasa Pilipinas, tiniyak niyang laging may dumadalaw at nagdadala ng mga rosas na paborito ng ginang noong buhay pa.
Isinama niya si Amir sa London. Maswerte ring nakasama ang lima sa mga kasambahay nila dahil ayaw ni Giovanni na manguha pa ng ibang mga tauhan. Mailap kasi siya sa mga tao.
Kahit saan ay kasa-kasama niya ang kaniyang butler. Sa iba't-ibang mga bansa, sa lahat ng mga meeting na pinupuntahan niya. Hindi lang siya sekretarya nito, Head of Security rin at adviser.
Habang nag-aaral ay isinasabay niya ang pagpapatakbo ng mga naiwang minahan ng Don sa tulong ng mga dating mga tauhan ni Alejandro. Nar'yan man sila upang siya'y gabayan, hindi pa rin sapat ang tulong na binibigay nila sa bata pa lamang na amo. Nahihirapan siya sa dami ng mga minahan na kailangan niyang asikasuhin at pati ang pag-aaral niya ay naaapektuhan na rin.
Ang problema niyang ito'y nakarating sa mga kakompetensiya nila at agad silang nagpadala ng tauhan upang alukin siyang ipagbili na lamang ang iba sa kanila. Sa murang edad niya nang mga panahong iyon at dahil sa mabulaklak na mga salita ng mga dumulog ay napapayag nila siya. Hindi naman lahat ng minahan na pag-aari nila ay ibinenta niya. May natira pang apat mula sa labing-pito.
Nabawasan nga ang iniisip niya nang mawala ang malaking bilang ng minahan ngunit sa palipas ng mga taon ay napansin nila ang unti-unting pagliit ng produksyon ng mamahaling bato sa apat na mga iyon. Ramdam na ng lahat ang pag-ubos sa apat na lugar na minimina nila at ang masama rito, napagtanto niya na nautakan siya ng mga Ginoo dahil nanatiling malaki ang produksyon sa mga minahan na nabili habang ang apat na nasa na ayaw nilang kunin ay paunti-unti nang nauubos.
Nakatapos na ng kaniyang pag-aaral si Giovanni nang malaman niya ito at sinikap niyang mahanap ng ibang lugar upang nagtuloy-tuloy ang kaniyang negosyo. Ganoon ang ginawa niya makalipas ang maraming mga taon.
Marami ang mga kusang lumalapit sa kaniya upang mag-invest siya sa kanilang mga kompanya at dahil natuto na sa pagkakamali niya ay naging mas mautak na siya kesa sa kanila. Pinag-aaralan niya muna ang mga negosyo ng mga ito, at sinisigurong kikita siya ng malaki, higit pa sa alok nila.
Ganito ang naging takbo ng buhay niya. Mabilis siya pagdating sa mga usapang negosyo ngunit kapag usapang buhay na ay wala siyang maikwento.
Kilala naman nila ang kaniyang ama na si Alejandro at alam din naman ng karamihan sa kanila na ulila na siya. Nag-iisa sa buhay ngunit hindi niya ipinapakita sa kanila na may kulang sa kaniyang buhay.
Ano nga ba? May pera na higit pa sa kayamanan ng karamihan. Negosyong minsan nang kinainggitan. Pribado ang kan'yang buhay at ayaw niyang pinanghihimasukan. Kung meron mang magtangka ay agad niyang kinakasuhan. Bukod sa kan'yang yaman ay kilala bilang istriktong tao si Giovanni. Mas mahal pa sa pinakamahal na brilyante ang ngiti at kung may sisilay man sa kan'yang mga labi, tiyak na ngisi. Ngising kinakatakutan ng marami.
Ganitong klase siya at ang isa pang madalas nitong sabihin, there are ways and there are alternatives. Hindi siya takot sumubok ng mga paraan kahit maliliit pa ito. Trial and error kumbaga at kung hindi man gumana ay maghanap pa ng isa.
Itong ganitong mindset ang nag-udyok sa kanya na maghanap ng alternatibong negosyo upang pamalit sa mga minahan niya ng mga mamahaling bato na ramdam na niyang malapit na niyang isara. Nagbawas na sila ng mga minero at pinauwi na ang ilan sa mga Filipino.
Marami ang dumulog kay Amir upang mabigyan sila ulit ng trabaho dahil mahirap ang buhay sa Pilipinas at mas pipiliin daw nilang malayo sa pamilya kesa naman naroon sila at lahat sila'y gutom at walang laman ang mga tiyan. Si Amir ay isang taong madaling maawa, malambot ang puso at ni minsan ay hindi pa nakita ni Giovanni na nagalit ito. Kinausap niya ang binata bilang siya lang naman ang nakakagawa na diretsahan itong lapitan at pagsabihan ng mga bagay-bagay.
Dahil sa mga salita niya ay biglang kinurot ang puso ni Giovanni, pinag-isipan niya ang mga sinabi ng kan'yang butler na bigyan muli ng trabaho ang mga naalis sakaling may mahanap siya ulit na lugar na kanilang miminahin ngunit paano aniya sa isip, wala na nga halos dahil nakikipag-agawan ang mga kalaban.
Di siya natulog at nag-isip magdamag at kinaumagahan ay nagtawag siya ng meeting upang sabihan ang mga ito na kailangan niya ng suhestiyon mula sa kanila tungkol sa balak niyang magsimula ng minahan sa Pilipinas. Bilang tulong niya sa mga minerong Pilipino na naalis at upang hindi na sila lumayo sa kanilang mga pamilya.
Buo siya ng isang team upang asikasuhin ang lahat. Research of raw materials na makukuha sa bansa, ang paghahanap ng lokasyon at pati na rin kung magkano ang investment na kailangan. Di nagtagal ay nakahanap sila. Sa parte ng Sentral Luzon kung saan bulubundukin ang lugar at abundant sa mga mineral. Una sa listahan ng mga mineral na ito ay nickel, ang pangunahing mineral na gamit sa paggawa ng bakal.
Sa lugar kung saan magsisimula ang lahat. Kung saan higit pa sa yamang mineral ang kaniyang masusumpungan sa bulubunduking bayan.