Sa pagpasok ni Sage sa kubo ay naiwan sa isip niya ang mga sinabi ni Merrick. Hindi niya alam ang isasagot kaya mas pinili niyang manahimik na lamang habang pinakikinggan ang mga sinasabi nito habang naglalakad sila. May punto naman kasi ito. Sila ang sumugod at sila ang nagpaputok ng kanyon upang patamaan ang baluti ng isla. Sila ang nag-umpisa ng gulo at lumaban lamang ang dragon upang protektahan ang kaniyang tahanan at ang mga nakatira rito. Pumuslit siya sa barko ng kaniyang ama at hindi alam na ganoon ang kanilang plano at kahit ipinagtaka niya na noon pa kung para saan ang mga napakaraming mga armas na isinasakay sa bawat barko noong naghahanda pa lamang sa gagawing paglalayag. Hindi naman na niya nagawang usisain sa kaniyang ama iyon. Sa narinig niya ay para lamang sa proteksyo