Chapter 30

1626 Words
Third-Person's Point of View Walang kaalam-alam si Sage na kanina pa may nakamasid sa kaniya. Bakas ang awa sa mga mata at may bahid ng panghihinayang para sa dalaga. Napansin niya ang mugtong-mugtong mga mata nito nang magtama ang kanilang mga mata. Ang kaniyang manipis na labi ay kitang-kita na maputla na’t nabibitak na halos sa init at kakulangan ng tubig sa katawan. Maputi ang dalaga na bahagyang namumula na dahil nabilad sa init. Kakaiba ang suot gaya ng mga kalalakihang sakay ng barko. Mahaba ang buhok nito na bahagyang mamula-mula dahil natatamaan ng araw. Nakapusod at maraming hibla na rin ang nakalaylay ay wala na rin sa pagkakaayos ang kaniyang buhok nang mga oras na iyon. Napakaamo ng mukha nito sa paningin ni Merrick. Maliit at bilugan. Kay kinis, maliit at medyo may kasingkitan ang mga mata. Kitang-kita rin na mahahaba ang pilik nito at ang ilong ay may kaliitan at matangos. Ang panghihinayang na naramdaman para sa dalaga nang mga sandaling iyon ay hindi niya mawari kung dahil ba anak ang magandang dalaga ng isang pirata o dahil naroon ito sa isla at bihag nila. Hindi na niya inaasahan na makikita pa siya roon. Buong akala niya ay pinaalis na ito ng mga duwende kasama ang lalaking kasama nito ngunit nadatnan niya pa sila at nakatali habang nakaupo sa bato. Nag-iwas siya ng tingin sa babae dahil sa labis na pagkailang. Parang hindi niya kayang harapin ito matapos ng ginawa niya kay Skull at matapos niyang marinig sa babae na tinawag na ama ang pirata. Mabilis siyang naglakad sa ibang direksyon upang maiwasan ito. Diretso lang ang lakad at walang lingon-lingon. Nang makaliko sa isang bahay ay matiyak na hindi na siya matatanaw mula roon ng babae ay huminto na siya roon. Tinignan siya nang may pagtataka ng Iguana na nasa kaniyang balikat. Nagpakita na ito at gamit ang kaniyang tunay na kulay. “Bakit gan’yan ka makatingin?” tanong niya sa kaniyang alaga at siya naman ay agad sinagot din ng tanong. Nais malaman kung anong nangyari at bigla siyang nagmadali at mukhang natataranta. “Hindi kaya. Mabigat lang itong bitbit ko kaya ako nagmadali. Hindi ako natataranta,” kaniyang sagot sa hayop at hindi ito naniwala sa kaniya. Inismiran siya nito at gumapang pababa sa kaniyang braso. Pumunta sa lamesa na nasa kanila lang tabi. Doon na rin inilapag ni Merrick ang kaniyang bitbit at nang makita siya ng mga bata ay agad silang nagtakbuhan palapit sa kaniya at siniyasat ang dala niyang mga prutas. Gutom na raw sila. Mabuti raw at may napitas siyang mga prutas anila sa kaniya. Hinayaan na niya ang mga batang kumuha sa mga pinitas niya para makakain na rin sila. Kasalukuyan pa lamang daw na nagluluto ng panghalian sabi ng isa sa pitong mga bata. Biglang naisip ni Merrick ang dalawang taong kanilang bihag. Dahil kung hindi pa nakakain ang mga bata ay pati ang dalawa ay hindi pa. “Halika rito Rosita,” tawag niya sa batang babae na pinakabata sa lahat ng naroon. Anim na taong gulang lamang ito habang ang anim ay walo, siyam at sampu ang mga edad. Akmang isusubo na sana niya ang hawak na saging na kaniya nang binalatan nang tawagin siya ni Merrick. Lumapit siya at kinausap siya nito. Panay tango lang ang bata at pumayag sa pabor na nais niya ngunit kumain muna raw ito bago gawin ang sinabi niya. Nang maubos na nito ang isang saging na hawak ay dumapot siya ng ilang pirasong mga bilugang prutas na lamesa. Dahil maliit lang ang kaniyang kamay ay ilang piraso lang ang nagkasya. Pinakita pa sa kaniya ng batang si Rosita ang kaniyang nakuha at pinalakad na niya ito. Nakalapit na ang bata at inalok na niya ang babae ng kaniyang dala. Naririnig niya ang mga sinasabi kahit malayo siya dahil sa talas ng pandinig niya. Lihim siyang natuwa nang manghingi ito ng isa at nang ngumiti ito ng kaunti ay napangiti rin siya. Saktong pagdating ni Elliot. Natanaw niyang nagkakagulo ang mga bata sa lamesa at kumakain ng mga prutas. Gutom na rin kaya lumapit siya upang manghingi sa kanila ngunit nang makalapit ay naagaw naman ang atensyon niya ng kaibigang si Merrick. "Hoy! Merrick! Anong ginagawa mo r'yan?" malakas niyang tanong nang makita itong pasilip-silip sa may gilid ng bahay "W-wala," nautal niyang sagot at tumindig nang tuwid at hinarap ang istorbong duwende. "Sus! Nagsinungaling pa nahuli na nga," anito at siya ang sumilip sa gilid ng bahay kung saan niya nahuli si Merrick. "Aba'y kaya naman pala," dagdag pa niya nang nadiskubre kung ano ang tinitignan ng kaniyang kaibigan. Hinarap niya ito at dahil mas matangkad si Merrick ay nakatingala siya at tinignan niya nang nakaloloko ito. "Bakit ganyan ka makatingin?" tanong ni Merrick na naiilang sa pasaway na kaibigan. Kita ni Elliot ang hiya sa mukha ni Merrick. Namumula ang kaniyang buong mukha at kahit kayumanggi ay halatang-halata. "Mukhang may nagbibinata rito," pang-aasar ni Elliot sa kaniya. "Anong nagbibinata?" kunot noo niyang tanong kay Elliot habang namumula pa rin ang buo niyang mukha. Muling sinilip ni Elliot ang babaeng kanilang bihag at muling hinarap si Merrick. “Naku, paano kapag nalaman niyang ikaw ang dragon na lumitson sa ama niya?” anito na mas lalong nagpagulo ng isip ni Merrick. Hindi niya alam kung anong iniisip ng kaniyang kaibigan. Pakiramdam niya tuloy ay mali na nag-utos siya ng bata para bigyan ng prutas ang mga bihag nila na naroon. “Masama ba ang ginawa ko?” “Oo naman, ngunit ang ginawa mo naman ay kabayaran lamang sa mas masamang ginawa niya noon sa iyo, sa mga magulang mo at sa iba pang mga nilalang na nawala nang dahil sa kaniya,” sagot ni Elliot na mas nagpagulo ng usapan. “Teka nga Elliot, ano bang tinutukoy mo? Mukhang ang layo yata sa iniisip ko at hindi tugma ang mga nasa isip nating dalawa,” ani Merrick na gulong-gulo na sa kaniyang kausap. “Ewan ko sa iyo. Ano bang tinutukoy mong masama mong ginawa?” naguguluhan na rin si Elliot sa puntong ito. “Ano bang iyo?” balik ni Merrick sa kaniya. “Ang akin ay ang pagpaslang mo sa pirata,” sagot ni Elliot at napakamot na lang sa kaniyang ulo dahil mukhang iba nga ang iniisip ni Merrick sa kung ano ang kaniya. "Ang itinanong ko ay kung masama ba ang ginawa kong pag-uutos kay Rosita na alukin ng makakain ang mga bihag," wika ni Merrick na halos sampalin ang kaniyang sarili dahil ang layo sa nasa isip ni Elliot. "Sus! Ewan sa'yo. Ang gulo mo kausap," usal ng duwende at kunwaring sumuko na lamang dahil sa gulo kausap ni Merrick kahit siya itong magulo. "Ikaw nga itong nagbibigay agad ng kahulugan na mali naman nang makita mo akong nakasilip d'yan sa gilid kanina," singal ng binata sa kaniya at ang duwende ay natawa na lang dahil sa kaniyang kalokohan. "Hindi mo naman kasi nililinaw kung ano kaya ayan mali tuloy ako nang pagkaiintindi," ani Elliot na natatawa. "Ako pa talaga sisisi," bulong ni Merrick na kita sa mukha ang inis sa kaibigan niyang magulo kausap. Biglang sumeryoso ang mukha ni Elliot matapos niyang tumawa. May pumasok na ideya sa isip niya na mas magulo pa kesa sa pinag-uusapan nila kanina. "Pero napansin mo ba? May kakaiba sa taong iyon. Nakapagdududa lang na anak siya ng pirata. Sa tingin mo? Anak kaya talaga siya ni Skull?" aniya. Kita sa mga mata ang kuryosidad at titig na titig kay Merrick senyales na seryoso na siya sa mga oras na iyon at wala ng bahid ng kalokohan. Napansin din iyon ni Merrick. Kakaiba ang amoy ng kabutihan sa kasamaan at ang dalaga ay walang bahid ng kasamaan sa puso. Maging ang binatilyong kan'yang kasama. "May mababait bang mga tao? Hindi makasalanan?" tanong ni Merrick sa kaniyang kaibigan. Pareho silang lumaki sa isla, wala silang nakasalamuha na tao mula pagkabata kaya naman bago sa kanila na makaharap ang isang gaya nila. "Tara, puntahan natin si Apo," yaya ni Elliot. Tinutukoy ang matandang pawikan na maraming alam sa kaniyang edad. Tumango si Merrick at kinuha na ang kaniyang alaga na Iguana sa lamesa at muling inilagay sa kaniyang balikat. Nauna na itong maglakad. Nanguha pa kasi ng makakain si Elliot sa lamesa at nang sapat na para maibsan ang gutom niya ay sumunod na siya kay Merrick. Pumunta sila sa dalampasigan kung saan ito madalas nagpapahinga ngunit wala sila roong nadatnan. "Naku, mukhang mali tayo ng tyempo. Anong buwan na ba ngayon?" tanong ni Elliot nang may maalala. May bigla ring naalala si Merrick nang magtanong si Elliot. "Oo nga pala. Nabanggit niyang hahanapin niya ang kapareha niya para sa panahon ng pagpaparami nila," Nang sabihin ni Merrick iyon ay parehong bumagsag ang mga balikat nila. Nadismaya dahil hindi sila makakukuha ng sagot para sa mga katanungan sa kanilang mga isip. "Sino sa tingin mo ang pwede mapagtanungan?" tanong ni Elliot nang pabalik na sila sa sentro. "Si ina sana kaso nagpapahinga naman siya ngayon," mabilis na tugon ni Merrick. "Kung ganoon pala ay maghintay na lamang tayo," usal ni Elliot. "Nga pala, ano palang balak mong gawin sa mga bihag?" "Bakit ako ang tinatanong mo?" kunot-noong baling ni Merrick sa duwende. "Hindi ba ikaw muna mamamahala habang nagpapahinga ang mahal na diwata?" paalala ni Elliot sa kaniya. "Sino nagsabi?" gulat ang rumehistro sa mukha ng binata. Halatang walang kaalam-alam. Nasampal na lamang ni Elliot ang kaniyang mukha. Ang gulo talaga kasing kausap ng dragon. "Hay naku talaga!" aniya na lamang at nagpatuloy na sila sa paglalakad dahil ramdam niyang wala namang mapupuntahan ang pag-uusap nilang dalawa na kay gulo. Parang lutang pa si Merrick dahil siguro pagod sa pakikipaglaban o baka naman gutom lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD