Napakagandang araw ang bumungad sa Willow island. Sa tahanan ng mga Von Heather ay kitang-kita ang magandang tanawin sa bintana lalong-lalo na sa mismong silid ni Skull. Tanaw niya sa bukas na malaking bintana ang papasikat pa lamang na si haring araw. Nagkalat ang mapula-pulang liwanag sa paligid at nagbigay ng kakaibang kulay sa mga malabulak na mga ulap. Ang mga ibon ay nagsisilabas na rin, nag-aawitan sa mga sanga ng puno at malayang nakalilipad sa paligid.
Masarap pa sanang matulog ngunit kailangan na niyang bumangon dahil mayroon siyang inaasahang mga bisita nang araw na iyon. Pilit siyang kumilos kahit masakit ang mga kasukasuan lalo na ang kaniyang tuhod na makirot hanggang kaloob-looban. Iyon ang araw na dadalaw ang kaniyang nga kaibigan upang makibalita at makipagkwentuhan lang sa kaniya. Para na rin maaliw sila habang nagbabalik-tanaw sa mga paglalakbay nila noon sila'y mga bata pa.
Matanda na si Skull. Kitang-kita na ang kulubot sa kaniyang buong katawan. Ang mga di mabilang na guhit sa kaniyang mukha at ang buhok na paputi na ang karamihan.
Ang mga kaibigan niyang darating ay mga kasamahana niya noong mga pirata. Iilan na lamang silang natira noon. Mga tauhan niyang hindi pa rin siya nakalimutan. Ang iba kasi nang makuha ang parte nila ay hindi na nagpakita sa kaniya. Wala na rin siyang balita sa mga ito. Ang iba naman ay pumanaw na kaya imposibleng madalaw pa siya. Kung kaya man nila, kanila nang kaluluwa ang bibisita.
Wala na ang misis niya sa kaniyang tabi nang magising siya. Malamang ay nasa kusina na at naghahanda. Ang babaeng may napakabuti na puso upang mahalin siya, tanggapin, bigyan ng mga anak at isang masayang pamilya.
Alam ng kaniyang misis ang kaniyang nakaraan na napag-usapan nilang limutin na lamang para sa kanilang mga anak. Ang panganay niya ay lalaki na dalawampu't limang taong gulang na ngayon, si Rekker at ang bunso niyang si Sage na labing-apat na taong gulang pa lamang na napakagandang dalagita, mabait at mapagmahal pa.
Tiyak siyang namana niya iyon sa kaniyang ina dahil noong siya'y bata pa ay matigas ang ulo at sutil siya na ngayon ay nakikita niya sa kaniyang anak na panganay na si Rekker.
Ganunpaman, mahal na mahal niya ang dalawa. Pati ang kaniyang misis na walang inatupag kundi alagaan at mahalin sila kahit na ang madalas niyang gawin ay pagbawalan silang gawin ang mga bagay-bagay na alam niya kung saan mapupunta.
Matapos nilang makaligtas noon sa galit na dagat ay roon sila napadpad sa Willow island. Kaunti pa lamang ang mga naninirahan at ang nagmamay-ari ay kaniyang kinausap at ang isla ay kaniyang binili. Doon niya rin nakilala ang kaniyan asawa na anak mismo ng nagmamay-ari ng isla. Nagkamabutihan at sa huli ay kaniyang pinakasalan.
Malaki na ang pinagbago ng Willow island mula noon. Ngayon ay marami na ang nakatira at nasa ilalim ng pamumuno niya. May lugar na libre para sa lahat. Maari silang magtayo ng kanilang bahay at doon na tumira habang-buhay. Minamahal na ng mga tao si Skull sa kabila ng kaniyang nakaraan at dahil hindi nila alam kung ano siya noon at ang mga ginagawa niyang mga kahibangan.
Nakabangon na siya nang tuluyan, kitang-kita na ang katandaan sa kaniyang mukha, pumuputing buhok at kulubot na balat. Medyo malabo na rin ang mga mata, medyo hirap na rin sa pagkilos dahil sa madalas na sumasakit niyang tuhod.
Animnapu't pitong taong gulang na siya ngayon at may mga sakit na rin kaya ganoon. Lumabas ang epekto ng kaniyang pagpapabaya sa sarili nang siya ay magsimulang magkaedad.
Dumating ang mga bisita niya gaya nang kaniyang inaasahan maaga pa lamang. Sa isang silid sila pinatuloy at binigyan ng makakain roon. Doon na rin pumunta si Skull nang siya ay makapag-ayos ng sarili at makapagbihis ng magara dahil tiyak alaskahin lamang siya ng mga dumating kapag nakitang basta-basta na lang ang kaniyang suot.
Binati ni Esmeralda ang mga bisita at iniwan din sila agad matapos. Sinara ang silid kung nasaan ang mga ito. Apat na mga dating pirata ang dumating at kaniya-kaniya silang bitbit ng kung ano-anong pasalubong para sa dati nilang among si Skull.
"Kumusta amo?" tanong ng isa na may pagbibiro.
"Ito, matanda na gaya mo," mabilis namang sagot ni Skull sa kan'ya. Nagtawanan sila matapos iyon at nang magsiupo na lahat ay roon sila nagsimulang magkwentuhan at magbalik-tanaw sa nakaraan.
Napuno ng tawanan ang silid at nagpapayabangan sila sa isa't-isa. Ang isa sa kanila ay may nakaisip na magsanay ng kaniyang mga sundalo at mayroon na siyang higit isandaang miyembro sa kaniyang hukbong binubuo. Ang isa naman ay naisip na nagsimula ng pagawaan ng malalaking mga barko at nangako pa kay Skull na reregaluhan siya nito habang ang dalawa pang naroon ay pagawaan ng alak naman pareho.
Ang laki na nang pinagbago nila sa nakalipas ang ilang dekada at malapit na rin maging tatlo. Hindi nila maiwasang magtanong sa mga sarili kung may mga kayamanan pa silang makukuha sa misteryosong isla kung sakali mang hanapin nila iyon muli.
"Marahil," wika ni Skull nang may magtanong na isa. Sa dami kasi ng mga kayamanan na naroon nang matagpuan nila ang isla ay tiyak na marami pang naiwan at may nakatago pang tiyak na malaki ang halaga.
Wala naman na silang balak na hanapin pa kahit nakay Skull pa ang mapa at ang mga tala tungkol sa islang kanilang natagpuan. Kaniyang itinago sa ligtas na lugar at alam niyang walang makakakita noon. Doon na kumain ng tanghalian ang kanilang bisita kasabay ang kaniya asawa at dalawang anak.
Habang nasa hapag ay napag-usapan nila ang iba't-ibang mga bagay hanggang napunta ang paksa sa dalawang anak ni Skull. Nakikinig lang ang dalawa habang kumakain ngunit nang may marinig si Rekker na hindi niya nagustuhan ay agad siyang nagkomento at pinakita ang ugali niyang magaspang.
"Hindi ako pupunta roon! Ako rin naman ang magmamana ng lahat ng mga ito kapag nagkataon. Ano pang silbi ng edukasyon?" bulalas ni Rekker nang marinig na may balak pa pala ang kaniyang ama na ipadala siya sa malayong lugar upang mag-aral ng medisina.
"Rekker!" suway ni Esmeralda sa anak na nagiging bastos lalo nang bunganga habang tumatagal.
"Ganoon pala, ayaw mong mag-aral dahil alam mong sa iyo ko ipapamana ang mga kayamanang mayroon ako," usal ni Skull na aminado siyang nasaktan siya sa kaniyang narinig mula sa bibig ng anak.
"Hindi ba ganoon naman ang mangyayari? Alangan namang dito kay sa walang kwentang si Sage mo ibigay, ako ang panganay at ako ang lalaki," kaniyang tugon sa ama na ikinagalit na ni Skull nang husto.
Napansin ng mga kaibigan ni Skull na naroon ang galit na mukha ng kanilang dating amo na alam na alam nila kaya naman nanghingi na sila ng paumanhin at nagpaalam na. Si Esmeralda na ang naghatid sa kanila sa labas ng kanilang malaking tahanan at nang pabalik na kung saan niya iniwan ang kaniyang mag-aama ay nakarinig siya ng nabasag na kasangkapan.
Dali-dali siyang naglakad upang alamin kung ano iyon. May nasalubong siyang kasambahay at tinanong kung ano iyon. Ang sabi sa kaniya ay naghahagis daw ng mga gamit ang panganay niya.
Nang makapasok na siya sa kanilang hapag-kainan ay nakita niya ang anak niyang si Sage na yakap ng kaniya asawa. Takot na takot ang dalagita at nasa tabi nito ang basag na plato.
"Anong nangyari?" lapit ni Esmeralda sa kaniyang mag-aama.
"Ako na ang bahala rito, dalhin mo muna si Sage sa silid niya," utos ni Skull sa kaniyang asawa imbes na sagutin ang tanong nito.
Sumunod na lamang siya kahit takot sa maaring gawin ng kaniyang asawa sa panganay nila. Ihahatid niya muna ang bunso sa silid nito at babalikan ang dalawa.
Nanginginig si Sage sa takot matapos hagisan ng plato ng kaniyang nakatatandang kapatid nang sabihin ni Skull na hindi mangyayari ang inaasahan niya dahil ganoon siyang klaseng anak. Ang kapatid niya ang kaniyang napagbuntunan at hinagisan niya ito ng plato na dinampot niya lamang sa kaniyang harapan. Mabilis ang kilos ni Skull ay nahila palayo ang anak na babae bago matamaan.
Mabuti na lang at may liksi pa rin siya kahit may edad na.
Nang makaalis ang kaniyang mag-ina ay saka lang niya nilapitan ang sutil na anak. Binigyan niya ng maglutong na sampal ang kaliwang pisngi nito.
"Lumayas ka!" galit na galit na utos ni Skull sa kaniyang panganay habang nakaturo sa bukas na pinto.
Nagawa pa siyang ngisian ng anak niya kahit pinapalayas na.
"Sigurado ka?" sarkastikong tanong pa nito na akala niya yata ay niloloko lang siya nito.
Akmang sasampalin niya sana muli ang anak nang biglang may humawak sa kaniyang braso. Nang kaniyang tignan ay nakita niya ang kaniyang asawang si Esmeralda na may luha ang mga mata at nababakas niya rin ang takot sa mga ito.
"Tama na," may pagmamakaawang pakiusap ng kaniyang misis. Natauhan naman si Skull sa kaniyang asawa at agad binaba ang kamay na naiwan sa ere at iniwan na ang sutil na anak niya sa kaniyang misis na umiiyak na.
Naiwan namang nakatayo lang si Rekker at nakasandal na sa pader. Lumapit si Esmeralda sa anak na nagtatagis ang bagang nang mga oras na iyon. Yayakapin niya sana ang kan'yang anak ngunit sinagi lang nito ang bisig ng kaniyang ina at iniwan siya roon mag-isa.
Galit na galit siya sa kaniyang ama na napakahilig magmanipula ng mga tao. Naiinis siya na naging ama niya ito. Pinipilit kasi siyang mag-aral gayong ayaw niya dahil may iba siyang nais.
Kaya naman niyang magbasa at magbilang. Para sa kaniya ay sapat na iyon dahil hindi naman siya matatawag na mangmang.
Nagmartsa siya papunta sa kaniyang silid. Buo na ang loob niya upang umalis. Magdadala na lamang siya ng ilang importanteng gamit. Sinilid sa sisidlan ang ilang pirasong pamalit at nang may maalala ay napahinto siya biglaan.