Chapter 29

1593 Words
Sage’s Point of View Mula sa pampang kung saan kami hinuli ay dinala kami parte ng isla kung saan naroon ang kanilang mga bahay. Napakaraming bahay na gawa sa kahoy ang naroon, ang mga bubong ay mga dahon lamang ng niyog na pinagpatung-patong upang sila ay may proteksyon. Napaisip ako bigla kung paano sila kung may ulan. parang mababasa kasi sila sa loob kapag nagkataong bumuhos ang ulan. Sa aming isla kasi ay puro bato ang mga bahay dahil tuwing may malalakas na bagyo ay kawawa ang mga bahay kung kahoy lamang at pawid ang bubong na inilagay. Liliparin at liliparin ang mga iyon sa malakas na hangin ngunit ang kanila rito ay simple lang. Simple ang pagkakagawa ngunit mukha namang matibay. Tinali ang aming parehong kamay ni Damian mula sa likod at talikuran kaming pinaupo sa isang malapad na bato sa isang tabi. Pinagdugtong nila ang lubid pagkatapos kaya naman nagkadikit ang likod namin ng binatilyo. Sa wakas alam ko na ang pangalan niya ngayon. Siya si Damian. Kung hindi pa tinanong ng mga kakaibang nilalang ang mga pangalan namin ay hindi ko malalaman ang kaniya. Sa dami kasi ng mga nangyari ay nawala na sa isip kong tanungin pa. Lalo na ngayon na gulung-gulo ang utaka ko, natatakot pa ako at ilang minuto ring tulala. Batid kong mga bihag kami ng mga nilalang na kulay berde at mahahaba ang mga tainga na naririto at kung ano ang gagawin sa amin ay hindi ko pa alam. Natatakot ako dahil baka matulad din ako kay ama. Baka ipabugahan na lamang kami ng apoy mula sa dragon at matosta. Balak ko pang umuwi dahil nangako akong babalik para sa aking ina. Ibinilin ko lang siya sa isang kasama namin sa bahay at ang ibinigay kong pera ay tiyak na hindi sasapat na kabayaran sa pag-aalaga sa kaniya kapag ako ay natagalan. Buong akala ko kasi ay isang tunay na paglalayag ang magaganap at pupunta lang kami sa isang lugar upang hanapin ang aking nakatatandang kapatid. Hindi ko akalain na ganitong lugar pala ang islang tinutukoy ni ama. Kaya pala ang barkong binili niya ay may mga kanyon at napakaraming mga bala. Labis-labis ang pagsisisi ko ngayon. Hindi ko na lamang sana iniwan si ina at hindi na lamang sana ako pumuslit. Wala sana ako sa sitwasyon na ito at hindi natatakot sa maari kong sapitin sa kamay ng mga nilalang na binihag kami. Kanina pa ako umiiyak. Pinagluluksa si ama at ang aking sinapit. Basta na lamang nahinto at nakadama na ako ng panunuyo ng lalamunan ko at medyo nahihilo na 'ko ngayon sa uhaw. Hindi ko alam kung saan na nila siya dinala ang katawan ni ama. Nang hulihin kasi kami ay naiwan pa ito sa pampang. Hindi ko alam kung tinabunan na nila roon ang bangkay niya o kaya ay itinapon na lamang sa kung saan. Hindi ko rin maintindihan. Kanina ko pa naririnig na tinatawag nila si ama na pirata. Alam nila ang ang buoang ngalan niya. Bagay na aking labis na pinagtataka dahil napakalayo ng islang ito at hindi nasama sa kwento niya ang tungkol sa islang ito na kaniya nang narating noon. Gayunpaman, marami pa siyang hindi naikwento alam ko at mukhang isa ito roon, ngunit hindi ko maintindihan kung bakit nila siya tinatawag na pirata gayung ang mga pirata ay kilala bilang tulisan, kriminal, magnanakaw at mga walang awa kung pumatay. Ayon sa mga kwentong naririnig at nababasa ko sa libro ay sila ang naghahari-harian sa karagatan, ngunit si ama. Napakabuti niya sa akin para mapasang-ayon ako at mapaniwala na siya nga ay isang pirata. Napakasama ng isang pirata upang itawag sa aking ama at ang ama ko ay hindi masamang tao. Napayuko na lamang ako nang maalala kung paano siya nasunog sa mismong harapan ko. Kung paano siya nilamon ng apoy at paano siya natumba na lamang matapos iyon. Ang sunog niyang balat at ang mukha niyang halos nalusaw sa tindin ang init ng apoy, ang mga mata niyang natosta at pumutok habang kitang-kita ko. Hanggang ngayon ay nangangatog pa rin ang tuhod ko. Nakapapanginig din ng laman sa galit. Ano ba ang laban ko sa isang dambuhalang dragon at sa apoy na galing sa bunganga nito? Isang pitik lang ng nilalang na iyon sa akin at sa malayong ibayo na ako pupulutin. Isang tapak lang niya sa akin ay kaya niya akong durugin. Ilang beses na ring sumagi sa isip ko ang aking nakatatandang kapatid. Kung dito siya nawala baka matanggal na rin siyang naging bangkay sa kamay ng galit n a dragon na iyon. May bahagi sa isip ko na naiintindihan ang malaking nilalang. Tahanan nila ito at kahit sino naman ay magagalit kung bigla silang susugurin at patatamaan ng kanyon ang kanilang lugar na wala silang kaalam-alam sa kung anong dahilan ngunit hindi rin naman tama na patayin ng dragon na iyon ang aking ama at sirain ang aming barko. Huminga ako nang malalim. Naninikip nanaman kasi ang aking dibdib ko sa labis na poot at pighati. Napayuko at kagat-kagat ang pang-ibabang labi. Pakiramdam ko ay iiyak nanaman ako ngunit mukhang said na ang mga luha ko at wala ng papatak pa. Ilang minuto rin akong nakayuko. Nakatingin lang sa buhangin at unti-unting ibinabaon ang paa ko. Nakayapak na lamang at walang suot na sapatos at tinitignan ang ibinalot nilang mga dahon sa isang paa kong namamaga. May narinig akong tumawa. Baritono ang boses at lalaking-lalaki. Napaangat ko ng ulo upang tignan kung sino at laking-gulat ko nang makitang isang lalaki nga at isang tao. Nakangiti siya at naglalakad palapit. Napakamatipuno, pantay ang pagkakayumanggi ng balat niya at kitang-kita ang magandang katawan nito dahil wala itong suot na pang-itaas na damit. May kahabaan ang buhok nito na kulay itim at bato-bato ang katawan. Para akong namamalikmata. Sa edad kong labing-walo ay ito pa lamang ang kauna-unahang pagkakataon na nakakita ako ng ganito kakisig na lalaki. Ganoon ang klase na hahabulin ng kababaihan sa isla. Bukod sa matipuno ay gwapo rin ito, hindi lang basta gwapo, napakagwapo. Hindi ko namalayan na ilang segundo na pala akong natulala habang nakatitig lamang sa kaniya. Nakaawang pa ang mga labi at titig na titig sa lalaking naglalakad papuntas sa gabi namin. Para akong napasailalim sa hipnotismo at panandaliang nawala sa aking wisyo ng dahil sa kan'ya. Nakangiti siyang naglalakad at may inaabutan ng bagay sa kan'yang balikat. Nang mapalingon sa gawi namin ay nahinto ito sa paghakbang. Sa di kalayuang distansya namin ay kita ko ang mga mata niyang abuhin na nagulat rin nang kami ni Damian ay kaniyang nakita. Bahagya kong siniko si Damian. “May isa pang tao,” wika ko na halos pabulong lang. Sapat lamang upang marinig ni Damian ngunit hindi nito agad naintindihan dahil hindi ko lubos na ibinuka ang bibig ko nang sabihin ko iyon. “Ha? Ano kamo binibini?” kaniyang tanong. “May isa pang tao rito,” ulit ko at sa pagkakataong iyon ay binuka ko na kaunti ang bibig ko at pasimple lang iyong sinabi. Nakatingin pa rin siya sa amin. Kunot ang noo at maya-maya ay nag-iwas ng tingin. Hinintay kong lumapit siya ngunit sa iba ito nagpunta. Nagsasalita at mukhang kinakausap ang kaniyang sarili. Muntik ko na siyang tawagin ngunit may pumigil sa akin. May parte ng isip ko na bumulong na huwag kong gagawin at iyon ang sinunod ko. May bitbit itong tela na punong-puno ng laman. May nakausling saging sa may gilid at bigla akong natakam. Pero mas gusto ko ng tubig dahil nanunuyo na ang lalamunan ko. Para kaming mga hangin ni Damian. Dumadaan lang sila at halos hindi kami pansinin. Mga bata lang halos ang napapalingon sa gawi namin ay isa nga ang lumapit talaga at inalok ako ng mga maliit na klase ng prutas. "Kain ka po," aniya na labis kong ikinagulat. Nakakagulat na marunong siyang gumalang at gumamit ng po kahit hindi sila mga tao. Binigyan ko siya una ng tingin na may bahid ng pagdududa. Hindi kasi pamilyar ang bunga at baka mamaya ay lason pala. Mukhang nabasa niya ang nasa isip ko. Nanguha siya ng isa at sinubo ang mapulang bunga. Maliit lang iyon at kasing laki lang halos ng isang barya. Nakita ko pa ang katas sa gilid ng labi niya at nakangiti siya habang ngumunguya. "Maari mo ba akong subuan ng isa?" tanong ko. Pamatid-uhaw man lang kahit papaano. Mabilis siyang tumango at lumawak ang ngiti niya. Kumuha siya ng isa mula sa isang kamay niyang puno ng laman at sinubo sa akin ng isang piraso. Pagpasok sa bibig ko ay kinagat ko kaagad at nang mahati ay sumabog sa loob ng bibig ko ang matamis nitong katas. Napakatamis, parang pulot na may kaunting lapot. Mas makatas pa sa ubas. Napangiti ako nang malasanan nang husto. Nawala sa isip kong hindi tayo ang batang kaharap ko. "Salamat," usal ko sa kaniya nang nakangiti at nakiusap na kung pwede sana ay bigyan niya rin ang kasama ko. Magiliw siyang tumango at mabilis humakbang palapit kay Damian. Narinig kong tinanong niya ang bata kung ano ang bungang iyon. Siniko ko siya at sinabing kumain siya kahit isa nang mabawasan din ang uhaw niya gaya ko at maya-maya nga ay narinig ko na siyang ngumunguya. Narinig ko pang humirit, mukhang nagustuhan ang lasa. Lihim akong nagpasalamat nang husto dahil sa batang may mabuting puso, ngunit kahit na ganoob ay may takot pa rin sa puso ko at kailangan pa rin naming maging maingat at alerto dahil baka iyon na ang huli at sa kaunting pagkakamali ay baka ikapahamak namin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD