Chapter 15

1841 Words
"Mga tao nga talaga. Ilang dekada na ang dumaan ngunit wala pa ring pagbabago sa kanila." Komento ng isang lalaking duwende na pinapanood lamang ang mga nagkakagulong mga kalalakihan na hindi magkandaugaga sa pagpupulot ng mga kayamaan. Para sa mga taga-Isla ay mga laruan at basura lamang ang mga iyon. Ni halos ayaw nilang gamitin ang mga kasangkapang naroon sa kanilang pang-araw-araw na mga buhay. Inaanod lang ng tubig ang mga iyon, nababawasan at nadadagdagan sa mga pagdaan ng panahon. Nakasusuyang tignan para sa kanila ang mga mistulang hibang na mga tao na abala sa kanilang ginagawa at nakalimutan nang intindihinin ang ibang mga bagay. Hindi nila maintindihan ang mga tao kung bakit nakasentro ang kanilang buhay sa pagpapayaman at salapi kesa sa ibang mas importanteng mga bagay. Hindi papayag na mayroong mas nakaaangat sa kanila. Gusto nilang nasa taas madalas at ayaw magpaungos. Ang binatang naroon na namumuno sa kanila ay may mas malaking dahilan kung bakit siya naroon. Hindi lang basta ang mga bagay na alam ng mga nilalang sa isla. Habang abala ang mga ito, si Merrick naman ay sinusubukang sirain ang malaking barko ng kanilang di inaasahang mga bisita upang hindi na nila magamit ang kanilang mga kanyon at dahil nasa mga kayamanang pinupulot ang atensyon ni Rekker ay hindi niya nakikita ang nangyayari sa likuran nila. Nais sana ni Merrick na bugahan na lamang ito ng apoy at sunugin doon ngunit hindi niya magawang magpalabas ng apoy sa kaniyang bunganga. Nawala sa isip niyang pag-aralan iyon noon. Ngayong kailangan niyang ay hindi niya alam kung papaano. Sino ba naman ang mag-aakalang may darating na mga tao sa gabing iyon? Nais na niyang masira ang barko upang balikan ang lalaking naroon sa pampang dahil kailangan nilang magtuos nang harapan. Matapos marinig mula sa bibig nito ang sinabi niya tungkol sa dalawang dragon na pinaslang noon ay gusto niyang komprontahin ito upang alamin pa ang kaniyang nalalaman. Naikwento na sa kaniya ng kaniya inang si Helena ang lahat ngunit parang mas interesado siyang malaman ang mga kwentong alam ng lalaking kasama ng mga dumating. Sira na ang mga layag dahil nagawa na niyang pagbabaliin ang mga iyon. Lumubog na sa tubig ang mga iyon. Binabaril siya ng mga sakay ng barko at kahit na alam nilang walang epekto sa nasa harapan nilamg malaking nilalang ay sige pa rin sila kahit nag-aaksaya lamang sila ng mga bala at lakas nila. May kirot na nararamdaman ni Merrick sa parteng noo niya dahil sa bala ng kanyon na tumama sa kaniyang noo. Pakiramdam niya ay nagkalamat sa parteng iyon. Takot na takot na ang mga sakay ng barko nang lumapag si Merrick sa harapan nila habang patuloy lang sila sa pagbaril at pagkarga ng bala sa kanilang mga armas dahil anim-anim lang ang kaya ng kanilang mga gamit na revolver. "Ayoko na rito!" sigaw ng isa na halos maihi sa sobrang takot sa dragon. Narinig iyon ni Merrick at siya'y umungol. Nais niya sa nang sabihin na sige, umalis na siya ngunit ungol lang ang lumabas sa kaniyang bunganga. Tumalon na lamang sa tubig ang lalaking sumuko na. Hindi niya alam na may mga sirena na pala roon na nakaabang at nang lumubog siya sa tubig ay siya ring pagbulaga sa kaniya ng isa sa kanila at hinila siya nito sa kailaliman hanggang sa malunod. Gustong gumanti ng mga sirena sa mga taong nanakit kanila noon. May namatay rin sa kanila nang makaharap nila ang mga pirata. Wala man silang nakitang watawat o simbolo sa barko ng mga dumating na magsasabi na mga pirata sila, para sa kanila ay ganoon din sila. Walang pinagkaiba. Mga magnanakaw rin at mga lapastangan. Kitang-kita ni Lucas sa mga mata ng dragon ang galit. Nakipagtitigan pa siya rito dahil na istatwa na siya sa kaniyang kinatatayuan. Parang nanigas ang mga binti at hindi niya magawang iangat man lamang. Ginamit ni Merrick ang kaniyang mahabang buntot. Hinampas iyon sa barko. Sa lakas ay nabutas ang kanilang inaapakan sahig na kahoy. Ilang beses niya pang inulit sa harapan ni Lucas at ang takot na takot na binata ay walang magawa habang pinapanood kung paano sirain ni Merrick ang barkong mahal na mahal ng kaniyang ama. Napapapikit na lamang siya sa bawat hampas nito at nang iwasiwas ni Merrick muli ang kaniyang buntot ay natamaan na si Lucas at ang isa pang sakay ng barko. Pareho silang tumilapon. Si Lucas ay sa barko pa rin ang bagsak ngunit tumama sa bali na kahoy ang kaniyang tagiliran. Tumusok iyon sa kaniyang balat habang ang isang lalaking nahampas ay sa tubig ang bagsak. Gaya ng nauna, kinuha rin siya ng mga sirena. Pinilit pang maglaban ngunit dahil maraming mga sirena ang nakaantabay ay wala na siyang laban. Ang dalawa pang lalaki na naroon ay tumalon na rin sa tubig. Iniwan ang duguan nang si Lucas at hindi makaalis sa kahoy kung saan tumusok ang kaniyang katawan. Palubog na rin ang barko dahil pumapasok na ang tubig. Lumipad na si Merrick pabalik sa pampang at doon naman ay haharapin niya ang mas maraming bilang. Sa paglapag ng mga paa niya sa buhangin ay roon lang nahinto ang mga nangunguha ng kayamanan sa kanilang pagmumulot. Natigilan ang isa nang matanaw ang kanilang barko na sira-sira na at palubog na rin sa tubig. "Ang barko natin!" naibulalas pa nito at nabitawan ang bitbit na sako. Napasapo na lamang siya sa kaniyang mukha sa nakikita. Wala na silang masasakyan pauwi kundi ang maliliit na bangka. Pero nagtaka siya nang walang makita ni isa gayong ang ginamit nila ang lima kanina. "Pati bangka natin nasaan na?" tanong nito sa mga kasama. Maging si Rekker ay napalingon din sa direksyon kung saan nila iniwan ang bangka ngunit wala na nga. "Nasaan na ang mga bangka?" tanong ni Rekker na hindi rin makapaniwala. "Wala na!" sigaw na sagot ng isa sa kanila. Umungol ng malakas si Merrick dahil parang nakalimutan na nila siya. Napatakbo naman ang mga ito palayo sa kaniya bitbit ang kanilang mga sakong dala. Nagkarga ng bala ang mga may hawak na barik at pinaputukan siya. Natatamaan naman ito ngunit wala ni isa ang kayang bumaon sa kaliskis niya. Natataranta na silang lahat. Ang isa sa mga kawal na may nakitang espada ay sinubukang sugurin ang dragon upang isaksak ang patalim sa kaniya ngunit hindi pa man siya nakalalapit ay tumilapon na ito matapos ihampas ni Merrick ang buntot niya rito. "Mali talagang pumayag kaming sumama sa'yo!" pagsisisi ng isang kawal na nasa tabi bi Rekker. "Pero sumama rin naman kayo hindi ba? Dahil alam n'yong mababayaran kayo ng malaki. Pare-pareho naman talaga tayong makikinabang ng lahat ng makukuha natin rito kung wala lang sanang sagabal," galit na sagot ni Rekker sa kanila. Nagawi ang kaniyang tingin sa dragon na nasa dilim. Maliwanag lang dahil sa buwan at kahit wala silang dalang mga liwanag ay nakikita pa rin nila ang paligid. Iniisip niya kung paano matatakasan ang dragon gayong ayaw bumaon ng mga bala sa balat nito. Wala na ang barko nila, tuluyan na itong lumubog. Wala na rin silang magagamit na pampasabog at mga kanyon ay kasama nang lumubog. Aminado siyang nagkamali siya sa pagpapasya na pumunta sa islang iyon nang walang magandang plano. Mali na naniwala siya sa libro at sa kwento lang ni Nicholas na napatay na noon ang dalawang dragon ng grupo ng kaniyang ama. Nagtataka siya kung paano may buhay pang isa. Nagtatanong sa isip kung nabuhay ba ang isa sa mga napatumba ng kaniyang ama. NaIsip niyang tumakas na lang. Nagkakagulo na rin naman ang mga kasama niya at iniwan na nila ang mga sako-sakong mga kayamanan. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi pa kumikilos ang dragon at hindi pa sila inaatake. Nakatingin lang sa kanila at hindi kumikilos. Tinalikuran na ni Merrick ang dragon at sumunod sa mga kasama na lulusong na sa tubig. Hinahanap ang kanilang mga bangka na binutas na ng mga sirena at hinila sa tubig nang hindi nila napapansin kanina kaya wala na silang masasakyan pa. Mga pilyo at pilya. Walang balak si Merrick na patakasin si Rekker kaya hinarang niya ito. Napaatras naman ang binata nang makitang muli ang lalaking nawala nang bigla kanina. Nagpalit ng anyo si Merrick dahil gusto niyang maging patas ang laban nila. Hinayaan na niya ang mga iba na nais tumakas. Duda naman siyang magagawa nila dahil nasa paligid ang mga kaibigan niyang may malaking galit sa mga tao. Ito lang na nasa harapan niya ang kailangan niya at gusto niyang siya mismo ang tatapos. "Saan ka pupunta?" tanong ni Merrick na nagtatagis ang bagang sa labis na galit. Matalim rin siyang nakatingin kay Rekker at kung kaya lamang tumagos ang titig ay baka nagawa na ng kaniya. "T-teka! Saan ka nagpunta? P-papaanong nawala ka na lang kanina? At paano ka nakarating agad rito?" Sunod-sunod na katanungan ni Rekker na gulong-gulo at gulat na gulat sa biglaang pagsulpot ng lalaki sa kaniyang harap. "Nandito lang naman ako kanina. Hindi naman ako umalis," sagot ni Merrick na nakadama ng tuwa sa reaksyong kaniyang nakuha. "S-saan?" Hakbang ni Rekker patalikod. Naalala niyang may dragon nga pala sa bandang likod. Nilingon niya upang matiyak ngunit laking gulat nang wala siyang nakitang malaking nilalang naroon. May sumaging konklusyon sa isip niya. Na baka ang lalaki at ang dragon ay iisa. Muli siyang bumaling sa lalaking matipuno at may kahabaan ang buhok na si Merrick. "I-kaw ba ang dra-gon?" putol-putol niyang kwestyon. Aminado si Merrick na napabilib siya ng lalaki. Hindi niya akalain na maiisip pa nito iyon. Tama pa siya sa kaniyang hula ngunit parang gusto niya pang paglaruan ito. "Saan mo naman nakuha ang ideyang 'yan?" nakangising taong niya rito. "Sagutin mo na lang!" bulyaw sa kaniya ni Rekker na kaniyang kinainis. "Kung sabihin kong oo, ano namang magagawa mo?" matapang niyang sagot at nakipagsukatan ng tingin sa lalaki. "P-paano mo nagagawa iyon? S-sino ba ka?" naguguluhang tanong ni Rekker sa kaniya. "Alam mo, puro ka tanong! Mabuti pa sagutin mo na lang ang mga itatanong ko nang matuwa ako sa'yo. Sino ka at anong koneksyon mo sa pumaslang sa mga magulang ko?" Pabulyaw na tanong ni Merrick kay Rekker. "Magulang mo? Sino? Ang dalawang dragon bang pinatay ng ama ko?" Mas lalong tumalim ang titig ni Merrick sa kaniya lalo na nang makitang nagawa pa nitong ngisian siya. Humakbang siya palapit rito. Si Rekker naman ay humakbang palayo. Umatras ito habang si Merrick ay paabante. Kitang-kita ang mga ugat sa sentido ni Merrick. Pinagkikiskis ang ngipin at panga ay nagtatagis. "Anong sinabi mo? Ama mo ang pumatay sa kanila?" may diin niyang tanong. Napalunok si Merrick dahil bakas sa mukha ng lalaki ang labis na galit. Ang abuhing mata ni Merrick ay parang babala para sa kaniya na kaya niyang gawing abo ang gaya niyang isa lamang tao sa isang buga lamang niya ng apoy. "Sagutin mo ang tanong ko!" galit niyang utos kay Rekker na nanginginig na ang tuhod nang mga sandaling iyon. "Oo ama ko-" Naputol ang sasabihin ni Rekker nang dakmain ni Merrick ang kaniyang leeg.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD