Dumaan ang isang araw...dalawa at umabot nang apat ngunit hindi pa rin napipisa ang itlog ng huling pares ng mga dragon. Nag-aalala na si Helena dahil dito at naisip na baka hindi sapat ang ginagawa nilang paraan upang mapisa ito. Sa pagkakatanda niya kasi ay dalawa o tatlong araw lang ang itinatagal at maari nang mapisa ang itlog. Kaya pa nga ng isang araw lamang gamit sa natural na paraan nila kung saan binubugahan nila ng apoy ang kanilang itlog mismo.
Sa ika-apat na gabi ay binantayan mismo ni Helena ang itlog at hindi na niya iniwan. Natatakot na baka hindi nila ito mapisa at mabugok gamit ang alternatibong paraan na kanilang naisip. Wala na kasing paraan kundi iyon dahil hindi na maari ang sinauna. Siya na lamang ang natitira sa kanila at kinababahala pa ni Helena na mawala pa ang huling sa kaniya.
Nagliliyab ang mga kahoy na nakapalibot sa itlog. Mula sa baba nito at maging mga kahoy na nakapatong sa ibabaw. Nakahanda na ang iba pang panggatong sa tabi ng diwata sakali mang kailangan na niyang maglagay ng panibago at magdagdag para tuloy-tuloy ang proseso. Dumating ang hating gabi. Siya na lamang ang gising kasama ng mga panggabing hayop na kasalukuyan pa lamang naghahanap ng kanilang makakain.
Nakaupo siya bato di kalayuan sa siga sapat upang di masyadong madarang sa nagliliyab na mga naglalakihang mga kahoy. Maaliwalas ang kalangitan at ang buwan ay hindi buo ngunit nagbibigay liwanag sa malawak na karagatan. Maraming mga bituin na parang mga isinabog na makikinang na buhangin na nagkikitapan. Maghihintay muna siya roon at sasamahan ang itlog habang natutulog ang iba. Hindi naman niya kailangan matulog kumpara sa kanila na kailangang magpahinga tuwing gabi dahil siya ay isang beses lamang sa isang dekada.
Habang naroon ay narinig niyang may umahon mula sa dagat at maya-maya lang ay lumitaw ang matandang pawikan na si Silas. Mabagal na gumagapang sa buhangin palapit sa kaniyang kinaroroonan.
"Magandang gabi apong pawikan!" masayang bati sa kaniya ng diwata.
"Magandang gabi rin sa iyo mahal na diwata," ganti naman sa kaniya nito.
Hinintay siya ng diwata na makalapit muna bago niya ito kinausap at tinanong kung bakit siya naroon nang ganoong oras.
"Hindi ako makatulog, nakapapanibagong may bumabagabag sa akin nang ganitong oras. Wala naman akong maisip na puntahan hanggang sa maisip kita," sagot nito matapos makahanap ng puwesto malapit lang sa batong inuupuan ni Helena.
"Ganoon po ba, ano naman ang bumabagabag sa iyo?" usisa ng diwata.
"Itong itlog na narito," sagot niya sabay baling sa itlog na kasalukuyan pa ring nababalot ng apoy.
"Pareho lang tayo. Maging ako na nababagabag dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagpapakita ng senyales na ito'y mapipisa na,"
"Kaya nga. Nakapagtataka," segunda ng pawikan.
Sabay silang natahimik. Pinanood na lamang ang itlog at ang nagsasayaw na apoy. Parehong nananalangin na sana'y ayos lang ang sanggol na dragon sa loob at wala silang dapat ikabahala ngunit hindi rin naman nila maiwasang hini magulumihanan pagka't hindi nila alam ang dahilan kung bakit magpahanggang ngayon ay hindi pa rin ito napipisa.
Sumikat na ang araw at naroon pa rin ang dalawa. Doon na natulog sa pawikan habang nagbabantay si Helena. Paisa-isang nagising ang mga nilalang at dinalaw ang itlog bago simulan ang kanilang mga araw. Nagpatuloy sila sa kani-kanilang mga trabaho at nang tanghaling tapat na ay may nangyaring hindi nila inaasahan ng lahat.
Kasalukuyang nasa kweba ang diwata at kausap ang ilang mga duwende. Nagbibigay ng mga gagawin para sa isang buong linggo. Patuloy pa rin sila sa ginagawang paghihilom ng isla nang biglang sumulpot sa harapan nila ang isang dagang-dagat at pinamamadali ang diwata na puntahan ang itlog sa lalong madaling panahon.
Mabilis naman siyang kumilos at pinuntahan ito at pagdating niya ay nakita ang itlog na wala ng sindi at kahit sindihan daw nila ulit ang mga kahoy ay hindi raw nila magawa.
Lumapit ang diwata sa itlog at hinaplos ang itlog. Nagtaka siyang hindi man lamang ito mainit. Naramdaman niya ang paggalaw sa loob at maya-maya pa'y nakakita siya ng napakaliit na lamat sa itlog.
"Mapipisa na!" naibulalas niya.
Nang marinig ng nasa paligid ay dali-dali ang lahat na lumapit upang masaksihan ang nagaganap. May galak sa mga mukha at hindi na makapaghintay na makita ang sanggol na dragon. Ilang sandali pa ay mas lumaki na ang lamat. Hindi na mapakali si Helena. Kulang na lang ay tulungan niya ito at siya na ang babasag ng itlog ngunit hindi naman iyon maaari.
Naghintay silang lahat. Laking gulat nila nang may isang paa ang lumabas. Hindi dragon kundi paa ng isang sanggol na tao. Sumunod ang isa pa. Sinipa niya ang itlog upang makalabas siya at nang maalis ang halos kalahati ng itlog niya ay tumambad sa kanila ang sanggol na tao at hindi dragon gaya nang kanilang inaasahan.
"Uwaaaaaaaaaa uwaaaaaaa," Iyak nito. Doon lamang nagising ang mga diwa ng lahat ng mga nagulat sa nakitang laman ng itlog. Maging si Helena ay hindi inaasahan na ganoon ang bubungad sa kanila. Kahit pa batid niyang may kakayahan itong magwangis tao dahil biniyayaan niya ng ganoong kakayahan ito.
Kinuha niya ang umiiyak na lalaking sanggol. Napakalaki nito kung ikukumpara sa normal na paslit na bagong silang pa lamang. Mabigat siya at malusog na isang bagay na kamangha-mangha para sa kaniya. Nang kan'yang ikulong sa kaniyang mga bisig ay biglang huminto ang sanggol sa pag-iyak. Isinandal pa ng sanggol ang kaniyang ulo sa dibdib ng diwata. Tuminga pa ang sanggol sa kaniya at pinagmasdan ang kaniyang mukha. Nasilayan niya ang ngiti sa mga labi ng sanggol na nagpaluha sa kaniyang mga mata.
"Nakuuu! Parang nakakatunaw ang ngiti mo a," aniya sa sanggol. May naramdaman siyang kakaibang kaligayahan sa kaniyang puso nang mga oras na iyon ngunit ang mga mata niya ay lumuluha.
Takot ang ibang nilalang na lumapit sa bata. Naroon pa rin sa mga puso nila ang takot sa mga tao dahil sa nangyari kamakailan lamang. Halos walang gustong lumapit at tignan man lang ito. Ang galak sa mga mukha nila ay napalitan nang ganoon kabilis. May iba pa ngang napaatras at may mga paslit na nagtago sa likod ng kanilang mga magulang.
Nang humarap si Helena sa kanila ay ganoon ang mga ekspresyong kaniyang nakita.
"Bakit ganyan ang mga itsura ninyo? Ang batang ito ang anak nina Kino at Kira. Ang huli sa kaniyang uri. Hindi ba dapat ay magdiwang tayo dahil iniwanan nila tayo ng regalo? Isang regalo na maaring maging protektok ninyo balang-araw, ikalawa sa akin," anang diwata sa mga nilalang na takot na takot.
Halos walang gustong sumang-ayon. Nagdadalawang isip sila na tumango sa sinabi ng diwata. Paano? Tao ang kanilang nakikita. Ang dahilan ng pagkasira ng isla at pakamatay ng maraming mga nilalang na walang kalabanlaban.
Naisip ng diwata na ibalik sa tunay na anyo niya ang sanggol na kaniyang karga at nang maging dragon na nga itong talaga ay roon lamang nagsilapit ang mga nilalang sa kaniya.
Ipinaliwanag niya kung bakit iba ang anyo nito sa kanilang inaasahan. Agad naman nila itong naintindihan. Kaya nang ibalik niya ang anyo tao ng paslit ay wala na sa kanila ang natakot at ang giliw nila ay hindi na naalis.
"Merrick ang naisip kong ipangalan sa kaniya. Ang ibig sabihin n'yo ay malakas," anunsyo ni Helena.
Nagsitanguan naman sila at nagustuhan iyon. Ibinalik niya ang anyo ng dragon at isa sa mga duwende ang kumuha ng sanggol sa diwata upang buhatin rin ito. Hanggang sa pagpasapasahan na nila.
Hindi naman ito umiyak. Sinuotan nila siya ng lampin na kanila lamang hinabi. Naglakad na ang lahat papunta sa lilim dahil may nais sabihin si Helena sa kanila.
MABILIS lumipas ang mga araw. Kasabay niyon ang mabilis rin paglaki ng sanggol. Dahil hindi siya normal na tao, kapansin-pansin ang kakaiba niyang mga katangian. Iba ang liksi nito sa murang edad. Iba rin ang kapilyuhan, lakas at ang talino nito at habang dumadaan ang taon ay lumalabas din ang iba pa nitong katangian bilang tao at dragon.
Sinanay siya kung paano mabilis na makakapagpalit anyo ng diwata.
Tinuruan nila itong magsalita, kumilos gaya ng mga tao. Kapansin-pansin namang madali niyang natutunan ang mga bagay at kita rin ang kaniyang kuryosidad na matutunan ang lahat. Sinanay siya sa pakikipaglaban bilang tao at dragon.
Ang diwata ang kaniyang tinawag na ina nang mausal niya ang unang salitang iyon na labis na ikinatuwa ng diwata.
DUMAAN ang dalawang dekada. Beses na rin nagbukas ang isla at nawala ang baluting nagtatago rito. Sa tuwing mawawala ang baluti at mahihimbing ang diwata ay ano na lamang ang kaba at takot ng mga nilalang sa isla. Natatakot sila na muli silang matunton ng mga pirata upang pagnakawan at sirain muli ang kanilang tahanan at mas malala, paslangin silang lahat at wala ni isa ang itira.
Lumalaking makisig si Merrick. Isang mabait at matulunging binata. Nag-uumpisa na siyang magtanong-tanong sa kung anong mayroon sa labas ng baluting nakabalot sa isla. Nagtataka na rin siya sa kaibahan niya sa kanila kahit ang diwatang si Helena ay malapit naman sa wangis tao niya.
Naputi kasi ang buhok ni Helena at asul na asul ang mga mata. Bukod sa may kapangyarihan pa itong taglay na wala naman siya. Oo nakakapaglit siya ng anyo ngunit hindi naman kayang gawin din ng diwata na maging dragon gaya niya.
Isa dekada pa ang nalalapit. Magtatatlumpung taon na si Merrick kung sa edad ng tao ibabase ngunit dahil dragon siyang tunay, ang kaniyang pagtanda ay mabagal.
Samantala, sa isang isla kung saan napadpad ang grupo ni Skull noon. Siya at ang grupo niya ang mga naging pinakamayayaman sa lugar. Sinekreto nila kung saan nila nakuha ang kanilang dalang mga kayamanan at ginamit upang mabili ang buong islang iyon. Di kalaunan ay nagkaniya-kaniya na sila. Napadpad sa malalayong mga lugar at nagbagong buhay na.
Sa Willow island na nanatili si Skull dahil doon niya nakilala ang kaniyang napang-asawa. Biniyayaan ng dalawang anak, isang lalaki at babae. Ang kaniyang anak na panganay na si Rekker na isang lalaki na napakagaspang ng pag-uugali, sutil bata pa lamang at kapag gusto ang isang bagay, nais niya agad-agad makuha. Nagmana sa kaniyang ama na ganoon din ang ugali nang kabataan niya ngunit ayaw lang aminin na ganoon siya noon dahil sa pagkatao at nakaraan na pilit niyang itinatago sa kanila. Habang ang bunso naman na babae na si Sage ay napakahinhin, mapagmahal at may busilak na kalooban. Malayong-malayo sa kaniyang ama na nagpapanggap lamang. Magandang bata at mala-anghel ang mukha na kinagigiliwan ng marami. Kapansin-pansin din na paborito siya ni Skull habang ang panganay niya ay malayo ang loob sa kaniya.
Ang pagkatao ni Skull ay nanatiling lihim sa kaniyang mga anak gaya ng hiling ng kaniyang asawa. Kung ano nga ba siya noon at kung anong mga kasamaan ang kaniyang mga pinaggagagawa. Batid iyon lahat ng kaniyang asawa na tinaggap at minahal siya kahit na isa siyang ganoon kasamang tao. Nagkasundo silang huwag ipaalam sa kanilang dalawang anak maging sa pamilya ng kaniyang asawa ay nanatiling lihim ang mga iyon at subukang mamuhay nang walang gulo at malayo sa kung saan siya galing.
Masaya ang pamilya ni Skull sa masaya ngunit may hangganan pala.