Chapter 13

1812 Words
Malapit nang lumubog ang araw. Nakailang hikab na ang diwata sa nakalipas na mga oras. Iyon na ang sinyales na kailangan na niyang matulog at bawiin ang kaniyang mga nagamit na kapangyarihan at lakas sa nagdaang sampung taon. Batid iyon ng lahat ng nakapaligid sa kaniya at sa kanilang mga damdamin ay nakatago ang kaba sa tuwing nahihimbing ang diwata. Lalo na noong pinasok ng mga pirata ang isla. Dalawang kaarawan na niya na tahimik lang at payapa ang gabing dumaan at ngayong kaarawan nanaman niya pinapanalangin nilang sana ay ganoon din ang mangyari. Abala na silang lahat. Nasa bandang gitna sila ng isla kung saan nila naisip ilipat ang kanilang mga bahay noong nasunog ang malaking parte ng isla. Ang mga duwende lang naman ang nagtayo ng kanilang mga bahay dahil hindi sila gaya ng ibang mga nilalang na ayos lang na kung saan-saan namamahinga. Mabilis ang mga kilos ng bawat isa. Nagtatakbuhan ang mga dagang-dagat pabalik-balik at papunta sa kung saan-saan dala ang mga bagay na inutos sa kanila. Ang mga sirena na nakalublob sa ilog na naroon sa sentro ay nagpapanggap na mga walang alam sa posibleng mangyari sa paglubog ng araw. Masaya, nagtatawanan at nagkakantahan sila. Nakikipagsayaw si Merrick sa kaniyang mga kulay berdeng mga kaibigang duwende at sumasabay sa mga kanta. Kung minsan naman ay siya ang tumutugtog ng tambol upang gumawa ng musika. Ang pagsigaw at paggaya sa mga huni ng mga hayop ay ang musika’t awitin sa kanila. Walang liriko kaya naman lahat ay kaya. Ang sayaw rin nilang alam ay ang mga sayaw ng mga hayop sa kagubatan. Ginagaya at bawat sayaw at kilos ay may ibig iparating na mensahe. Nakangiti si Helena at nakikitawa. Wala man lang nakapansin na ilang beses siyang napabuntong-hininga. Hirap na itago ang pangamba. Natatakot din na baka dumating ang umaga na ang kasiyan nilang iyon, ingay at mga tawa ay hindi na niya kailanman maririnig pa. Inaantok na siya. Ilang minuto na lamang at lulubog na ang araw. Habang nagkakasiyahan, ang iba naman ay hindi magkandaugaga sa kanilang mga ginagawa. Nagmamadali sa paghahanda para sa pamamahinga ng kanilang mahal na diwata. Nangugunguha ng mga bunga sa kanilang mga pananim upang may makain ito paggising gaya nang kanilang madalas gawin. Nanguha na rin sila ng mga bulaklak at dahon ng halaman na kanilang didikdikin upang gawing sabon ng diwata. Iyon ang kanilang sabon. Naisip ni Helena na umalis sandali upang makibalita. Ayaw niyang sagarin ang paggamit ng kaniyang lakas kaya naman umaasa siya ngayon sa mga ulat sa kaniya. Sinenyasan niya ang sirena na kaniyang inutusang magmasid at dali-dali naman itong lumangoy. Nakadugtong ang ilog na iyon sa dagat kaya naman sa karagatan siya lumitaw sa pag-angat niya ng kaniyang ulo sa tubig. Nauna siyang dumating sa tagpuan nila. Hinintay niya na lamang ang pagdating ni Helena. Nang matanaw na niya ito ay saka lamang siya pumunta sa mas mababaw na parte sa pamamagitan ng pagpapaanod sa alon. “Ano na ang balita?” agad na tanong ni Helena nang makalapit na ito. “Wala po akong nakitang paggalaw mula sa kanila. Mukhang hinihintay lamang po ng mga sakay ang paglitaw ng isla,” sagot ng sirena. “Tayo nga talaga ang kanilang pakay,” usal ng diwata. “Marahil nga, ngunit nagtataka lang ako. Bakit alam nila ang tungkol sa isla at paano nila natunton at nalaman ang misteryong bumabalot sa pagpapakita nito?” anang sirena. “Iyon din ang gusto kong malaman. Ang paano at sino ang nagturo,” mabilis na pagsang-ayon ni Helena. Bumalik na siya sa iba pa bago lumubog ang araw at akala niya'y walang nakapansin na umalis siya ngunit si Merrick pala ay hinanap siya kanina. "Akala ko ina natulog ka na kahit di pa lumulubog ang araw," anang binata nang masumpungan ang kaniyang pagbalik. "Hindi pa, ilang minuto pa bago ako matulog. Bakit? May problema ba?" sagot ni Helena at tinanong na rin kung ano ng dahilan. "Wala naman po, nagtaka lang po ako na bigla kang nawala ina," kaniyang tugon. Nginitian na lamang niya si Merrick. Sa dami nilang naroon ay parang ito lang yata talaga ang nakapansin na umalis siya. Ang talas ng pakiramdam at paningin kahit na nasa anyong-tao ito. DUMATING NA ANG ORAS. Papalubog na ang araw kaya naman pumunta na sa kweba si Helena. Sumama sa kaniya si Merrick upang ihatid siya at bago pumasok sa brilyante puno ang diwata ay binati siya ni Merrick. "Maligayang kaarawan ina," "Maligayang kaarawan sa ating dalawa," pagtatama niya. "Oo nga po pala, tama!" natatawang sabi ng binata. "Ito talaga, nakalimutan nanaman," "Hindi naman po," mahinang usal ni Merrick. Humikab nang mahaba si Helena. "Siya, sige na pala. Matutulog muna ako. Huwag mong kalimutan ang regalo ko ha! Gusto ko paggising ko narito kayong lahat," anang diwata na hindi agad nakuha ni Merrick kung anong ibig nitong sabihin doon. Dahil mukhang inaantok na talaga ang kaniyang ina ay hinayaan na niyang makapagpahinga. Hundi na niya ginambala pa upang usisain lang ang nais nitong iparating sa huling sinabi nito. Nakakapanibago kasi sa kaniyang pandinig. Naglakad na siya palabas dala ang tanong sa isipan at habang naglalakad pabalik sa sentro ay hindi niya pa rin makuha ang mensahe sa mga salita ng ina-inahan. Mula naman sa laot ay manghang-mangha ang mga sakay ng barko. Naroon silang lahat nakatingin sa isang direksyon habang pinapanood ang paglaho ng baluti. Gaya ng nasa talaan at kung paano nakasulat. Parang isang bulaklak na namumukadkad sa gitna ng karagatan. "Ito ang isla sa alamat hindi ba?" tanong ng isang tauhan ni Nicholas sa mga kasamahan. "O-oo, ito nga iyon!" bulalas ng isa na gaya ng iba ay halos malaglag ang panga sa labis na gulat. "Hindi ako makapaniwala na masasaksihan ko ang paglitaw ng misteryosong isla na kwento lang na naririnig ko sa mga matatanda noon," anang isa pa na kumikinang ang mga mata kasabay ng pagkinang ng mga butuin sa kalangitang kanila ring tanaw. Bilog ang buwan at napakaraming mga butuin kahit kakatago pa lamang ng araw. Ang mga sakay ay roon lang oras ba iyon napagtanto na iyon pala ang dahilan ng kanilang paglalayag. Bagay na hindi agad isiniwalat sa kanila ng kanilang among si Nicholas nang sabihan sila na kailangan niya ng tao para sumama sa paglalayag at bibigyan niya ng malaking halaga bilang kabayaran sa kanilang pagpayag. Ngunit ngayon, islang isang kwento't alamat ay nasa kanila mismong harap. Abot-kamay na nila. Ang mga kayamanan ay naroon lang nagkalat. Walang paglagyan ang kasiyahan ng bawat isa at nang sabihin ni Rekker na maghanda na ang lahat ay roon lamang sila nagsikilos na kasing bilis ng kidlat. Maging si Rekked ay hindi makapaniwala sa nakikita. Masayang-masaya at parang nakikita na rin niya ang maaaring mangyari sa kanilang pagbalik na dala na ang mga kayamanang naroon. Sinusuban na niyang hulaan ang reaksyon ng mga tao kapag nalaman ang sangkatutak na kayamanan na kanilang bitbit lalo na ang kaniyang ama kapag nalaman nitong nahanap niyang muli ang isla na natagpuan nito noon at nagawa niyang mag-uwi ng higit sa mga nakuha ng grupo niya noon. "Maghanda na sa pagbaba!" sigaw ni Rekker. Binaba na nila ang maliit na bangkang nasa gilid lang ng malaking barko. Iyon ang sinakyan nila papunta sa pampang dahil hindi na maaring makalapit pa ang barkong kanilang sinasakyan. Maingat silang bumaba. Pasilip-silip at nakikiramdam. Hindi nila nakita ang nilalang na nagtatago sa tubig. Umalis na rin naman ito upang sabihan ang mga kauri niya at nang tumapak sa buhangin ang mga di inaasahang mga bisita ay naramdaman sila ng nilalang na nasa ilalim ng lupa. Nagtatakang napatigil sa pagpapadede ng kaniyang anak ang dagang-dagat. Umuwi lamang siya upang magpadede ng kaniyang dalawang anak. Maliliit pa ang mga ito kaya hindi niya muna inilalabas at hindi inaasahan na sa kaniyang pag-uwi pala'y may madidiskubreng katakot-takot. Nayakap niya ang dalawang anak niya. Gusto niyang lumabas at sabihan ang iba ngunit hindi niya kayang iwan ang dalawa niyang anak. Hindi naman niya mabibitbit ang dalawa dahil mabibigat pareho at maliliit lamang ang kaniyang mga braso. Ang ginawa na lamang niya ay inilipat ang kaniyang mga anak sa mas malalim na parte. Sa lugar na hindi siya maaring maabot ng mga bala o kaya ay mga pampasabog. Samantala, habang nakikipag-usap si Merrick sa matandang pawikan ay may kakaiba siyang naramdaman. Awtomatikong gumalaw ang kaniyang magkabilang tainga nang may marinig siyang di pamilyar na ingay. "Sandali po Apo," wika niya sa pawikan upang huminto muna ito sa pagsasalita. Tumahimik naman ito agad at hinayaan si Merrick na pakinggan ang paligid. Pilit niyang hinanap ang ingay na iyon gamit ang matalas niyang pandinig. Alon, mga paniki, panggabing ibon, kulisap at mga boses- Napatayo siya mula sa pagkakaupo nang mapakinggan maigi ang mga boses at kalansing ng mga bagay. Dali-dali siyang kumilos upang tignan kung ano at sino ang mga lapastangan na basta-basta na lamang pumasok sa kanilang tahanan. “Dito lang kayo, h’wag kayong aalis!” malinaw niyang bilin sa mga duwendeng naghahanda ng kanilang makakain at ang iba pang mga nilalang na naroon din. Mabilis siyang nakapagpalit ng kaniyang ano. Pinagaspas ang isang pares ng malalaki niyang pakpak at lumipad paitaas. Siniyasat ang nasa paligid mula sa himpapawid at hinanap ang mga boses kaninang narinig. Isang barko ang natanaw niya at nakita ang maraming paggalaw sa pampang doon lang din malapit. “Sino ang mga ito?” tanong niya sa kaniyang sarili at umusbong ang galit sa kaniyang dibdib. Bahagya siyang lumipad pababa at nagtago sa makapal na ulap. Pinag-aralan kung anong mga nilalang ang dumating at base sa kaniyang nalalaman ay ang mga iyon ay tao. May mga paa, braso at buhok sa tuktok gaya ng nasa kwento at sa katangian na kaniyang nagagaya. Ang mga dumating ay may kakaibang suot na mga damit. Kasuotan na sa unang pagkakataon niya pa lamang nakikita at kahit sa kwento ay hindi din nila nailarawan sa kan'ya. Iyon ang unang pagkakataong nakakita siya ng tunay na tao na nasa kwento lamang ng kaniyang ina at ng kaniyang mga kaibigang nilalang sa isla. Tao ang pumatay sa kaniyang mga magulang at ang sumira ng kanilang tirahan noon. May dala silang bagay na hindi niya alam kung ano ang tawag. May bitbit ang iba na sako na kanilang paglalagyan ng mga makukuhang yaman at may isang tao silang kasama na hindi gusto ni Merrick ang hatid nitong awra. May naisip si Merrick na plano. Lumipad siya pababa at nagtago. Tiniyak niyang di maririnig ang pagaspas ng kaniyang mga pakpak. Sa malayo siya bumaba para makatiyak na hindi nila siya mapapansin at sa pagtapak ng mga paa sa lupa ay mabilis siyang nagpalit ng anyo. Naglakad siya papunta sa pampang kung saan niya sila nakita. Balak niyang magkunwari na tunay siyang tao at naligaw lamang doon sa isla, nakulong doon nang mahabang panahon at nangangailangan ng tulong. Hindi na masama para sa isang plano.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD