Chapter 14

1513 Words
Alessia’s Point of View “No to?” “Mi-ning!” “No to?” “Mi-ninggg!” “Giovanni Romanov?” “Pa-la-ya-sin!” Wala kaming sa pagsigaw ng mga salitang ‘yan. Si Ma’am Pearl ang sumisigaw ng No to? at ang ngalan ng walanghiyang nakabili ng bundok at ang kami naman ng mga kasama ang sumasagot ng Mining at palayasin. Bakas sa mga boses ng mga tagaroon ang galit sa bilyonaryong wala ni isa sa amin ang nakaaalam ng itsura o kung saan lupalop ito nagmula para umabot sa aming probinsya at magdala ng napakalaking problema. Nakaiinis naman talaga ang isang gaya niya. Hindi pa nga kami tapos sa coal-fired power plant sa isa pang lugar doon sa Zambales ngunit heto at may bago nanaman. Isa rin iyon sa mga nagbibigay ng problema sa kalikasan sa kasalukuyan dahil sa usok na inilalabas nito at ang mga kemikal at mainit na tubig na diretsong itinatapon na planta sa tubig na pumapatay sa mga lamang-tubig na naroon nabubuhay sa paligid. Oo nga’t nakapagbibigay ng maraming trabaho sa mga tao at mabababang halaga ng kuryente sa kasalukuyan ngunit paano naman ang kalikasan sa hinaharap kapag nagkataon? Iyan ang mahirap sa mga kapitalista. Sa kasalukuyan lang sila naka-focus at sa salaping kikitain nila. Mali hindi ba? Sa nangyayari sa mundo ngayon, ang mga kalamidad ay epekto ng pagbabago ng panahon. Hindi yata napapansin ng mga tao na mas maraming mga malalakas na mga bagyo ang nabubuo ngayon kesa noon. Ang pagputok ng mga bulkan, maging ang pagkagising ng mga natutulog nang mahabang panahon ay nagpapakita ng mga senyales na sila’y gising na’t muling sasabog upang tulungan ang mundo na makahinga sa pamamagitan ng paglalabas ng init mula sa pinakaloob-looban ng ating mundong ginagalawan. Hindi pa nga nag-uumpisa ang minahan may mga sinimulan na itong problema. Hindi man lang sila naawa sa mga nawalan ng mga bahay at mga hanapbuhay. Maari naman idaan sa maayos na paraan sa paglipat ng mga pamilya sa mas ligtas na lugar ngunit hindi naman ganoon ang nangyari dahil minamadali nilang masimulan na ang pagmimina. Sino nga ba talaga itong Giovanni Romanov na ito at napakalakas naman yata niya sa gobyerno? O baka sadyang nabulag lang sila sa kaniyang pera at naging parang maga tuta na lamang at sumunod agad sa mga gusto niya? Kung bulkan kang ako ay baka kanina pa ako sumabog ngunit kung sasabog man sana ay sa mismong harapan niya nang mabawasan ang taong gaya niya rito sa mundo. Ilang minuto na kaming nasa gitna ng kalsada. Siguro ay nasa tatlong daan ang aming bilang. Marami kami sa aming grupo ngunit dahil nakiisa ang mga kababayan ko ay baka lagpas pa kami sa hula kong numero. Hindi lamang laban ng kalikasan ang ipinaglalaban namin. Maging ang mga buhay na maaring masira at maapektuhan hindi lang ngayon, maging sa hinaharap. Mahirap mang intindihin ngunit kailangan talagang idaan na sa rally nang marinig nila ang aming mga boses at hinaing. Ang mga mamamayan ay may mga hiling din na isinulat sa kanilang mga bitbit na kartolina gaya nang bayaran ang mga pananim nilang tinabunan na lamang basta-basta ng lupa at ang mga bahay nilang giniba. Araw ng Lunes ngayon at bukas na ang munisipyo. Doon sana ang aming bubulabugin ngunit dahil hindi kami binigyan ng permit ay dumiretso na kami sa mismong highway at hinarang ang daan papunta sa sisimulang minahan. Hindi na nga namin naharang ang ibang mga truck dahil maaga pa lamang ay pumunta na sila roon. Nagsagawa pa kami ng meeting at iyon ang nagpatagal sa amin. Heto kami, mag-aalas dyes na halos. Panay busina ng malalaking truck na hindi na nakaalis kung saan sila kanina pa dahil nakaharang kami. Walang lumabas na sakay kahit isa sa kanila dahil siguro natatakot na kuyugin namin sila. Wala naman silang kasalanan sa amin ngunit dahil nagkaiinitan na ay baka umabot sa sakitan kapag nagkataon. Nakigaya akong mambato ng itlog at kamatis. Sa windshield lang naman namin pinatatama ngunit may mga hindi sumunod at nagpadala sa mga damdamin nila. Pati mga bintana ng truck ay binabato na nila. May natanaw kaming helicopter kanina na kulay puti. Iyon ang hinihinala ng mga tao na pagmamay-ari ng bilyonaryo. Iyon daw ang nakita nila noon na paikot-ikot sa bundok nang ilang beses bago umalis. “No to?” muling sigaw ni Ma’am Pearl sa kaniyang hawak na megaphone. “Mining!” sagot naman namin. “Giovanni Romanov?” “Pa-la-ya-sin!” “Bundok?” “Ibalik sa atin!” Muli pa sanang magsasalita si Ma’am Pearl ngunit siya’y nagitla nang makarinig ng wangwang ng pulis. Lahat kami ay narinig iyon at marami ang nataranta. Batid ng aming grupo na kami ay huhulihin ngunit hindi kami nagpatinag at gumalaw sa aming kinatatayuan. Iyon na kasi ang pagkakataon upang mapansin kami ng munisipyo at mas madali naming maiparating sa kinauukulan ang mga tinig namin. Gayunpaman, maraming mga kasama namin na tagaroon na natakot. Nagsitakbuhan na sila at mabilis na nabawasan ang aming bilang. “Ma’am?” tawag ko kay Ma’am Pearl na nasa tabi ko lang. “Hayaan mo na sila.” Agad niyang nakuha ang nais kong iparating at iyon ang kaniyang naging tugon. Hindi niya ako nilingon ngunit nakapihit ang kaniyang ulo sa gawi kung saan nagkakagulo ang mga kasama namin. Takot sila kaya tumakbo. Sinabi kasi namin bago kami nagsimula kanina na walang permit na ibinigay si Mayor kaya asahan na namin ang pulis na manghuhuli. Ito na nga sila. Sanay na kami sa ganitong sitwasyon. Madalas na hindi kami binibigyan ng permit lalo na kung involve ang mismong mga ospiyal sa problema. Syempre pipigilan nila para hindi masira ang pangalan nila sa mga tao ngunit mayroon naman na sadyang matindi talaga ang dalang baho ng pangalan na amoy na amoy na ng lahat kahit itago nila nang mabuti. Nasa harapan na namin ang mga pulis at dinampot na nila kami isa-isa. Ang nasa malapit ang una nilang isinakay sa white car. Sa dami namin ay hindi kami kasya kaya pinatabi na lamang kami sa gilid ng mga pulis at pinaupo sa d**o. Kinumpiska nila ang mga kartonina naming dala at ang tarpaulin ay hinablot at kanila na lamang binalumbon at inihagis ng isang pulis sa white car na kanilang dala kasama ng mga nilukot na kartonina. “Sino ang coordinator ninyo?” tanong ng isang pulis na lumapit sa amin. “Ako ho, sir,” taas ni Sir Edwin ng kaniyang kamay at nilapitan siya agad ng pulis. “Ikaw pala iyan Mr.Clemente. Pasensya na ho pero alam n’yo naman ang batas. Kung walang permit ang inyong aktibidad ay kayong huhulihin,” wika ng pulis na kilala pala si Sir Edwin. “Alam naman namin iyan,” sagot ni sir. “Alam n’yo naman ho pala! Bakit pa kayo nagpunta rito at nangharang ng mga truck? Inabala niyo pa ang mga magpupunta sa kani-kanilang mga trabaho. Nakaperwisyo pa kayo,” nakangising sagot ng pulis na bahagyang tumaas ang boses sabay kabit ng posas na kaniyang hawak kay si Sir Edwin. Sa tono ng pananalita niya ay para bang mga mangmang kami at hindi ginagalang ang batas. Oo nga at mayroon kaming nilabag ngunit hakbang ang pagpapahuli namin sa kanila upang mas lalong paalabin ang mga damdamin ng mga kababayan ko. Hindi na nagreklamo si Sir at sumama na lamang nang mapayapa sa pulis. Sunod na pinatayo si Ma’am Pearl bago ako. Hinatak pa ako ng isang pulis sa braso para sumama sa kanila. Ramdam ko ang pwersa niya sabay kapit niya sa brasong kaniyang hinatak nang kay higpit. “Ano ba! Nakasasakit ka na ha!” pagrereklamo ko. Mabilis naman niyang niluwangan ang pagkahahawak sa akin matapos ko siyang singhalan at titigan nang masama. Siraulong ‘to akala niya yata hindi ako papalag. Grabe naman kasi makahawak ang higpit masyado at parang sinasakal na ang braso ko. Hindi naman ako tatakbo ano. Dinala kami sa kararating lang halos na multicab ng barangay. Sa police mobile pinasakay sina Sir Edwin at Ma’am Pearl ako at ang ibang mga kasamahan namin ay sa multicab pinasakay. "Sakay!" bulyaw ng isang pulis sa mga kasama ko. May itinulak pa. Napakagat na lang ako sa labi sa gigil. May mga pulis talagang masama ang ugali. Iyon bang akala mo kung sino at ang turing sa lahat ay kriminal. Iyon bang parang mga walang isip na agad na lang mananakit ng sibilyan kahit di naman mabigat ang nagawang kasalanan. Samantalang iyong mga kurakot na opisyal na napatunayan talagang magnanakaw ay pinoprotektahan pa nila at sangkatutak ang mga bodyguard. Sino bang hindi maiinis? Naku! Bantay-sarado kami ng mga pulis. Siksikan kung siksikan. Lagpas na sa maximum capacity ang multicab. Kahit sa may inaapakan ay may pinasalampak. Nang mapuno ay pinaandar agad, Dinala kaming lahat sa police station. Halos maukupa namin ang receiving area nila dahil sa dami namin at dahil sa dami namin ay malaki ang babayaran sa piyansa. Hindi naman problema ng organisasyon iyon. Maya-maya lang ay darating na ang treasurer upang asikasuhin ang lahat. Hindi lang siya ang inaasahan naming dumating. Mayroon pang iba.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD