"Good morning Ma!" Masayang bati ko sa aking Ina nang mabungaran ko siya sa kusina't abala sa pagluluto ng agahan.
"Good morning baby ko." Bati niya rin. Pumihit siya paharap sa aking direksyon, buong akala ko'y hahalik siya sa aking pisngi kagaya ng madalas niyang gawin, iyon pala'y ipapasa niya ang syanse na kanyang hawak sa akin.
Gulat na kinuha ko ang syanse dahil unang sumagi sa isip ko'y ipupukpok niya sa ulo ko ang sandok. Nakahinga naman ako ng maluwag ng hindi iyon ang ginawa niya. Ipapasa lang pala ang magic wand.
Nagluluto siya ng pancake at wala akong takas kundi tapusin ang pagluluto dahil tumakbo na ito matapos isabit sa leeg ko ang apron na suot-suot niya kanina.
"Tapusin mo na 'yan anak at bibisitahin ko na mga alaga ko. Umalis si Manang Sol, may binili sa palengke." Pasigaw niyang sabi habang palayo.
Ang alagang tinutukoy niya ay ang mga sangkatutak niyang mga halaman. Karamihan ay binili pa sa ibang bansa.
Adik na adik si Mama sa mga halaman. Iyan ang hilig niya simula pa ng dalaga siya at magpahanggang ngayon, lalo nga lang lumala. Kaya kapag birthday niya, hindi na kailangan pang tanungin kung anong gusto niya. Awtomatik na na halaman ang binibigay namin. At guess what! Bago pa ang birthday ng aking Ina ay maririnig na namin siyang walang tigil ang shout out ng mga bagong klase ng halaman na nakita niya sa internet na gusto niya with their scientific names pa na nakakahilo't ang hirap intindihin.
Kokontakin na lang kami ng mga ibang kamag-anak at si Papa ang may palihim na listahan na siyang magbibigay ng pangalan sa kanilang lahat. Isipin niyo na lang kung ilang klaseng halaman ang natatanggap niya taun-taon.
Naku! Maloloka lang kayo kaya huwag na pero para may clue. Sa ilang birthdays na nagdaan, mistulan ng gubat ang bahay namin. Magmula sa labas ng bakod hanggang loob ng bahay. Hanggang sala pati sa loob ng banyo meron. Mabuti na lang at maluwang ang bakuran namin at malaki ang espasyo para sa mga collections ni Mama. Pinagawan na nga siya ni Papa ng dalawang green house na mas malaki pa sa bahay namin. Magkaiba ang mga klase ng mga halaman na nilalagay niya doon, isa para sa mga orchids at isa para sa mga maseselang klase at hindi pwede sa sobrang init at direct sunlight. Meron din kaming butterfly garden na may iba't-ibang klase ng paru-paro na bawal kong puntahan dahil minsan ko ng nahayaang makatakas ang halos dalampung klaseng mamahaling paru-paro na regalo pa ni Papa sa kanya noong anniversary nila. Hindi ko naman kasalanan kung gusto maglagalag ng mga paru-parong iyon.
Nabuburyong na siguro dahil nakalulong sila kaya tumakas noong nagdidilig ako sa loob. Naiwan lang na may kaunting uwang sa pinto at ang mga paru-paro'y nakakita ng ng pagkakataon para tumakas.
Syempre, napagalitan ako. High school pa lang ako noon, halos dalawang dekada na ang nakakaraan pero bawal parin akong pumunta sa butterfly garden. Nakakalungkot lang kasi hanggang labas lang ako.
Namana ko kay Mama ang hilig niya sa halaman pero mas gusto ang mga bulalak kaya flowershop ang pinili kong itayong sarili kong negosyo pagkatapos ko ng kolehiyo.
Noon ako ang nagdidilig ng sankatutak na mga collection ni Mama kapag libre ako at kapag linggo't sarado ang shop pero ngayon halos ayaw akong palapitin sa mga alaga niya na parang meron akong dalang sakit o ako si poison Ivy at malalason ang mga alaga niya kapag nahawakan o nadaan ko.
Grabe ano?
Ganoon kasensitibo sa mga babies niya. Nakakainggit na nga minsan kasi mas marami siyang time sa mga halaman kesa sa'kin. Iiyak na talaga ako't magpuprotesta kapag nagkataon pero ayaw ko. Alam ko na kasi kung saan pupunta ang usapan kapag nagkataon. Sasabihin nanaman n'un, "Mag asawa ka na kasi anak para may malambing ka't magka apo na kami ng Papa mo."
Lagi naman.
"Sunog na ang niluluto mo anak!" Sulpot ni Papa ng pasigaw, mabilis din niyang inagaw ang syanse sa kamay ko't inalis na niya rin ang nasunog na pancake. Nagbuhos ulit siya ng panibago at binalik sa kamay ko ang sandok.
"O ayan. Huwag mo na hayaan masunog 'yan dahil tiyan ko nanaman ang kawawa kapag sinunog mo lahat." Paalala niya, dahilan para matawa ako. Ilang beses ko na kasing nasunog ang pagkain at si Papa, dahil mahal na mahal ako ay pinagtiyagaan ubusin ang parte niya dahil luto ko raw iyon at minsan lang mangyaring ipagluto ko siya.
Ewan ko ba. Marunong naman ako magluto pero may masusunog at masusubog talaga. Sabi ni Manang Sol hindi na raw ako makakapagasawa dahil lalayasan ako ng lalaki kapag nalaman na wala akong gaanong alam sa mga gawaing bahay.
Hindi naman totoo na wala akong alam sadyang ayaw ko lang mag asawa.
Saka may alam naman ako, alam ko maglaba sa washing machine, magroast at bake sa microwave oven, mamalantya ng damit?
Marunong ba ako? Alam ko oo. Di ko na alam kung kailan yung huli. Basta marunong ako.
Alam ko maglinis, magvacuum, mag-isis, magluto ng kanin sa rice cooker, magdilig ng halaman, kapag nagdidilig naman dapat lang mabasa ang lupa maigi at huwag lulunurin gaya ng bilin ni Mama pero hindi ko na nagagawa ngayon dahil bawal. Sa flowershop naman binababad lang namin ang mga halaman sa tubig na hinahaluan ng solution para di malanta agad at spray-spray lang ng tubig para maging fresh sila.
Ano pa ba??
Magluto? Sinabi ko na diba? Marunong ako pero-
Pero teka, bakit parang amoy nasusunog?
*singhot *singhot at Yuko. Nasunog na pala ang pancake at umuusok na.
Naku!
Agad ko binaligtad at nakitang papunta na sa kulay uling ang kulay nito. Nawala nanaman sa isip ko buti na lang di gaanong nasunog, golden brown with itim itim lang ng konti. Pwede pa kainin.
Binuhos ko na lahat ng lamang ng bowl sa pan at binantayan na maigi. Inunti-unti kong inanggat ang gilid at pinanood ang mga mga bula sa ibabaw na pumuputok. Nang wala ng mga bula ay saka ko na inunti-unting binaligtad, naghintay ng dalawang minuto habang dahan-dahang niluluto sa mahinang apoy ang huling pancake at Perfect!
Masaya kong nilagay sa plato ang pancake at hinain sa mesa. Saktong namang pagbalik nina Mama at Papa. Sabay-sabay na kaming nag-agahan.
"Pupunta ka ba sa flower shop ngayon?" Tanong ni Mama habang humihigop sa kanyang tasa ng mainit na kape.
"Opo, pero dadaan pa po ako sa mall para bumili ng mga ribbons. Paubos na po stocks namin e, may ipapabili po ba kayo?" Sagot at tanong ko.
"Wala naman pero kapag meron akong ipapabili, text ko na lang sa'yo." Mabili niyang tugon.
"Nga pala anak, birthday ni Tita mo Lisa sa sa Biyernes, pero sa Linggo gaganapin halos lahat daw kasi may pasok kaya sinet niya sa linggo." Anunsyo ni Papa.
"Parang nung nakaraan lang na buwan birthday po ni Tita ah." Nagtatakang tugo ko at kunot-noong binalingan siya ng tingin.
"Si Tita Jean mo 'yun anak, kapatid niya. Ano ka ba naman, ang bata mo pa makalilimutin ka na!" Bulalas ni Papa at napakamot na lang ng ulo.
"Paanong di niya makalimutan e di naman sya nagpunta noon." Ani Mama nang maalala.
Oo nga di ako pumunta noon. Paano naman kasi---
"Kasi may tinatakasan." Biglang sabi ni Papa na parang nabasa niya ang nasa isip ko.
"Alam ko kung ano." Sabi naman ng Nanay ko at pinanlakihan ako ng mata at bago pa man may argumentong mangyari ay binilisan ko na ang pagubos ng pancake sa plato ko at hinigop ang mainit-init pang tsokolate sa tasa at mabilis na nagpaalam sa kanila.
"Teka anak! Tinatakasan mo nanaman kami!" Dinig kong tawag ni Papa pero di ko sila nilingon. Kumaway na lamang ako at mabilis na tinungo ang kung saan nakaparada ang kotse ko. Saktong pagdating naman ni Manang Sol galing sa pamamalengke at pinagbuksan ako ng gate.
"Salamat Manang!" Masaya kong sigaw.
"Ingat ka hija!" Tugon naman nito.
"Opo!" Sagot ko at umalis na ng tuluyan.
Buti na lang nakatakas ako haha. Kokornerin nanaman ako ng dalawang iyon. Paano ba naman nalaman ko sa isa kong pinsan na may balak silang gawin noong birthday ni Tita Jean. May mga kaibigan siyang dumating galing sa abroad at may kasamang mga anak na binata. Gusto ba naman nilang ipakilala ako sa mga iyon.
Ang nakakainis pa ay pinakita nila sa mga iyon ang picture ko at gusto daw nila akong makilala. Naku Diyos ko, hindi ako interesado. Kaya ayon, di ako pumunta at nagpagabi ng uwi. Nagikot-ikot, roadtrip mag-isa. Pasyal-pasyal hanggang sa umabot ako sa isang peryahan.
Di ko kilala ang mga tao pero nagenjoy ako kahit ako lang. Tumaya ako doon sa mga maraming kulay na tinatayaan ng mga bata ng barya. Ako lang ang matandang kasama nila pero ang saya.
Nagpabarya akong ng isang daan at binigyan ko ang mga bata para may pandagdag sila. Nanalo din ako at binili ko ng popcorn at soft drinks. Pinangmeryenda namin ang lahat ng napamalunan kong barya.
Wala akong pakialam kahit di ko kilala ang mga batang kasama ko. Kahit pinagtitinginan na ako ng mga tao. Hindi naman ako kidnapper o miyembro ng sindikato para manloko at mandukot ng mga bata. Natuwa lang ako sa kanila. Masaya kasi sila kasama.
Pwede namang maging bata paminsan-minsan kaya sinulit ko na dahil hindi naman ako kilala ng mga tao doon sa peryahan na 'yun. Ang saya-saya nila habang nilalantakan ang mga binili kong pagkain.
Madaling araw na akong umuwi at mahimbing na ang tulog ng mga tao sa bahay. Kinabukasan kinumpronta ako ni Mama at tinanong kung saan ako nagpunta. Sinabi ko na lamang, nakipagdate at ang nanay ko naman muntik na maniwala. Halos kuminang ang mga mata at pumapakpak ang tenga. Kaso nagtanong kung may social media account ang kadate ko. Sabi ko wala, nagtanong ng litrato, wala ako maipakita kasi wala naman akong kadate. Haha.
Tinakasan ko na lang siya at nagpunta sa shop kesa magtambay sa bahay at kulitin niya kagaya ngayon.