Chapter 1

1560 Words
NARRATOR Isang pangkaraniwang araw para sa maliit na isla ng Stardew. Normal na sa kanila ang dayuhin ng iba't-ibang antas ng mga tao sa lipunan at kahit pa mga kriminal ito. Ang kanilang isla kasi'y daanan ng mga naglalakihang mga barko maging ang maliliit na mga bangka ng mangingisda. Doon din madalas dumadaong sa isla ang mga manlalayag upang magpahinga, uminom ng alak o di kaya'y magligalig mula sa ilang araw na nakakapagod na paglalayag. Sikat ang isang maliit lamang na taberna na hindi nagsasara sa kanilang mga parokyano. Sa umaga'y isang pangkaraniwang tindahan lamang iyon ng alak at sa pagsapit ng dilim ay isang bahay aliwan para sa mga kalalakihan. Sa tagal na pagseserbisyo ng taberna sa mga tao'y iyon lamang ang araw na nagawi sa lugar nila ang mahirap hagilapin na barko ng piratang si Skull Von Heather. Ang piratang kinakatakutan ng lahat at pinaghahanap ng batas sa patong-patong nitong mga kaso ng pagpatay at pagnanakaw. Hindi siya mahagilap pagkat hindi naman ito nananatili sa isang lugar. Ang piratang nalibot na yata ang buong mundo at ang malawak na karagatan ang nagsisilbi nitong tahanan. Kilala siya bilang walang awa at walang sinasantong pagnakawan at banggain. Kahit pa mga palasyo pa iyan ng kilalang hari ng isang bayan. Kasalukuyan silang nagkakasiyahan sa taberna at nagdiriwang. Sa dami nila'y halos maukupa na nila ang buong taberna at walang naglalakas-loob na iba na makipagsiksikan pa sa kanila dahil sa takot, ngunit isang lalaking wala sa katinuan ang pumasok mismo sa loob nang malamang may mga pirata sa loob. Natiyempuhan niya pang unang lapitan si Skull na pinuno nila. "Gusto mo bang magkaroon ng napakaraming kayaman pirata?" tanong ng gusgusing matanda na may galak sa mga mata. Amoy ni Skull ang mabaho nitong hininga sa lapit nito sa kan'yanf mukha. Nanlilimahid sa karumihan ang suot nitong damit at ang buhok na mahaba na kulay puti'y naglalagkit na. Hindi na rin makita ang kabuuan ng mukha nito sa haba ng bigote't balbas idagdag pa ang mga hibla ng kaniyang mahabang buhok na tumatabig sa mukha. Natanaw siya ng may-ari ng taberna at siya'y tinaboy. "Hoy tanda! Umalis ka nga rito! Doon ka sa malayo, ang baho mo!" galit na galit niyang sabi. Isang matabang babae na halos wala ng leeg at hirap sa pagkilos dahil sa mabigat at malaki nitong katawan. Siya ang isa sa kasalukuyang nagsisilbi sa mga pirata nang mga oras na iyon kaya siya naroon. Binato niya ng takip ng bote ng alak ang baliw na matanda upang umalis ngunit hindi ito tinamaan. Inasar siya ng matanda na duling dahil doon kaya dumampot siya ulit ng isa pang bagay at ang nakuha niya'y kahoy na kutsara. Binato niya iyon at sa pagkakataong iyon ay tumama na sa noo ng kaawa-awang matanda, dahilan para yumuko na lamang ito't mapaatras habang hawak ang noong tinamaan. Akmang aalis na sana ito ngunit pinigilan siya ni Skull. "Halika rito! H'wag ka munang umalis. Mag-usap tayo," matapang na tawag niyo rito. Awtomatikong napataas ang kilay ng matabang babae sa ginawa ng pirata sa mismong harapan niya lalo na nang makita niyang abutan pa ni Skull ng alak ang matandang wala sa katinuan at nagawa pang paupuin sa kan'yang tabi kahit masakit sa ilong ang amoy nito at nakakadiri ang itsura. "Naku! H'wag kang maniniwala r'yan sa baliw na 'yan. Hindi totoo ang islang iyon. Noon pa sana e may nakakita na. Sa tagal na naglalayag ng asawa ko e hindi naman niya nakita ang sinasabi mo! Sinungaling ka!" di matiis na sigaw ng may-ari ng taberna dahil alam niyang iyon ang sasabihin ng pirata na lugar sa mga naroon gaya ng madalas nitong gawin at paulit-ulit na sinasabi. Binigyan ni Skull ng masamang tingin ang matabang babae. Umalis ito nang matakot sa paraan ng kaniyang pagtitig. Nang tuluyang nang makaalis ang maingay na babae ay saka hinayaan ng pirata na magkuwento ang matanda sa kaniya. Ayon sa kan'ya, isa siyang mangingisda noon. Pumalaot siya kahit alam niyang may bagyo dahil naririndi siya sa bunganga ng kan'yang asawa na kinukulit siyang bigyan ng pera kahit wala siya ni singkong duling. Hinampas di umano ng napakalaking alon ang maliit niyang bangka dahilan upang tumaob ito. Akala niya raw ay kamatayan na niya dahil mabilis siyang lumulubog sa tubig at hindi makayanan pang makalangoy at makaahon. Bago raw siya nawalan ng malay ay may naramdaman siyang humila ng kaniyang binti papunta sa kung saan. Malakas ang pakiramdam niyang isa iyong sirena at hindi lang isang malaking isda dahil ang mga sabi-sabi sa kanilang lugar ay maraming mga sirena silang namamataan sa laot at nakikipagkarera pa sa mga sasakyang pandagat. Nawalan na siya ng malay at kan'yang muling pagmulat ay nasa ibabaw na siya ng isang piraso ng tabla at mabilis na hinihila ng hindi niya mawari kung anong klaseng nilalang. Nakakita siya ng kakaibang isla sa gitna ng laot. Ang direksyon na kaniyang pinanggalingan ay doon mismo at mabilis siya palayo. Napakaliwanag nito sa kaniyang mga mata at natanaw niya nang malinaw ang mga ginintuang mga bagay na nakakalat lamang sa may pampang. Sa paglitaw raw ng araw ay naglaho na rin ang isla sa kaniyang paningin at iyon din ang araw na nag-umpisa ang mga taong tawagin siyang isang baliw. Habang pinakikinggan ang kuwento ng matandang sinasabi nilang nawala sa katinuan ay napapangisi naman ang pinuno ng mga pirata. Alam niyang alamat at marami na rin siyang nariinig na mga sabi-sabi patungkol sa isla ngunit batid ng mga taong iyon na isa lamang itong kuwento at hindi totoo, ngunit ang masaksihan mismo ng taong kaharap niya ng mga oras na iyon ay bago sa kaniyang pandinig. Ramdam niyang may katotohanan ang kaniyang mga sinasabi kaya naman kinuha niya ang lahat ng impormasyon na maari niyang mahita sa matanda. Sa pagsikat ng araw kinabukasan ay umalis na ang barko ng mga pirata upang hanapin ang islang iyon. Isa rin siya sa mga hibang na mahilig sa alamat, ngunit ang islang iyon ay pinaniniwalaan niyang naglalaho at hindi gaya ng iba na lumilitaw lamang kapag bumababaw ang tubig sa dagat. Iyon nga lang, walang kahit anong bruhula o mapa ang kayang ituro ang eksaktong lugar kung saan ito matatagpuan, at walang nakakaalam ng eksaktong araw at panahon kung kailan ito muling lalantad. Isinama ni Skull ang matanda sa kan'yang barko upang gawing gabay. Tiyak siyang ito ang susi upang matunton nila ang isla nang mas madali, ngunit lumipas ang mga linggo, buwan at mga taon, walang misteryosong isla ang nagpakita sa kanila. Gayunpaman, hindi pa rin tumigil ang grupo ng Skull sa pagbabantay sa parte ng karagatan kung saan tinuturo ng hibang na matanda. Nakatitiyak raw siya dahil hindi kailanman mawawala sa isip niya kung saan niya iyon nakita. Iyon at iyon raw ang direksyon kung saan siya galing noon, na sa mahabang panahon ay kaniyang laging tinatanaw sa pagdaan ng panahon. Ang mga tauhan ni Skull ay nawawalan na ng pag-asa at marami sa kanila'y aminadong napipilitan lang sumunod sa kanilang lider sa takot na mamatay. Nagkukulang na sila sa pagkain, bilad ng matagal sa init ng araw, uhaw at nagugutom pa. Ubos na rin ng mga kayamanang nanakaw nila. Wala silang kaalam-alam na ang islang kanilang inaabangan ay isang beses sa isang dekada lamang nagpapakita. Nababalot ng isang mahiwagang baluti na nilikha ng diwatang si Helena. Ang isang beses sa isang dekadang iyon ay ang sa araw kung kailan ipinagdiriwang ang kaarawan niya. Panahon kung kailan ito nagpapahinga ng buong magdamag magmula sa paglubog ng araw at sa muli nitong paglitaw sa umaga. Tama kayo ng basa, isang beses isang dekada. Nadadagdagan lamang ng isa ang kan'yang edad tuwing dadaan ang sampung taon, ngunit kung bibilangan at susundin kung paano binibilang ng mga tao ang kanila mga edad ay ang katumbas ng libu-libong taon ang kaniya at ang kaarawan niyang nalalapit na. Dumaan pa ang mga araw at nagbunga na ang mahabang paghihintay. Kitang-kita mismo ni Skull at ng lahat ng sakay ng kaniyang barko ang animo'y isang napakalaking bulaklak na namumukadkad sa gitna ng dagat. Sa tuluyang pagbukadkad nito ay siya ring pagkawala ng baluti at tumambad sa kanila ang kaparehong imahe na sinalaysay ng matanda sa kaniyang kuwentong paulit-ulit. "Sino ngayon ang mga tunay na hibang? Kayo na hindi naniwawalang mga nilalang!" sigaw ng natanda na sinundan ng halakhak. Galak na galak sa tanawing nasa kanilang harap at wala na silang sinayang pang oras. Kulang na lang ay talunin na nila ang tubig at kanila na lamang languyin. Hindi na makapaghintay mahawakan ang mga ginto at mga kasangkapang mamahalin. Dali-dali niyang inutos na ilapit ang barko. Binaba nila ang maliliit nilang bangka at doon sumakay upang puntahan ang isla. Kan'ya-kan'yang mga sako ang bitbit ng lahat upang paglagyan ng mga kayamanang kanilang malilimas at pagdaong ay nagmasid muna sila sa paligid dahil sa kuwento, may mga nilalang na naninirahan doon na maaring atakihin na lamang sila anumang oras. Naghintay silang lahat ng ilang sandali bago sinimulan ang pagkuha ng mga gintong nagkalat lamang sa dalampasigan nang masigurong tahimik at walang nasa paligid ay saka sila kumilos. Hindi magkandaugaga ang mga ito sa pagpulot ng mga bagay na alam nilang may katumbas na malaking halaga ang bawat isa. Wala silang kaalam-alam na may mga nilalang na nagtatago sa ilalim ng buhangin at inaalam kung ilan sila sa pamamagitan pagbilang ng mga pares ng kanilang mga paa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD