Nang gabing iyon ay pinagmasdan ni Helena si Merrick habang mahimbing na natutulog sa isang sulok sa kanilang kweba. Doon na ito mula pa noong bata kasama niya. Malaki na kaya hindi na niya tinatabihan at nakakailang na rin pagka't binatang-binata na sa kan'yang tindig maging pagkilos. Sa pag-iisip? Duda siya.
Lumapit siya sa anak-anakan upang tignan kung sapat na ba ang taglay na lakas nito upang harapin ang sinumang magtatangka muling pasukin ang kanilang isla. Ginamit niya ang kaniyang kapangyarihang taglay upang makita mismo ng kaniyang mga mata ang nag-aalab na lakas ng binata na hindi basta nakikita ng normal na mga mata lamang.
Pulang-pula ang kay Merrick. Mistulang apoy sa kaniyang paningin ang awra ng anak. Buhay na buhay at nag-aalab. Kahit na tulog at tao ang anyong kaniyang gamit madalas ay hindi naman naalis ang pagkakaiba niya sa normal na tao. Mahirap sabihin na isa siyang dragon kung ang makakakita sa kaniya ay isang tao rin ngunit kung gaya niyang isang diwata at may kakayahang makita ang di nakakakita ng iba ay agad nilang masasabi kung ano ang nasa harapan nila.
Naupo siya sa bandang ulunan ni Merrick at hinaplos ang pisngi nito. Napakaperpekto niya kung ihahanay sa mga tao. Nakikita niya rin ang puso nito nang mga oras na iyon. Walang bahid na anumang kasalanan. Malinis na malinis at walang bakas ng kasamaan. Ramdam niyang darating ang araw na ang pulang kulay na iyon ay magkakaroon ng itim na marka at kung kailan, ramdam niyang nalalapit na.
Huwag lamang sana itong panghinaan ng loob.
"Mukhang handa ka na anak. Narito lang ako upang saklolohan ka kung sakali ngunit may tiwala akong kakayanin mo. Kung hindi ko man magawa magising sa aking paghimbing, nariyan ang mga kaibigan natin upang tumulong,"
Samantala, sa isla naman na pagmamay-ari ni Nicholas ay may isang ina ba hindi mapalagay. Madilim pa ang paligid nang umalis siya sa bahay ng kaniyang mga magulang. Kasalukuyan pang natutulog ang dalawang matanda nang mga oras na iyon kaya naman hindi na niya ginising upang makapagpahinga pa sila nang mahaba-haba. Babalik din naman siya agad. May nais lamang siyang makausap.
Malamig ang hangin at makapal ang hamog sa paligid ngunit hindi niya alintana iyon. Nagbitbit siya ng lampara upang pang-ilaw sa kaniyang daraanan. Nagbaon ng hindi kalakihang ginanchilyong kumot upang may pananggalang siya sa malamig na hangin kapag nakasakay na siya sa bangka at kapag sila ay nasa laot na.
Nilagay niya muna sa isang sisidlang gawa sa hinabing manipis na balat ng kawayan ang kumot kasama ng baong biskwit at isang boteng maiinom na tubig.
Tinahak niya ang daan papunta sa daungan mag-isa. Naghihintay na ng mga pasahero ang ilang bangka na naroon. Nilapitan niya ang isang matandang lalaki at tinanong kung alin sa mga naroon ang daraan sa isla ng mga Von Heather. Itinuro siya ng lalaki sa isang bangkang may sakay nang dalawang pasahero.
Nagpasalamat siya bago iniwan ito at nilapitan ang bangka. Bahagya pang nagulat ang bangkero nang makilala siya nito.
“Saan po layo pupunta nang ganito kaaga Madam Carmen?” nagtatakang usisa sa kaniya ng lalaki.
Nginitian siya ng ginang bago sinagot ang kaniyang katanungan.
“May bibisitahan lamang po akong kaibigan,”
Mukhang nabura naman agad ng sagot niyang iyon ang kuryosidad ng ginoo at hindi na nagtanong pa matapos niyon. Inabot ng ginoo ang kaniyang nakalahad na palad kay Carmen upang alalayan ito sa pagsakay sa bangka na agad naman niyang hinawakan upang hindi madulas o mawalan ng balanse at mahulog sa tubig.
Panglimahan lang ang bangkang iyon na pinatatakbo ng isang klase ng motor na ginagamitan ng langis. Naunang pang umalis ang isang bangka na nakadaong doon sa kanila. Iba naman ang destinasyon ng isang iyon. Ilang minuto lang naman ang kaniyang hinintay at nang madagdagan na ng dalawa pa ay saka sila lumarga.
Binalot ni Carmen ang sarili sa dala niyang makapal na tela. Ang mga pasaherong kasama niya ay hindi iniinda ang malakas na hanging humahampas sa kanila at ang lamig na hatid nito dahil mga sanay na. Halos araw-araw na nilang ginagawa iyon sa tuwing papasok at uuwi galing sa kani-kanilang mga trabaho sa mga karatig isla.
Malayu-layo ang biyahe. Hindi pa siya nag-aalmusal. Habang umaandar ang sasakyan ay naisip niyang kainin na ang dala niyang biskwit upang malagyan ng laman ang kaniyang kumakalam na tiyan.
Sumilip na ang araw nang nakarating siya sa isla ng mga Von Heather. Nagbayad at nagpasalamat sa ligtas na paghatid sa kaniya roon. Mula naman sa daungan ay kailangan niya pang maglakad papunta sa mansion ng kaniyang pakay. Hindi naman kalayuan at makalipas ng mga sampung minuto ay narating na niya.
Agad siyang pinapasok ng mga kasambahay. Hinatid siya sa likod-bahay kung nasaan si Skull. Kasama nito ang kaniyang misis at kita ang gulat sa kanila pareho.
"Carmen! Ano't naparito ka yata nang ganito kaaga?" tanong ng ginang kay Carmen.
"Nais ko sanang makausap kayong dalawa," mabilis niyang sagot at hindi na nagpaliguy-ligoy pa.
"Tungkol naman saan? Ikaw lang ba mag-isa? Nasaan ai Nicholas?"
"Wala siya. Ako lang mag-isa," sagot naman nito.
Niyaya siyang maupo ng mag-asawa. Nang makakuha ng bwelo ay saka niya sinaad ang kaniyang pakay.
Natutop ng ginang ang kan'yang bibig sa siniwalat ng kaniyang bisita. Hindi makapaniwala sa sinabi ni Carmen.
"S-kull?" baling ng ginang sa kaniyang asawa. Nanginginig ang kaniyang magkabilang tuhod. Maluha-luha ang mga mata.
Kinuha ni Skull ang kamay nito at hinawakan nang mahigpit. Pinapalma sa ganoong paraan. Alam niyang umalis si Rekker at balak hanapin ang isla dahil nahanap nito ang talaan niya at mapa. Hindi niya akalain na si Nicholas pala ang lalapitan nito at nalaman mula kay Carmen na tinulungan ng kaniyang kaibigan ang kaniyang sutil na anak.
"Kasama niya rin si Lucas. Tumakas at naglayas ang anak ko at sumama sa inyong anak," umiiyak na saad ni Carmen sa harap ng mag-asawa.
Pinipigilan niya ang luhang pumatak ngunit labis siyang nag-aalala at ang hayaan iyong umagos ang nakikita niyang paraan upang mabawasan din ang takot at mapagaan kahit kaunti lang ang bigat ng kaniyang kalooban.
"Tulungan n'yo akong hanapin ang anak ko Esmeralda. Ayaw kong mapahamak siya sa balak nilang puntahan. Hindi raw ligtas doon sabi ni Nicholas. Alam kong alam mo iyon Skull kaya tulungan ninyo ako," hagulgol nito at pagmamakaawa.
Hindi makapagsalita si Skull. Nagiisip ito ng maaring gawin. Kinakalkula ang mga oras, ang posibleng bilis barkong sinasakyan ng dalawang binata at kung saan na sila nang mga oras na iyon. Sanay siya sa dagat kaya alam niya ang mga ganoon. Isa siyang dating pirata hindi ba? Kaya hindi na nakapagtataka na kabisado niya ang mga pasikot-sikot sa malawak na karagatan.
Dumaan na ang gabi kaya malayo na sila. Kung tuloy-tuloy ang takbo ng barko at hindi sila huminto ay imposible na silang mahabol pa.
Ang tanong rin niya sa isip, saang ruta sila dumaan?
Kahit walang kasiguraduhan, nangako siya kay Carmen na tutulungan siyang maiuwi si Lucas at pati na rin ang anak niyang si Rekker sa bahay nila.
Nang umagang iyon ay nagpaalam na si Carmen. Nais niya raw kunin ang anak niyang mga babae sa bahay ng kan'yang asawa. May suklam siyang nararamdaman para rito matapos malaman ang totoo niyang pagkatao.
Iniwan ang mag-asawang Skull at Esmeralda. Nanginginig sa takot ang ginang sa maaring kahinatnan ng kanilang panganay. Alam niya kasi ang kwento tungkol sa isla na may dragon at mga nilalang na nagtatago sa mata ng mga tao.
Para sa kaniya ay hindi na dapat nagpunta sa lugar na iyon ang anak. Panganib ang mayroon doon. Naisip niyang baka ang habol nito ay kayamanan.
"Kayamanan?" pabulong niyang tanong.
"Ano kamo Esmeralda?" usisa ni Skull na naroon nakaupo sa tapat ng kinauupuan niya. Hindi nito narinig nang malinaw ang sinambit nitong salita.
"Hindi ba't nakatago ang iyong talaan at mapa? Papaanong-?"
"Oo, nakuha niya," mabilis na sagot ni Skull kahit hindi pa natatapos ang tanong ng kaniyang asawa.
"Pero paano nga? Hindi ba't nakakandado at sarado rin ang pinto," naguguluhang tanong ng ginang.
"Maparaan ang anak mo kahit sutil. Marahil nga ay sa akin siya nagmana sa ugali niyang ina. Hindi nakakapagtakang anak ko nga siya," may pait at bahid ng inis niyang wika.
NANG ARAW rin na iyon ay nag-utos siya ng mga tao upang maglayag. Binigay sa kanila ang lahat ng impormasyong kailangan nila at sinabing pigilan ang kaniyang anak sa balak nitong paghahanap sa islang hindi naman niya mahahanap.
Ganoon kung maliitin ni Skull ang kakayahan ng kaniyang panganay. Hindi niya alam ang potensyal nito sa ganoong bagay.
Naglayag na ang kaniyang mga inutusan at naghingi pa sa kaniyang ibang mga kaibigan ng tulong upang mas mapabilis at kanila naman agad pinagbigyan.
DALAWANG ARAW ang mabilis na dumaan. Tinitignan ni Rekker ang kan'yang mapang hawak at ang aguhon na mahina ang paggalaw habang umausad ang barko. Maya-maya pa'y mistulang nalito ang hawak niyang aguhon (compass) at hindi sigurado kung saan ang daang kaniyang ituturo.
"Pahintuin ang barko!" sigaw ni Rekker at ginawa naman agad ng kapitan.
"Dito na tayo maghihintay," usal ng binata.
Hinaba na ang angkla. Tinanaw ni Lucas ang paligid. Wala siyang makitang kahit ano. Puro tubig ang nasa kanilang paligid.
"Sigurado ka ba rito Rekker?" may pagdududang tanong ni Lucas sa kaniyang kaibigan.
"Oo," kampante naman nitong sagot at nagawa pang ngumiti nang pagkalawak-lawak.
Nagagalak ang puso niya. Alam niyang iyon na ang lugar. Nahanap nila. Hindi pa nga lang oras ng pagpapakita nito kaya kailangan nilang maghintay.
Sa isla naman na kanilang pakay ay wala pang alam ang mga nilalang na naroon sa nag-aabang sa labas ng baluti. Ganunpaman, dalawang batang sirena ang naglalaro ang nakakita ng angkla na kabababa lamang. Muntik pang matamaan ang isa sa kanila. Mabuti na lamang at nahila siya ng kalaro niya.
Lumangoy sila pataas upang sundan ang lubid at sa pagsilip nila sa ibabaw ng tubig ay nakita nila ang malaking barko na naroon. Dali-dali silang umuwi upang ibalita ang nakita. Isang matandang sirena ang nag-utos na ipaalam iyon sa diwatang nasa isla.
Sa pampang naman ay naghihintay ang diwata. Hindi sa sirenang inutusan kundi sa personal niyang kaibigan. Nang marinig niya ang paghampas nito ng kaniyang buntot sa tubig ay tumayo na siya mula sa kinuupuang bato at sinalubong ang sirena.
"Narito na pala sila," mahina usal ni Helena nang makausap ang sirenang kaniyang pinakiusapan na magbantay sa paligid ng isla. Hindi pa iyon ang inutusan ng matandang sirena.
Ginamit ang mata ng nilalang na malapit sa barko upang makita niya mismo ang mga dumating.
"Kaunti lamang po sila," dagdag pa ng sirena at kasalukuyan na niyang binibilang ang mga sakay ng barko.
"Oo nga, wala pang limampu. Mas mapapalagay ako sa aking pagpapahinga. Kung sakaling kailangan niya ng tulong ay saklolohan ninyo siya, gusto kong malaman muna kung talaga bang handa na siya sa ganitong sitwasyon," anang diwata.
"Makakaasa po kayo," Nagpaalam na ang sirena at nabilis na naglaho matapos salubungin ang alon.
Nasalubong niya ang sirenang nautusang magbalita sa diwata at kaniyang hinarang. Nag-usap ang dalawa sa ilalim ng tubig at sinabihan niyang nasabihan na niya ang diwata kani-kanina lamang tungkol sa barkong dumating kaya hindi na niya kailangan pang gawin iyon.
Sabay na silang umuwi upang sabihan naman ang kanilang mga kauri sa tulong na hiningi ng diwata at silang lahat ay pinaghanda.