Chapter 3

1663 Words
Sumikat na ang araw sa misteryosong isla at bumalik na rin ang baluting bumabalot rito. Muling nagkubli sa mga mata ng mga tao. Sa pagpikit ng mga mata ng babaeng dragon at paghinto ng t***k ng puso nito, lahat ng mga nilalang na naroon ay wala ng nagawa kundi umiyak na lamang. Takot na takot at punong-puno ng pighati ang kanilang mga puso sa sinapit ng isla mula sa mga mapangahas at walang mga pusong mga piratang iyon na ang pakay lamang pala ay sila'y pagnakawan. Iniwang sunog ang malaking parte ng isla. Napakaraming sugatan at nasawing mga nilalang. Walang ideya isaman sa kanila kung paano sila makapagsisimulang muli pagkatapos nang naganap. Paano mahihilom ang tahanan nila, ang puso at maalis ang matinding takot. Habang marami ang nag-iiyakan, si Helena naman ay naistatwa na sa kaniyang kinatatayuan. Hinahayaang tangayin ng hangin ang maputi at mahaba niyang buhok. Sa asul niyang mga mata ay mababakas ang samu’t saring mga emosyon na hindi niya alam kung paano niya ipakikita sa kanila. Labis na nabibiyak ang kaniyang puso sa mga nakikita sa paligid. Palihim niyang sinisisi ang kaniyang sarili dahil hindi man lang niya nagawang protektahan ang huling pares ng mga dragon at maging ang ibang mga nilalang na binawian na ng buhay nang gabing iyon. Pakiramdam niya'y walang sibli ang kaniyang kapangyarihan na kahit anong lakas ay hindi naman kayang makabuhay ng patay. Oo, kaya niya sa mga halaman. Kaya niyang maghilom ng mga sugat ngunit ang ibalik ang kaluluwa ng mga pumanaw na ay wala sa kaniyang kakayahan. Pakiramdam niya ay wala siyang silbi. Nahimbing siya sa kaniyang pagtulog ngunit ito naman ang sinapit ng isla na pilit niyang pinuprotektahan sa mahabang panahon at nawasak lamang sa loob lamang ng isang gabi. Napakaingay. Tumatangis ang maraming mga duwende, sirena at iba’t-iba pang mga nilalang. Napapahiyaw ang ilan habang bibibigyan ng lunas ang mga tinamo nilang paso, mga sugat at ang ilan pa ay may mga nakabaong bala sa kanilang mga balat. Mistulang wala siyang naririnig. Unti-unting dumidilim ang kalangitan. Ang mga ibon ay nabulabog at nagliparan. Umuusbong ang galit sa mula sa kaniyang dibdib at nahihirapan siya kung hindi niya ilalabas iyon at kaniya lamang kikimkimin ng mahabang panahon. Nakatayo lamang siya roon ngunit kaniyang nakikita ang labas ng isla. HInanap niya ang mga pirata gamit ang mata ng isang ibon na kasalukuyang naghahanap ng makakaing isda. Sunod ay mga mata naman ng isang balyena. Nahirapan siyang hagilapin ang barko ng mga pirata kaya naman ang kaniyang ginawa ay pinaihip na lamang ang malakas na hangin upang makagawa ng naglalakihang mga alon. Ilang segundo pa ay natunton na niya sila. Gamit niya pa rin ang mga mata ng isang balyena. Hinahampas na ang kanilang barko ng malalaking alon nang mga oras na iyon at inutusan pa ng diwata ang grupo ng mga malalaking isda na atakihin ang barko ni Skull. Binangga nila ang mga katawan nila sa barko upang ito ay umuga nang husto. Pinapasok na ng tubig ang kanilang barko at hindi na magkandaugaga ang mga sakay nito. HABANG nag-iiyakan ang karamihan sa mga nilalang sa isla, ang matandang pawikan na halos kaaahon lang mula sa dagat ay nagulat sa kaniyang nakita. Tinawag niya ang pinakamalapit na dagang-dagat at agad inutos na tawagin ang diwata. Maging ito ay nagitla rin sa itinuro ng pawikan ang bilugang bagay na nasa pagitan ng hita ng dragon na wala ng buhay. Agad itong napapunas ng kaniyang luha at ang diwata ay agad niyang nilapitan. “M-mahal na diwata!” tawag niya rito ngunit hindi niya narinig kaya siya na ay lumapit. “Mahal na diwata?” Kaniyang ulit. Nahinto ang diwata sa kaniyan ginagawa gamit lamang ang kaniyang isip. Napunta sa dagang-dagat ang kaniyang atensyon. Tinanong niya ito kung bakit at ang sagot nito ay sumama na lamang daw siya sa kaniya dahil hindi niya raw ito kayang ipaliwanag. MAbilis ang hakbang ng dagang-dagat habang nakasunod ang diwata sa kaniya. MAlalakas pa rin ang mga alon dahil sa emosyon ng diwata ang nagkokontrol doon. Ang mga balyena naman at nilubayan na ang barko at hinayaan ang mga malalaking alon na lamunin ang mga piratang mga walang puso. “Mahal na diwata! Dito!” tawag ng matandang pawikan sa kaniya. LUmapit naman siya agad at nang lingunin ang bagay na nais nilang ipakita sa kaniya ay nanlaki ang kaniyang mga mata. “Pa-paanong?” kaniyang nasambit na tanong ngunit wala naman sa mga naroon ang kayang magbigay ng sagot. Isang malaking itlog ang kanilang natagpuan sa pagitan ng hita ng wala ng buhay na babaeng dragon. Nababalot pa ito ng dugo nang mga panahong iyon ngunit hindi nangdalawang isip ang diwata na haplusin ito. Naramdaman niya ang buhay sa loob. Ang pagtibok ng puso ng sanggol na dragon sa loob. Natahimik ang mga tumatangis at nakuha ng itlog ang atensyon nilang lahat at sila ay lumapit. Napalitan ng kagalakan ang mga puso nila. Naroon pa rin ang takot ngunit mas nangibabaw ang kagalakan. “Kumuha kayo ng pambalot! Madali!” utos niya sa mga nilalang. Dali-dali namang nagsitakbuhan ang mga ito at kaniya-kaniya sila ng kuha ng mga tela o anumang mayroon na maipangsasapin at maibabalot sa itlog. Dahil nasunog ang karamihan sa kanilang mga tahanan, iilan lang na telang hinabi nila ang kanilang nakita. Mga dahon na lamang ang pinulot ng iba at nagmadali silang gumawa na kahon na may gulong upang paglagyan ng malaking itlog at madala sa kweba. Marami sa kanila ang nabuhayan ng loob nang masilayan ang itlog. Maging ang diwata ay napakalma nito. Nawala na sa isip niya ang mga pirata at tuluyan na ang mga ito na nakalayo. Pinabantayan niya muna ang itlog sa loob ng kweba habang siya naman ay abala sa pag-aasikaso ng mga sugatan. Nilibing nila ang dalawang dragon sa dalampasigan kasama ang iba pang binawian ng buhay. Nilagyan ng marka ang bawat isa at inalayan ng dasal. Hindi na nagpahinga ang mga nilalang. Nag-umpisa na sila sa pagtatayo ng pansamantalang masisilungan gamit ang mga natumbang mga puno na hindi nailamon ng apoy. Siniguro nilang may sapat na init ang itlog sa loob ng kweba sa pamamagitan ng paglalagay ng mga siga malapit sa itlog. Iyon muna pansamantala bago nila gawin ang nag-iisang paraan upang mapisa ito nang mabilis. Buong maghapon silang abala. Bibisitahin lamang ng dalawa o isang nilalang ang kweba upang magdala ng kahoy at dagdagan ang apoy roon. Nagpulot sila ng mga buto ng nagmula sa puno na maaring mapatubo at iyon ang ginamitan ng diwata ng kaniyang taglay na kapangyarihan upang mabilis na patubuin. Ganoon din ang ginawa nila sa kanilang mga pananim. Mula sa iilang piraso ay naparami ng diwata. Maghihintay na lamang sila ng mga bunga at magtatyaga muna sa madalas na pagkain ng huli nilang isda at mga lamang-dagat na dinadala ng mga sirena upang matulungan sila. Nang bumalot na ang dilim at nagpapahinga na ang lahat ay saka lamang pinuntahan ng diwata ang itlog. Nadala na rin siya ng ilang pirasong ma kahoy. Paglapit niya sa itlog ay narinig niya ang paggalaw ng nilalang mula sa loob na para bang tuwang-tuwa ito na naroon na siya. Hindi niya maiwasang tuloy na mapangiti. Matapos dagdagan ang kahoy ng mga siga ay saka niya ito nilapitan. Inilapat ang isa niyang kamay at muling pinakiramdaman ang t***k ng puso ng nilalang. “Masaya ka bang narito na ‘ko?” tanong niya sa itlog na para bang sasagot. Hindi man ito sumagot, gumalaw naman ito mula sa loob na labis na ikinatuwa ni Helena. “Salamat sa regalong ito Kino at Kira. Aalagaan ko ang iyong anak na parang akin. Sisiguruhin kong lalaki siyang malakas, matalino at may mabuting puso gaya ninyo. Hindi ko hahayaang may manakit sa kaniya at puprotektahan ko siya nang husto na hindi ko man lamang nagawa para sa inyong dalawa. Patawad,” kaniyang sabi habang hinahaplos ang malaking itlog. Pagkatapos niyang sabihin ang mga iyon, pumatak ang luha sa kaniyang mga mata. Kaniyang niyakap ang itlog at isang regalo ang binigay niya. Nabalot ng liwanag ang itlog at kumislap hanggang labas ng kweba. Binigyan ng kakayahan ni Helena ang sanggol na dragon sa loob na makapag-anyong tao. Kakaibang lakas na walang kapares, kalislis na walang kasingtibay. Binigyan niya ng kakayahan itong mag-anyong-tao dahil kaniyang naisip na makakatulong iyon upang hindi niya maramdaman na batang dragon pagdating ng araw mag-isa na lamang siya at huli sa kaniyang uri. Batid niyang balang-araw ito ay lalaki at magtatanong sa ano bang mayroon sa labas ng baluti. Uusbong ang kuryosidad at maiisip na lumipad sa labas upang makita ang mundo. Isa pang kaniyang nais kaya niya iyon ginagawa, ay dahil mas marami ang bilang ng mga tao kumpara sa kanilang mga nagtatagong mga nilalang at mainam na rin na sa kaanyuan ng tao ay maikubli niya kung ano ang kaniyang tunay na katauhan. Gising si Helena sa buong magdamag habang ang lahat ay nahihimbing. Binantayan ang itlog at sinigurong nadadarang ng init. Pagsikat ng araw kinabukasan ay nagpahanda na siya ng lugar kung saan papakain nila ng apoy ang itlog. Tama kayo ng basa. Papakain ng apoy ang itlog sa pamamagitan ng hindi lamang pagdadarang dito kundi isusuno nila mismo ang itlog sa nagliliyab na apoy hanggang sa mapisa. Dapat nga sana ay bugahan ng dragon mismo ang itlog ngunit dahil wala naman nang gagawa niyon ay kailangan nilang gumawa ng sarili nilang paraan. Namulot na ng mga kahoy ang mga duwende. Tumulong na rin ang mga dagang-dagat upang mapabilis ang pagkuha. Inipon nila sa isang lugar ang mga kahoy at isinalansan. Inilabas na nila ang itlog sa kuweba at inilagay sa gitna kasama ng mga tuyong dahon at mga d**o. Ipinagpatung-patong nila ang mga kahoy hanggang sa matabunan ang itlog saka nila sinindihan bago iniwan nang ganoon. Kung gaano katagal bago mapisa ang itlog ay walang makakapagsabi. Kailangan nilang ipagpatuloy ang pagpapakain sa itlog ng apoy at hintayin kung kailan mabubusog hanggang magpasya itong lumabas at kusang basagin ang kaniyang itlog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD