Merrick's Point of View
Masaya akong buhay pa si ina. Hindi ko kakayanin kung mawala siya. Hindi dahil kailangan namin siya bilang protektor ng isla, kundi isang ina namin at ilaw ng lahat ng nilalang ng naririto.
Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Natapos ko na mapaghiganti ang aking mga magulang. Wala na si Skull ngunit mistulang nayroon pa ring kulang.
Wala na 'kong pakialam sa mga nakatakas. Si Skull lamang naman ang may kasalanan sa akin. Siya ang dahilan kung bakit narito ang mga barko dahil alam n'ya itong lugar at nakabalik siya rito.
May isa pang bagay na bumabagabag sa akin. Hindi maalis sa isip ko ang mukha ng taong nakita ko. Ang babaeng tinawag na ama ang pirata.
Anak niya nga kaya ang babae? Bakit hindi ito masama gaya niya?
Naguguluhan ako.
May kakaibang halimuyak ang taong iyon pati ang kasama niya. Halimuyak ng kabutihan.
Nang masigurado kong nagpapahinga na si ina at nagliwanag na nang husto ang brilyanteng puno ay iniwan ko na siya upang hindi siya maistorbo. Wala na siyang dapat pang intindihin dahil ako muna ang gagawa at mag-aayos ng lahat habang siya ay nahihimbing.
Mainam na rin dahil maari siyang makapagpahinga kahit ilang oras o araw niyang gustuhin. Dapat niyang mabawi ang kaniyang buong lakas. Mukhang natatagalan bago siya gumising sa pagkakataong ito ngunit ayos lang. Wala namang problema iyon.
Naglakad na ko palabas ng kuweba. Binalikan ko sila sa pampang kung saan ko silang lahat iniwan ngunit wala na sila roon. Wala na rin ang bangkay ni Skull at wala na ang dalawang tao.
Pumasok sa isip ko na baka wala na rin ang dalawa. Baka pinaslang na rin sila pareho o di kaya ay pinaalis nang buhay at isinama ang bangkay ng piratang si Skull.
Kampante akong ganoon nga dahil nakakailang ang presensya ng babae. Halos isunog niya ako sa kaniyang mga tingin.
Naisip kong puntahan muna ang aking mga alagang hayop upang tiyakin kung ayos lang sila. Tiyak na natakot silang lahat dahil sa mga walang tigil na pagsabog. Kahit ako man ay natakot ngunit hindi ako nagpatalo sa takot na iyon. Dahil kung nilamon ako niyon ay baka hindi ako nakapag-isip nang maayos at hindi ko maililigtas ang isla at mga nilalang na naririto. Higit sa lahat si ina. Marahil kung ganoon nga, baka wala na siya ngayon sa amin.
Nagpalit ako ng anyo at lumipad. Sa maliit na gubat sa isla ako nagpunta. Nagpalit muli ng anyo nang makalapag at nagtakbuhan palapit sa akin ang mga alaga kong hayop.
Karamihan sa kanilanay unggoy, ibon at ang alaga kong iguana na sa bitbit ng isang malaking unggoy na parang anak niya. Pagdating ko ay lumapit siya at inabot ang iguana sa akin. Tatlo ang mga iguana na naroon ngunit wala ang dalawa.
"Nasaan ang dalawa?" agad kong usisa at maya-maya ay nagpakita. Nakakapit lang pala sa katawan ng parehong unggoy at ginaya ang kulay ng balahibo nito.
Natawa ako dahil halos mag-alaala ako nang husto. Nakalimutan kong kaya nilang magtago nang ganoon.
"Salamat kaibigan," wika ko sa unggoy na sumingit sa tatlo. Kulay puting mga unggoy sila na may ilang hibla ng kulay gintong balahibo sa noon. Hindi sila kalakihan, ngunit agaw pansin anv kulay nilang mas maputi pa sa ulap.
Gumawa siya ng ingay at ipinarating sa akin na walang anuman. Masaya raw siya at ligtas silang lahat at salamat din daw sa akin.
Oo, naiintindihan ko sila. Ang mga ingay at galaw nila ay nababasa ko at naririnig ko ang mga iyon sa aking tainga gaya nang kung paano nagsasalita ang iba pang mga nilalang na may kakayahan talagang magsalita. Siguro dahil isa rin akong hayop na gaya nila.
Gaya nang madalas, nakipagharutan nanaman sila sa akin. Nang magutom ay naghanap kami ng mga bunga ng prutas na hitik at nagkalat lang sa mapunong parte ng isla na iyon. Hapon na nang maisip kong pumunta sa sentro. Bahagyang nagtaka dahil walang tunawag sa akin nang mananghalian gaya nang dati.
Baka hindi pa sila nakapaghanda ng tanghalian dahil sa nangyari kani-kanina lang. Kaya naman dinagdagan ko na ang mga prutas na kinuha ko at dahil wala akong dalang sisidlan o kahit anumang pwedeng mapaglagyan ay naisip kong alisin ang pang-itaas kong damit upang doon ibalot.
May pang-ibaba naman ako. May bahag na panloob namin at may nakapatong pang mahabang tela na abot hanggang tuhod. Pareho sa mga suot ng mga duwende.
Ang tela ay gawa sa mga sinulid na na nakukuha sa mga sapot na inilalabas ng mga uod na alaga namin mismo at hinahabi upang maging damit, kumot at kung ano-ano pa at para magkaroon ng kulay, ibinababad sa mga katas ng prutas o kaya naman dahon at mga bulaklak saka ibababad nang matagal sa tubig alat saka ibibilad sa araw at muling ibababad matapos pakuluan sa nga dahon upang manatili naman ang lambot nang matagal.
Mahabang proseso ngunit iyan ang paraan kung bakit may mga kasuotan kami. Ani ina ay iyan din daw ang ginagawa ng mga tao ngunit mas mabilis ang kanila dahil mayroon silang mga makina kung tawagin.
Wala akong alam sa mga makinang sinasabi niya ngunit nais kong makakita. Nang unang beses kong makakita ng barko ay napatanong ako kung paano napapatakbo at napapalutang iyon sa tubig. Ang mga kanyon at baril, kung paano gumagana at bakit kaya nitong lumuwa ng mga bala.
Napakaraming mga tanong sa isip ko.
Tumulong na ang mga unggoy sa akin sa pagkuha ng mga prutas habang sinasabayan nila ng pagkain. Ganoon din naman ako dahil nakapakatamis talaga ng mga bunga kahit napapalibutan kami ng tubig alat.
Itong mga prutas na ito ang pwedeng mawala sakali man mawala si ina sa amin. Ang malusog na mga puno at pananim dahil ginamitan niya ng kapangyarihan niya ang mga ito upang maging hitik ang bunga at nabubuhay sa ganitong klaseng lugar.
Sandali akong napatulala nang maisip iyon. Kung wala pala si ina ay mawawalan din ng buhay ang lugar na ito. Napatitig ako sa isang bungang hawak ko. Habang tinitignan ay naging kulay itim iyon ay nabulok sa palad ko. May lumabas pang mga uod na hindi mabilang kaya naman nabitawan ko at nalaglag sa lupa.
Nakita kong pinulot ng isang batang unggoy ang bunga at nang hawak na niya ay bumalik na ito sa dati nitong itsura.
Napailing na lamang ako dahil doon. Inisip ko na lang na epekto lang iyon ng pagod at dahil marami naman na ang nabalot ko sa damit ay sunod akong naghanap ng puno ng saging. Madali naman akong nakahanap dahil nauna na sa puno ang dalawang unggoy. Nanghingi na lamang ako sa kanila at ipinakuha naman nila ako at inabutan ng mga hinog.
Nagpaalam na muna ako sa kanila. Sinabing babalik mamaya o kaya bukas na para makipaglaro ulit sa kanila. Hinayaan naman nila akong makaalis ngunit ang isang Iguana na kanina pa nasa balikat ko ay ayaw umalis at magpaiwan.
Sabi ni ina noon sa akin, ang mga espesyal na Iguana na naroon sa aming isla ay may kakayahang mangaya ng kulay gaya ng isa pang uri may malapit na hawig sa kanila. Mas maliit kumpara sa kanila, ngunit ang mga Iguana na naroon at taglay rin ang parehong kakayahan.
Natatakot daw siya kaya hindi ko na siya pinababa at isinama na. Ginaya niya ang kulay ng balat ko at hindi na siya nakikita ngunit ramdam ko ang magaspang niya paa na nakakapit sa balikat ko at ang magaspang niyang balat na kumikiskis sa leeg ko.
May kalakihan din kasi ang isang ito. Mataba at ramdam ko ang bigat balikat ko kung nasaan siya. Kulay maputlang berde ang kulay niyang natural at may mga batik na dilaw sa kaniyang tiyan at nagagawang manggaya ng kulay na nasa paligid niya o saan man siya madikit.
Nakakamangha hindi ba? Noong maliit ako ay sila ang pinaglalaruan ko at ngayon na buhay pa rin sila at marami na ring naging anak ang tatlong malalaki ngunit hindi nagtatagal ay namamatay sila sa hindi ko malamang dahilan. Kaya binabantayan ko na sila ngayon nang husto upang malaman ko ang dahilan.
Dalawa sa kanila ay babae at iisa lang ang lalaki. Ang nasa balikat ko ay babae at buntis siya ngayon kaya may kabigatan.
Dumukot ako ng isang prutas at pinakain sa kaniya. Malapit na kami sa sentro nang sandaling iyon. Bitbit ko ang pang-itaas ko gamit ng isa kong kamay kung saan naroon na ang mga prutas na nakuha ko, pati na ang mga saging.
Inangat ko na ang isang pirasong bunga at naisip paglaruan ang nasa aking balikat na halos hindi makita. Inalapit ko, saka inilayo ang bunga sa kaniya. Hindi niya nakuha gamit ang mahaba niyang dila. Muli kong inulit at ganoon pa rin. Hindi niya nakuha.
"Hahaaaa!" mahaba kong tawa at muling inilapit ang bilugang prutas na kulay pula at halos kasing liit ng ng kuko sa hinliliit sa kamay.
Nagawa na niyang kunin sa pagkakataong iyon. Dumikit sa kan'yang dila at mabilis niyang ipinasok sa kaniyang bibig.
"Nautakan mo ako roon a," usal ko at pagtingin sa gawing harapan ay nagulat ako sa aking nakita.